Share

7: When They Meet Again

Matapos sabihin iyon ni Celestina kay Katalina ay bumaba ang kaniyang tingin sa anak. Nakangiti na ito ngayon sa kaniya. Gumanti rin siya ng ngiti rito.

“Madali lang namang itanggi.”

Nagkibit-balikat na lang si Celestina sa kaniya. “Tara, Angie. Sumunod ka sa akin. Sasakay tayo sa bagong awto ni tita-ninang,” sabi lang nito sa anak at kinuha ang ilan nilang gamit. Hinawakan nito maging ang kamay ng kaniyang anak.

Nang malaman kasi nito na uuwi sila ay nag-boluntaryo na ang kaibigan niya na ito na raw ang susundo sa kanila para naman sila ang unang sasakay sa bagong pundar nitong kotse.

Tumingala muli sa kaniya ang anak at tinanguan na lang niya ito bago sumabay sa tita-ninang nito. Kapagdaka’y sumunod siya sa dalawa.

“Hindi ka ba natatakot sa posibleng mangyari kung makita niya ang anak ninyo?”

Mula sa panonood sa labas ng sasakyan kung saan sila lulan ay napabaling siya sa kaniyang kaibigan nang tanungin nito iyon. Napatingin pa siya sa likuran kung saan inookupahan ng kaniyang anak ang upuang naroroon. Nakatulog ito sa sobrang pagod sa biyahe. Halos walong oras din kasi sila sa loob ng bus at imbes na matulog ang bata ay kinulit siya nang kinulit nito patungkol sa kung anong mayroon sa Casa Serrie. Sabik na sabik din daw ito na makita muli ang mama-lola at tita nito. Siguro sa anim na taong pamamalagi niya sa Maynila ay tatlong beses pa lang tumungo roon ang ina at kapatid niya para bisitahin siya at ang anak niya. Samantalang ang ama naman niya, hindi na siya umasa pa pero lihim pa rin niyang ipinagdarasal na sana’y bumalik na sa dati ang kanilang pagsasamang dalawa, kahit para sa apo man lang nito. Pero nang banggitin din ng anak niya ang kaniyang papa-lolo sa gitna ng kanilang biyahe, na gusto nitong makilala at maka-bonding, ay hinalikan niya ang ituktok ng ulo nito. Ngayon ay alam na niyang may katuwang na siya para mapalambot ang puso ng ama sa kanila.

“Hindi ako nag-aalala, Tina. Hindi niya na p’wedeng pakialaman pa ang buhay ko lalo na ngayon. Kung pipilitin niya ay mahiya naman siya sa balat niya,” tugon niya rito matapos pagmasdan ang anak.

“Pero hanggang ngayon ay kinukumusta ka pa rin niya sa akin sa tuwing nagkikita kami. Ang hirap nga niyang iwasan sa pagkakataong ito. Sa anim na taong nakalipas ay hindi pa rin siya nakakausad, Katalina. Bakas pa rin ang lungkot sa mga mata niya sa tuwing tinititigan ko.”

Natahimik siya sa sinabi ng kaibigan. Muli ay napatingin siya sa labas. Ibang-iba na ang Casa Serrie ngayon kumpara noon. Kung maunlad na noon ay mas lalong umunlad ito ngayon dahil hindi lang sementado ang kalsada kundi lumawak na rin. May malalaking bahay na rin siyang nakikita na nagsasabing umaasenso na nga ang mga mamamayan ng Casa Serrie. Mula sa panonood sa labas ng bintana ng sasakyan ay lumakbay ang kaniyang isip...

Noon pa man ay kinukulit na ni Vicente si Celestina. Nang umuwi nga si Celestina galing sa Maynila ay kaagad itong tumawag sa kaniya. Hinihingi raw ng lalaki ang address niya kung saan siya tumutuloy sa Maynila maging ang numero niya, pero hindi ito ibinigay ng kaibigan na kaniyang ipinagpasalamat. Pinakiusapan din niya si Celestina na kung ano man ang nalaman niya roon ay hanggang doon lang. Ayaw niyang ipaabot sa lalaki na buntis siya. Hangga't kayang iwasan ay iiwasan nito si Vicente. Ililihim nila kay Vicente ang tunay na kalagayan niya noon at itatago sa pamilya ang tunay na pagkatao ng lalaking nanloko at nakabuntis sa kaniya. Ayaw niya na ng gulo. Kung maaari sa kanila lang iyon ni Celestina.

“Ang kapal ng mukha niya na para bang siya ang nadehado,” asik na lamang niya.

“O MY GOD, Katalina. Sa wakas narito na kayo!” Puno ng pananabik na niyakap siya ng ina pagkababa niya ng sasakyan. “Gumanda ka lalo anak ko,” puri pa nito sa kaniya.

“Mas higit siyang gumanda sa pantay na buhok Tita Jennelyn, hindi ba? Hindi tulad ng dati na halos pugaran na ng pugo ang kaniyang buhok sa sobrang kulot nito.” singit ni Celestina nang bumaba rin ito sa sasakyan, na nasa driver seat, na kanilang ikinabaling dito.

“Sinasabi mo bang masyadong pangit sa anak ko ang natural nitong buhok noon na minana niya sa mga ninuno namin, hija?” 

“Ay! Hindi po biro lamang, Tita. Ang ibig ko pong sabihin ay hindi dapat nagpapantay ng buhok si Katalina. Para tuloy siyang punong niyog na nagkabuhok lang.”

Pinanlisikan niya ang kaibigan sa tinuran nito na ikinakunot-noo naman ng kaniyang ina. Pero sa loob-loob niya ay wala pa ring ipinagbago ang kaibigan. Hindi pa rin marunong magbiro.

“Hindi kaya payat ang anak ko. Mas gumanda pa nga ang katawan niya ngayon. Sa inyong dalawa ay ikaw pa ’tong mukhang may limang anak,” banat naman ng kaniyang ina rito.

Nanulis ang nguso ng kaibigan niya na kaniyang ikinatawa. 

“Sabi ko nga’t mananahimik na lang ako at pagkakaisahan ninyo na naman ako.” Paghalukipkip nito ng kaniyang mga braso.

“Ate!” 

Naagaw ang kanilang atensyon ng taong sumigaw. Awtomatikong lumawak ang kaniyang ngiti nang makita ang tuwang-tuwa na kakambal, tumatakbo ito patungo sa kinatatayuan nila.

“Katarina, kumusta na?” Paghawak niya sa dalawang kamay nito pagkatapos nilang magyakapan. Hindi mapantayan ang kasiyahang nararamdaman niya dahil sa wakas ay makakasama niyang muli ang ina at kapatid.

“Ito, sobrang saya dahil maliban sa ikakasal na sa lalaking mahal ko ay umuwi ka na. Dahil doon ay magiging kumpleto na ang pamilya ko sa araw ng aking kasal. Maraming salamat sa pagtugon, ate.” Niyakap siyang muli ng kaniyang kakambal. Kitang-kita nga sa mukha nito kung gaano ito kasaya.

Nang mapagawi ang kaniyang tingin sa kaibigang si Celestina ay bigla na lang siyang nakaramdam ng lungkot. Na kaagad namang nabasa ng kaibigan kaya maging ito ay dinamayan siya mula sa lungkot na nararamdaman. 

“Where is my favorite niece, ate?” tanong nito sa kaniya nang kumawala ito sa pagkakayakap nila.

At doon ay naalala niya ang anak na mukhang nakalimutan na nga.

“Ahh, oo nga pa—”

“Vicente, hijo, nandiyan ka pala. Halika ka rito ipapakilala ka namin sa kakambal ng iyong mapapangasawa.” 

Rinig na wika ng kaniyang ina na ikinahinto niya sa pagbukas ng pinto ng sasakyan sa hulihan. Dahan-dahan ay itinaas niya ang kaniyang ulo at doon ay nakita niya ang lalaking pumunit ng kaniyang puso noon. Ang lalaking labis na nagdulot sa kaniya ng sakit sa kaniyang kahapon. Ang lalaking sumira ng magandang pagsasama nila ng kaniyang ama. Ito ang pagkakataong gusto niyang iwasan, ngunit hindi niya puwedeng takbuhan. Bakit kasi ito pa ang minahal ng kapatid niya?

Nakatingin lamang si Vicente sa kaniya habang nakatayo sa bukana ng malaking pinto ng kanilang bahay. Nangungusap ang mga mata nito na tila ba maraming nakaimbak na katanungang gustong itanong simula nang mawala siya at hindi nito mahanap-hanap. Dahil sa mukhang wala itong balak na putulin ang pagkakatitig sa kaniya ay siya na mismo ang nagbaba ng tingin.

“Ate, si Vicente, my fiance. Siya ang lalaking palaging kinukuwento ko sa ’yo at siya rin ang mapapangasawa ko.” 

Naitaas niya ang tingin sa kapatid na ngayon ay mas lalong lumawak ang pagkakangiti. Pilit niyang pinapagaan ang dibdib na unti-unting bumibigat lalo’t higit na ang matang nagsisimula ng humapdi. Pilit siyang ngumiti sa kapatid. Tumingin siyang muli sa lalaki, na ngayon ay katabi na ni Katarina. Bumaba rin ang tingin niya sa mga kamay ng mga ito na magkahawak na. 

“Hi, Vicente. Nice meeting you. Sa wakas ay nakilala ko na ang lalaking nagpapatibok sa puso ng kapatid ko.” Inilahad niya ang kamay sa harap ng lalaki na tiningnan lang nito bago muling itinaas ang tingin sa kaniya. Nagsisimula nang bumilis ang pagtambol ng kaniyang dibdib at nahupa na lang iyon nang tanggapin ito ng lalaki.

“Palagi ka ring ikinukuwento sa akin ni Katarina.” 

Dahil doon ay tila natigilan siya. Tumingin siya sa kaniyang kapatid na hanggang ngayon ay nakangiti pa rin. Hindi niya alam kung saang bahagi na ang kinuwento ni Katarina sa lalaki na sinasabi nitong ‘palagi.’ Napalunok siya nang halos ayaw ring bitawan ni Vicente ang kaniyang kamay.

“Mama.”

Doon ay binitawan na nito ang kaniyang kamay at kunot-noong bumaba ang paningin sa kaniyang likuran. Napabaling siya sa kaniyang likuran. Naagaw ng munting binibini ang atensyon ng lahat. Pinutol nito maging ang tensyong unti-unting bumabalot sa buong paligid sa pagitan lamang niya at ng lalaki. Kinukuskos nito ang mga mata dulot ng iritasyon sa malabong paningin simula ng imulat ang mga iyon.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status