Share

Chapter 6

Agad napabalikwas ng bangon si Ella nang yumakap sa kaniyang mukha ang malamig na tubig. Dumaloy iyon patungo sa kaniyang buhok at leeg. Napamura pa siya sa kaniyang isip at nagtanong kung sinong gumawa no’n. Ang ganda pa naman ng tulog niya bunga ng pagod.

Sobrang pagod ang humawak sa mga binti niya pababa sa kaniyang paa. Feeling detective kasi siya kahapon at sinundan pa talaga niya si Rafael. Ewan din ba kung anong pumasok sa utak niya at nagawa siyang sundan ito hanggang sa makauwi.

Akala niya kasi ay mag-iinom na naman ito. Concern lang siya sa mga bata na hindi na naman sisiputin ng magaling nilang guro, yes, iyon lang talaga ang dahilan niya.

Hindi ba talaga puwedeng concern lang siya?

Baka kasi kung may makaaalam ng ginawa niya ay iba na naman ang pagkaintindi. Wala siyang gusto sa lalaking ‘yon, wala na talaga.

Daig pa niya ang dancer na sumayaw buong maghapon, sobrang sakit ng binti niya. Hindi na kasi siya nakapagpalit ng flat na sandal. Nagmadali kasi siyang lumabas nang makita niyang nagligpit na ng gamit ang suspect niya.

Iniisip niya kasi no’n na susuntukin niya talaga si Rafael kapag uminom na naman ito. Baka nga kalbuhin niya pa. Pero pasalamat na lang din siya na hindi ito lumiko ng daan. Iyon nga lang, parang siya naman ang hindi makapasok sa trabaho, sobrang sakit ng katawan niya.

Hinayaan na lang niyang dumaloy sa mukha niya ang tubig. Wala naman din kasing ibang gagawa niyon sa kaniya dahil sila lang naman ng Mama niya ang nandito sa bahay.

“`Ma,” aniya at pinahiran ang mukha. Bunga ng lamig ay nagising ang natutulog niyang kaluluwa.

“Mabuti naman at gising ka na,” malamig na tugon ng kaniyang Mama at pagkatapos no’n ay padabog na isinara ang pinto ng kaniyang kuwarto.

Tinapik niya ang kaniyang noo. Iniwan siya agad ng kaniyang Mama na ganito kamiserable ang kaniyang hitsura. Binasa siya nito tapos iiwan lang naman pala.

“Hindi mo na ba ako mahal, `Ma?” tanong niya na alam niyang hindi na masasagot ng kaniyang Mama. Muli siyang pumikit at humiga sa kama. “Hindi mo na ba ako mahal?”

NAGMAMADALI siyang pumasok sa classroom niya pero hindi napigilan ng kaniyang mata na sulyapan ang classroom ni Rafael. Bakit kasi magkatabi pa sila ng classroom? Naging makasalanan tuloy ang kaniyang mata.

Naka-de-kuwatro pa itong nakaupo habang hawak ang isang libro na parang fairytale yata ang tema. Hindi niya masiyadong kita kung ano ang nakaukit sa pabalat ng libro. Medyo tinatangay ng hangin ang basa nitong buhok at focus na focus ito sa binabasa.

Kahit may iilan ng estudyante sa loob ng classroom nito ay hindi niya alintana. Hindi niya alintana ang ingay sa loob ng apat na sulok na iyon, tila nga ay naging isa itong musika habang minamasdan niya si Rafael.

Baliw na yata siya.

Embes na sa sarili niyang classroom siya papasok ay pumasok siya sa classroom ni Rafael. Abot hanggang tainga ang kaniyang ngiti nang tahakin niya ang pinto ng classroom at kumatok pa siya roon. Pero hindi man lang siya nilingon ni Rafael.

“Good morning, Teacher Ell!” bati sa kaniya ng mga bata.

Ngumiti siya sa mga bata pero agad niyang sinulyapan ang gurong sinaniban ng kasungitan.

“Nag-greet na sa akin ang mga bata pero hindi man lang niya ako tiningnan,” bulong ng utak niya. “Bastos!”

Padabog siyang naglakad pabalik sa kaniyang classroom.

“DAHAN-DAHAN sa paglabas, kids!” pahabol niya sa mga bata na agad nagsitakbuhan nang sabihin niya na puwede na mag-recess.

Kahit kailan talaga ang recess ang pinakapaborito ng mga bata. Kahit siya naman noon, kapag tinatanong siya kung ano ang favorite subject niya ay hindi siya magdadalawang-isip na recess ang isagot.

Totoo naman eh, bakit kailangan pang mahiya?

“Dahan-dahan lang kasi,” ulit pa niya, “huwag magtulakan.”

Mabuti na lang at may pa-libreng pagkain ang mabait nilang kagawad. Kaya parang mga nakawalang biik ang kaniyang mga estudyante. Gustong mag-unahan sa libreng ice cream at spaghetti.

“Hayaan mo na.”

Natigilan siya nang may biglang humawak sa kaniyang braso at pinigilan siya na habulin ang mga bata.

“Hayaan mo muna, nandoon naman ang ilang mga Nanay at Yaya ng mga bata eh,” patuloy ng isang ginang na pumigil sa kaniya. “Bakit hindi ka muna kumain? May ibinigay si Kagawad Helen sa’yo.”

Ang sarap ng ngiti ng ginang habang hawak sa kabilang kamay ang isang plato ng spaghetti at hinihila siya pabalik sa loob. Tila kumakaway sa kaniya ang ngiti nito at hindi niya magawang tanggihan.

Bago siya tumango ay nilingon niya muna ang mga bata na naghihintay mabigyan ng pagkain. Marami rin namang nag-a-assist sa mga bata at hindi na talaga kailangan ang tulong niya. Sumunod na lang siya sa gusto ng ginang.

“Birthday ni Kagawad, pupunta ka ba? Invited daw lahat ng mga nagtatrabaho sa baranggay eh,” panimula nito at inilagay na sa mesa ang plato. Ngumiti ito sa kaniya.

Kahit medyo naiilang siya ay gumanti na lang siya ng ngiti. Hindi niya kilala ang ginang, ngayon pa nga lang niya ito nakita. Pero siguro kasama ito ng baranggay kagawad nila na tumulong sa pagbibigay ng pagkain sa mga bata.

“Titingnan ko po kung makapupunta ako.”

Tumango ito at sumulyap sa bintana. “Ang dami na pa lang bata sa baranggay natin, ano? Noong huli kong bisita sa Day Care Center ay kunti palang ‘yon eh. Kaya pala dalawa na kayong teacher ngayon.”

Habang kumakain ay tumango siya sa ginang. Medyo weird lang talaga na hindi naman niya alam ang pangalan nito pero kung makapagkuwento ang ginang ay parang matagal na silang magkakilala.

“Ako pala si Nilda.” Humarap na ito sa kaniya. “Diyan lang ako sa kabilang kanto nakatira. Humingi kasi ako ng kaunting spaghetti kay Kagawad pero inutusan akong bigyan ka ng pagkain.”

Hilaw siyang ngumiti at nagpasalamat.

Ano ba ‘yan, parang kasalanan ko tuloy kung bakit hindi siya nakakain, bulong niya.

Binuksan niya ang lunch box niya at kinuha ang kutsara. Medyo marami namang spaghetti kaya kasya pa siguro ito sa kanila. Inabot niya ang kutsara kay Manang Nilda.

“Kain po tayo, hati na lang tayo sa spaghetti. Hindi ko naman po mauubos itong lahat eh,” aniya pero hindi gumalaw ang matanda upang tanggapin ang kutsara. “Don’t worry po, malinis ‘to.”

Humalakhak ang ginang at inabot ang kutsara. Inulit pa nito ang tanong kung sigurado ba raw talaga siya. Sumabay na ito sa pagkain hanggang sa nagkuwento na naman ito ng mga bagay-bagay.

Nang matapos silang kumain ay sumilip na naman si Manang Nilda sa bintana pagkatapos ay kinalabit siya. Tinuro pa nito si Rafael na parang ang binata na naman ang naisip nitong gawing topic.

“Ang pogi, ‘no?” anito at humagikhik.

Seryoso? Hindi kaya crush nito si Rafael?

“Kilala ko ang batang iyan, hija. Sobrang bait niyan.”

Tumango-tango siya. “Mabait nga po.”

Sa sobrang bait nga po ng lalaking ‘yan, pumasok ‘yan sa trabaho na lasing, bulong niya.

“Alam mo ba na high school teacher ang batang ‘yan dati? Eh, kaso nabigo sa pag-ibig kaya hindi na muling nagtrabaho. Ang sakit pa lang magmahal.”

Tumango-tango siya. Totoo namang masakit magmahal. Pero hindi naman sa lahat ng panahon ay sakit lang ang ibinibigay ng pagmamahal. Minsan nga nagbibigay ito ng inspirasyon sa mga tao.

Inspirasyon upang mabuhay, inspirasyon upang magbago.

Pero minsan din ay ang pagmamahal ang nagiging dahilan kung bakit nagiging masama ang mga tao. Minsan kasi dahil sa pag-ibig ay nakakasakit na ng ibang tao. Minsan din ang taong in-love ay kayang manakit ng tao upang makuha ang kanilang gusto.

Nagiging makasarili.

Gaya ng nangyari sa kanila ng best friend niyang si Melonie.

Limang taon na rin ang pagkakaibigan nila ni Melonie. Mula noong junior high school pa sila ay kilala na niya si Melonie. Naging kasama na rin niya ito noon sa mga school project pero hindi pa talaga sila masiyadong close no’n.

Nang mag-senior high sila ay doon mas lumalim ang kanilang pagkakaibigan. Mas naging malapit sila. Ito palagi ang kasama niya, ito palagi ang nalalapitan niya. Kasama sa mga lakad, kasama sa mga araw na importante sa kaniya.

Halos kapatid na nga ang turing niya kay Melonie.

Pero hindi umabot sa isip niya na magiging kaaway niya ito. Hindi umabot sa isip niya na mapuputol ang relasiyon nila.

Mas lalong hindi umabot sa isip niya na magkakalabuan sila dahil lang sa isang lalaki. Dahil sa pipiliin nito si Kenneth at iiwan siya nito. Iiwan ang pagkakaibigan nila.

Pero gano’n siguro talaga, masakit ang magmahal.

Huminga siya nang malalim at nakisilip na rin sa bintana. Mapait siyang ngumiti habang sinusundan ng tingin si Rafael. Halos hindi mo makita sa mukha ng lalaki na may pinagdadaanan ito. Hindi mo makikita sa mukha ni Rafael na nasasaktan ito. Ang galing nitong magtago.

Pero noong nakita niya itong lasing, nakita niya ang pait at hinagpis sa mga mata nito. Doon niya nalaman na may tinatago pala itong masakit na kuwento.

Sana makaya niya, bulong niya sa isip.

“Naaawa lang ako sa kaniya,” patuloy ni Manang Nilda. “Si Cindy ang gusto niyang pakasalan. Mahal na mahal niya ang babae na ‘yon kahit maraming balita na hindi maganda ang background no’n pero hindi iyon pinansin ni Rafael.

“Hanggang sa nagpasiya ang dalawa na magpakasal pero mas pinili ni Cindy ang Amerikanong iyon at iniwan si Rafael.” Mapait na tumawa ang ginang. “Daig pa ni Rafael ang mga teleserye sa TV eh. Siguro kung magiging movie ang kuwento ng batang ‘yan, kawawa ang magiging bida.”

“Bakit po? May mas malalim pa bang story si Rafael maliban sa lovestory niya?” hindi niya napigilang itanong sa ginang.

Tumawa lang ito at tinapik siya sa balikat. Isinara nito ang bintana at inayos ang kurtina. Inaya siya nito na bumalik sa mesa at parang walang balak na ikuwento rin sa kaniya ang buhay ni Rafael.

Eh halos ibulgar na nga nito ang love life ni Rafael tapos hindi pa pala ikukuwento lahat eh.

Mapait na naman itong ngumiti sa kaniya. “May gusto ka ba kay Rafael, Ella Jane?”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status