Share

Chapter 5

NAPADAING si Zia at pilit itong itinutulak. “Ano ba, nasa ospital tayo!”

“Wala akong pakialam,” saad ni Louie na patuloy pa rin siyang iniipit sa pader at nakuha pang ilapit ang mukha. “Kilala mo ba kung sino ‘yun?” anito.

Nang una ay hindi maintindihan ni Zia kung bakit ito nagkakaganito ngunit tuluyan na rin niyang naunawaan na dahil pala sa doctor. “Louie, sa dinami-rami ng kinakaharap kong problema ngayon… iniisip mo pang lalandi ako sa iba? At kung gagawin ko man iyon, sisiguraduhin ko munang tapos na tayo,” matapos iyong sabihin ay tinulak niya nang ubod lakas si Louie para bumalik sa kwarto.

Ngunit sumunod pa rin ito at natigilan nang makita na may ibang tao sa loob ng kwarto.

Napatayo agad si Maricar nang makita si Louie at nag-alok pa ng mauupuan. “Maupo ka muna. Zia, anak, ipagbalat mo ng prutas ang asawa mo. Pagkatapos ay sabay na kayong umuwi na dalawa at ako nang bahala sa Papa mong magbantay,” saad pa nito.

Naupo naman si Louie at nakipag-usap kay Arturo. Malamig man ang pakikitungo kay Zia ay malaki ang respeto nito sa biyenan. Dahil ilang taon ding nasa negosyo si Arturo.

Kapwa negosyante lang ang nagkakaintindihan kaya gustong-gusto ni Arturo ang manugang.

Ngunit nang banggitin ni Louie ang planong ilipat ang biyenan sa ibang ospital ay tumanggi ito, “’Wag mo na akong alalahanin. Mababait at magagaling ang mga doctor rito,” saad ni Arturo.

Hindi naman nagpumilit si Louie at ngumiti na lamang. “Kung sabagay po, nasanay na kayo rito kaya mahirap nang mag-adjust sa iba.”

Nang mga sandaling iyon ay tapos nang magbalat ng mansanas si Zia sabay bigay ng platito kay Louie.

Tinanggap naman nito ngunit hindi kumain. At ilang sandali pa ay nagpaalam, “Salamat pero kailangan ko na pong umalis. Isasama ko na rin po sa pag-uwi si Zia. Magpagaling po kayo nang husto, Pa.”

Tumango naman si Arturo at ilang sandali pa ay tuluyan nang umalis ang dalawa.

Nag-umpisa namang magligpit si Maricar nang magtanong si Arturo, “Nag-away ba sila?”

Natigilan si Maricar at awkward na ngumiti. “H-Hindi, maayos silang dalawa.”

“’Wag ka nang magsinungaling. Sa paraan pa lang ng pagtingin ni Zia ay alam ko na. Hindi siya gano'n tumingin dati kay Louie.”

Humarap si Maricar na malungkot. “Arturo, pakiusapan mo naman ang anak mo. Gusto niyang makipaghiwalay kay Louie.”

Nabigla naman ito ngunit kalaunan ay napabuntong-hininga. “Hindi ko siya mapipilit sa gusto niya. Ang mas mabuti pa’y kalimutan na lang nating nalaman ko ang totoo, kaya 'wag mong sasabihin ‘to kay Zia. Nasa kulungan si Chris at ayokong pati siya ay makulong sa isang relasyong hindi na siya masaya."

Nais pa sanang umapela ni Maricar ngunit pinili na lamang manahimik at ipinagpatuloy ang pagliligpit.

***

DINALA si Zia sa parking lot. At kahit ayaw niyang sumakay sa kotse ay pinilit siya ni Louie.

Wala siyang magawa dahil hawak nito ang kamay niya. Kahit kalmado ang ekspresyon ay alam ni Zia na nagtitimpi na lamang ito.

Kapag gumagamit siya ng lakas ay mas dinodoble lang ni Louie ang puwersa kaya sumuko na rin siya.

Hanggang sa kusa siyang binitawan para manigarilyo.

Hindi gusto ni Zia ang amoy ngunit kailangan niyang magtiis. Napalingon naman si Louie na kunot pa rin ang noo. Hindi maintindihan kung bakit naiirita kahit wala naman dapat pakialam kung ano ang gawin ni Zia.

O, marahil ay ayaw lang ni Louie na may magbago dahil malaking kasiraan din sa reputasyon kung mawawala si Zia.

Matapos maupos ang sigarilyo ay nilabas nito sa bulsa ang isang maliit na box at binuksan sa harapan niya.

Bakas ang pagkabigla sa mukha ni Zia nang makita ang wedding ring.

Hindi akalaing mahahanap at maibabalik ito ni Louie.

“Akin ng kamay mo’t isuot ‘tong singsing,” utos nito. “Pagkatapos ay kakalimutan ko ang mga nangyari.”

Pero umiling si Zia at pilit itinatago ang kaliwang kamay.

Nainis naman si Louie. “Ano ba talagang gusto mo, Zia?!”

“Makipaghiwalay. Gusto ko ng divorce,” sagot niya.

Pagod na napasandal sa kinauupuan si Louie dahil sa pagmamatigas niya. Lalo pa nang ayaw sumamang umuwi.

Hanggang sa mahagip ng paningin si Patrick na naglalakad sa hindi kalayuan kasama ang isang nurse.

Napatiim-bagang si Louie sa inis at eksakto pang tumunog ang cellphone. “Anong problema, Alice?!” Ito ang nabalingan ng inis.

“Sir, nahulog po sa hagdan si Miss Bea at masama ang lagay niya, hinahanap kayo. Makakapunta po ba kayo sa Batangas ngayon?” anito.

Hindi agad nakasagot si Louie. Malakas ang volume ng cellphone kaya paniguradong narinig ng asawa ang lahat.

Ilang sandali pa ay mapait na napangiti si Zia at lumabas sa sasakyan. Agad niyang naramdaman ang lamig ng hangin ngunit wala siyang pakialam.

May parte sa kanyang umasa na magkakaayos pa sila… pero hanggang doon na lang pala iyon. Hindi na ito magbabago pa.

Nanatili naman sa kotse si Louie at patuloy na kausap si Alice, “Humanap ka ng magaling na doctor para kay Bea.”

“Hindi po ba kayo magpupunta?” tanong muli mula sa kabilang linya.

Sa halip na sumagot ay binabaan lang ito ni Louie saka d-in-ail ang numero ng asawa ngunit hindi kumukonekta ang tawag.

Sa inis ay naihagis ni Louie ang cellphone sabay dampot sa wedding ring na nahulog. Naniniwalang determinado talaga si Zia na makipaghiwalay.

***

ILANG ARAW ang lumipas, sa opisina ni Louie ay kasalukuyan niyang kausap ang Ina sa cellphone.

Muli na naman kasing hinahanap ni Esmeralda si Zia. Namimiss daw ito ng matanda.

Kaya pinakiusapan niya ang Ina na magdahilan muna.

Hanggang sa magkakasunod na katok sa pinto ang nagpatigil sa kanya. Si Alice ang pumasok na may dalang dokumento. “May pina-deliver po si Ma’am Zia sa inyo, Sir.”

Pagkaalis ng secretary ay saka niya tiningnan ang nilalaman.

Divorce papers.

Binasa niya ang nakasulat. Walang nais makuha si Zia mula sa kanya sa oras na maghiwalay sila.

Talagang pinapahirapan nito ang sariling buhay.

Hanggang sa muling bumalik si Alice upang ibalita na, “Ibinibenta ni Ma'am Zia ang mansion nila at marami na ang gustong bumili! Nabalitaan ko rin pong may gustong kumuha sa kanya para magtrabaho at malaki ang offer na matatanggap.”

Pabagsak namang naupo si Louie at pinakatitigan nang matagal ang divorce papers.

“Tawagan mo isa-isa ang mga gustong bumili para mapigilan. Wala akong pakialam kung anong klaseng pagbabanta ang gawin mo. Pagkatapos ay bilhin ang mansion sa pinakamababang halaga,” utos niya saka napangisi. “Tingnan lang natin kung kayanin niya ang hirap ng wala ako.”

Natigilan naman si Alice. Hindi nito inaasahan na hindi hahayaan ni Louie na basta na lamang makawala ang asawa.

“Ano pang ginagawa mo? Kumilos ka na!” hiyaw ni Louie.

Nagmamadali namang lumabas si Alice habang may tinatawagan sa cellphone…

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status