Share

Entangled (The Ledesma Legacy Series 1)
Entangled (The Ledesma Legacy Series 1)
Author: Em N. Cee

PROLOGUE

    "Catacutan, Florence. Cum Laude."

   Nagkatinginan kami ni Mama at ngumiti sa isa't-isa. Ito na ang bunga ng lahat ng sakripisyo, lahat ng pagsisikap, lahat ng puyat at pagod sa pinagsasabay na pag-aaral at trabaho bilang kasambahay.

   Buong pagmamalaki kong tinanggap ang diploma at medalyang isinabit sa leeg ko habang hawak ko ang kamay ni Mama. Siya ang inspirasyon ko para magawa ang lahat ng ito. Pangarap ko kasing maiahon na siya sa pagiging katulong na katulad ko. Gusto kong masabi sa kanya balang-araw na, "Ma, ako na ang bahala."

   Konting kembot na lang iyon. Next week, magsisimula na ako sa bago kong trabaho. Bago pa kasi itong pagtatapos namin ay nag-a-apply-apply na rin ako, may mangilan-ngilan ding kumpanya na tumatawag sa akin na iniimbitahan akong mag-apply sa kanila. Iyong pinakaunang nag-hire sa akin, g-in-rab ko na. Hindi na ako namili ng posisyon o kumpanya. Kahit ano pa iyan basta makapaghanapbuhay na ako at kumita.

   Pagkatapos ng seremonya ay nagkita-kita kami ng mga kaibigan ko.

   "Mga bakla!" Naiiyak-iyak na sabi ni Patti. "Ano na, mami-miss ko kayo. Chosko, welcome to the real world na talaga 'to!"

   "Group hug, dali!" Ibinuka ni Luna ang mga braso niya. Sumugod kami lahat sa kanya at nagyakap kaming lima.

   Masaya akong natagpuan ang mga tunay kong kaibigan sa unibersidad na ito. Magagandang alaala ang babunin ko sa pagharap sa bagong yugto ng buhay ko dahil sa kanila.

   "May mga kanya-kanya tayong celebration sa bahay, malamang," ani Ellie nang magkalas kaming lahat sa pagkakayakap sa isa't isa. "Ke'lan na tayo magkikita nito?"

   "PM-PM tayo mga bes. Basta, PM-PM pa rin," sabi ko sa kanila. "'Wag kayong makakalimot, ha. Kahit magiging busy na tayo."

   "Ikaw pa lang." Hinampas ni Chanel ang balikat ko. "Kami, mga tambay pa lang. But you, you're gonna start working next week."

   "Wala, Cum Laude, eh." Nagkibit-balikat si Patti. "Cum landi lang kasi ang kinaya ko."

   Tawanan kaming lahat.

   "Ay, ito na sila Mommy," biglang sabi ni Chanel. Papalapit nga sa amin ang parents niya kasama pa ang boyfriend niyang si Jake.

   "Tita!" sabi ni Patti sa Mommy ni Chanel. "Graduate na kami! Wala na pong manggugulo sa bahay niyo."

   Natawa tuloy kami pati iyong mga parents ni Chanel. Sa bahay kasi nila kami madalas gumawa ng projects at research dahil malaki iyong bahay nila at kasya kaming lahat kahit doon pa mag-overnight.

   "Paano, guys, we have to go," paalam ni Chanel sa amin. "Message, call, whatever, just please communicate mga beh!"

   Nakita na rin ni Luna at Ellie ang mga parents nila sa crowd kaya kami ni Patti ang naiwan.

   "Nasaan si Mama mo?" tanong ni Patti sa akin.

   "Siguro nasa gate 'yon, naghihintay," tugon ko. "Eh si Pudra mo?" Ganoon niya kasi tawagan iyong tatay niya kaya ganoon na rin ang tawag ko.

   "Nandoon din siguro. Tara," aniya. "Walang CP 'yon, eh."

   Naglalakad na kami nang magsalita siya ulit, "Baks, game ka ba rumaket? Pero bukas na 'to."

   "Anong raket 'yan?" tanong ko.

   "Natatandaan mo 'yong agent na kumukuha sa 'tin dati para mag-flyering?" wika niya. "Need niya daw kasi ng tao bukas para sa booth niya sa car show sa MOA."

   "Talaga? Sige. Kailangan ko rin ng perang panimula, eh," pahayag ko. "Hindi naman ako susuweldo agad."

   Minsan kasi ay suma-sideline kami ni Patti bilang tiga-abot ng flyers sa mga kalsada o sa mga malls kapag wala kaming pasok. May kilala siyang agent na galing naman sa isang advertising company na siyang kumukuha sa amin. Mula sa sabon, bagong bukas na restaurant, bagong labas na motor at kung anu-ano pang produkto na maaaring i-advertise sa pamamagitan ng flyers.

   Dito ako mas na-train sa patibayan ng loob. Nasanay na akong ma-deadma ng karamihan tuwing may iniaabot akong flyer, iyong tipong extend na extend na ang braso ko pero parang wala silang nakita. Pero mas malala iyong tatarayan pa ako na tipong titignan ako mula ulo hanggang paa na nakataas ang isang kilay, sabay sasabihin sa akin, "Do you seriously think I need that?"

   Pero hindi ko na rin masyadong dinibdib ang mga ganoon. Ang importante sa akin, iyong kikitain ko. Pambaon din 'yon para hindi ko na mabawasan iyong pa-allowance nila Ma'am Carla sa akin. Pambili naman ng ibang pangangailangan sa school tulad ng mga libro at supplies para hindi ko na hingiin pa iyon kay Mama.

   "Sige, game, kita tayo bukas sa office, baks," sabi ni Patti.

   

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status