Share

Chapter 5

Mula sa pagtingala sa kalangitan ay bumalik ang atensiyon ni Dandreb sa kalsada nang may bumusina sa unahan ng kotse niya. Huminto ang isang Honda Civic na hindi naman masyadong kalumaan pero hindi rin matatawag na brand new ilang metro mula sa kinatatayuan niya at ng sasakyan niya. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan at hindi na niya naisip pang maari siyang magkasakit. Mula sa kotse ay lumabas ang isang matangkad na lalaki. Hindi nalalayo sa tangkad niyang anim na pulgada. Hindi ito payat pero hindi rin malaki ang katawan. Tingin niya ay nasa edad bente anyos lang ito. Bahagyang nagliwanag ang kanyang mukha ng makitang papalapit ito sa kanya habang sukob ng isang malaking payong.

“May problema ba dito, Kuya?” maaliwalas ang mukha nitong nagtanong sa kanya pagkalapit nito saka sumulyap sa gulong ng sasakyan niyang nalubak.

Nakahinga siya ng maluwag dahil tingin niya ay nakakita siya ng tulong. “Oo pare. Itong gulong ng kotse ko, nabaon sa lubak.” Sagot niya.

Kunot-noong binistahan ng bagong dating ang gulong na tinutukoy niya. Nilapitan pa nito ang sasakyan upang mabistahang mabuti. Iiling-iling itong muling bumaling sa kanya. “Mukhang mahirap iahon ang kotse mo dito. Kakailanganin ng hihila para maalis ang gulong mo sa lubak na ‘yan.” Sa lakas ng ulan ay kinailangan nitong lakasan ang boses.

Nameywang siya. Nasa mukha ang frustration. “Iyon nga din ang tingin ko. Kaya lang bago lang ako dito. Wala pa akong kakilalang puwedeng hingan ko ng tulong.” Paliwanag niya.

“Puwede kitang tulungan, Kuya. Sandali lang at tatawag ako sa barangay namin. Malapit na dito iyon.”

Lalong nagliwanag ang kanyang mukha sa sinabi nito. Para siyang nakakita ng anghel sa katauhan ng lalaki. “Salamat pare. Ako nga pala si Dandred.” Iniabot niya ang isang kamay dito.

Tinanggap nito ang nakalahad niyang kamay. “Kevin, kuya. Bago ka dito?” curious nitong tanong.

“Salamat Kevin.” Maluwang siyang ngumiti dito. “Oo. Bago lang ako dito. Magbabakasyon lang.”

Gaya ng sinabi nito ay tumawag ito sa barangay. Inialok nito ang payong na hawak pero tumanggi na siya. Basa na rin siya kaya wala ng silbi kung magpapayong pa siya. Sandali itong nakipag-usap sa kabilang linya sa cellphone na gamit nito. Pagkatapos nitong makipag-usap sa cellphone ay sinabi nitong may darating na tulong. Hintayin nalang daw nila.

“Okay na Kuya. Parating na iyong tutulong para maingat ang sasakyan mo.” Maaliwalas ang mukhang sabi nito.

Tuluyang nakalma si Dandreb. “Maraming salamat pare. Nag-iisip na talaga ako kung ano ang gagawin ko bago ka dumating. Mabuti nalang at hinintuan mo ako.”

“Wala iyon Kuya. Anytime.”

Sinamahan siya nitong hintayin ang tulong na sinasabi nito. Habang naghihintay ay pareho nilang binistahan ang gulong na nalubak. Ilang sandali pa ay nakita na nila ang paparating na sasakyan. Mukhang sasakyan iyon ng Barangay. Ang inaasahan niyang towing truck na mag-aangat sa kanyang kotse ay wala. Ang dumating ay ilang kalalakihan na pawang malalaki ang mga katawan.

“Bihira ang towing truck dito Kuya. Kaya mga tauhan nalang ng barangay ang ipinatawag ko.” Nakangising paliwanag nito.

Napatango-tango nalang siya. Maya-maya pa ay nagbabaan na ang ilang kalalakihan sa sasakyang pambarangay na iyon. Hindi alintana ng mga ito ang buhos ng ulan. Si Kevin ay alam niyang bahagya na ring nababasa subalit tila balewala din iyon sa binata. Ipinakilala siya nito sa mga bagong dating pagkatapos ay itinuro ang nangyari sa gulong. Tinungo ng mga bagong dating ang gulong na nabaon sa lubak pagkuwa’y nag-inat-inat.

Napatingin siya kay Kevin ng akmang bubuhatin ng mga ito ang kanyang sasakyan.

“Sigurado ka ba riyan?” maang niyang tanong dito.

“Kayang-kaya nila iyan. Tingnan mo.” Nakangising wika nito.

Napatanga nalang siya ng walang kahirap-hirap na naiahon ng mga ito ang kanyang sasakyan sa malalim na lubak. Tuluyan siyang nakahinga ng maluwag ng makitang maayos na ang lagay ng kanyang magarang sasakyan. Nagpasalamat siya sa mga ito habang nakikipag-kamay sa mga ito. Nag-alok siya ng bayad pero tinanggihan ng mga ito. Bumilib siya sa mga taong iyon ora mismo. Maya-maya’y umalis na din ang mga tumulong sa kanya.

Muli siyang bumaling kay Kevin na nagpaiwan ulit. “Salamat pare. Kung di ka dumating hindi ko alam kung papaano tatanggalin ang sasakyan ko diyan.”

Umiling ito. “Wala iyon, Kuya. Siyanga pala, sabi mo bago ka lang dito. Bakasyonista ka ba?”

Tumango siya. “Oo. Kaninang umaga lang ako dumating. Dapat ay kagabi pa pero nagkarooon ng bagyo kaya kaninang umaga lang ako nakarating. Galing ako sa bayan at may mga pinamili lang.” Mahabang paliwanag niya.

“Ah. Kaya pala. Anong barangay ang pupuntahan mo kuya?” muli nitong tanong.

“Malapit lang. Diyan lang sa Barangay Landig.”

“Talaga? Tiga roon ako Kuya.” Ang luwang ng naging ngiti nito. “May kamag-anak ka doon?” follow up question nanaman nito.

Maging si Dandreb ay maluwang ding napangiti. Umiling siya. “Wala. May nabili lang akong bahay sa doon. Gusto ko munang magbakasyon kaya ako nandito. Kung kilala mo si Mrs Chua. Iyong may two storey house sa Purok 1 lang.”

Nagliwanag ang mukha nito saka tumawa. “Kilala ko kuya si Mrs. Chua. Katapat lang siya ng bahay namin.”

“Talaga? Ibig sabihin ay magkapitbahay pala tayo.” Mas lalo siyang natuwa dahil may nakilala siyang tiga Barangay Landig. Kahit papaano ay may makakausap na siya roon. At katapat pa ng bahay niya.

May gumitaw na imahe ng babae sa isip niya ng ilang sandali. Saan kaya nakatira ang babaeng iyon? Pero binalewala niya iyon. Wala siyang interes sa babae para isipin kung saan ito nakatira.

“Oo nga. Sige Kuya. Maayos naman na ang kotse mo. Tutuloy na din ako. Baka hinihintay na kasi ako ng ate ko.”  Paalam nito.

“Sige. Salamat ulit pare.”

Muli silang nagkamay.

“Basta kapag may kailangan ka o anuman mag-doorbell ka lang sa bahay Kuya Dandreb. Magkatapa lang naman tayo eh.” Bilin pa nito ito.

“Gagawin ko. Maraming salamat ulit.”

Pagkatapos niyon ay tumalikod na rin ito at bumalik sa loob ng kotse nito.

Mabilis  na rin siyang bumalik sa loob ng kanyang kotse. Bumuga siya ng hangin dahil sa nalutas ang isa niyang problema. Nangingiting-napapailing nalang siya habang ini-start ang makina ng sasakyan. Napagtanto niyang mabubuti ang mga tao sa lugar na iyon. Bukod lang ang babaeng umaway sa kanya kanina.

Odyssey

Hello po everyone.. sana po ang tangkilikin niyo rin po ang mga gawa kong kuwento... Sana po ay mai-follow niyo rin po ako :) Maraming salamat po :)

| Like
Comments (1)
goodnovel comment avatar
Lee Ann
magiging best friend pa ata ni Kevin ang itinuturing na kaaway ng ate niyang si kathrina.........
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status