Share

Chapter 4

Angela's Pov

Dahan-dahan lamang akong naglakad palapit sa mga kaibigan ni Neri na masayang naliligo sa swimming pool. Nag-iingat kasi ako dahil baka madulas ako't mahulog ang pizza at saka itong isang pitsel ng juice na hiningi rin ni Neri sa akin.

"Nakakainggit ka talaga, Neri. Ang suwerte ng kuya mo sa napangasawa niya dahil sobrang yaman. Naambunan kayo sa grasya ng kuya mo. Kaya tingnan mo, pa-swimming-swimming ka na lamang ngayon," narinig kong sabi ni Joy kay Neri na may halong inggit sa kanyang boses. Madalas kasi silang nandito sa bahay at tumatambay kaya nkilala ko na rin ang pangalan ng mga kaibigan niya.

"Oo nga. Instant milyonarya ka na bruha," sang-ayon naman ng isa pang kaibigan ni Neri na si Leah ang pangalan. Katulad ni Joy ay may inggit din sa boses ni Leah nang magsalita.

"Ang kaso may sister-in-law ka naman na kapag makita mo ang pagmumukha ay kumukulo na agad ang dugo mo," sagot naman ni Neri sabay irap sa akin na naglalagay ng mga pagkain sa maliit na mesa na nasa gilid ng pool.

Siguradong ako ang tinutukoy niya dahil ako lang naman ang kanyang sister-in-law ngunit hindi ko na lamang binigyan ng pansin ang kanyang sinabi. Kahit ang topic ng kanilang usapan ay hindi ko na lang din pinansin.

"Ayaw mo no'n, Neri. May mayaman ka nang sister-in-law ay may mayamang maid ka pa," komento ni Joy na sinundan nito ng malakas na halakhak. Nagtawanan din ang iba pa nilang mga kaibigan. 

Hindi ko napigilan ang mapasimangot. Kung mag-usap sila tungkol sa akin at sa kayamanang naiwan sa akin ay parang wala ako sa tabi nila. Lihim na lamang akong napabuntong-hininga. Kung matapang lang sana ako ay sinabunutan ko na ang mga atribidang babaeng ito. Ngunit hindi ko kayang manakit at magsalita ng masama sa kapwa ko dahil pinalaki ako ni Yaya Edna na isang mabuting bata, may takot sa Diyos at masunuring anak. Kahit kailan ay hindi ako naging sakit sa ulo ng daddy ko noong nabubuhay pa siya. He was always proud of me because I'm very obedient to him.

"Ako rin. Kailan naman kaya ako makakapag-asawa ng babaeng mayaman at tatanga-tanga tapos biglang mamamatay ang ama at mapupunta sa akin ang mga kayamanan?" nakangising sabi naman ni Edmon. Ang isa sa dalawang lalaking kaibigan ni Neri. 

Hindi ko naiwasang makadama ng galit sa aking narinig. Ngunit hanggang ganito lang ang kaya kong gawin. Ang magalit na lamang sa aking isipan. At dahil hindi ako makapag-concentrate sa aking ginagawa dahil sa pinipigil at hindi makalabas na galit ko ay hindi sinasadyang natabig ko ang malamig na pitsel na may laman na juice at natapunan si Joy na nakasandig sa babasaging mesa.

"Ano ba?! Nananadya ka ba?" galit na sita ni Joy sa akin. "Mayaman ka nga pero tatanga-tanga naman!"

"Sorry. Sorry. Hindi ko sinasadya, Joy. Basa ka na rin naman kaya puwedeng magbanlaw ka na lamang sa swimming pool," suhestiyon ko sa kanya. Hindi ko maintindihan kung bakit siya nagagalit at pinagsasalitaan ako ng hindi maganda gayong puwede naman siyang lumublob sa tubig para mawala ang lagkit at lamig ng natapon na juice sa kanya dahil naliligo naman sila sa swimming pool.

"Ah, gano'n?" nandidilat ang mga matang tumayo si Joy at hinawakan ako sa balikat. "Kung ikaw kaya ang magbanlaw sa tubig," walang babala na basta na lamang niya akong itinulak sa swimming pool. 

Napatili na lamang ako nang bumagsak ako sa tubig. Hindi pa naman ako marunong lumangoy. Noong six years old kasi ako ay sinubukan kong lumangoy sa swimming pool. Sa lalim na six feet at sa taas kong wala pang four feet and four inches tall ay sobrang lalim na sa akin ang pool namin. Maliit kasi ako noong bata pa ako ngunit bigla na lamang akong tumangkad noong naging teenager na ako. May swimming pool kami dahil umaasa ang daddy ko na mawawala ang takot ko sa malalim na tubig sa katagalan. Ngunit hindi iyon nangyari hanggang sa namatay na lamang siya.

Sa halip na tulungan akong makasampa sa gilid ng pool ay pinagtawanan lamang nila ako. Para kasi akong asong nalulunod na sisinghap-singhap. Mabuti na lamang at lampas ng konti lamang sa aking ulo ang tubig kaya hindi ako malulunod basta tumingkayad lamang ako. Mula sa six feet na lalim ng swimming pool namin ay pinabawasan ni Daddy ang tubig kaya naging five feet at seven inches na lamang ang lalim ng tubig. Lihim akong nagpasalamat na hindi six feet ang tubig dahil sa taas kong five feet at five inches ay tiyak na malulunod ako sa tubig na sobrang lampas sa ulo ko ang lalim. Dahan-dahan akong naglakad palapit sa gilid ng pool at umahon. Ngunit hindi pa nga ako tuluyang nakakaahon sa tubig ay bigla akong tinadyakan ni Neri sa ulo kaya pa-tumbling na muli akong bumagsak sa tubig. Umugong ang malakas na tawanan ng mga kaibigan ni Neri na para bang nanunuod ang mga ito ng nakakatawang palabas. Wala akong nagawa kundi ang umiyak na lamang. Muli akong umahon sa bahagi ng swimming pool na walang tao. Pagkatapos ay patakbo akong pumasok sa loob ng bahay habang umiiyak habang tumutulo ang tubig sa aking mga laylayan. Lalo lamang akong pinagtawanan nina Neri kasama ang mga kaibigan niya.

"Ano ba ang nangyari sa'yo, Angela? Bakit basang-basa ka?" nag-aalalang tanong sa akin ni Yaya Edna pagpasok ko sa loob ng bahay.

"N-Nahulog po ako sa s-swimming pool, Yaya Edna. M-Madulas kasi ang sahig kaya nadulas ako," pagsisinungaling ko sa kanya sa nanginginig na boses. Baka kasi kapag nalaman niya ang ginawa sa akin nina Neri ay sugurin niya sila. Kapag nangyari iyon ay tiyak na magsusumbong si Neri sa mama niya at pagagalitan si Yaya Edna or worst ay palayasin pa. At ito ang iniiwasan kong mangyari. Kapag umalis si Nana Edna ay baka tuluyan na akong mabaliw sa bahay na ito.

"Totoo ba iyang sinasabi mo na nadulas ka lang kaya ka nahulog sa swimming pool?" nagdududang tanong sa akin ni Yaya Edna.

"Opo," maikling sagot ko sa kanya. "Sige po, magbibihis na muna ako," bago pa siya makapagtanong muli ay mabilis ko na siyang tinalikuran para magtungo sa aking kuwarto at magbihis.

Alam ko na kahit sinabi ko kay Yaya Edna na nadulas lamang ako kaya ako nahulog ay hindi naman talaga siya lubusang naniniwala sa akin. Siguro ay nahuhulaan na niya kung ano ang nangyari ngunit hindi lamang siya nagsalita.

KASALUKUYANG nagluluto kami ni Yaya Edna ng hapunan nang marinig namin ang malakas at galit na pagtawag sa akin ni Neri mula sa sala.

"Angela! Angela!" paulit-ulit na tawag nito sa aking pangalan.

"Sandali lang po, Yaya Edna at baka may kailangan si Neri," natataranta kong paalam sa kanya.

"Bakit ka ba natatakot sa kanya, Angela? Isang tawag lamang ng babaeng iyan ay natataranta ka na. Hindi ka naman niya katulong. Hindi ka nila katulong, Angela. Tandaan mo na ikaw ang may-ari ng bahay na ito at mga sampid lamang sila," madilim ang mukha na sita sa akin ni yaya na mukhang hindi na nakatiis na hindi magsalita tungkol sa ginagawang pagtrato sa akin sa sarili kong pamamahay.

"Angela!!" muling tawag ni Neri sa pangalan ko na tila galit na galit.

Mas lalo akong nataranta kaya sa halip na sagutin ko ang sinabi ni Yaya Edna ay basta ko na lamang siyang tinalikuran at patakbo akong lumapit kay Neri.

"B-Bakit Neri?" kinakabahan kong tanong nang makalapit ako sa kanya.

"Bingi ka ba? Tinatawag kita pero hindi ka sumasagot!" singhal niya sa akin.

"Sorry. Nagluluto kasi kami ni Yaya ng hapunan," paliwanag ko sa kanya. Baka kasi isipin niya na sinasadya kong huwag sumagot sa tawag niya.

"So marunong ka nang mangatwiran ngayon? At ano ang ginawa mo kanina kay Joy? Gusto mo ba akong ipahiya sa harapan ng mga kaibigan ko?" biglang nanlisik ang mga mata niya pagkatapos ay sinabunutan ako ng mahigpit.

"Nagkakamali ka, Neri. Hindi ko talaga sinasadya ang nangyari kanina," giit ko sa kanya. Hinawakan ko ang kamay niyang nakahawak sa aking buhok para mabawasan man lang ang sakit na nararamdaman ng aking anit.

"Nagdi-deny ka pa, ha? Akala mo hindi ko alam na sinadya mo ang nangyari?" mas lalo lamang niyang hinigpitan ang pagkakasabunot sa aking buhok kaya tuluyan na akong napaiyak. Sobrang sakit na kasi ng anit ko at pakiramdam ko ay natutuklap na ang aking anit sa sobrang higpit ng pagkakahila niya.

"Neri, bitawan mo ang buhok ko. Nasasaktan ako," pakiusap ko sa kanya habang umiiyak. Bakit ba ang init ng dugo niya sa akin? Wala naman akong ginagawang masama sa kanya. Pinakikisamahan ko silang mabuti dahil pamilya sila ni Eric. Ang lalaking pinili ng daddy ko para pakasalan ko. At ayokong hindi matahimik ang aking ama dahil nagkamali siya ng lalaking pinili para ipakasal sa akin.

"Bitiwan mo ang buhok ng alaga ko!" galit na sigaw ni Yaya Edna na lumabas mula sa kusina para tulungan ako. Agad itong lumapit sa amin at pilit na binaklas ang kamay ni Neri na nakasabunot sa aking buhok. Napayakap ako kay Yaya nang sa wakas ay pakawalan ni Neri ang aking buhok.

"Bakit ka nakikialam rito matanda ka? Sino ka ba sa pamamahay na ito?" nalilisik ang mga matanong ni Neri kay Yaya Edna. Talagang hindi nito iginalang pati ang nakakatanda sa kanya.

"Ako lang naman ang taong nag-alaga at nagpalaki sa taong sinasaktan mo. Kaya may karapatan akong makialam. Ikaw ang walang karapatang saktan si Angela dahil isa ka lang sampid sa pamamahay na ito. Kayo ng pamilya mo!" sigaw no Yaya Edna sa mukha ni Neri. Mukhang nasagad na ang pasensiya ni Yaya kay Neri kaya hindi na ito nakapagtimpi pa.

"Ano ang nangyayari dito?" galit na tanong ng mama ni Neri na kadarating pa lamang mula sa pagsa-shopping. Magmula nang tumira sila sa bahay ko ay halos araw-araw itong nagsa-shopping. Wala itong ginawa kundi ang waldasin ang perang naiwan ng daddy ko.

"'Ma, help me!" ani Neri na biglang umiyak nang makita ang kanyang mama. "Sinabihan ako ni Edna na isa lamang akong sampid sa pamamahay na ito. Sampid lang daw tayong dalawa," pagsusumbong nito sa kanyang mama.

Agad namang nanlisik ang mga mata ng mama ni Eric nang marinig ang sumbong ni Neri. 

"Sampid kami sa pamamahay na ito? Ina ako ng asawa ni Angela kaya hindi kami ang sampid dito kundi ikaw na matanda ka!" nilapitan nito si Yaya Edna at hinila sa braso. "Ikaw ang sampid dito kaya lumayas ka rito ngayon din!"

Pinagtulungang hilahin palabas ng bahay si Yaya Edna ng mag-ina. Wala kaming nagawa ni yaya kundi ang umiyak na lamang at kahit anong pakiusap ko sa aking mother-in-law na huwag palayasin si Yaya Edna ay hindi niya ako pinakinggan.

"Tandaan mo, Angela. Kami na ang pamilya mo ngayon kaya kami ang susundin mo. Dahil kung wala kami ay mag-isa ka na lamang ngayon sa mundo. Tandaan mo 'yan!" galit na tungayaw sa akin ng aking mother-in-law bago niya ako tinalikuran at nag-martsa papasok sa master's bedroom.

"Bagay lang iyan sa inyong dalawa," nakaismid na sabi naman sa akin ni Neri. "Sana ay magtanda ka na," nakataas ang kilay na sabi pa niya bago naglakad papasok sa kuwarto nito.

Nanlulumong napaiyak na lamang ako habang nakaupo sa sahig. Paano na ako ngayon? Wala na akong kakampi sa mundo. Wala na ang kaisa-isang taong nagtatanggol sa akin. Bakit ba ang lupit ng tadhana sa akin? Bakit lahat na ng mga taong nagmamahal sa akin ay inilalayo sa akin? Bakit?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status