Share

Pangalawa

"Uy, Sha. Mukhang nakahanap ka kaagad ng inspirasyon ah?" pabirong turan ni Hendrix kay Sasha na may kasamang pagsiko sa braso niya.

Napalingon tuloy ang dalaga sa kaniya na may matalim na titig sa mata at nakataas ang isang kilay niya, habang abala naman ito sa paghihiwa ng mga sibuyas.

"Tigil-tigilan mo ko, Drix ah? hindi mo ba nakikita 'tong hawak ko ngayon?" nakabusangot na tugon nito sa kaniya habang pinapakita ang matalas na kutsilyong hawak niya.

Napalunok naman ng malalim ang binata at pasimpleng napakamot sa likod ng ulo niya.

"Ikaw naman hindi mabiro. Pero," huminto siya saglit sa pagsasalita at pinapanuod ito sa paghihiwa ng mga sibuyas.

"Ano?" pataray niyang saad na may pagtaas ng isa niyang kilay.

"Mukhang mabait naman siya at tsaka-" hindi na niya naituloy pa ang kaniyang sinasabi nang bigla itong lumingon sa kaniya at muli siyang tinaasan ng isang kilay.

"Tapos? ano ang gusto mong iparating sa akin? iniisip mo ba na baka patulan ko ang garapatang 'yon?" ani ng dalaga at ang tinutukoy nilang dalawa ay walang iba kundi si Aziz, na kinaiinisan sa lahat ni Sasha.

"Garapata?" nakangising sabi naman niya habang pinipigilan ang sarili sa pagtawa ng malakas.

"O bakit? mukha naman talaga siyang garapata sa paningin ko. Sobrang sarap niyang tirisin!" pagkasabi ay tinalikuran na niya ito at ipinagpatuloy ang ginagawa niyang paghihiwa sa mga sibuyas.

"Mukhang magkakasundo nga kayong dalawa," pahabol pang saad ng binata sa kaniya bago ito umalis at lumabas ng kusina.

Napalingon naman ang dalaga sa kaniya na may guhit ng kunot sa kaniyang noo, pero hindi na lang niya ito pinatulan pa at ipinagpatuloy na lamang ang kaniyang ginagawa niya.

Maya-maya pa ay nagsidatingan na nga ang mga kasamahan nila sa loob ng kusina. Sa pizza area, nakatoka si Sasha. Kung saan sila ang umaasikaso ng mga pizza orders, taga-lagay ng mga portions at siyempre gumagawa ng pizza. Sa istasyon nilang iyon ay tanggi siya lang ang naatasang maghiwa ng mga gulay at meat na gagamitin nila. Pero napapansin niya na parang wala naman siyang natututunan dahil sa paulit-ulit niyang ginagawa. 

Madalas kasing si Myla ang nakakasama niya magduty, kung saan sabay lang naman silang nagtraining dalawa nuon. Pero kahit kailan ay hindi siya tinuturuan nito sa paggawa ng pizza o kung papaano ba maghulma ng tamang pizza dough. Palagi lang siyang pinaghihiwa nito ng mga gulay o mga ingredients na gagamitin nila sa pizza. Kaya kahit gustong-gusto niyang magpaturo sa kaniya ay parang siya pa ang mahihiya sa kaniya, gayong may pagka-bossy ito sa team nila at umaastang lider sa istasyon nila. Kaya madalas ay hindi na lang siya umiimik, lalo na kapag nakakasama niya ito at nakakatrabaho.

"Be, dalhin mo nga 'to sa back up station tapos ipabukas mo sa kanila, dali." Utos nito sa kaniya sabay nilapag sa harapan niya ang malaking lata ng pineapple juice.

Natigilan naman siya saglit sa paghihiwa ng sibuyas at napatitig sa malaking lata na nasa harapan niya ngayon.

Heto, na naman po tayo. Nagsisimula na naman po siya sa pag-uutos sa akin. Bulong ng dalaga mula sa kaniyang isipan na may pagpipigil sa kaniyang sarili.

Tahimik na lamang niyang hinubad ang plastic gloves na suot niya sa dalawang kamay at tsaka kinarga ang malaking lata ng pineapple juice na pinapasuyo sa kaniya ni Myla.

Hindi naman gaanong kalayuan ang pagitan ng istasyon nina Sasha sa mga back up boys, kaya wala pang benteng segundo ay nakarating na rin siya kaagad.

"O ano 'yan? kayo na lang ang magbukas niyan, marami kaming ginagawa!" inis na turan ni Ark sa kaniya, matapos nitong makita ang hawak-hawak niyang malaking lata ng pineapple juice.

"Dali na, Ark. Kailangang-kailangan na namin 'to ngayon e." Pagsusumamo ng dalaga sa kaniya habang abalang-abala naman si Ark sa paghuhugas ng mga kurbyertos nila sa kusina.

"Huwag kang makulit, Sha. Sabing hindi nga puwede! tignan mo oh, tambak na nga ako ng mga hugasin dito tapos hindi ko pa natatapos yung isang pan ng lasagna." Sabay turo niya sa mga nakatambak niyang hugasin sa lababo at mga lasagna na hindi pa niya nasisimulan.

"E bakit kasi mag-isa ka lang? nasaan ba ang kasama mo?" usisa ng dalaga sa kaniya, sabay napabuga naman siya ng malalim na paghinga.

"Naku huwag mo ng tanungin. Kumukulo lang ang dugo ko sa kaniya," mahina ngunit mariin niyang tinugon sa dalaga.

"Ark, sige na. Saglit na saglit lang talaga 'to, o kaya turuan mo na lang ako kung papaano ba magbukas ng ganito." Pakiusap niya kahit hindi man lang siya nililingunan ng binata.

"Kunin mo yung can opener diyan sa gilid," utos nito sa kaniya. Nilapag niya saglit ang hawak niyang malaking lata sa bank sink at hinanap kaagad ang bagay na tinutukoy nito sa kaniya.

"Ito ba?" tanong niya nang mahanap ang can opener.

"Oo, yan nga. Halika rito at tuturuan kita kung paano magbukas niyan para sa susunod kayo-kayo na lang din ang magbukas ng lata niyo. Dalhin mo 'yang pineapple niyo rito, bilis." Pagkasabi niya ay kaagad siyang lumapit sa binata at binitbit ang malaking lata.

"Ganito no? hawakan mo muna 'to," sabay inabot sa kamay niya ang pambukas ng lata. Habang tinuturuan niya ang dalaga ay nagkataon namang pumasok sa istasyon nila ang isa mga bateran nilang back up boys na si Aziz, na may pag-guhit ng ngiti sa gilid ng kaniyang labi nang makita niya ang dalawa.

"Ano 'yang ginagawa niyong dalawa? bawal magligawan dito ah." Bungad nitong sabi nang madatnan niya ang ginagawa ng dalawa. Napalingon naman silang pareho sa kaniya pero hindi na lang nila pinansin ang sinabi nito at muling binalingan ng atensyon ang ginagawa nilang pagbubukas ng lata.

"Hay naku, kung kailan naman tapos na 'ko ay tsaka naman sumusulpot ang petiks (tamad) na ito." Mahinang sambit ni Ark sa kaniyang bibig habang nakabusangot ang kaniyang mukha. Napatingin tuloy si Sasha sa kaniya at napangisi sa kaniyang labi.

"Hindi pala ako nag-iisa," pabulong na saad ng dalaga kaya napalingon din ang binata sa kaniya.

"Bakit? naiinis ka rin ba sa kaniya?" usisa nito sa dalaga habang nakatingin sa kaniyang mukha. Hindi na lang sumagot si Sasha, bagkus ay tumango na lamang siya ng isang beses sa kaniyang ulo.

"Be, wala pa ba yung pineapple?" rinig niyang sigaw ni Myla mula sa istasyon nila habang nakapamewang pa ang dalawang braso nito.

"Malapit na!" tugon niya na walang lingon-lingon sa dalaga.

"Isa pa 'yon," dugtong niya ngunit pabulong lamang.

"Ikaw din? hala, parehas pala tayo. Hindi ko rin ramdam ang babaeng 'yon, masyadong bossy." Mahinang saad ng binata sa kaniya na nagpangiti naman kay Sasha.

"Bakit, anong nakakatawa sa sinabi ko?" usisa ni Ark sa kaniya nang mapansin ang ngiti nito sa labi.

"Wala naman. Hindi ko kasi inaasahan na pati pala ikaw ay naiinis din sa kaniya." Aniya na may guhit pa rin ng ngiti sa kaniyang labi.

"Ahh, kaya pala. Bakit pala—" naputol na lang bigla ang kaniyang sinasabi nang magsalita ang dalaga at binitbit ang malaking lata ng pineaaple ng juice nang mabuksan na niya ang takip nito.

"Hay, sa wakas!" ani ni Sasha sabay umalis na ito ng back up station at dinala ang latang nabuksan niya. Sinundan siya ng tingin ni Aziz na may pag-iling sa kaniyang ulo, habang napangisi naman sa labi si Ark nang iwan siya nitong bigla, na hindi man lang siya pinapatapos sa pagsasalita.

Maya-maya pa ay lumapit si Aziz sa kaniya upang maghugas ng kamay, pero laking gulat na lamang ni Ark nang bigla nitong saluhin ang tubig na dumadaloy sa gripo gamit ang dalawang kamay niya at hindi man lang nagpapaalam o nag-eexcuse sa kaniya. Kaya padabog niyang binitawan ang hawak niyang sponge at inis na lumabas ng kanilang istasyon. 

Hindi naman siya pinansin ni Aziz at parang wala lang ito sa kaniya, kaya muli niyang ipinagpatuloy ang ginagawa niyang paglalagay ng bolognese sa malaking pan.

Nagkataon namang pumasok sa loob si Sasha at may bitbit na isang malaking lata ng mushroom, pero laking pagtataka na lamang niya nang mapansing wala si Ark doon at mag-isa lang si Aziz. Kaya imbis na tumuloy sa loob ay tumalikod na lang siya at tipong aalis na sana siya nang biglang lumapit ang binata sa kaniya at kinuha sa kamay niya ang bitbit niyang lata.

"Hoy!" aniya habang sinusundan niya si Aziz. 

Nilapag ng binata ang malaking lata sa bank sink at walang kahirap-hirap niyang binuksan yung lata.

"Itapon mo yung sabaw sa loob, yung mushroom lang ang gagamitin niyo." Ang sabi nito sa kaniya, matapos niyang mabuksan ang lata ay muli niyang binalikan ang ginagawa niya kanina. 

"Sa-salamat," nahihiya at naiilang na turan ng dalaga sa kaniya. Tahimik niyang sinunod ang sinabi nito sa kaniya at pagkatapos niyang matanggal ang sabaw nito sa loob ay lumabas na din siya kaagad ng istasyon nito.

Tila siyaka lamang siya nakahinga ng maluwag nang makalagpas na siya sa istasyon nito at nakalayo sa binata. Saglit siyang napahawak sa kaliwang dibdib niya at para siyang mahihimatay kanina dahil sa matinding kaba na nadarama.

Paalis na sana siya pero bigla naman sumulpot sa harapan niya ang pilyong kaibigan niya na si Hendrix Almeda— labing dalawampu't siyam na taong gulang. Mas matanda siya ng limang taon sa dalaga pero hindi halata sa itsura niya na may katandaan na siya, iisipin mo sa unang tingin na isa siyang college student pero papuntang trenta na talaga siya.

"Oh? nandiyan ka lang pala e. Kanina pa kita hinahanap. Siyaka, ano pala ang ginagawa mo rito?" usisa niya sabay silip niya sa likuran ng dalaga, kung saan matatagpuan ang guwapong binata na seryosong gumagawa ng lasagna.

"Uy, kaya pala ah." Pangungutya niya nang mapagtanto na si Aziz pala ang nasa loob ng back up station.

"Sir*ulo 'to! nagpabukas lang ako ng lata oh. Kung anu-ano mga iniisip mo diyan, alis nga diyan!" nakasimangot niyang turan sa binata, sabay binangga ang kanang balikat nito.

"Sus, kunwari ka pa! umamin ka na kasi." Hirit pa nito sa kaniya na mas lalong ikinagalit ng dalaga.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status