Share

Chapter 6

NANG makauwi si Kathrina sa bahay ay hinanap kaagad niya si Mameng. Nadatnan niya itong nagbabasa ng pocketbook sa kanilang sala. Prenteng-prente ang pagkakaupo nito. Tumikwas ang isang kilay niya pero wala naman siyang planong pagalitan ito. Oras din naman ang pahinga at walang kaso sa kanila kahit magpahinga ito. Kinuha niya ang atensiyon nito.

“Mameng, wala ‘yung kotse doon sa labas. Umalis ba si Adeng?” tanong agad niya dito habang patungo sa kanilang kusina na kanugnog lang ng sala.

Lumingon ito sa kanya. Hindi nag-abalang tumayo. “Oo. Sinundo ka sa grocery. Diba ang sabi mo puntahan ka niya pag lumakas ang ulan.” Mabilis nitong sagot.

“Ha? Hindi ko naman siya ti-next eh.” Nalukot ang mukha niya. “Ayan, nagkasalisi tuloy kami. Iti-text ko nalang siya.” Aniya matapos ibaba ang mga groceries sa ibabaw ng mahabang lamesa. Hinagilap niya ang cellphone sa kanyang bulsa at nagpadala ng mensahe sa nakababatang kapatid. Muli siyang bumalik sa sala at binilinan si Mameng. Matapos itong bilinan ay pumasok na siya sa sariling kuwarto.

Nagbihis siya ng damit dahil bahagya na iyong nabasa sa lakas ng ulan. Isang maluwang na t-shirt at pambahay na short ang ipinalit niya. Matapos magbihis ay humarap siya sa salamin. Pinagmasdan niya ang sariling repleksiyon. Napangiwi siya dahil hindi niya nagugustuhan ang nakikita. Walang problema sa height niya, matangkad siya sa karaniwang babae. Hindi siya maputi pero makinis ang mas maputi sa morena niyang kutis. Alam niyang seksi siya. Iyong seksi na bilugan ang katawan na bumagay sa height niya. Proportion ang size ng boobs niya sa maliit niyang beywan at sa bilugan niyang balakang. Iyong hindi OA sa kaseksihan. Natabunan lang iyon ng maluwang niyang t-shirt na palaging suot.

Nang dumako ang kanyang paningin sa sariling mukha ay muli nanaman siyang napangiwi. Magulo ang kanyang buhok. Para siyang nakipagsabunutan. Basta nalang itinalis. Bahagya pa iyong nabasa. Halos sakop na ng salamin ang buong mukha niya. Ang laki kasi ng frame niyon. Inalis niya ang salamin at inilugay ang mahabang niyang buhok. Napangiti siya ng makita ang itsura.

“See. Napakaganda mo Kathrina. Sino ang magsasabing panget ka na! Wala kang dapat ipangamba.” Aniya sa sarili. “Maganda ka pa rin lalo na sa mga nagta-trying hard sa kung saan-saang lupalop ng mundo!” dugtong pa niya. Bumungisngis siya pagkuwan. Grabe ang papuri niya sa sarili.

Ang ngiti niya ay biglang naglaho ng may maalala. Bakit nga ba bigla siyang na-conscious sa itsura? Dati ay wala naman siyang pakialam. May pumuna man sa kanya ay hindi niya iyon masyadong dinidibdib. Kung anong itsura niya ay iyon na. Para sa kanya ay walang rason para magpaganda. O magpa-impress sa kahit na kanino. Palagi naman siyang nasa loob lang ng kanilang bahay dahil sa kanyang pagsusulat.

Pero nabulabog ang pananahimik niya ng makaengkuwentro niya ang pagka-guwapo-gwapong lalaking iyon. Lalo na nang sabihan siya nito ng “Manang”. Kung bakit ay talaga namang nagpanting ang kanyang teynga at namula ang kanyang mukha. Lalo na nang makita niya ang pagngisi-ngisi nito. Pakiramdam tuloy niya ay siya ang pinakapanget na babae sa mundo ng mga sandaling iyon.

E teka. Ano bang pakialam niya? Bakit ba nagpapaapekto siya sa mga salita ng lalaking iyon? Dapat ay wala siyang pakialam.

Dahil napakaguwapo niya para sabihan ka ng ganon at hindi mo matanggap na sinabihan ka niya ng Manang! Dahil sa una palang ay attracted ka na sa kanya! Mabilis na sagot ng mahaderang bahagi ng kanyang isip.

Sunod-sunod siyang matigas na umiling. Hindi! Hindi siya attracted sa tukmol na iyon! Oo! Guwapo ito. Sa totoo lang ay napakaguwapo nito. Nakakaloka ang kaguwapuhan nito. Grrr! Pero hindi siya puwedeng ma-attract dito dahil masama ang ugali nito. At kahit kailan ay hindi niya papayagan ang sariling magkagusto sa isang lalaking masama ang ugali.

Muli niyang isinuot ang salamin at nakasimangot na tinungo ang  mesang working space niya sa loob ng kuwarto niya. Hinayaan niyang nakalugay ang buhok. Magsusulat nalang siya keysa isipin pa niya ang taong sumira ng araw niya.

PAGKALIPAS NG DALAWANG ARAW…

Magaan ang pakiramdam ni Kathrina paggising niya ng umagang iyon. Katatapos lamang ng magkasunod na araw na sunod-sunod na pag-ulan at muli nanamang sumikat ang araw. Sa pagkakataong iyon ay maaliwalas na ang kalangitan indikasyon lamang na hindi na uulan. Lumabas siya sa kanilang bakuran gaya ng kanyang nakagawian tuwing umaga. Gusto niyang makasagap ng sariwang hangin bago niya simulan ang trabaho sa bawat araw.

Nagawi ang kanyang paningin sa katapat nilang bahay. Nakita niya si Mang Anselmo na abala sa pagdidilig ng mga halaman sa bakuran nito. Kunot-noong lumapit siya sa kanilang gate na hanggang beywang ang taas. Kinuha niya ang atensiyon  ng may edad na ring lalaki.

“Mang Anselmo!” malakas niyang tawag dito.

Mula sa pagdidilig ay lumingon ang matanda. Umaliwalas ang mukha nito ng makita siya. “Kathrina! Ikaw pala. Magandang umaga ineng!” masiglang bati pa nito.

Gumanti siya ng ngiti rito. “Magandang umaga rin ho. Bakit nagdidilig na kayo e katatapos lang ho ng ulan? Baka malunod ang mga halaman niyo niyan.” Biro niya sa katiwala ng katapat nilang bahay.

Natawa ang may edad ng lalaki. “Aalis kasi ako ng ilang araw. Baka hindi ito maasikaso ni Boss dahil maysakit siya.”

“Boss?” kumunot ang kanyang noo.

Tumango ito. Ipinagpatuloy ang pagdidilig habang nakikipag-usap sa kanya. “Oo. Siya iyong bagong may-ari ng bahay. Siya kasi iyong nakabili nito kina Mrs. Chua.”

Napatang-tango siya. Kaswal na inilibot niya ang paningin sa kabuuan ng bahay. Parang noon lang din niya napagtuunan ng pansin ang bahay na iyon. Nang matigilan siya. Nahinto ang tingin niya sa garahe ng bahay.

“Manong, kanino ho ang kotseng ‘yon?” inginuso niya ang itim na kotseng pamilyar na pamilyar sa kanya. Nakagarahe iyon sa ibaba ng bahay.

Sumulyap din doon ang lalaki. “Ah iyan? Kay Sir Dreb ‘yan. Iyong bagong may-ari ng bahay.”

“Ano hong itsura ng boss niyo?” nagtunog curious niyang tanong. Nagkaroon ng ideya sa kanyang utak. Naningkit ang kanyang mga mata habang all ears siyang nakinig sa mga sasabihin nito.

“Aba’y napakaguwapo ni Boss. Matangkad na lalake at magandang-maganda ang katawan. Tinaob ang mga artista sa TV. Puwedeng modelo. Mabait --- .”

“Teka Manong.” Putol niya rito. Ngumiwi siya. “Sigurado ho kayo?”

“Oo naman! Talagang napakaguwapo ni Boss!” naging mabilis nitong sagot.

“Hindi ho iyon ang itinatanong ko. Sabi niyo mabait siya…”

“Naku Kathrina, sobrang bait ni Boss Dandreb.” Binitiwan nito ang hose na hawak at ginagamit sa pagdidilig. Naglakad  ito palapit sa gate para mas makapag-usap sila ng maayos. “Akala ko nga noong una suplado siya pero hindi pala. Sa una lang parang suplado kasi mayaman pala talaga ang pamilya niya. At ang balita ko, presidente daw siya ng isang malaking kumpanya na pag-aari din ng pamilya niya.” Sabi nito ng makalapit.

Nagdududang tiningnan niya ang matanda. Saka lihim siyang umingos. E ano kung mayaman ang pamilya nito? Wala pa rin itong karapatang magmasungit dahil bagong salta lang ito roon. Sigurado na niyang ang lalaking nasa grocery at tinutukoy nito ay iisa. Hindi niya makakalimutan ang hilatsa ng sasakyan nitong nakagarahe roon. Pero mukha namang nagsasabi ng totoo si Mang Anselmo. Nagkibit-balikat siya. “Sabi niyo ho may sakit siya?”

“Oo nga eh. Nagpaulan kasi nang nakaraang araw. Iyon ang unang araw niya dito. Hindi yata sanay kaya ayun. Nilalagnat na ngayon. Kaya nga ako na ang nagdilig ngayon bago ako umalis kawawa naman kasi siya. Pag umalis ako e mag-isa nalang siya diyan. Walang mag-aalaga.” May pag-aalalanag pahayag ng matanda.

Lihim siyang umirap. “E di kumuha siya ng yaya.” Pabulong niyang sabi.

“Ano kamo?” hindi nito narinig ang kanyang sinabi.

“Sabi ko ho bakit hindi siya kumuha ng yaya. Sige ho Mang Anselmo. Salamat ho.” Nagpaalam na siya sa matanda.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status