Share

Chapter 5

Angela's Pov

"Tahan na, Angela. Huwag ka nang umiyak. May kasalanan din   si Yaya Edna kaya pinalayas siya ng mommy ni Eric," sabi ni Nancy habang marahang hinahagod ng kanyang kamay ang aking likuran. Si Nancy ay pinsan kong buo dahil half-brother ni Daddy ang kanyang ama. Siya ang secretary ni Daddy at ngayon ay tumatayong secretary naman ni Eric na siyang pansamantalang presidente ng Luxury Hotel and Resort habang hindi pa ako nakaka-graduate sa aking kurso. Seven years ang age gap namin ni Nancy ngunit hindi ko siya tinatawag na ate dahil mas sanay ako na itinuturing ko siya na kaedad ko lamang.

"At ano ang kasalanan ni Yaya Edna, Nancy? Ang ipagtanggol ako? Kasalanan ba niyang ipagtanggol ang kanyang alaga na inaapi ng ina at kapatid ng kanyang asawa?" hindi napigilang tanong ko kay Nancy. Tinawagan ko siya at pinapunta rito sa bahay para may kakampi ako tulad ng madalas niyang ginagawa kapag napapagalitan ako ni Daddy. Ngunit ngayon ay hindi ko narinig ang pagkampi niya sa akin sa halip ay mukhang sinisisi pa niya si Yaya Edna sa pagkakatanggal nito sa trabaho.

"Angela, hindi naman sa kinakampihan ko ang biyenan at hipag mo dahil alam kong sila ang mali ngunit isipin mo na sila na ang bagong pamilya mo. Maliban sa kanila ay wala ka nang masasandigan pa kaya dapat ay pakisamahan mo rin sila. At saka ipinagkatiwala ka ngi Tito kay Eric kaya alam niyang mapapabuti ang iyong buhay kapag sinunod mo ang mga kagustuhan niya," paliwanag sa akin ni Nancy. Ngunit anumang paliwanag niya ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit kailangan pa nilang paalisin si Yaya Edna. Puwede naman nilang pagalitan o pagsabihan basta huwag lang palayasin.

"Hindi ba't magpinsan tayo? Kaya may masasandigan pa rin ako?" sumisinghot na tanong ko sa kanya.

"Magpinsan nga tayo pero magkaiba naman ang katayuan ko sa kanila. Sila ay ina at kapatid ni Eric samantalang ako na pinsan mo nga ngunit isang hamak na secretary lamang ng asawa mo," ani Nancy. Hindi ko alam kong naringgan ko lang ba ngunit tila may hakong pait at galit sa kanyang boses habang nagsasalita. "Siyanga pala, Angela. May mga papeles akong dala na kailangan ng pirma mo. Pirmahan mo na nang hindi masayang ang pagpunta ko rito."

Pinahid ko ang aking mga luha at inabot ang ballpen na ibinibigay ni Nancy. Hindi na ako nag-abala pang basahin ang nilalaman ng mga papeles dahil wala rin naman akong maiintindihan sa mga nakasulat. At saka malaki ang tiwala ko sa kanya katulad ng king gaano kalaki ang tiwala ni Daddy sa kanya. Matalino kasi si Nancy at mataas ang ambisyon kaya pinapag-aral siya ni Daddy dahil hindi naman siya kayang papag-aralin ng kanyang mga magulang na parehong sugarol at nananakit pa. At nang makapagtapos na siya ng pag-aaral ay agad siyang kinuha ni Daddy bilang secretary kapalit ng nag-resign nitong secretary.

"Ano na ang gagawin ko, Nancy? Hindi ko makakaya na wala si Yaya Edna sa aking tabi?" mayamaya ay tanong ko sa pinsan ko matapos kong ibalik sa kanya ang mga papeles na tapos ko nang pirmahan.

"Anong hindi mo kaya, Angela? Hindi mo ina si Yaya Edna. Hindi siya ang nagluwal sa'yo kaya bakit sasabihin mong hindi mo makakaya na wala siya sa tabi mo? Nakaya mo nga na wala sa tabi ang daddy mo ang Yaya Edna mo pa kaya? Huwag mong sabihin na mas importante sa'yo ang yaya mo kaysa sa daddy mo dahil kinaya mong mabuhay na wala na ang daddy mo ngunit hindi mo kayang mabuhay kung wala ang yaya mo?" nakasimangot na tanong ni Nancy nang sunuod-sunod. 

Bigla akong natigilan sa sinabi niya dahil may point siya. Ngunit ngayong wala na ang daddy ko at si Yaya Edna na lamang ang aking kakampi sa bahay na ito ay malaking kawalan sa buhay ko na wala na siya rito.

"Daddy. Bakit mo kasi ako iniwan?" umiiyak na sabi ko na lamang pagkatapos ay isinubsob ko sa unan ang aking mukha at doon umiyak ng umiyak.

"Ang mabuti pa ay magpahinga ka at mag-isip, Angela. Pagkagising mo ay maayos na ang iyong nararamdaman. Kaya mo namang magtrabaho na ngayon dahil tinuruan ka ni Yaya Edna so hindi mo na siya kailangan pa," ani Nancy na tumayo at kinipkip sa dibdib ang mga papeles. Tinapunan ko siya ng masamang tingin dahil hindi nagustuhan ang kanyang huking sinabi. Parang ang dating sa akin ng sinabi niya ay dahil marunong na ako sa mga gawaing bahay kaya hindi ko na kailangan si Yaya Edna. Na ang naging silbi lamang ni Yaya ay ang turuan ako sa mga gawaing bahay at ngayong marunong na nga ako sa iba't ibang gawain sa bahay ay maaari na nilang i-kick out si Yaya Edna dahil wala na itong silbi sa akin. "Ang ibig kong sabihin ay makakaya mo na ang sarili mo dahil tinuruan ka ni Yaya Edna ng mga gawaing-bahay," biglang bawi ni Nancy nang makita ang masama kong tingin sa kanya.

Sa halip na sumagot ay muli ko lamang ibinaon ang aking ulo sa unan ko at ipinagpatuloy ang pag-iyak. Mayamaya lamang ay narinig ko ang mga yabag ng paa niya palabas sa aking kuwarto. Patuloy na namalisbis ang luha sa aking mga mata. Akala ko ay gagaan ang dibdib ko kapag nakausap ko na si Nancy ngunit mas lalo lamang palang bumigat ang dibdib ko pagkatapos ng aming pag-uusap.

Dahil sa kakaiyak ay hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Nagising lamang ako dahil biglang kumalam ang aking sikmura. Bumangon ako sa kama ko at bumaba para tumingin ng aking makakain. Nang makarating ako sa sala ay napakunot ang aking noo nang marinig ko ang malakas na tawanan ng mga babae mula sa labas. Lumapit ako sa bintana at hinawi ang makapal na kurtina para tingnan kung sino ang bisita ng mag-inang bruhilda. Lalong kumunot ang aking noo nang makita kong si Nancy pala ang kausap ng mag-ina. Mukhang nakasalubong ng pinsan ko ang mag-ina habang palabas siya sa bahay ko at nakipagkuwentuhan sa kanya. Ngunit hindi ang tawanan nila ang nakakuha ng aking atensiyon kundi ang tila pagiging malapit ng mag-ina sa aking pinsan. Kailan pa naging malapit sa isa't isa ang ina at kapatid ni Eric sa aking pinsan samantalang minsan lamang magkita-kita ang tatlo?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status