Share

KABANATA 2

ALAS Kwatro ymedya na ng hapon, araw ng sabado. Gaya ng mga naunang araw ay dagsa na naman ang kustomers sa Café. Pero hindi katulad kahapon pumasok na ang katrabaho ni Danica. Ang dalaga ang nakatoka sa pag-iihaw habang ang kasama niyang si Ellen ay kumukuha ng orders.

“Danica, oh,” ani Ellen kay Danica sabay lapag ng maliit na papel sa bar. May sariling mini-bar sa labas kung saan nag-iihaw ang dalaga. Dito nakalagay ang kitchen utensils at ibang ladies’ drink maliban sa hard liqueurs kung saan siya ang naghahanda.

T-3. 20 sticks of barbecue/hot spicy sauce.

T-6. 35 sticks naman sa table 6.

Iyon ang nakasulat sa papel.

Ngunit hindi pa man nakapasok sa loob si Ellen ay napabalik na ito kasama ang kanilang amo na hawak-hawak ang ilong.

“Oh my Gosh! Beh, samahan mo ako!” baling kay Danica ni Jean. Nagtataka man ay lumabas ng bar ang dalaga at napasunod sa amo.

“Ellen ikaw na bahala rito!”

“Yes, Ma’am!”

KASALUKUYANG nasa isang surgeon clinic sila Danica. Mas pinili ng dalaga na maghintay sa labas kaysa tumambay sa loob habang ginagawa ang ilong ng kaniyang amo. Mas nalilibang siyang panoorin ang mga sasakyan at iba’t-ibang ilaw ng mga gusali. Medyo dumidilim na rin.

Iling na napabuga ng hangin ang dalaga nang maisip ang amo. Ganoon pala kapag plastic surgery, masyadong sensitibo.

Iba talaga kapag may pera. Lahat nagagawa mo. Lahat nakukuha mo. Piping usal niya sa sarili.

Hindi niya lubos maisip kung bakit may mga taong ganoon. Hindi makontento sa kung ano at sa kung sino ang meron sila. Gaya ni Andrie.

“Teka, kuya akin ‘yan, eh!”

“Pahiram lang ang damot mo!”

“Naman, eh akin ‘yan!”

Naagaw ang atensyon ni Danica sa dalawang bata na nag-aagawan ng bola sa kaniyang harapan. Parihong madungis ang mga ito at walang sapin ang mga paa. Mukhang mga “BADYAW”, na ang ibig sabihin sa Leyte ay palaboy. Nakaramdam siya ng awa. Sa mumurahing edad ng mga ito, lansangan ang nagsisilbi nilang tahanan.

Ang buong akala niya, siya na ang pinakamalas na tao; na siya lang ‘yong pinagkaitan ng mundo. Pero kung ikokompara sa mga batang nasa harap niya, mas maswerte pa pala siya. At least siya, lumaki mang mahirap, may mga magulang naman siyang responsable at itinaguyod siya nang maayos.

“Ayan, ang damot mo kasi!” paninisi ng nakakatandang bata nang mabitawan ang bola. Gumulong iyon papuntang kalsada.

“Ayaw mo kasi ibigay!” mangiyak-ngiyak na tugon no’ng nakababata at akmang hahabolin ang bola.

“Luh, hoy bata huwag, delikado!” sigaw ni Danica upang pigilan ang bata. Maraming kotse ang dumaraan at tiyak na mapapahamak ito. Pero tila desperado ang bata na makuha ang bola kaya sumunod na rin ang dalaga. Patakbo niyang tinungo ang direksyon ng bata at mabilis na niyakap kasabay nang pagtunog ng malakas na busena. Pakiramdam ni Danica ay sandaling tumigil ang oras. Yakap-yakap ang bata ay nanginginig ang katawan niyang napatingin sa kotseng gadangkal na lamang ang layo sa kanila.

“Magpapakamatay ba kayo?!” sigaw ng mamang driver na sumungaw mula sa bintana.

“H-hindi h-ho,” nahihirapan na usal ni Danica dahil na rin sa matinding nerbyos. Nahihirapan siyang huminga at tila bumigat ang kaniyang mga talukap. Hanggang sa bumigay ang mga tuhod niya.

MARAHANG iminulat ni Danica ang mga mata dahil sa mabining pagdampi ng basang bagay sa kaniyang mukha. Puting kapaligiran, iyon ang tumambad sa kaniyang paningin.

“Hays, salamat gising ka na,” boses iyon ng kaniyang amo. Lumingon siya upang masilayan ang mukha nito.

“Ma’am Jean..,” usal niya sa mahinang tinig.

“Gusto mo kumain?” tanong ni Jean na inilapag ang hawak na bimpo sa katabing maliit na desk.

“Ayoko po. Nasaan po ako? Nasaan po ‘yong bata?”

“Bumagsak ka kanina. Tumama ‘yong ulo mo kaya kinailangan kang dalhin dito sa hospital para ma-CT scan. But don’t worry, wala namang nakitang probelama. Makakalabas ka na rin bukas. At ‘yong mga bata dinala ng DSWD.”

Kahit papaano ay nakahinga nang maluwag si Danica. At least doon maaalagaan ang mga bata.

“Nakakahiya naman. Ibawas niyo na lang po sa sahod ko ‘yong gastos.”

“Naku, hindi ako ang nagbayad ng bills mo. Iyong nagdala sayo.”

“Sino ho?”

Noon naman bumukas ang pinto. Tatlong kalalakihan ang iniluwa niyon. Pari-parihong nakaitim na suit ang mga ito, kasunod naman ay isang matanda na marahil ay amo ng tatlong nauna. Hindi maiwasang hindi humanga ni Danica para sa huli. Sa likod ng namumuting buhok at kulubot na mukha ay hindi maikakaila ang kagandahang lalaki nito.

“I am glad you are awake, ija,” magiliw na wika ng matanda na ngumiti. “How are you feeling?”

“Okay lang po,” tipid niyang sagot.

Muling ngumiti ang matanda at umupo sa gilid, bandang paanan niya.

“You just don’t know how happy I am at this momment. I just can’t believe what I am seeing in front of me.”

“Hindi ko ho maintindihan,” literal na wika ni Danica. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa matanda at sa kaniyang amo. Talagang wala siyang maintindihan. Nakakaintindi oo, pero sa dami ng sinabi ng kausap hindi iyon kayang saluhin lahat ng utak niya.

“Oh well..,” muli ay wika ng matanda na natawa pa. “It’s been a long time since that day. Siguro nga tadhana na ang nagdala sayo sa akin.”

“Teka ho, Lolo. Kilala ni’yo ho ako?” manghang tanong ni Danica. Basi kasi sa pananalita ng matanda ay ganoon na nga.

“How can I forget that innocent face? You were too strong when you tried to fight for your love a year ago.”

Sandaling napatanga si Danica sa narinig. Si Andrie marahil ang tinutukoy ng matanda. Bigla ang pag-init ng kaniyang mga mata, sa lahat ba kasi ng pag-uusapan ito pa. Ang kahinaan niya.

Yumuko siya upang itago ang reaksyon. Ewan ba niya, pero pagdating sa dating kasintahan nagiging emosyonal siya.

“Pero hindi naman po siya bumalik,” aniya sa basag na tinig. Nagawa niya pang ngumiti nang sabihin iyon. Defense mechanism ika nga. “Kasal na ho siya. Ipinagpalit niya ho ako doon sa babaeng maraming pera.”

“Hindi naman natuloy ang kasal.”

Bigla ang pag-angat ni Danica ng mukha at hindi makapaniwalang tumingin sa matanda. Imposible, balita sa buong Leyte ang naging kasal ni Andrie at nag-honeymoon pa nga ang mga ito sa Hongkong.

Iniisip ng dalaga na nagbibiro lamang ang matanda pero nang ngumiti ito ay tila may isang parte ng puso niya ang natuwa.

“My Grandson had confessed everything..,” pagpapatuloy ng matanda. Bahagyang lumungkot ang ekspresyon ng mukha nito at dama niya iyon. “If I just learned earlier I would not have forced him to marry that woman. Hindi na sana umabot pa sa puntong may buhay na nadamay.”

Walang makapang salita si Danica. Hindi niya alam ang ang isasagot.

Bakit parang hindi magkatugma ang pinag-uusapan nila ng matanda? At paano nagkaroon ng mayamang Lolo si Andrie? At sino’ng namatay? Tanong ni Danica na sinarili na lamang.

“I am so sorry about that, ija. Ang laki ng kasalanang nagawa ko. And now that I have found you, nararapat lamang na itama ko ang lahat.”

Pagkatapos sabihin ang lintanyang iyon ay sumenyas ang matanda. Lumapit ang isang naka-suit at may ibinigay, cellphone.

“Ipapasundo kita. May kailangan kang makita.”

KANINA pa nakatunganga si Danica sa telebisyon. Nakailang lipat na siya ng channel pero wala siyang magustuhan. Naiwan siyang mag-isa. Matapos tumawag ng matanda ay umalis na ito at babalik na lamang daw mamaya. Samantalang bumalik na muna ng Cafe ang kaniyang amo.

Alas Dyes ymedya na. Inip na initsa ni Danica ang remote at pabagsak na humiga. Nasa ganoong posisyon siya nang marinig ang pagpihit ng seradora.

“Ma’am Jean..!” plaster ang ngiting usal niya sabay tingin sa deriksyon ng pinto. Pero hindi. Nabitin ang pagkakangiti niya at parang hindi niya na kayang ibalik ang mga labi sa ayos.

Ang mukhang iyon. Paano siya nitong natunton?

Bigla ay hindi siya mapakali. Siguro dahil do’n sa kasalanang nagawa niya a year ago. Hindi niya tuloy maiwasang hindi mapatitig sa mga mata nito papunta sa ilong, pababa sa mga labi. Agad siyang tumikhim dahil sa pag-iinit ng mukha.

Si ATM boy!

“See, I have found her.” Mula sa likod ay nagsalita iyong matanda. Ito pala ang tinutukoy nito kanina.

Kagaya niya mukhang nagulat din ang huli. Titig na titig ito sa kaniya at mukhang nalulon rin ang dila.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Josephine Tobias Andulana
yayy nagkita na sila
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status