Share

Chapter 2

Hindi ko maiwasang hindi mamangha. Napapatulala na lamang ako dahil sa aking mga nakikita. Lahat na yata ng mga nilalang, na sa fairytales lang mababasa ay naririto at natipon-tipon lang sa iisang lugar.

Habang papasok sa napakalaking gintong tarangkahan, marami kaming nakakasalubong na golems, goblins, imps, dwarves, elves, at maging ang mga nagliliparang cute na fairies.  Lahat sila ay may kaniya-kaniyang gawaing pinagkakaabalahan. Pamilyar ang mga nilalang na ito sa akin dahil sa mga napapanood kong palabas na sila karaniwan ang mga bida. Napatigil ako sa  pagkamangha nang biglang magsalita si Raid. Iyan ang dinig kong pangalan niya kanina mula sa kasama niyang babae. 

“Angel, pwede bang bigyan mo nang maayos na damit ang kasama natin at baka hindi ako makapagpigil dito,” naiilang na wika niya kay Angel. Halata ang pilit na pag-iiwas niya ng tingin sa akin. 

Kumulo tuloy ang dugo ko sa sinabi ng maniyak na lalaking kasama namin. Ang dumi-dumi ng pag-iisip. Napairap na lamang ako sa ere at hindi siya pinansin. Hinigpitan ko ang pagkakayakap sa aking sarili at baka bosohan pa niya ako.      

“Opo, Master Raid. Paumanhin po at nakalimutan ko,” saad ni Angel. 

Napahinto kaming tatlo sa paglalakad nang isang portal ang binuksan ni Angel at dinala ako sa loob nito. Bumungad sa amin ang napakaraming kasuotan, iba’t-ibang klase at estilo. Dinala ba niya ako sa isang mall? Magtatanong sana ako sa kaniya ngunit bigla siyang nagsalita.

“Dalian mo at pumili ka na ng damit na isusuot mo, Miss Ashburn. Naghihintay na si Archmaster at ang iba pa sa iyong pagbabalik,” hayag niya sa akin. 

Kilala niya ako? Kumunot ang aking noo dahil sa pagtataka. Ngunit, minabuti ko na lamang na tumalima sa kaniyang ipinag-uutos kaysa ang magtanong pa. 

Matapos magpalit, lumabas na kami sa portal at isinara na ito ni Angel. Isang dilaw na blouse na may disenyong mga sunflower ang aking natipuhang isuot. Pinarisan ko ito ng asul na skirt. Pinalitan ko na rin ang aking sirang tsinelas ng puting sneaker at nagsuot din ako ng panibagong bra. 

Minsan lang na may mamigay ng libreng damit at gamit sa akin kaya nilubos-lubos ko na. Panty ko lang ang hindi ko pinalitan. Wala akong mahanap na kasya ko kanina. Puro extra large ang lahat ng nandoon. Tae, ano na naman bang kagagahan ang pinagsasabi ko?

“Nagmukha ka na ngayong tao,” tukso sa akin ni Raid. 

Mabilis na pag-irap ang natanggap niya sa akin.  Tinarayan ko lamang siya at nagpatuloy sa paglalakad.

Sinalubong naman kami ng isang babae at saga yumuko nang bahagya sa amin. 

“Maligayang pagbabalik, Master Raid!” pagbati sa kaniya ng babae.

Ngumiti siya sa amin matapos yumuko. Mas matangkad siya nang kaunti sa akin at may mahaba siyang puting buhok ngunit hindi naman nagmumukhang uban. Bumagay ang kulay nito sa kaniya. May bangs siyang umaabot hanggang sa kaniyang kilay. 

Makinis ang maputi niyang balat at walang anumang pores na makikita sa kaniyang mukha. In short, clear skin siya. May kurba rin ang kaniyang katawan at di-hamak na may mas maipagmamalaki ang kaniyang hinaharap kaysa sa akin.      

“Kamusta, Coazen? Teka lang, mukhang lumaki yata nang kaunti ang mga ito habang wala ako,” mapaglarong pagtutukoy ni Raid sa dibdib ng babae na tinawag niyang Coazen kanina. 

Inilapit pa niya ang kaniyang mukha sa tapat ng dibdib ng babae at kumunot ang noo dahil sa malalim na pagtataka. Ganito ba ka-maniyak ang lalaking ito. Namula naman ang mukha ng babae dahil sa kaniyang sa pagkailang. Tae, walang hiyang maniyak 'to. Ang sarap pingutin ng tainga at kaladkarin.         

“Ah hehe, wala naman po akong ginawa, Master Raid. Siguro po, dahil iyan sa pag-eensayo namin ni Master Glade,” wika naman ni Coazen. Napasapo na lamang ako sa aking noo.          

“Nasaan nga pala ang ibang Celestial Zodiacs? May ipakikilala ako sa kanila,” tanong niyang muli sa dalaga. 

“Maaga po silang nagsimula sa kanilang pagsasanay ngayon, Master Raid. Hindi na nila kayo nagawang hintayin pa,” magalang na pagsagot ni Coazen. 

Mukhang kahit gaano pa yata kamaniyak ang lalaking ito ay iginagalang pa rin siya ng mga kababaihan dito. Kanina pa kasi siya tinatawag na ‘Master’ nina Angel at Coazen. May mataas kaya siyang katungkulan sa paaralang ito? 

 Isang babae naman ang umagaw sa aming mga atensiyon.  Napaawang ang aking bibig nang makitang nabalutan ng matitigas na bato ang kaniyang mga braso. Tumakbo siya at sumugod sa aming direksyon. 

“Rock Magic: Heavy Punch!” matigas na sambit ng babae at nagbabadya ang kaniyang nakakuyom na kamao na itama sa aking mukha. Hindi agad ako nakagalaw at naipikit ko na lamang ang aking mga mata dahil sa pagkagulat. Inasahan kong dadapo sa aking mukha ang kaniyang suntok ngunit nagkamali ako.

 Naimulat ko ang aking mga mata at nakita ko na lamang si Raid na nasa aking harapan. Dahan-dahan akong sumilip mula sa kaniyang likuran at nakita ko kung paano kinontra ni Raid ang suntok ng babae. Nababalutan naman kuryente ang kamay ng lalaki.

“Tsk!” pag-iling ng babae. 

May katangkaran siya at balingkinitan ang pangangatawan. Maganda siya ngunit halatang mataray ang ugali dahil sa ekspresyon ng kaniyang mukha. Kakaibang presensya rin ang nararamdaman kong nagmumula sa kaniya. 

        “Anong ginagawa mo, Deborah? Balak mo bang--”

Hindi na naituloy ni Raid ang kaniyang sasabihin dahil bigla-bigla na lamang umulan ng malalaking tipak ng bato sa aming kinaroroonan. Sinalag naman lahat ito ni Raid gamit lamang ang kaniyang mga kamao.

“Hey, Deborah! Are you out of your--”

“Stay out of my way. Sinusubukan ko lamang kung hanggang saan ang antas ng kaniyang kapangyarihan,” matigas na hayag ng babaeng nagngangalang Deborah.

Ako ba ang tinutukoy ng babaeng 'to? Napalunok naman ako bigla dahil sa mga matatalas na titig niyang ipinupukol sa akin.

“Her magic is sealed. There’s no way you can measure the level of her magic. Let’s wait for Suzaine to analyze her stats later,” pag-angal naman ni Raid kay Deborah. 

Wala akong maintindihan sa pag-uusap nila hindi dahil English ito kundi dahil wala talaga akong maintindihan. Sumasakit ang bangs ko sa kanila.

“Hindi mo ako mapipigilan, Raid. Kung talagang isa siya sa mga Celestial Zodiac, magagawa niyang ilagan ang aking mga atake. Rock Magic: Mega Crush!” pagpapatuloy ni Deborah.

Dalawang rumaragasang higanteng batong kamao mula sa magkasalungat na direksiyon ang sumugod sa aking gawi. Naestatwa na lamang ako sa aking kinaroroonan at palihim na napamura. Tae! Balak ba niya akong patayin? At saka anong sinasabi niyang isa ako sa mga Celestial Zodiac. Ni hindi ko nga alam kung may taglay ba akong mahika o wala. 

Malapit na ang mga kamao sa akin para gulpuhin ako ngunit biglang itinulak ako ni Raid. Ginamit ni Angel ang kaniyang portal magic para mailipat ako sa kaniyang tabi. Pumagitan si Raid sa mga kamao at nag-cast siya ng kaniyang spell. 

“Storm Magic: Lightning Barrage!” 

Nagkaroon ng malakas na vibration sa lupa dahil sa banggaan ng mga atake ni Raid at Deborah.

Naging pulbura ang mga batong kamao ni Deborah at humalo ito sa hangin. Nababalutan ng alikabok ang buong lugar. Mahinahong lumapag si Raid sa harapan namin.

“Deborah, itigil mo na ito. Isa siya sa atin. Isa sa siyang mage at isa rin sa mga hinirang na Celestial Zodiacs ni Empress Lumia. Matuto kang gumalang,” seryosong hayag ni Raid sa babae. 

Kahit maalikabok sa paligid, kitang-kita ko pa rin ang kaniyang napakamatipunong tindig. Naging astig tuloy siya sa aking paningin. Ano ba itong naiisip ko?       

May bigla namang pumalakpak sa hindi kalayuan at unti-unting naglaho ang mga alikabok sa paligid. Isang matangkad na lalaking may malaking pangangatawan ang bumungad sa amin. May suot itong salamin sa mata at halatang may katandaan na rin. May mga kasama siya sa kaniyang likuran. Kung susuruin, masasabi kong mga estudyante rin sila ng paaralang ito.

“Maligayang pagdating sa Caelum Academy, Binibining Ashburn Samyah Imperial. Paumanhin sa hindi magandang pagsalubong sa iyo ni Deborah. Nakahanda na ang kaniyang kaparusahan para sa kaniyang kapangahasan,” saad ng lalaking may apat na mata dahil sa kaniyang salamin. 

Ngunit, ginto ang kaniyang mga matang mapupungay. Maganda rin ang kurba ng kanyang mga labi. Teka, bakit ba lahat na lang ng nakikita ko sa araw na ito ay inilalarawan ko?  Naging libangan ko na yata ang paglalarawan ng mga taong nakakasalamuha ko.      

“Archmaster Leonard!” bulalas ni Raid at saka yumuko sa lalaki. Gumaya naman ang iba sa ginawa ni Raid. Napatigil naman ako nang biglang magsalita ang isang babae. 

“Ashburn Samyah Imperial. Her zodiac symbol is Cancer, the Crab. She has a great desire to feel loved and appreciated in every part of her life. This is needed so that she can develop a sense of security and identity. Her sense of home is very important to her feeling of safety and comfort. She finds it rather difficult to achieve unless she feel safe in her home. She is talented at developing home environments for people that are close to her in both emotional and physical sense. Stamina: 150, Mana: 20, Magical Mojo: 70. Total Power level: 240. Special ability: Ranting and blabbering. Vital statistics—” 

“Tama na, Suzaine. Ayos na ang mga nasabi mong impormasyon,” putol ng Archmaster sa sasabihin ng babae, na tila ba inaalisa ang buo kong pagkatao.

 Nakaramdam tuloy ako ng pagkailang dahil sa mga sinabi ng babae tungkol sa akin. Lahat kasi ng iyon ay totoo pero hindi lang ako sigurado sa mga pinagsasabi niyang stamina, mana, mojo at kung anu-ano pang bagay na hindi ko maintindihan.      

“Wait , Archmaster, are you sure that she is the lost Cancer, the Crab of the Celestial Zodiacs? With that power level, she couldn’t even barely kill a hare,” angal ni Deborah at tila ba minaliit ang buo kong pagkatao kaya bigla akong nakaramdam galit at pagkainis sa kaniya.        

“Minify,” ani Archmaster Leonard. Napalunok na lamang ako dahil kakaiba ang nararamdaman kong mahikang nagmumula sa kaniya. Hindi ko alam kung paano ko nagagawa ito ngunit nararamdaman ang pagdaloy ng mahika sa buong paligid. Nagitla ako sa pag-iisip nang muling magsalita ang Archmaster.

“Iyan ang iyong kaparusahan, Deborah. Mananatili ka sa ganiyang anyo buong maghapon,” sambit niya at bigla na lamang naging kasinliit ng hinlalaki si Deborah habang nasa ibabaw siya ng palad ni Archmaster.   

Muli akong napalunok ng aking sariling laway dahil sa kakaibang kapangyarihan ng kanilang Archmaster. Kung gayon, napapalibutan ako ng mga taong may taglay talagang mahika sa katawan. Hindi sila kathang-isip lamang. Hindi sa mga animé lang sila makikita kundi totoo talagang nag-eexist sila. 

Napahinto ako nang ipatong ni Archmaster Leonard ang kaniyang kamay sa aking ulo at saka ngumiti sa akin.

“You’ve grown a lot, Ash. I’m happy to see you again. It’s been ten years since we last met. Ngayon, ito na ang tamang panahon. Tatanggalin ko na ang selyo na nakalagay sa iyong katawan para pigilan ang pagdaloy ng mahika sa iyo. Ipikit mo ang iyong mga mata at damhin ang sinasabi ng iyong puso,” paglalahad niya sa akin.

Binalot na naman ako ng pagtataka. Nagkita na ba kami dati? Imbes na magtanong ay tumalima na lamang ako sa kaniyang iipinag-uutos. Ipinikit ko nga ang aking mga mata. 

“Releasing Magic: Seal Unlock,” kalmadong sambit ni Archmaster.

Hindi ko alam pero biglang nag-iba ang aking pakiramdam. Isang mainit na sensasyon ang nagpasirko-sirko sa loob ng aking katawan.

“Celestial Zodiacs, hear me. Come out from my body. Go to your new owner. Listen to my prayer. Choose your user. Grace Bestowal!”

Teka, ano itong imaheng nakikita ko ngayon sa aking isipan? Pamilyar sa akin ang mga pangyayari at tila karugtong ito ng aking mga panaginip. Isang babaeng may apoy na pakpak ang nakikita ko ngayong nakalutang sa ere. 

May labindalawang bola ang lumitaw sa kaniyang harapan. Magkakaiba ang mga kulay nito. Inilahad ng babae ang kaniyang kamay sa himpapawid at lumipad ang mga bolang kristal sa iba’t-ibang direksyon. 

Ang isang bolang kristal ay pumasok sa katawan ng isang sanggol na nasa loob ng basket. May babaeng nakahandusay sa tabi nito at pamilyar din ito sa akin.

Nagulat naman ako at bumalik sa aking huwisyo nang may biglang pumitik sa aking noo. Napamulat ako at bumungad sa akin ang mukha ni Archmaster Leonard. Tila may kakaiba sa akin. 

Nanlalaki ang aking mga mata nang makita ko ang aking pagbabagong anyo. Ang kalahati ng aking buhok ay ginto at ang kalahati naman ay pula na may kaunting bahid ng itim. Napapalibutan din ako puti at itim na awra.

Anong nangyari? Pakiramdam ko ay may kakaibang bagay na dumadaloy ngayon sa aking mga ugat. Lahat ng naririto ay nakatingin sa akin at mukhang hindi rin nila maiwasang hindi mamangha sa aking pagbabagong anyo. Napansin ko rin ang gintong alimangong nakamarka sa aking kanang braso na sumisimbolo sa Zodiac sign na Cancer.

“Muli kitang binabati, Ash. Maligayang pagdating sa iyong tahanan, anak ni Archgoddess Lisa,” magiliw na hayag sa akin ni Archmaster Leonard.

 Yumuko siya at nagbigay galang. Sumunod naman sa kaniya ang iba pa. Napapatulala na lamang ako dahil sa sobrang pagkagulat. 

 Anak ng Archgoddess? Ako ba? Bigla naman akong nakaramdam ng pagkailang dahil sa paraan ng pagtrato nila sa akin. Hindi ako sanay na ganito ang tingin sa akin ng iba. 

Nag-angat na sila ng ulo at ipinakita nila sa akin ang kanilang mga ngiti bilang mainit na pagtanggap sa akin sa kanilang mundo.

“This deserves a celebration!” masiglang saad ni Raid saka ipinatong ang kaniyang kamay sa aking balikat.

Nahagit naman ng aking mga matatalas na mata ang kamay niyang malapit nang mahawakan ang aking dibdib. Mabilis pa sa alas-kuwatro ang ginawa kong pambabatok sa kaniya. Nagulat naman ako dahil hindi naman ganoon kalakas ang aking ginawang pambabatok ngunit nagawa kong pahalikin siya sa lupa.  

“Napakamaniyak mo talagang demonyo ka,” bulyaw ko kay Raid matapos magawang tumayo at magkamot ng ulo. Humaba ang kanyang nguso na naging dahilan upang magtawanan ang lahat.     

Naguguluhan pa rin ako hanggang ngayon. Ngunit, pakiramdam ko ay nakauwi na ako. Pakiramdam ko ay may puwang ako sa mundong ito.

Sa buong buhay ko, pakiramdam ko ay may kulang sa akin at sa tingin ko, sa mundong ito ko lamang mapupunan ang mga pagkukulang na iyon. 

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Lisa Houser
this book is not in English I'm not sure what it is every once in awhile there's some English but most of the time it's nonsense to me.
goodnovel comment avatar
Lisa Houser
I can't believe they let you get away with this
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status