Share

Chapter 1

Darating din sa tamang panahon ang mga bagay na pinapangarap natin. Sipag, tiyaga at dedikasyon sa ginagawa ang ilan lamang sa mga mahahalagang sangkap upang maabot ang ating mga pangarap.

Kumurba ang matamis na ngiti sa aking labi habang pinagmamasdan ang kabuuan ng aking bagong gawang bahay. Ilang taon ko rin itong pinag-ipunan mula sa aking sahod na natatanggap buwan-buwan sa isang restaurant bilang waitress, dishwasher at janitor. All-around ang aking trabaho sa restaurant na iyon. Mahirap man, pero kinakaya para sa pangarap.

“Ash, ang ganda talaga ng bahay mo! Galing ng pagkagawa,” pasadang saad ni Louie na nakasakay sa kanyang bisikleta.  

Bago pa lamang ako rito at kalilipat ko lamang kahapon mula sa apartment na inuupahan ko. Si Louie pa lang ang kilala ko sa subdibisyong ito dahil magkaklase kami no'ng haiskul. Tumulong din siya sa sa paglilipat ng aking mga gamit kahapon.

“Kasingganda ko ba?” hirit ko kahit medyo nakalayo na siya sa akin. Napahagikhik na lamang ako dahil sa aking kayabangan.

“Oo, sobra!” sigaw niya pabalik at saka lumingon sa akin. 

Sa kaniyang kamalas-malasang pagkakataon, nagpagewang-gewang ang kaniyang bisikleta na naging dahilan para matumba siya. Hindi ko maiwasang hindi matawa sa kaniyang kapalpakan. 

“Ganoon ba talaga ako kaganda para mawalan ka ng balanse sa pagbibisikleta, Louie?” buyo ko sa kaniya.

Napakamot na lamang siya sa kaniyang batok at alanganing tumawa sa akin. Iwinagayway niya ang kaniyang kamay at saka sinimulang mag-pedal ng kaniyang bisikleta. 

Malapit nang lumubog ang araw.  Minabuti kong pumasok na sa loob ng bahay. Kailangan ko na rin munang magpahinga dahil buong maghapon akong nag-ayos ng aking mga gamit.

Umupo ako sa sofa at saka binuksan ang aking telebisyon. Nakatapat ito sa astronomy channel at kasalukuyang ipinapalabas ang ayos ng mga bituin ngayong gabi. Napangiwi na lamang ako at inilipat ito sa ibang istasyon.

Wala naman akong hilig sa mga ganiyang bagay. Sapat na sa aking malaman kong isang bituin ang araw. Maganda lang ako pero hindi ako ganoon katalino. Hahaha!

Dahil wala namang magandang panoorin, pinatay ko na lamang ito at tinungo ang kusina para magluto ng hapunan. Nagsaing muna ako ng kanin gamit ang rice cooker bago naghiwa ng karne. 

Mag-isa na lamang ako sa buhay ngayon at kahit kailan ay hindi ko nakilala ang aking mga tunay na magulang. Wala rin akong natatandaang mga alaala ko simula pagkabata. Basta't pagkagising ko na lamang isang araw, nasa loob na ako ng isang kumbento. Sa edad na labinlima, nagsimula na akong magbanat ng buto at natutong mamuhay nang mag-isa. Mahirap ang walang karamay sa buhay ngunit kinakaya ko naman.

Dahil hindi ako nakapokus sa aking ginagawa, aksidente kong nasugatan ang aking daliri. Dumugo ito agad at nalagyan ng patak ang sibuyas na hinihiwa ko. 

Hinugasan ko ang aking sugat sa lababo at tinalian ito nang malinis na tela. Labis na pagtataka ang bumalot sa akin nang makabalik ako sa mesa kung saan ako naghihiwa ng sibuyas. Nakakunot ang noong itinaas ang kalahating sibuyas mula sa chopping board at sinuri ito. Paanong nagkaroon ng mga dahon ito gayo'ng wala naman ito kanina? 

Tinubuan kasi bigla ng mga dahon ang sibuyas kahit pa nahiwa na ang kalahati nito. Inalog ko na lamang ang aking ulo at ipinagsawalang bahala ang pagtataka. Isinalang ko na ang kawali sa stove at pinainit ang mantika. Iginisa ko ang bawang at sibuyas bago inilagay ang karne ng baboy sa kawali. 

Nang maluto ang kanin, tinanggal ko na ang nakasaksak na rice cooker. Hinintay ko na lamang na lumambot ang karne para maka-paghapunan na ako.

Mabilis namang lumipas ang oras. Nakapaghugas na ako ng pinagkainan at oras na naman mamaya para matulog. May trabaho pa akong naghihintay bukas.

Napabuntong hininga na lamang ako nang hindi namamalayan. May bagong bahay nga ako ngunit wala namang kabuhay-buhay.

Kaya mo pa, self? Napangiti ako nang mapait. Kakayanin ko ito. Laban lang kahit malungkot ang buhay. Sanay na rin naman ako sa ganitong uri ng buhay.

Mabilis naman akong nakatulog, marahil ay dahil na rin sa pagod.

“Patawarin mo ako, aking anak. Patawarin mo ako dahil hindi na kita masasamahan sa iyong paglaki. Mabuhay ka para sa akin, para sa amin ng iyong ama. Ito na lamang ang aking magagawa para mailigtas ka.”

Nanaginip na naman ba ako? Ang pamilyar na babaeng paulit-ulit na nasa aking panaginip ay nakikita kong umiiyak habang karga-karga ang isang sanggol. 

“Divine Magic: Heaven's Love,” mahinang saad ng babae sa karga niyang bata at saka itinapat dito ang kaniyang umiilaw na palad.

Napahagikhik ang sanggol na tila ba kinikiliti ng kaniyang ina. Matapos no'n ay dahan-dahang ibinalik ng babae ang kaniyang anak sa loob ng basket at nawalan siya ng malay. 

Tumakbo ako para tulungan sana ang babae ngunit bigla-bigla na lamang nilindol ang buong lugar.

Naalimpungatan ako dahil sa isang malakas na kalabog mula sa aking kusina. Naghahabol ako ng aking hininga at pinagpapawisan nang malapot. Napahawak ako sa ulo dahil sa biglaan nitong pagkirot.

Napakaraming imahe ngayon ang naglalaro sa aking isipan. Hindi ko maipaliwanag. Kakaibang sensasyon ang bumabalot sa aking katawan. Nagwawala ang aking puso dahil sa sobrang pagtibok nito. Anong klaseng panaginip iyon? Sino ang babaeng iyon? Bakit pakiramdam ko ay may koneksiyon kami sa isa't-isa?

“Panaginip lamang iyon, Ashburn. Hindi iyon totoo,” pagkausap ko sa aking sarili. Huminga ako nang malalim upang ikalma ang sarili.

Malamang ay nilamon na ng mga pinapanood kong animé ang aking sistema kaya kung anu-ano na lamang ang aking napapanaginipan. Napabuga na lamang ako ng hangin at isinuot ang aking tsinelas.

Lumabas ako sa aking kuwarto at tinungo  ang kusina para uminom ng tubig. Napasapo na lamang ako sa aking noo dahil hindi ko magawang ipaliwanag kung ano ang nangyayari sa akin. 

Napatigil ako sa sobrang pag-iisip at halos mapatalon sa aking kinatatayuan nang biglang may kumalabog mula sa bubong ng aking bahay. Tila ba may kung anong bumagsak dito. May nambabato kaya ng bahay sa ganitong dis-oras ng gabi?

Akmang babalik na sana ako sa aking kuwarto nang biglang umuga ang lupa. Nagkaroon ng pagsabog sa itaas.  Napatingala ako sa bubong ng aking bahay at halos lumuwa ang aking mga mata dahil sa nasaksihan. Nagkaroon nang malaking butas ang aking kisame.

Literal na nahulog ang aking panga at tila nasamid sa sariling laway. Unti-unting lumambot ang aking mga tuhod dahil sa panlulumo. 

Isang anino ang bumaba mula sa itaas. Ibayong takot ang namayani sa akin at sobrang nanginginig ang aking mga kamay ngayon. Ano itong napakabigat na presensiyang nararamdaman ko ngayon? Naghahabol ako ng hininga dahil sa sobrang kaba. 

Inipon ko ang lahat ng tapang at lakas ng loob sa aking katawan at saka nagsalita.

“H-Hoy, kung s-sinuman ka mang d-demonyong alien ka, anong ginawa mo s-sa b-bubong ng aking b-bahay?” pautal-utal kong sigaw sa isang aninong nakaluhod sa aking harapan.

Tumayo siya at nanlilisik ang mga mapupulang mata na tumingin sa akin. Biglang natuyo ang aking lalamunan at nanindig ang buhok sa buo kong katawan. Huwag niyo nang tanungin kung pati ang buhok ko sa ibaba dahil nag-ahit ako kanina. Tae, ano bang pinagsasabi ko dito? 

“Sa ilang taon naming paghahanap sa inyo, dito lang pala namin matatagpuan ang isa sa mga chosen twelve,” sambit sa akin nang nakakatakot na anino at tila ba galing sa kailaliman ng lupa ang kaniyang boses. 

Muli akong napalunok ng sariling laway. Kahit takot na takot ay nagawa kong sumbatan siya. Be brave, Ashburn. Kaya mo ito!

“At bakit niyo naman ako hahanapin, aber? May utang ba ako sa inyo? Bombay ka ba, Kuya? Nanahimik ako dito tapos darating ka lang para sirain ang bubong ng aking bahay. Bayaran mo yan. At anong chosen twelve na pinagsasabi mo riyan? Mukha kang tangang kinakausap ang sarili mo,” pagsagot ko sa kaniya kahit sa loob-loob ko ay gusto ko nang tumakbo.

Ilang taon kong pinag-ipunan ang bahay na 'to, kaya ipaglalaban ko ang aking karapatan kahit pa umabot kami sa korte suprema. 

Ngunit, biglang naglaho na parang isang bula ang lahat ng tapang sa aking katawan nang ngumisi siya sa akin. Gumapang ang kakaibang lamig mula sa aking batok pababa.       

“Napakatapang para sa isang babaeng katulad mo. Handa ka na bang harapin ang iyong kamatayan?” pagbabanta niya sa akin at saka tumawa nang nakakatakot.

Isang buhawing gawa sa buhangin ang bumalot sa kaniyang kalahating katawan, simula sa kaniyang baywang hanggang sa kaniyang paa. Napamulagat naman ako dahil sa aking nasasaksihan. Anong uring nilalang siya?  

“A-Ah eh! Aaaaaaaaaaahhh! Sak--”

Bago pa man ako makatili at makahingi ng tulong, nagawa akong hawakan ng anino sa aking leeg. Bigla na lamang natuyo ang aking lalamunan. Walang anumang tinig ang lumabas sa aking bibig. Anong ginawa niya sa akin?

“Corruption Magic: Voice Deactivation,” sambit niya.

Corruption magic? Voice deactivation? May mahika siya? Ito ba ang dahilan kaya nawalan ako ng boses? Nagpumiglas ako para makawala sa kaniyang pagkakahawak sa akin, ngunit sadyang napakalakas niya para sa akin. Nanlalamig ang aking buong katawan dahil sa takot. Kulang na lamang ay maihi ako sa aking pajama.

Napatigil naman ako pagpupumiglas nang biglang kumulog at kumidlat ang kalangitan. Napatingala kaming pareho ng aninong nakahawak pa rin sa akin, at isang lalaki ang bumaba mula sa bubongan ng aking bahay.

“Storm Magic: Resonance of Roaring Sky!” sigaw niya mula sa itaas at nakasisilaw na liwanag ang bumalot sa kaniyang mga kamay. Ano bang nangyayari? Nanaginip pa rin ba ako?

Bigla namang nabitiwan ng aninong lalaki ang pagkakahawak sa akin at napaatras nang ilang hakbang  para ilagan ang bola ng kuryenteng tatama sa kaniya. Napatilapon naman ako nang ilang metro dahil sa lakas ng pagsabog. Napakagat na lamang ako sa aking labi dahil sa sugat na natamo ko sa aking tagiliran.

Nagawa kong makatayo at nagtago sa ligtas na lugar. Pinagsagupa ng lalaking sumigaw kanina ang kaniyang mga kamay at nakalikha na naman ng  bolang gawa sa kuryente. Iwinasiwas niya ito sa aninong lalaki at isang napakalakas na dagundong ang bumalot sa lugar.

Malakas kong sinampal ang aking mukha para gisingin ang aking sarili. Nanaginip na naman yata ako. 

“Aray!” mahinang saad ko. Ang sakit palang masampal kahit sa panaginip lang. 

“Tanga! Hindi ka nanaginip,” bunghalit sa akin ng lalaking may pailaw sa mga kamay. 

“Wow, Kuya! Hiyang-hiya naman ako sa'yo. Grabe ka naman kung maka-tanga sa akin,” asik ko sa lalaki ngunit hindi niya ako pinansin dahil abala siya sa pakikipaglaban sa aninong sumugod sa aking bahay. 

Umiikot ang aking paningin dahil sa bilis nilang kumilos na dalawa. Tila nanonood ako ng totoong fighting scene sa isang animé.

Pinanood ko ang dalawang nilalang na naglalaban sa kalangitan habang napapatulala na lamang. Magkahalong asul at dilaw na ilaw ang lumalabas sa kamay ng lalaking sinabihan ako ng ‘tanga’, habang ang aninong lalaki naman ay may itim na awrang lumalabas sa kaniyang katawan. Ang astig nilang panoorin habang naglalaban sa himpapawid. 

Seryoso ba 'to? Ito ba talaga ang panahon para mamangha ako sa nangyayari?

“Tama ka, Ashburn. Nanaginip ka lang. Hindi ka naman siguro masasaktan sa kanilang ginagawa dahil panaginip mo naman ito,” muling pagkausap ko sa aking sarili.

“Storm Magic: Lightning Roar!” malakas na sambit ng lalaking may dumadaloy na kuryente sa buong katawan. 

Nagpakawala siya ng mga matatalas na kidlat at lumilikha ang mga ito ng dumadagundong na ingay tulad ng kulog. 

“Corruption Magic: Change Direction!” wika ng lalaking anino at binago ang direksiyon ng mga kidlat na tatama sa kaniya.

Napakurap ang aking mga mata at napanganga sa aking nasaksihan. Umihip ang malamig na hangin at ramdam ito ng aking buong katawan dahil nasira ang aking suot na damit. Tila ba nginatngat ito ng galit na galit na daga. Sa aking gawi ba naman tumama ang mga kidlat at sumabog ang mga ito sa aking harapan.

Napaubo ako dahil sa sobrang alikabok. Nabitiwan ko rin ang aking pagkain at napasalampak sa lupa. 

Sino ba sila? Hindi ako nanaginip lamang. Kumirot ang aking tagiliran dahil sa natamo kong sugat. 

Iginala ko ang aking paningin at halos malugmok dahil sa panlulumo. Ang sarili kong bahay ay wala na. Sirang-sira na ito at tila ba dinaanan ng isang napakalakas na bagyo. Hindi ko na pinansin pa ang aking mga sugat dahil sobrang nanlulumo ako ngayon. Nagsisimula nang mangilid ang aking mga luha at kahit anong minuto mula ngayon ay ngangawa na ako.

“Mamaya ka na magdrama. Hindi puwedeng dito kami maglaban dahil hindi lamang ang bahay mo ang mawawasak kundi, pati ang buong Earth kapag nagkataon. Kailangan na nating tumakas,” saad ng lalakeng nagpakawala muli ng isang bolang kuryente sa kaniyang kalaban.

Matangkad siya at hanggang balikat niya lamang ako. Natatamaan siya ng liwanag ng buwan kaya malinaw na nakikita ko ang kaniyang wangis. Sakto lang ang pagkatangos ng ilong at maninipis ang mga labi. Faded cut ang gupit ng kaniyang asul na buhok at may nakaaakit na hugis ng panga. Ngunit, teka lang, bakit ko nga ba siya inilalarawan?       

“Matapos mong sirain ang aking bahay, balak mo pang tumakas? At bakit ako sasama sa'yo? Hindi naman kita kilala!” sigaw ko sa kaniya ngunit kinunutan niya lamang ako ng noo at tila ba may nakamarkang malaking question mark sa kaniyang mukha.      

“Anong sabi mo? Hindi ko marinig. Malamang kagagawan ito ng aninong iyon. By the way, nice boobs,” buyo niya sa akin at nakakalokong ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. 

Huli na nang mapagtanto kong nasira nga pala ang damit ko at maging ang aking itim na bra ay gutay-gutay rin. Sasampalin ko sana siya dahil sa kaniyang kamaniyakan ngunit bigla niya akong hinigit palapit sa kaniya. Napasubsob na lamang ako sa kaniyang matipunong dibdib. Hindi ko maiwasang hindi masinghot ang kaniyang amoy. Ang bango niya. Sobra!

“Angel, ngayon na,” sigaw niya habang ikinukulong niya ako sa isa niyang kamay at tila ba niyayakap ako nang mahigpit.  Bakit parang uminit ang buong paligid? Bakit parang sinisilaban ang aking pisngi?

“Portal Magic: Dimension Warp,” wika ng isang pambabaeng tinig at bigla ko na lamang naramdamang parang may puwersang humigop sa amin paitaas. Napapikit na lamang ako at napakapit nang mahigpit sa lalaking dumakip sa akin. 

Ilang minuto pa, ramdam kong nakaapak na kami sa lupa.

“Ehem, Miss, pwede ka nang kumalas kay Master Raid. Narito na tayo sa ating destinasyon,” sambit ng babaeng kasama namin na may bahid ng pagkairita sa kanyang tinig. 

Napamulat ako ng aking mga mata at nagulat nang mapansing nakayakap na pala ako sa lalaking sumira ng bahay ko. Nginitian niya ako ngunit tinarayan ko lamang siya at tinalikuran. Magsasalita sana ako ngunit wala paring boses na lumalabas sa aking bibig. Nagpalinga-linga ako at gulat na gulat sa aking nakikita. 

“Full Discharge.” Isinaklot ng babaeng kasama namin ang kaniyang mga daliri at umilaw ang aking lalamunan. Ibinuka ko ang aking bibig at laking tuwa ko noong may tinig nang lumabas.

“Nasaan ako? Saan niyo ako dinala?”

Sino ba sila? Hindi sila mga tao. May taglay silang mahika sa kanilang katawan.

“Welcome to Caelum Academy of Celestial Guardians, where true power resides in hearts,” masiglang sambit naman ng lalaki sa akin at saka inunat ang kaniyang kanang kamay. Nakaturo ito sa isang napakalaking gate at sa taas ng gate ay may mga nakaukit na salita.

Naigala ko ang aking paningin at napansin kong napapaligiran kami ng mga ulap. Napatingin ako sa ibaba at sobrang nalula ako sa aking nakita. Umikot ang aking paningin dahil takot ako sa matatas na lugar. Hindi biro ang taas kung nasaan kami ngayon. Kapag ako nahulog sa ganiyang taas, paniguradong basag agad ang aking bungo. 

Hindi ko napigilan ang aking pagkahilo at bigla na lamang akong nawalan ng balanse. 

“Anong klaseng lugar ba--”

“Hoy, tanga! Huwag kang mamamatay. Mayroon pa tayong misyon na gagawin,” sambit ng lalaki sa akin matapos akong saluhin. 

Tinapik-tapik niya ang aking pisngi para gisingin kaya hindi ko makuha-kuhang ipikit nang tuluyan ang aking mga mata. Grabe 'yong sabihan niya akong tanga nang dalawang beses. Sumosobra na talaga.

“Tae ka, hindi ako mamamatay. Bulag ka ba. Ayan oh! May sugat ako sa tagiliran. Kapag ako naubusan ng dugo dito at mamamatay talaga, ikaw ang isusunod ko,”  bunghalit ko sa kaniya. 

“Ayy! Bakit hindi mo sinabi agad?”

“Paano ko sasabihin? Wala nga akong boses kanina, 'di ba?” 

“Sige na nga. Dahil guwapo ako, sa iyo na lang itong healing juice ko. Mapapagaling ka nito.”

Pinatayo niya ako nang maayos at ibinigay sa akin ang isang kakaibang lalagyan ng tubig. Hindi na ako nagtanong pa at tinungga ang lalagyan. 

“Teka, bakit parang kakaunti naman ang laman? Hindi pa umabot sa lalamunan ko,” reklamo ko sa kaniya ngunit ramdam ko namang bumuti ang aking pakiramdam at naghilom nga ang aking sugat.

Napakamot naman siya sa akin at saka alanganing napatawa.

“Nabawasan ko na 'yan kanina dahil nauhaw ako. Mabuti na lamang at may naitira pa ako.”

Namilog ang mga mata ko sa kaniya. Ibig bang sabihin... Ibig bang sabihin...

“Tae ka! Bakit hindi mo sinabi sa akin?”

“Ang ano?”

“Na uminom ka pala kanina!” sigaw ko sa kaniya at itinapon sa kaniyang mukha ang lalagyan ng kaniyang tubig. 

Ibig sabihin ba nito ay nag-indirect kiss kami? Hindi ito maaari!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status