Share

Chapter 4

PAPALABAS na si Kathrina mula sa grocery ng magsimulang pumatak ang ulan. Mahina pa iyon kaya kampante pa siya. Dali-dali siyang pumara ng tricycle bitbit ang ilang supot ng  mga groceries. Mabilis naman siyang nakasakay.

Nasa daan na sila ng biglang lumakas ang ulan. Narinig niyang pumalatak ang driver. Saglit itong huminto sa ilalim ng isang malaking puno sa gilid ng kalsada para maglagay ng tarapal. Mabilis ang kilos nito dahil nababasa na rin ito sa ulan.

“Akala ko’y tapos na ang bagyo pero heto at maulan nanaman!” anang tricycle driver na may edad na rin.

“Oo nga ho Manong. Umaraw na kanina eh.” Naging komento rin niya.

“Kuuu! Kung kailan Disyembre na ay saka naman bumabagyo.” Dagdag komento pa nito.

Sumang-ayon naman siya rito. Sa wakas ay natapos na rin ito sa ginagawa. Bumalik na ito sa harap ng manibela at muling pinaandar ang motor. May telang tarapal sa bahagi niya sa may side car kaya hindi na rin siya masyadong nababasa. Hanggang sa muling umusad ang tricycle.

Isang barangay pa bago nila marating ang kanilang barangay. Nang  biglang sumagi sa isip niya ang lalaking ubod ng guwapo pero labis niyang kinaiinisan.

“Nasaan na kaya ang lalaking iyon? Nasa grocery pa kaya siya?” tanong at mahinang naiusal niya sa sarili. Ngumuso siya saka inayos ang salamin sa mata. “E bakit ba iniisip mo siya Kathrina? Tsaka ano bang pakialam mo kung nasaan na siya?” sagot-tanong naman niya sa sarili. Humalukipkip siya saka bumuntong-hininga.

Bakit ganon? Kahit anong pilit niya ay hindi talaga maalis sa isip niya ang itsura ng lalaking iyon. The more na naguguwapuhan siya rito ay the more naman na lalo siyang naiinis dito. At lalo siyang nainis sa isiping tama si Nobel. Naiinis siya sa lalaki dahil tinawag siya nitong ‘Manang’!

Biruin mo? Isang napakaguwapong lahi ni Adan ang nagtawag sa kanya ng Manang? Sa ganda niyang iyon? Tinawag siyang Manang? Hindi iyon matanggap ng pride niya! Mas masakit pa iyon keysa sa pagsa-shower niya sa tubig ulan kanina. Ang hindi pa niya matanggap, e pagkatapos ng ilang taon ay nagawa ulit niyang magka-crush sa isang lalaki – okay, makuha ang atensiyon niya dahil hindi naman niya masabi kung naging crush nga niya ito talaga e kasi naman guwapo talaga ang lalaking iyon – ay tinawag pa siyang Manang?! My God! Hindi nito alam kung gaano siya kasexy at kaganda!

Lalo tuloy siyang naghimutok dahil sa naisip.

Habang nasa daan ay panguso-nguso siyang nakatingin sa unahan. Nang mahagip ng kanyang paningin ang isang pamilyar na kotse sa bandang unahan ng daanan. Papaanong hindi niya iyon mapapansin eh ang gara-gara ng sasakyan at nangingintab ang kaitiman niyon. Nasa gilid ito ng daan. Inilapit niya ang mukha sa transparent at saradong bintana sa harap ng sasakyan at inaninag ng kanyang mga mata ang sasakyan. Papalapit naman na ang tricycle sa kinaroroonan nito. At naningkit ang kanyang mga mata ng makita ang lalaking ‘kaaway’ niya kanina lang. Nasa likod ito ng sasakyan at nakatayo.

Napangisi siya ng makitang tila problemado ito. Nakapameywang ito habang iiling-iling na nakatingin sa gulong ng magara nitong sasakyan. Pagtingin niya sa gulong ay nalubak sa malalim na bahagi ng kalsada ang gulong nito. Ibinalik niya ang tingin sa lalaki. Lalo siyang napangisi ng makitang basang-basa na ito dahil sa lakas ng ulan.

Kinalabit niya si Manong driver. “Manong, bagalan niyo lang ho sandali.” Aniya rito.

Nagtatakang napatingin sa kanya ang driver pero hindi naman nagtanong. Naramdaman niyang bumagal ang takbo ng tricycle. Umayos siya ng puwesto at hindi pa nakuntento, hinawi niya ang kurtinang tarapal sa side niya para kapag nagtapat sila ng lalaki ay kitang-kita niya ito. Bahagya nalang niyang naramdaman ang patak ng ulan sa kanyang balat dahil nabuhos ang atensiyon niya sa lalaki.

Ha ha ha! Karma! Buti nga sa iyo!  Nagdiwang siya. Ngayon ay sino sa atin ang naliligo sa ulan? Hmp! Umismid siya ng magawi ang tingin nito sa tricycle na sinasakyan niya. Parang biglang naging slow motion ang pagtapat ng tricycle at sa lalaki. Nagtapat din sila. At nang magtama ang kanilang mata ay nakakalokong nginisihan niya ito.

“Ang sarap magshower sa tubig-ulan ano! Ligo pa moooorreee!!! Yahoo! Enjoyin mo ang shower! Belat!” malakas niyang sigaw dito saka tumawa ng malakas. Pinandilatan pa niya ito.

Kumulimlim ang mukha nito nang marinig ang mga pinagsasabi niya. Parang lalo itong naging problemado. Hanggang sa makalampas na ang tricycle ay hindi naghihiwalay ang kanilang mga paningin. Siya ang unang kumalas at inirapan niya ito. Itinutok na niya ang tingin sa daan saka umayos ng upo. Ibinalik din niya ang pagkakatakip ng tarapal.

“Kilala mo ba iyon?” narinig niyang tanong ni Manong Driver.

“Ho?” medyo nagulat pa niyang tanong. Lumingon siya sa driver.

“Iyong lalaki. Mukhang kailangan niya ng tulong eh. Ang lalim ng pagkakalubak ng kotse niya eh. Ang gara pa naman. Tapos basang-basa na siya.” May concern na wika ng driver. Patingin-tingin ito sa kanya at sa daan.

“Naku! Huwag niyo ho siyang pansinin. Mayabang po ang taong iyon. Kayang-kaya niyang makaalis doon.” Nakaismid na sagot niya.

Hindi na sumagot ang driver. Siya naman ay kampanteng sumandal saka muling humalukipkip. Ngayon ay parang nakaganti na rin siya sa lalaki. Buti nga sa kanya!

Saka niya naisip ang basang-basa nitong anyo. May bahagi yata niya ang biglang naawa ng mapagtantong basang-basa na ito ng ulan. Baka magkasakit ito. Baka mabawasan ang kaguwapuhan nito kapag nagkasakit ito. Pumasok nanaman sa isipan niya ang guwapo nitong mukha.

Bigla siyang pumihit sa likod para sulyapan ang lalaki. Ibinalik niya ang tingin sa kinaroroonan ng binata. May nagbubulong sa kanyang balikan niya ito at tulungan. Paliit ng paliit sa kanyang paningin ang bulto nito. At kitang-kita pa niya ng tumingala ito sa langit habang nakapameywang na animo’y nagdarasal. Sa nakita niyang pagkakalubog ng gulong ng kotse nito ay mahirap iyong maialis doon. Iyon ang totoo. Kailangan talaga nito ng tulong.

Pero naalala din niya ang ginawa nito kanina at ang kayabangan nito. Nakasimangot na ibinalik niya ang paningin sa harapan.

Magdusa ka sa ilalim ng ulan!

HINDI malaman ni Dandreb kung minamalas lang siya o karma niya ang nangyayari sa kanya ngayon. He was driving his car pabalik sa bahay-bakasyunan ng lumakas ang ulan. Nakapag-grocery na siya ng mga kailangan niya. Balewala iyon sa kanya at pasipol-sipol pa nga siya habang nagmamaneho kanina pero kumawala ang mahinang mura sa bibig niya ng mabaon sa lubak ang gulong ng kanyang kotse. Mabilis siyang lumabas upang binistahan ang nangyari.

Hindi na niya binigyang-pansin ang ulan na bumabasa na sa kanya. Muli siyang napamura ng makita ang lalim ng lubak.

Damn it!

Kailangan niya ng tulong kung gusto niyang maiahon ang kotse niya. Bigla ay nagkaroon ng mga guhit sa kanyang noo. Bigla ay nagkaroon siya ng problema. Pero wala siyang kakilala roon. Iyon ang unang araw niya sa bayang iyon. Sino ang tatawagan niya?

Napatingin siya sa tricycle na papalapit at nangunot ang kanyang noo ng makita sa loob nito ang babaeng umaway sa kanya kanina. Medyo nakasilip lang ito sa bukas na bahagi ng side car at mukhang wala itong pakialam kung nababasa na ito ng ulan. Sinimangutan siya nito pagkatapos ay kung ano-ano ang sinabi nito sa kanya. Nagkatitigan pa sila na tila ipinamumukha nito na karma niya iyon. Nangulimlim ang kanyang mukha ng tingnan siya nito ng matalim saka siya nito inirapan. Hanggang sa lumampas ang tricycle na iyon. Kasing kulimlim na nang kalangitan ang mukha niya.

Nakalayo na ang tricycle ay saka siya napailing-iling at sarkastikong tumawa.

Siguro nga ay wala siyang focus sa pagmamaneho kanina. Kundi ba naman ay hindi maibabaon ang gulong ng kanyang kotse. Ano ba ang nasa isip niya at hindi nakita ang malalim na lubak?

Well, habang pasipol-sipol ay iniisip lang naman niya ang babaeng sakay ng lumampas na tricycle. Sariwa pa sa kanyang isip ang naging engkwentro nila kanina. Alam niyang sobra itong nainis sa kanya pero nakahanda naman na sana siyang humingi ng tawad dito kung nagawa man niya ang sinasabi nitong pagkakamali niya. Kaya lang ay masyado itong mataray kaya lalo niyang inasar. Hindi niya ugali iyon pero tila natuwa pa siya ng makita ang itsura nito dahil sa pang-aasar niya.

Hindi rin niya intensiyong tawagin itong ‘manang’. Pero dahil sa mga salitang binitiwan nito sa kanya ay nagkaroon siya ng ideya. Tuloy ay lalo itong nainis sa kanya. Kung hindi nga lang dumating ang nagpakilala nitong ina ay maaring hindi pa natapos ang ‘away’ nila. Alam din niyang nakasunod ang tingin nito sa kanya kanina habang namimili siya ng supplies. Aware rin siya na may dumating itong kaibigan. At lihim lang siyang nangingiti. Kung papatulan niya ito ay baka magmukha na itong tigre sa sobrang asar sa kanya.

Ngayon ay tila nakarma nga siya. Hayun at siya pa ang nakababad sa malakas na ulan. Anong puwede niyang gawin? Ni wala siyang matawagan para makatulong sa kanya. Sa kawalan ng maisip ay humarap siya sa kalsada at nameywang. Pagkuwa’y tumingala sa langit at sinalubong ng kanyang mukha ang patuloy na pagbuhos ng ulan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status