Share

Chapter 13

Ang pormal niyang itim na longsleeves polo na tinupi hanggang siko at slacks ay nagsasabing galing siya sa trabaho. Hindi ko alam kung paano ko pa nagawang maglakad sa kabila ng panghihina ng mga tuhod ko. 

Hindi siya gumalaw sa kaniyang pwesto. Patuloy lamang niya akong pinapanood mula sakaniyang mapanuring mga mata. 

Umayos siya ng tayo mula sa pagkakasandal at inilabas ang kamay mula sa bulsa nang tuluyan na akong nakalapit. Hindi niya pinutol ang tingin sa akin. 

Halos mag-iisang buwan na rin mula noong huli ko siyang nakita. Napansin ko na numipis ang kaniyang buhok. Napadaan ulit siya? Ngunit bakit parang kanina pa siya narito at may hinihintay? 

Nagkabuhol-buhol na ang mga nasa utak ko. Hindi ko alam kung magpapatuloy ba ako sa paglalakad o bumati sakaniya kahit sandali lang. 

Nag-iwas ako ng tingin at pinilit na kontrolin ang sarili. Kinagat ko ang labi ko nang tuluyan ko na siyang nalampasan. Hindi ko alam. Hindi ko alam kung bakit ang bigat sa dibdib. Kinukurot ang puso ko. Parang may kung anong humahatak sa akin pabalik sakaniya.

Hindi mo man lang binati, Marwa! Ni hindi mo man lang nginitian! Bakit ba iba ang gusto ng puso kong mangyari? Kulang na lang ay pumihit ako pabalik at ialay ang sarili ko sakaniya. Bahala siya kung saan man niya ako dalhin. Kahit saan man kami magpunta. Ayaw ko talaga ng ganito. Pakiramdam ko mali. Pakiramdam ko ilegal ang mapalapit sakaniya. 

Hindi na ako lumingon pa. Ewan ko ba sa sarili ko at kung bakit umaasa akong lalapitan niya ako at kakausapin. Hindi nangyari iyon. Hanggang sa tuluyan na akong makalayo ay walang tumawag sa akin. Bakit ba ako umaasa na nariyan siya dahil sa akin? Malamang ay hindi! Ang puso ko lang ang gustong maniwala sa ganoon. Hindi ako. Hindi ako mismo. 

Pumikit ako nang mariin at hinayaan ang sariling magpatuloy sa mabibigat na hakbang. May ilang mga menor de edad ang nakaupo sa gilid ng kalsada, tila ba mga nagpapalipas ng oras doon. Narinig ko ang isa sa kanila nang dumaan ako sakanilang harapan.

"Naroon na naman siya, Hazel. Ano kayang ginagawa niya roon?" 

"Malamang may hinihintay iyan! Gwapo niya talaga! Tangina... mukhang mabango..."

Kumunot ang noo ko nang may natanto sa kanilang pinag-uusapan. Tutok ang mga mata nila sa kung saan ko nadaanan si Hayes. Hindi ko na 'yon nilingon pa.

Nagkunwari akong abala sa aking cellphone at huminto sa hindi kalayuan sa kanila. Sapat lang upang marinig ang kung anuman ang kanilang mga sinasabi. 

"May hinihintay? Ilang araw na nating nakikita iyan d'yan. Pangatlong araw na 'to. Halos dalawang oras naghihintay tapos aalis na lang bigla." 

"Lapitan kaya natin?" Humagikgik ang isa sa kanila. 

Mas lalong nagsalubong ang kilay ko. Binalewala ko na lamang sila at nagpatuloy na sa paglalakad.

May isang batang patakbo-takbo at biglang nadapa dahilan ng pag-iyak nito. Mabilis ko siyang dinaluhan at tinulungan sa pagtayo. Iyak siya nang iyak. Ang ice cream niya ay natapon at namantsahan ang kaniyang damit.

"Wala ka naman sugat, oh. Okay lang 'yan. Strong ka, hindi ba?" Pag-aalu ko. Pinunasan ko ang luha niya gamit ang aking panyo. Tumigil siya sa paghikbi ngunit nanginginig pa rin ang mga labi nang tinignan ako.

"Opo! Strong ako. Tulad ng idol ko sa TV. Magiging pulis din ako tulad niya." Ngumiti ako sa pinakita niyang katapangan. Kanina lang ay todo ang pag-iyak niya.

"Kukuha tayo ng ice cream ulit, ha? Natapon iyong sa'yo, e."

Tumango lang siya habang nagpupunas ng mukha gamit ang kwelyo ng kaniyang damit.

Patapos na ang feeding program. Naghihintay na lang kami na maubos ang mga bata. 

Nagpunta kami sa cart ng ice cream. Kitang-kita kong namilog ang mga mata ng lalaking nagbabantay doon nang malingunan kaming papalapit.

"Isang ice cream, Kuya. Natapon niya iyong kaniya, e." Ngumiti ako.

Hindi naman ito ganoon katanda. Siguro ay matanda lang ito ng isa o dalawang taon sa akin. Matangkad at payat ang pangangatawan. Nagkamot siya ng kaniyang batok at kahit kayumanggi siya ay halata pa rin ang pamumula ng mukha niya.

Ngumuso ako.

"K-Kayo, Miss? Ayaw niyo ba ng ice cream ko?" Aniya, halos hindi makatingin sa akin.

"Hindi. Ayos lang ako." Ngiti ko.

Para bang hirap na hirap siyang harapin ako.

"Hindi ka naman tataba sa dalawang  scoop, Miss. Masarap ito," aniya habang kumukuha ng apa.

Hindi ko inasahan na iyon ang iniisip niya sa pagtanggi ko. Kaya para hindi na sumakit ang loob niya ay pumayag na lang ako kahit pa na ayaw ko naman talaga ng ice cream. 

Tatlong flavor ang naroon. Tsokolate, cookies and cream at ube. 

"Sige na nga. Sabi mo, e." Tumawa ako.

Nang maiabot niya na ang ice cream ay nahihiya siyang ngumiti.

"Ang ganda-ganda niyo, Miss." aniya at nag-iwas ng tingin.

Ngumiti ako, natuwa sakaniyang papuri. 

Inabot ko sa bata ang ice cream. Tumakbo agad ito at umupo sa mesa ng mga kasama. 

Nakikipagkwentuhan si Sania sa ilang mga kasambahay habang nagliligpit kami. Naghahari na ang kadiliman sa paligid. Nakadungaw sa amin ang buwan mula sa kalangitan na tila minamasdan kami sa ginagawa. 

"Iyong anak ko, ayon! Nabuntis! Tinakbuhan niyong lalaki. Kaya hindi talaga maganda ang pakikipagrelasyon sa mga kabataan," himutok ng isang kasambahay. 

"Kasalanan din po iyon ng anak ninyo, Aling Luna. Dapat alam niya sa sarili niya ang posibleng consequence sa mga ginagawa niya."

Nagtawanan sina Brix at Royd. Inaasar nila si Sania sa binanggit nitong consequence. Binibiro nila ito kung ano raw ba ang spelling ng salitang iyon.

Tumawa ako at umiling.

"Nakakalungkot isipin na may mga ganoong lalaki. Tinatakbuhan ang mga responsibilidad. Mga walang balls!" si Sania.

"Dapat kung sex lang, sex lang! Kahit ilang beses pa silang mag-sex, basta ba may proteksyon!" Opinyon ni Trixi na sinang-ayunan nila.

"Pero dapat, alam ninyo ang kahalagahan ng pinaka-iingatan niyo, kayong mga babae. Kasal muna bago ang lahat," ani Aling Luna. Lumipad ang tingin nito sa akin. 

"Ikaw, Marwa? May boyfriend ka ba? Naku! Sa ganda mong bata. Huwag kang papaloko sa mga lalaki," aniya at umiling. 

Ngumiti ako. "Wala po akong boyfriend. Tsaka wala pa iyan sa isip ko, Aling Luna." 

Tumango-tango siya. "Dapat lang! Mabuti naman kung ganoon." 

"Weh? E, ano pala si Neal?" Kitang-kita ang nakakalokong ngiti ni Julia. 

"Bestfriend ko." Ngumuso ako. 

"Huwag mong hahayaang maloko ka ng mga lalaki, hija. Tiyak na marami walang hiya riyan sa tabi." 

"Dapat ikaw iyong nagloloko, Marwa!" Humalakhak si Trixi. 

"Unfair naman niyon! Porket maganda, may karapatan nang manakit?" May bahid ng hindi pagsang-ayon ang tono ni Brix. 

"Oo! Kaming magaganda lang ang pwedeng manakit. Kayong mga panget, matuto kayong lumugar." Umirap si Sania. 

"Lumugar ka rin, Sania. Kotongan kita riyan, e!" tumawa si Royd. 

Natahimik lamang kami nang mamataan si Mrs. Georgia Verulendez. Hindi ko nasilayan si Donya Herenia. Dinig ko ay nasa ibang bansa ito. With her longsleeves yellow summer dress, Mrs. Georgia looked beautiful despite of her age. Her hair falls perfectly on her back. Paano napre-preserba ang ganoong klaseng kagandahan? 

"Bago kayo umuwi, kumain muna kayo. Pinahanda ko ang mesa sa loob para sainyo." She smiled gently at us.

"Ah, sige po. Salamat po, Ma'am Georgia," si Julia ang sumagot. 

Nakakahiya nga naman tumanggi. Siya pa mismo ang nagpunta rito para yayain kaming kumain kahit pwede niya naman iyon iutos sa mga kasambahay. 

"Nagpa-bake ako ng mga cupcakes para sainyo. Mag-uwi kayo ng mga iyon, ah?" Natuon ang tingin niya sa akin. 

Ngumiti lamang ako at marahang tumango. 

Nang matapos ang lahat ng ginagawa ay halos pasalamatan iyon nina Brix at Royd dahil gutom na raw sila. Nasasabik yata sa mga posibleng masasarap na pagkain sa loob ng mansiyon. 

Pagpasok sa mansiyon ay hindi ko pa rin maiwasang mamangha tuwing nakikita ko ang disenyo nito. Tila ba walang mga alikabok o mga insekto sa tabi. 

May tatlong kasambahay ang naroon habang kumakain kami. Roast beef, mga lamang-dagat tulad ng malalaking hipon, alimango at salmon ang nasa mahabang mesa. 

"Kumain na po kayo. Sumabay na po kayo sa amin. Huwag niyo na po kaming pagsilbihan. Mga alipin lang po kami," ani Royd nang nagsalin ng juice ang isang kasambahay sakaniyang baso. 

"Sige na. Tapos na kami. Bilin ni Ma'am Georgia na huwag kayong pabayaan." 

Kahit kumakain ay hindi nauubusan ng mga biro sina Royd at Brix kaya naman hindi namin pagilan ang matawa sa kanila. Minsan ay natatawa rin ang mga nakakarinig na kasambahay. 

"Kami na riyan, ineng. Hindi mo na kailangan tumulong," pigil ng kasambahay sa akin. 

Kahit na. Hindi pa rin ako nagpapigil. Simpleng bagay lang naman ito. Hindi ako sumagot at nagtuloy sa pagpupulot ng mga plato. Si Trixi rin ay tumulong. Ang iba naming kasama ay lumabas. Hihithit muna raw ng sigarilyo gaya ng nakasanayan nila tuwing matatapos kumain. Kalaunan din ay sumunod sakanila si Trixi upang manigarilyo rin. 

Nang matapos ako ay umamba akong lalabas na ng dining room nang namataan ko ang pagpasok ni Hayes. Tila napigtas ang paghinga ko nang magtama ang mga tingin namin. Nakita ko ang pag-angat niya ng kilay. Isang puting t-shirt at sweatpants ang kaniyang suot. Nagtagal ang mga mata niya sa akin bago nag-iwas ng tingin. 

Ang isang kasambahay na naghuhugas ng plato ay nagtanong kung kakain na ba siya. Tanging "no" lang ang isinagot niya. 

Pinanood ko ang pagbukas niya sa fridge at kumuha ng isang bottled water. Nilingon niya akong muli pagkatapos uminom doon. I saw how his eyes danced with amusement. Tila ba natutuwa sa kung anuman. Nag-iwas ako ng tingin at tumalikod sakaniya. Determinado na akong aalis nang marinig siya. 

"You won't even talk to me? Or at least say hi?" Aniya sa tonong hindi ko maintindihan. 

Shit. Sana pala kanina pa ako lumabas nang hindi na kami nagkaharap pa. 

Pumikit ako nang mariin. Anong talk, Hayes? May dapat ba akong sabihin? Wala naman kaya bakit pa kita kakausapin? Pwede bang hayaan mo na lang akong payapang lumabas ng mansiyon ninyo. 

Ngunit wala rin akong nagawa kundi ang harapin siya. Baka kung ano pang isipin niya sa ginagawa kong pag-iwas.

Bakit nga ba ako umiiwas? 

"Uhm, mauuna na ako." Tinuro ko ang likuran. 

Tumagilid ang kaniyang ulo. Ngumuso siya at naglakad patungo sa counter. Nilapag niya roon ang bottled water at sumandal. Humalukipkip siya at malamig akong tinignan. Ngayon ay tutok na tutok na sa akin ang atensiyon niya. 

Pakiramdam ko ay tinatangay ang kaluluwa ko. Dinig na dinig ko ang malakas na kalabog ng puso ko. 

Nasulyapan ko ang nagtatanong na mga mata ng dalawang kasambahay sa loob ng dining area. Mabilis nilang inabala ang kanilang sarili nang mapansin ang tingin ko. 

Halos mapamura ako. Ano kayang iniisip ng mga ito? Palagay ko ay hindi maganda iyon kung nagkataon. 

"What are you thinking? You look bothered." Sa paraan ng titig niya ay pakiramdam ko binabasa niya ang mga mata ko. 

Hindi mo na kailangan pang malaman, Hayes. Hindi mo na dapat malaman pa. 

"Wala naman. Uhm, k-kailangan ko nang lumabas. Naghihintay ang mga kasama ko," marahan kong sagot at nag-iwas ng tingin. 

Kating-kati na ang mga paa kong maglakad palayo sakaniya. Kahit kailan talaga ay ganito ang epekto ng presensiya niya sa akin. At hindi ako natutuwa roon.

"Bakit ang tipid mong sumagot? Ayaw mo akong kausap?" 

Natigilan ako at ibinalik ang tingin sakaniya. Kitang-kita ko ang kaseryosohan sakaniyang mga mata. 

Lumunok ako. Hindi ko alam kung bakit ang laki ng epekto ng tanong na iyon sa akin. Tila ba siguradong-sigurado siya na tama ang kung anumang nasa isip niya. 

"H-Hindi sa ganoon." 

Anong hindi sa ganoon, Marwa? Hindi ko tuloy alam kung tama ba ang naging sagot ko! Ayaw ko na ng usapang ito!

"K-Kailangan ko nang lumabas, S-Sir. Naghihintay ang mga kasama ko," pag-uulit ko. 

Hindi na ako naghintay pa ng sasabihin niya. Agad akong tumulak palabas. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status