Share

III

Chapter 3

Madaling araw ako nagising nang umagang iyon. Nagsaing at nagluto na rin ako ng ulam habang tulog pa si Ledger sa papag.

Paminsan-minsan ko siyang sinisilip dahil paikot-ikot siya sa hinihigaan niya. Hindi siguro siya sanay sa matigas na papag kahit nilagyan ko na ng ilang kumot iyon upang kahit papaano ay maging komportable siya. Inilabas ko na nga rin ang kulambo na pinakatago-tago ko para lang hindi siya malamukan. Ito at wala pa rin akong natanggap na pasasalamat mula sa kaniya.

Napailing na lang ako at kumain na lang ng agahan nang sa gayon ay magkalaman ang aking tiyan. Kadalasan sa agahan, alamang lang ang inuulam ko dahil kahit sa pagkain ay nagtitipid ako, ngunit sa araw na ito ay nagluto ako ng eskabetse para sa kaniya. Hindi man ganoon ka-espesyal ngunit tama lang para matawag na normal na pagkain para sa isang tulad niya.

Hindi ko na inistorbo ang pagtulog niya at nag-iwan na lamang ng sulat. Kailangan ko ng kumayod sa araw na ito lalo na ngayon na may pinapakain na rin ako bukod sa sarili kong tiyan.

Marami akong kasabayang pumalaot ngayon sa dagat, halos lahat sa kanila ay may mga kasama samantalang ako ay mag-isa. May makina rin ng turbo ang kanilang mga bangka samantalang ako ay nagsasagwan. Sa dami kong naipon ay mas pinili kong itabi lang iyon kaysa gastusin. Para sa akin, pang-tamad lang ang makinang iyon.

Madilim-dilim pa ang kalangitan nang marating ko ang gitnang bahagi ng dagat. Lumayo rin ako sa ibang mga mangingisda dahil hindi ko gusto ang maagawan. Kung anong sakop ko ay akin lang dapat.

Mula sa hindi kalayuan, natanaw ko ang isang bangka. May tatlong taong nakasakay roon. Dalawang matandang lalaki at isang batang lalaki. Ang isang matandang lalaki ay hinahaplos ang ulo ng bata na tila tinuturuan itong mangisda.

Nag-iwas ako ng tingin lalo na nang maalala ang senaryo kung saan kasama ko ang Itay. Otso anyos ako nang unang beses niya akong isama sa pamamalaot niya. Tinuruan niya ako ng dapat at mga hindi dapat gawin sa pangingisda. Masaya naman akong natutunan ang mga bagay na iyon mula sa kaniya.

Sa totoo lang, hindi naman naging pabayang ama ang Itay sa akin. Binuhay niya rin ako sa mga bagay na ginagawa ko rin ngayon. Sadyang mapaglaro lang ang tadhana at nakahanap siya ng isang byudang babae at iniwan ako. Mas pinili niya ang babaeng iyon at mga anak nito kaysa sa sarili niyang anak.

Walang naiwan sa akin kun'di ang sarili ko lang. Wala akong kapatid at mas lalong wala rin akong Nanay. Hindi sinabi sa akin ni Itay ang dahilan kung bakit wala akong Inay. Sa tuwing itatanong ko ang bagay na iyon noon kay Itay, mabilis niyang binabago ang usapan.

"Vivian! Marami ka bang nahuli?" Magiliw na tanong ni Mang Sikong mula sa kabilang bangka.

Umiling ako at ngumiti sa kaniya. "Sakto lang ho ang huli ko! Sa inyo ho ba?"

"Ito't sakto na rin para sa aming pamilya!"

"Naku, mukhang wala ho kayong maititinda sa palengke ngayon!"

Ngumiti ang matanda. Bakas sa mukha niya ang pagod ngunit walang katumbas ang mga ngiti niyang iyon. Hindi mababayaran ng kahit na ano ang ngiti ng isang taong kumakayod para sa kaniyang pamilya.

Pamilya. Iyon ang wala ako.

"Ayos lang, Vivian! Basta't may makain ang pamilya ko!" Sagot niya sa akin.

Nahabag naman ako sa kaniya kaya naman nang marating namin ang pangpang, nilapitan ko siya bitbit ang isang balde ng isdang nahuli ko. Marami-rami naman ang nahuli ko, isa pa, hindi naman lahat ng isdang ibinibenta ko sa palengke ay nabibili. Mas maiging ibigay ko na lang ito kay Mang Sikong.

Itinatali ni Mang Sikong ang bangka niya nang mamataan niya ako. Isang inosenteng ngiti ang ibinigay niya sa akin.

"Oh, may kailangan ka ba, Vivian?"

Ibinaba ko ang balde sa harapan niya dahilan para mapatingin siya roon. "Sa inyo na lang ho ito, Mang Sikong."

Kumurap si Mang Sikong bago bumalik ang tingin niya sa akin. Nababakasan ko ng tuwa ang kaniyang mga mata bagama't naroon ang pag-aalinlangan.

"Bakit mo naman ibibigay sa akin 'to, Vivian? Pinaghirapan mo iyan." Saad niya.

"Ayos lang ho, Mang Sikong. Sarili ko lang naman ang pinapakain ko."

"Pero—"

"Tanggapin niyo na ho, Mang Sikong. Minsan lang ako maging ganito."

Napabuntong-hininga si Mang Sikong bago ko narinig ang kaniyang paghikbi. Nagulat na lang ako nang tumulo ang kaniyang mga luha na mabilis niyang pinunasan gamit ang mga kamay.

"Salamat, Vivian. Hindi mo alam kung gaano kalaking tulong ito sa akin. Hindi ko alam kung paano kita magagantihan."

Ngumiti ako at tinapik ang balikat niya. "Binigay ko ho 'yan, hindi pinapautang. Hindi niyo na ako kailangang gantihan."

"Salamat talaga, Vivian."

"Wala hong anuman."

Bumalik ako sa kubo ilang minuto pagkatapos umalis ni Mang Sikong. Masaya at magaan sa pakiramdam ang nakita kong kislap at inosente niyang mga ngiti. Sa ganoong bagay ay ganoon na lamang din kasaya ang matanda.

Hindi pa man ako tuluyang nakakalapit sa kubo nang mamataan ko ang isang lalaking nakasandal sa kawayan na haligi ng kubo. Magka-krus ang kaniyang mga braso habang ang matalim na mga mata ay diretsong tumutusok sa gawi ko.

Inosente ko siyang pinagmasdan. Umayos siya ng pagkakatayo habang hindi ako nilulubayan ng tingin. Halata sa mata niya ang inis sa hindi ko malamang kadahilanan.

"Seriously?" Pauna niyang salita. "Leaving me here without even telling me?"

Ibinaba ko ang baldeng hawak sa gilid. Nakita ko kung paano kumunot ang kaniyang noo habang nakatingin dito.

"Nag-iwan ako ng sulat. Hindi mo ba nabasa?" Tanong ko sa kaniya.

Bumuga siya ng hangin. "Sulat? I want you to tell it to me in person, not in the damn paper."

Umangat ang kilay ko habang pinagmamasdan siya. "Ano bang ipinuputok ng butsi mo? Hindi ba't parehas lang naman 'yon basta't nalaman mong umalis ako?"

Kumunot ang noo niya at kinabakasan ng galit ang kaniyang mukha. Hindi ko alam kung bakit siya nagagalit. Wala akong ideya.

"No! It's not the same!"

Nagulat ako nang sigawan niya ako. Ano ba talaga ang problema ng lalaking ito?

Bumuntong-hininga ako. "Ang mabuti pa, pumasok na tayo sa loob at saka natin pag-usapan 'yan ng maayos."

Umingos siya sa akin bago naunang pumasok sa loob. Napailing na lang ako at binuhat ang balde papasok sa bahay. Sinilip ko siya at nakita kong parang bata siyang nag-martsa patungo sa isang tabi at doon naupo. Isang ngiti ang lumabas sa labi ko dahil nagiging asal bata siya ngayon.

Matapos kong mailapag ang balde, nagtungo ako sa lumang drawer upang magpalit ng damit. Isang puting shirt at short ang kinuha ko bago ako lumabas upang magtungo sa palikuran. Sa labas nakalagay ang nagsisilbi naming palikuran dahil ginagamit din ito ng iba pang taong kalapit dito. Nagpalit ako ng damit ng ilang sandali bago bumalik sa loob ng bahay. Nang makabalik ay umupo ako sa mismong harapan ni Ledger.

"Oh? Ano na nga ulit ang ikinagagalit mo?"

Nagdugtong ang makapal niyang kilay bago masungit na nag-iwas ng tingin. "Hindi ako galit."

Umangat ang kilay ko at ngumisi. "'Yan ba ang tawag mo sa hindi galit, Ledger?"

Napaharap siyang muli sa akin dahil sa pagtawag ko sa pangalan niya.

"Ledger? Ledger na ba talaga ang pangalan ko?"

Tumango ako. "Habang naririto ka, ikaw si Ledger na asawa ko."

Umingos siya. "Hindi ko alam kung anong trip mo sa buhay. Why do you want me to be your husband?"

Nagkibit-balikat ako. "Siguro para may kasama naman ako rito. Parang hitting two birds with one stone lang and give and take. Narito ka sa puder ko at kinupkop kita, kaya naman in return, magiging asawa kita."

Hindi na ulit siya nagsalita kaya't napabuntong-hininga na lang ako. Tumayo ako at nilapitan ang balde upang bilangin ang mga nahuli kong isda. Habang nagbibilang ay narinig ko ng mga yapak niyang papalapit sa akin.

"Need help?"

Napa-angat ako ng tingin sa kaniya, yumuko naman din siya at pinagmasdan ang mga isda. Pansin ko ang pagkunot ng kaniyang noo na para bang ngayon lang siya nakakita ng mga isdang bagong huli. Ang iba pa nga sa mga ito ay gumagalaw pa.

Ngumisi ako at ibinalik ang tingin sa mga isda. "Hindi na. Alam kong hindi mo masisikmurang hawakan ang mga isda, mukha ka pa namang lumaking may kaya sa buhay."

Rinig ko ang pag-ingos niya. "Why don't you try me then?"

Umangat ang dalawang kilay ko at biglang may pumasok na ideya sa utak ko. Nag-angat ako ng tingin at ngumiti ng malaki sa kaniya.

"May mas magandang bagay akong ipagagawa sa 'yo."

Tumango siya. "Okay then. Bring it on."

Naka-upo ako sa isang maliit na upuan habang pinagmamasdan si Ledger sa kaniyang ginagawa. Nakakunot ang noo niya habang itinitimbang ang isda sa timbangan, pansin ko ang pagkalito sa kaniyang ginagawa ngunit ipinagpatuloy pa rin ang pagbebenta.

Dinagsa rin siya ng mga mamimili lalo na ang mga babae at binabae. Ang iba nga ay pasimpleng hinahampas pa ang braso o 'di kaya'y kamay ni Ledger upang makahaplos matapos ay impit na titili. Hindi ko sila masisisi. Nakasando lamang kasi ngayon si Ledger kaya't kita ang kaniyang malaman na braso. Bagama't mas malaki ang katawan ni Utoy sa kaniya, mas maganda naman iyong tignan dahil wala itong peklat na natamo dahil sa pagsisibak.

Narito kami ngayon sa palengke, dapit hapon na ngunit marami pa ring tao sa paligid. Ang palengkeng pinagpupwestuhan namin ay siyang pinaka-sentro kaya't nang makita ng mga suki si Ledger ay talagang dinagsa kami ng mga mamimili.

Itinuro ko na kanina kay Ledger ang mga gagawin niya sa pagtitinda. Ang dami niya pa ngang tanong kung bakit tanging bilao lang ang lalagyan ko ng isda na ipinampatong ko sa isang balde. Ang sagot ko nama'y may bayad ang bawat pwesto rito sa palengke kaya't mas gugustuhin kong magdala na lang ng ganito, masyadong aksaya sa pera kung magrerenta pa ako.

"Magkano 'yang Bangus, Kuya?" Tanong ni Sabel, anak ni Aling Fe. Pasimple pa nitong inipit ang buhok sa kaliwang tainga.

Lumibot ang tingin ko sa buong lugar. Sigurado akong kasama ni Sabel ang Nanay niya dahil hindi pumapayag si Aling Fe na gumala si Sabel ng mag-isa. Aniya, marami raw kasing nabibighani sa kagandahan ni Sabel kaya't pinoprotektahan lang ni Aling Fe ang anak palayo sa mga lalaking taga-baryo lang din namin. Mas gusto kasi ni Aling Fe na makapang-asawa si Sabel ng lalaki sa Maynila.

Lumingon sa akin si Ledger at bakas ang pagkalito sa mukha. "Magkano nga ulit ito?"

Napakamot ako ng pisngi, ilang ulit ko na itong sinabi sa kaniya pero nakakalimutan niya pa rin.

"120 ang isang kilo." Sagot ko at tumingin kay Sabel.

Nakita ko kung paano kumurap-kurap si Sabel habang palipat-lipat ang tingin niya sa amin ni Ledger. Bakas sa mukha niya ang pagtataka at balak na sanang magtanong nang dumating naman si Aling Fe.

"Anak, nakabili ka na ba?" Salubong ni Aling Fe kay Sabel.

Hindi naman sumagot si Sabel at nanatiling nakatingin lang sa amin ni Ledger. Sumunod naman ang tingin ni Aling Fe sa anak at nakita ko ang pag-awang ng kaniyang labi.

"Oh, ikaw pala 'Yan, Vivian..." Saad niya at ngumiti ng malaki sa akin, bagama't halatang peke iyon ay sinuklian ko pa rin siya ng ngiti.

"120 ang isang kilo ng Bangus ko, Aling Fe. Bibili ba kayo?"

Tumango siya. "Oo naman. Suki mo kaya ako!"

Hindi na lang ako umimik pa. Kailan man ay hindi ko siya naging suki. Hindi niya man pansin ngunit nahahalata ko ang pag-iwas niya sa akin dito sa palengke. Iba't ibang haka-haka kasi ang ipinakalat niya sa baryo namin hanggang sa makarating sa akin. Narinig ko na nga rin mismo sa bibig nila ni Aling Loida ang mga paninirang puri nila noong nakaraan.

"Ilang kilo ho ba ang bibilhin niyo, Aling Fe?" Tanong kong muli.

"Dalawang kilo lang. Nagtitipid kasi kami ngayon lalo na't lalarga pa-Maynila itong si Sabel." Aniya.

Kilo lang naman ang itinanong ko pero heto't nasama niya na ang pag-alis ni Sabel patungong Maynila. Halatang-halata ang intensyon niyang pa-iggitin ako, ngunit hindi ako ganoon kadaling ma-inggit.

"Mabuti naman ho, sana makatulong 'yang si Sabel para umahon kayo sa hirap." Sagot ko.

"Naku, sinabi mo pa! Mayroon na nga siyang nobyo ngayon at taga-Maynila pa! Makaka-ahon talaga kami sa hirap at aalis sa baryong ito!"

Ngumiti na lang ako sa pagmamayabang niya bago tumingin kay Ledger. "Narinig mo naman 'di ba? Dalawang kilong Bangus para sa suki ko."

Tumango si Ledger at itinimbang ang Bangus. Nang tignan ko ang reaksyon ni Aling Fe, nahaluan na rin iyon ng paghanga at pagtataka katulad na lang ng nakita kong emosyon ni Sabel kanina.

"S-sino pala 'yan, Vivian? Bagong kakilala mo?" Pabulong niyang saad at mas nilapitan ako.

"Si Ledger ho." Sagot ko.

Nagulat ako nang bigla niya akong sikuhin sa tagiliran dahilan para mapaatras ako. Narinig ko siyang humagikgik habang pinalipat-lipat ang tingin kay Sabel at Ledger.

"Hindi mo naman sinabing may kakilala ka pa lang ganito kakisig na binata. Ipakilala mo naman si Sabel sa kaniya."

Naitaas ko ang kilay. "Bakit ko naman ho gagawin iyon?"

Muli niya akong siniko. "At bakit naman hindi, Vivian? Para naman tayong hindi magkakilala niyan. Isa pa, mukha namang binata pa si—"

"Hindi na ho siya binata." Putol ko sa sasabihin niya pa sana.

Natigilan si Aling Fe. "Ano kamo?"

"May asawa na ho siya."

Biglang sumama ang mukha ni Aling Fe. Nang tignan ko si Sabel ay bakas din ang lugmok sa mukha niya lalo na't kanina pa pala siya nakikinig sa usapan namin ni Aling Fe.

"Aba't sino naman ang napangasawa niya? Maganda ba? Mas maganda sa anak kong si Sabel?"

"Oho." Sagot ko bago ngumisi. "Mas maganda ho ako kay Sabel."

Natigilan si Aling Fe at nakangangang tinignan ako. "Ano kamo?!"

Sumimangot naman si Sabel, halatang nainsulto. "Anong pinagsasasabi mo? Mas maganda ako sa 'yo, Vivian!"

Tumango na lang ako at inilahad ang palad. "240 ho lahat."

Naiinis na dumukot si Aling Fe ng pera sa wallet niya bago kinuha ang plastic na naglalaman ng Bangus kay Ledger. "Iho, asawa mo ba talaga itong si Vivian?"

Akala ko'y iiling si Ledger ngunit isang tango ang isinagot niya kay Aling Fe dahilan ng panlulumo ng dalawa. Napangiti naman ako ng malaki. Mabuti naman at nakinig siya sa usapan namin.

Dumako muli ang tingin sa akin ni Aling Fe at binigyan niya ako ng alanganing ngiti.

"Sige, Vivian. Mauuna na kami."

Tumango ako. "Sige ho. Pakibalita na rin ho sana sa buong baryo na may asawa na ako."

Napangiwi si Aling Fe at hinila na ang braso ni Sabel paalis. Naabutan ko pa ang pasimpleng irap sa akin ni Sabel na hindi ko na lang pinatulan.

Nang araw ding iyon, kumalat na nga ang balitang nagka-asawa na ako.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status