Tila sinaniban ng lakas at kumikinang ang mga mata ng matandang Don nang makita sa loob ng silid si Avrielle.
"Amery, Amery, halika rito sa lolo!" malambing na pagtawag ng Don habang nakataas na nakabukas ang mga bisig.
Agad namang lumapit si Avrielle at niyakap ang matanda. Hinalikan niya ito sa noo bago umupo sa tabi nito.
"Kumusta po kayo, Lolo? Masama pa po ba ang pakiramdam n'yo?" Hinawakan ni Avrielle ang mga kamay ni Don Simeon.
"Apo, kahit anong sama ng pakiramdam ko, basta't makita lang kita ay parang gagaling ako nang mabilis!" Bakas na bakas ang kaligayahan sa tinig nito ngunit agad ring napalitan ng lungkot nang dumako ang tingin nito kay Brandon.
"Oh, bakit naman po kayo lumungkot?"
"Totoo ba ang sinabi ng damuhong 'yan na divorced na raw kayo?"
Napayuko si Avrielle at marahang tumango. "Yes, Lolo. Totoo po, divorced na kami ni Brandon." napakurap kurap ang mga mata ni Avrielle upang pigilan ang mga luhang gustong lumabas.
"You evil bastard!" galit na dinuro ni Don Simeon si Brandon. "Wala ka talagang puso! Nasa iyo na ang pinaka mabuting asawa na katulad ni Amery, ngunit pinakawalan mo pa! Sira ulo ka talagang bata ka!" Halos manigas ang matanda at halos habulin din nito ang paghinga dahil sa malakas na pagsigaw.
Sa sobrang pag-aalala ay walang maapuhap na sabihin si Brandon.
"Sshhh Lolo..." alo naman ni Avrielle sa matanda. "Huwag na po kayong magalit kay Brandon. Ako po ang may gustong makipaghiwalay sa apo ninyo." mahinahong sabi pa niya habang tinatapik-tapik ang likuran nito.
Nanlaki ang mga mata ni Brandon dahil sa narinig na sinabi ng dating asawa. Nagtataka siya kung bakit hindi siya sinumbong nito sa kanyang Lolo. Sa katunayan, ito na nga ang tamang panahon para idiin siya nito kay Lolo Simeon at pagbuntunan ng lahat ng sisi.
Ngunit naisip din ni Brandon na baka naman strategy lang ito ni Amery, nang sa gayon ay makuha ang loob niya at para hindi na siya makipaghiwalay rito?
Napangiti nang may halong panunuya si Brandon. Iniisip niya kasing ang kapal naman ng mukha ni Amery kung aakalain nitong makukuha siya nito sa mga ganoong istilo.
"Amery, may naging kasalanan ba sa'yo ang pamilya ko?" Nang mahimasmasan ay malungkot na tanong ni Don Simeon.
"Naku wala po, Lolo. Sadyang marami lang po kaming pagkakaiba ni Brandon na dahilan ng hindi namin pagkakasunduan kaya kinailangan na po naming maghiwalay." Hindi na naitago pa ni Avrielle ang kalungkutan sa kanyang mga mata. "Huwag po kayong mag-alala, hindi man maganda ang kinahinatnan ng pagsasama namin, tiyak namang marami kaming babauning magagandang mga alala na nabuo sa loob ng tatlong taon naming pagsasama."
Awtomatikong tumaas ang isang kilay ni Brandon. Parang gusto rin niyang matawa dahil kung babalikan niya ang tatlong taong pagsasama nila ni Amery, ni isang magandang memory na kasama niya ang babae ay wala siyang natatandaan. Hindi nga rin niya binigyan ng magandang kasal ang dating asawa, basta't ibinigay na lang sa kanila ni Lolo Simeon ang marriage certificate. At isang araw ay dumating na lang si Amery sa mansyon dala-dala ang maliit na maleta nito. Iyon na ang naging simula ng kanilang pag-aasawa.
"Amery, baka naman ako ang nagkamali sa'yo?" Maluha-luha si Don Simeon nang muling magtanong. "Ginusto ko lang naman na maging masaya kayo... iyon nga lang ay hindi ko inaasahan na bibigyan pala ako ng kahihiyan ng isang 'yan." Malakas na napabuntong-hininga ang matanda. "So, siguro ako nga ang nagkaroon ng pagkakamali sa'yo."
"Huwag po kayong magsalita ng ganyan, Lolo. Wala po kayong naging kasalanan. Kinailangan ko lang po talagang makipaghiwalay." Bahagyang napiyok si Avrielle sa kanyang huling sinabi.
Ngayon napagtanto ni Avrielle na kahit pala mahal na mahal niya si Brandon ay kailangan niya itong pakawalan. Alam ng Diyos kung gaano siyang nasasaktan sa nangyayari. Pakiwari nga niya'y para siyang binalatan nang buhay sa sobrang sakit.
Kung hindi siya makikipaghiwalay, tuluyan siyang mawawalan ng dignidad dahil hindi naman tumitigil si Brandon sa pamemeste sa pagsasama nila. Ayaw naman niyang maging toxic at masamang babae para lang magkaroon ng kahit kaunting puwang sa puso nito.
"Gilbert!" tawag ni Don Simeon sa sekretaryang nakatayo sa pintuan. "Akina na nga ang regalong inihanda ko para kay Amery."
Agad namang tumalima ang sekretarya. Nagsuot pa ito ng puting gloves bago buksan ang isang red velvet jewelry box. Nang mabuksan iyon ay tumambad sa kanilang harapan ang isang mamahaling imperial green jade bracelet!
Sanay na sanay si Avrielle na kumilatis ng mga ganoong bagay, kaya naman isang kita pa lang niya ay alam niyang ilang dekada na ang pinagdaanan ng alahas na iyon.
"Lolo, huwag n'yong sabihing kay Lola ang alahas na iyan..." nabibiglang tanong ni Brandon sa matanda.
"Oo, at wala nang iba pa. Binigay ko ito sa pinakamamahal kong si Imelda bilang tanda ng walang hanggan kong pagmamahal. It is an heirloom of Ricafort family, passed down from your great grandfather."
Habang nagsasalita si Don Simeon ay hawak-hawak nito ang bracelet habang sinisipat-sipat sa sinag ng araw.
"Bago namatay ang Lola n'yo, sinabi niya sa akin na ito ang pinaka paborito niya sa lahat ng kanyang mga alahas. Sinabi ko sa sarili ko na ibibigay ko ito sa magiging granddaughter-in-law ko in the future. At ngayong wala na ang aking asawa, gusto kong ibigay ito sa'yo, Amery. Ikaw lang ang deserving para sa alahas na ito."
Mabilis na umiling-iling si Avrielle. "No, Lolo. Hindi ko po matatanggap iyan. Isa pa, hindi n'yo na po ako~"
Hindi na natapos ni Avrielle ang pagpoprotesta dahil agad siyang pinutol ni Don Simeon. "Kahit wala na kayo ng apo ko, ikaw pa rin ang kikilalanin kong granddaughter-in-law!"
Natigagal si Avrielle dahil sa sinabi ng matanda. At nang hindi siya kumilos akmang itatapon na ng Don ang alahas sa kalapit na basurahan.
"Sige po, sige po. Tatanggapin ko na po." nag-aalalang awat ni Amery. Agad niyang inabot ang kanyang braso kay Don Simeon.
"Good girl, apo." nakangiti nang sabi ni Don Simeon habang isinusuot sa braso ni Avrielle ang bracelet.
"Salamat po, Lolo."
Walang masabi si Brandon habang pinapanood ang Lolo niya at si Amery. Bahagya siyang napahanga nang makitang bagay na bagay sa maputing braso ng babae ang alahas. Ngayon lang niya napansin sa malapitan na maganda pala ang mga kamay nito at mukhang napakalambot.
"Ikaw lalake, anong binigay mo sa asawa mo noong birthday niya?"
Napatiim ang bagang ni Brandon at napakuyom ang kanyang mga palad. Wala siyang iniregalo kay Amery kundi ang kanilang divorce agreement. Nakaramdam tuloy siya ng pagkainis sa dating asawa. Naisip niyang nagdidiwang siguro ang loob nito ngayon dahil mukhang dito pumapabor ang kanyang Lolo.
"Wala na ba talagang pag-asa sa inyong dalawa?"
"Wala na po, Lolo. Final na po ang desisyon namin ni Brandon."
Napabuga na lang ng hangin si Don Simeon sa kawalang pag-asa na magkakabalikan pa ang dalawa.
"Okay, sige. Ngayong buo na talaga ang desisyon n'yo, wala na akong magagawa pa. Isa lang ang hiling ko... hintayin n'yo muna ang aking 80th birthday bago kayo tuluyang maghiwalay. Kaunting panahon na lang naman iyon." may himig pagmamakaawa sa tinig ni Don Simeon.
"Lolo, this is inappropriate." protesta ni Brandon.
"At bakit naman? Ano ba ang appropriate sa'yo? Ang dalhin ang kabit mong si Samantha at ipakilala sa lahat na susunod mong mapapangasawa?!" Sa galit ni Don Simeon ay napahampas pa ito sa kanyang kama.
"Kung talagang ginagalang mo ako at gusto mo pang mabuhay ako nang matagal, layuan mo na 'yang kabit mong si Samantha! Sinasabi ko sa'yo, Brandon... hinding-hindi ko matatanggap ang babaeng iyon kahit mamatay pa ako!"
---
Sa labas ng pintuan ng silid ay hindi mapakali ang naghihintay na si Samantha. Naroong magpabalik-balik ito sa paglalakad at kapagdaka ay magpapapadyak sa sahig.
"Huminahon ka nga." ani ni Senyora Carmela na nakaupo sa tabi ng pintuan. "Nahihilo tuloy ako sa'yo." Hinilot-hilot pa nito ang sentido habang napapapikit. "Hindi ka na nasanay sa Papa... alam mo namang ganyan na ang trato niya sa'yo sa simula pa lang. Pero huwag mo nang pansinin ang matandang iyon, ang mahalaga ay hawak mo sa leeg si Brandon."
"Hay naku, Tita. Ang problema lang kasi, habang buhay ang matandang iyon ay hindi ako mapapakasalan ni Brandon." Matapos magsalita ay natutop ni Samantha ang kanyang bibig sa takot na may nakarinig sa kanyang mga sinabi.
"Alam mo, ganyan rin siya dati sa akin. Pero kita mo naman... wala siyang nagawa at naging maligaya naman kaming dalawa ng Tito Emilio mo." maarteng tinaas pa ni Senyora Carmela ang mga bagong gawang nail extensions niya. "Alam mo, magsasawa rin ang matanda sa pagiging kontrabida sa inyo. Hangga't patay na patay sa'yo ang anak ko, iintindihin mo pa ba ang galit no'n?"
Sa mga sinabi ni Senyora Carmela, kahit papaano ay napakalma nito ang nararamdaman ni Samantha. Ilang sandali pa ay nagbukas na ang pintuan ng silid ni Don Simeon. Lumambot ang kanyang ekspresyon nang makitang palabas na sina Avrielle at Brandon. Ngunit biglang nanlaki ang kanyang mga mata nang dumako ang kanyang tingin sa braso ni Avrielle. Kitang kita niya ang mamahaling jade bracelet na sa hula niya ay heirloom ng pamilyang Ricafort!
Wala namang suot na ganoon si Amery kanina kaya naman nahulaan ni Samantha na binigay iyon ng Don nang makapasok sila sa silid.
Matinding selos tuloy ang naramdaman ni Samantha. Dahil doon ay nakaisip siya ng masamang plano.
Nang akmang sasalubungin niya ang dalawa ay umarte siyang natapilok sabay kapit sa braso ni Avrielle.
"Ahhh!"
Ngunit sa malas, naging mabilis ang pag-iwas ni Avrielle kay Samantha na naging dahilan ng tuluyang paglagapak nito sa sahig.
At sa gulat ni Samantha, imbes na bracelet ni Avrielle ang mapatid, ang sariling bracelet niya ang siyang nagkahati-hati at kasalukuyang nagkalat sa sahig.