Share

Part 7 - Dasal

Napahawak si Minggay sa pader paglabas niya ng bahay. Nagulat siya sa inasal ng pari. Nanginginig ang laman niya sa hiya at galit. Bakit ganoon na lang ang naging reaksyon sa kanya ni Father Eman? Hindi naman niya sinasadya na mabunggo ito. Para kasi kay Minggay, ang mga pari ang dapat na maging ehemplo ng kahinahunan at kabutihang asal. Malayong-malayo si Father Eman kay Father Tonyo na siyang kabaliktaran nito. Napabuntong-hininga na lang tuloy si Minggay at tinungo si Mary Beth at Lila sa simbahan gaya ng iniutos sa kanya.

"Oh, bakit ka nandito?" Tanong sa kanya ni Mary Beth na abalang nagtitistis sa mga tunaw na kandila sa altar.

"Eh, si Father Eman kasi. Nagalit sa akin," nahihiyang sagot ni Minggay. Kinuha niya ang isang basahan na  nakalagay sa balde at nagsimulang punasan isa-isa ang mga santo.

"Bakit naman? Nagkita na pala kayo?"

"Oo, nakilala ko na rin siya. Hindi kaagad maganda una naming pagkikita. Nabunggo ko kasi siya pero 'di ko naman sadya 'yun. Ilang beses na nga akong nag-sorry." Hindi maintindihan ni Minggay kung matatawa ba siya o maiinis sa nangyari. Dati rati naman kasi wala siyang pakialam kung may magalit sa kanya dahil wala rin naman siyang pakialam sa buhay ng iba. Gawin nila ang gusto nila at gagawin niya ang gusto niya. Ang mahalaga lang sa kanya ang maka-diskarte sa pang araw-araw ng kanyang pamilya. Pero dito, kailangan niyang makisama at ayaw niyang makasagasa lalo na't nagugustuhan na niya ang buhay sa loob ng simbahan. Mahirap ang magkaroon ng hindi mo kasundo.

Lumapit sa kanila si Lila na nakikinig pala sa kanilang usapan. "Ah, hayaan mo na 'yun si Father Eman. Ganoon din naman sa amin 'yun ni ate Mary Beth. Noong unang dating ko dito lagi rin niya akong pinapagalitan. Kaya nga hindi na ako masyado lumalapit sa kanya. Siguro gano'n lang talaga siya."

"Hay naku, hindi na bago sa amin 'yan. Masungit talaga siya, 'di katulad ni Father Tonyo na pogi na, mabait pa," natatawang dagdag ni Mary Beth. Nagtawanan silang tatlo. Saka lang sila tumigil noong bigyan sila ng mga kakatwang tingin ng mga parokyanong nagsisipagdatingan na para magsimba.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-

"Balita ko nagkita na raw kayo ni Father Eman kanina." Naghihiwa ng manok si Nana Conrada na hapunan nila sa kusina. Napansin nitong kanina pa walang imik si Minggay sa lamesa na para bang nagbibilang lang ito ng mga dahon ng malunggay na nakalagay sa mangkok.

"Opo, Nana kaso nakagalitan kaagad ako." Hanggang ngayon hindi pa rin maalis sa isip ni Minggay ang engkwentrong iyon.

"Alam mo intindihin mo na lang. Marami lang sigurong iniisip. Isa pa, pari iyon at mas nakatatanda sa'yo kaya kailangan mong igalang," mahinahong pangaral ng kasambahay. Ibinuhos na niya ang malunggay sa kaldero.

"Noon po bang bago pa lang kayo rito, ganyan na po ba siya? Kasi po sabi sa akin ni Mary Beth at Lila masungit na talaga si Father Eman sa kanila kahit noon pa."

Tinakpan ni Nana Conrada ang kaldero at tumabi ito sa kanya. Hininaan nito ang boses. "Nandito na ako dati pa. Ako ang mas nauna sa kanya dito sa Casa Del Los Benditos. Pero ha, 'wag mong ipagkakalat kahit kanino. Atin-atin lang. 'Yan kasing si Father Eman may dinadalang sakit sa puso."

Nanlaki mga mata ni Minggay. "Sakit? Mamamatay na po ba siya?"

"Naku pong bata ka," natapik ni Nana Conrada si Minggay sa braso. "Hindi gano'n ang ibig kong sabihin. Ang ibig kong sabihin may dinadala siyang sakit ng kalooban."

Napakunot ng noo si Minggay.

"Alam mo kasi may nakapagsabi sa akin na 'yang si Father Eman ay may asawa't anak dati bago siya naging pari. Bata lang daw 'yan noong mag-asawa siya," luminga-linga si Nana Conrada para masigurong walang nakikinig sa kanila. "Tapos, isang gabi, nilooban ng mga magnanakaw ang bahay nila. Nanlaban 'yung misis niya sa magnanakaw kaya nabaril siya, damay pati anak nila. Wala si Father Eman noong mga sandaling iyon sa bahay nila. Hanggang ngayon 'di pa rin nahuhuli ang mga suspek. Sa sama ng loob siguro, ayun, nag-pari na lang at iginugol ang sarili sa pagdarasal at paglilingkod sa Diyos. Kaya ikaw ineng, ikaw na magpakumbaba kung sakaling pagalitan ka niya, ha. Pagpasensyahan mo palagi. Oh sige na at maglilinis pa ako dito. Pumasok ka na sa kuwarto mo't tatawagin ko na lang kayo kapag ako'y maghahain na."

Nakaramdam ng awa si Minggay sa narinig na kuwento tungkol kay Father Eman. Alam niya rin kasi kahit papaano ang pakiramdam ng mawalan. Masuwerte pa nga ang pari dahil nakasama niya pa kahit sa maiksing panahon ang asawa't anak niya samantalang siya ni hindi niya man lang maalala mukha ng mga magulang niya. Parang nilamon na rin ng dagat lahat ng alaala ni Minggay sa kanila.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-

Sumapit ang alas-siyete ng gabi at tinawag na sila isa-isa ni Nana Conrada para mag-hapunan. Maaliwalas ang mukha ng lahat sa hapag kainan maliban na lang kay Father Eman. Masasarap na ulam at umuusok na kanin ang nakalatag sa kanilang harapan, pero parang balewala lang iyon sa pari. Ito ang unang beses na sinamahan sila ni Father Eman kumain simula noong dumating si Minggay sa Casa Del Los Benditos.

"Lila, pangunahan mo ang dasal natin bago kumain," biglang nagsalita si Father Eman. "Sa ngalan ng ama, ng anak, ng espiritu santo..."

"Amen," si Lila na ang nagtuloy. Napaupo ito nang diretso. "Dios es grande. Dios es bueno. Y por eso todos los dí... di...as. ummmmm.. Le agra... agra... de.. dios?" Nakalimutan ni Lila ang susunod na salita.

"Agradecemos..." udyok sa kanya ni Father Tonyo. Napangiti si Lila sa tulong.

"Agradecemos por nuestra comida. Su...su... mano nos ...ano nga ulit kasunod nu'n?" Napakamot ulo si Lila.

Sasaklolohan sana ulit siya ni Father Tonyo, pero sumabat bigla si Father Eman. "Dalawang buwan ka na dito, 'di ba? Hanggang ngayon hindi mo pa rin makabisado ang dasal. Mahina ba kokote mo o matigas lang ang bungo mo?"

"Father Eman!" Awat ni Father Tonyo. "Mga bata lang 'yan. Kaunting hinahon."

"Mabuti na habang bata pa natuturuan na ng disiplina. Kung ang simpleng pagkabisa ng dasal hindi nila magawa, pa'no sila mabubuhay sa labas? Hindi ba tama ako, Lila?"

Mangiyak-ngiyak na si Lila, pero tumango lang ito. "Sorry po, Father. Hindi po kasi ako marunong ng Kastila."

"Kastila man 'yan, English, Tagalog, Bisaya o Japanese kailangan mong pag-aralang matutunan kung ano ang itinuturo sa'yo," may pagtitimpi sa boses ng pari. Parang gusto niyang sigawan si Lila pero pinigilan niya ang sarili sa huli dahil nasa harap nila si Father Tonyo.

"Mauna na ako. Nawalan na ako ng ganang kumain." Tumayo si Father Eman at umakyat na ito sa kanyang kuwarto. Nang marinig na nila na nagsara ito ng pinto, sumunod na umalis naman si Lila at umiiyak itong tumakbo para magkulong sa kanyang silid. Ni hindi man lang ito nakahigop ng sabaw. Paborito pa naman niya ang tinolang niluto ni Nana Conrada.

"Okay lang 'yan. Pagpasensyahan niyo na si Father Eman. Hayaan niyo't hahatiran ko na lang din ng pagkain si Lila mamaya. Tara, kain na tayo." Iniabot ni Father Tonyo ang malaking bowl ng kanin kay Mary Beth para makakuha ito at ipinasa naman ni Mary Beth ang bowl kay Minggay. Nagkanya-kanya na sila ng kuha ng ulam pagkatapos at pinalipas na nila ang hapunan nang hindi nag-uusap.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status