Share

Chapter 4

Chapter 4

"A-Ano? Sorry slow." Napakamot siya sa batok.

"Ang ibig kong sabihin kaya kong pumunta ng restroom ng mag-isa, hindi ako tulad ng iba na pupunta lang ng restroom kailangan pa ng kasama."

"Ahh, okay, gets ko na. Tapos pagbalik may dala ng turon, ano?"

Natawa ako bigla sa sinabi niya. Hindi naman pala siya mahirap pakisamahan. Matapos kumain ay tinanong niya ako kung babalik na ba ako sa classroom. Noong sinabi kong "oo", nag-offer siya na ihatid ako. 

"Bakit nga pala sinunod mo mama mo kaysa kuhain ang course na gusto mo?"

"Walang pera eh."

"H-Huh? Ang mahal kaya ng nursing." 

"Alam ko pero sabi kasi niya wala raw kasiguraduhan iyong pangarap ko. At least sa nursing daw, pagka-graduate at naipasa ko ang exam, makakapagtrabaho raw ako sa ibang bansa. Sure na raw ang kita."

"Pero gusto mo talagang maging professional performer?"

"Oo." Yumuko ito habang pinaglalaruan ang strap ng backpack. "Pero kapag mahirap ka kasi hindi pwedeng unahin ang sarili. Kahit gaano mo pa kagusto ang isang bagay, minsan kailangan mong bitawan. May mga bagay na nais nating i-pursue at mahal natin. Ngunit darating iyong araw na bibitawan din natin ang passion na iyon dahil kailangan na nating magtrabaho para sa pamilya."

"Sad reality of life. Pero pwede mo pa namang gawin iyon ngayon, 'di ba?"

"Oo naman. Basta ma-maintain ko lang ang spot ko sa Laude."

"Wow! Nag-i-aim ka pala sa Laude. Well, same tayo. Mukhang magkakasundo tayo d'yan."

"Review tayo next time, you want?" 

"Sige game ako d'yan. Palagi rin kasing wala iyong best friend ko. Mas okay na rin na may nakakasama akong mag-aral."

"Gusto mo talaga Accountancy?"

"Oo."

"Bakit Accountancy?"

 "Kasi mukha akong pera." Tumawa ako. 

"W-What?"

"Hahaha! Biro lang. Mahirap daw kasi. Gusto ko iyong nacha-challenge ako. Nakakadagdag kasi ng thrill."

"Iba ka." Napailing-iling ito. "Personal choice pala. Good for you."

"Saka at least kapag naging Accountant ako kahit wala akong pera, may mabibilang pa rin ako. Tapos iisipin ng iba na mayaman ako kasi Accountant at nag-oopisina. Edi mukhang cool at rich girl na ako nun. Mindset ba mindset. Oh dito na classroom ko. Salamat sa paghatid."

"Study well, Ms. Future Accountant." Inabot nito sa akin ang bag ko at umalis na.

Pinanuod ko lang siya sa pintuan hanggang sa maglaho sa paningin ko. Napapitlag naman ako bigla nang may tumapik sa aking balikat. 

"Ano iyon? Bakit may pahatid-hatid ng nagaganap? Close na kayo kaagad?" tanong nito na animoy imbestigador.

"Nagkasabay kasi kaming kumain ng lunch."

"Nagkasabay o nagsabay talaga? Hmm... I smell something fishy here."

"Baka isda ulam mo. Hindi ka lang siguro nakapagsabon nang mabuti ng kamay." Nilampasan ko siya at dumiretso sa upuan ko upang ilagay doon ang tote bag. 

"Nanliligaw?" Magka-cross ang mga braso nitong tanong na animoy nanay na nag-i-interrogate ng minor de edad na anak.

"Ligaw agad? Beh, ngayon lang kami nakapag-usap ng matino." 

"Eh ano ba kasing mayroon bakit magkasama kayo at may pahatid-hatid pa talaga?"

"Pumunta lang ako ng cafeteria kanina para kumain. Tapos occupied na lahat ng tables. Nakita ko siya na mag-isang kumakain so nakiupo na ako."

"And then?"

"We ate together and we just talk."

"About?" Naningkit ang mga mata nito.

"About life."

"Woah! Speed. Life talks na kaagad."

"Uy hindi iyon tulad ng iniisip mo—" Napatigil ako sa pagsasalita nang pumasok na ang professor namin.

Umayos na kaming lahat ng upo. May sitting arrangement kami at alphabetical kaya magkalayo kami ni Syn. Nang lingunin ko ito sa kaniyang upuan sa pinakahuling row ay nang-aasar itong ngumiti sa akin. Pang-asar talaga oh. Inirapan ko na lang siya at ibinalik na ang atensyon sa professor na nagtuturo sa unahan. 

"Badtrip iyong isang prof namin. Ang sungit tapos ang hilig pa magpa-surprise quiz. Iyon tuloy every meeting namin sa kaniya need namin mag-review nang matindi kahit hindi sigurado kung may pa-quiz siya. Akala ba niya nakakatuwa iyon?" maktol nito sa akin habang naglalakad kami sa pathway ng school.

"Ganiyan talaga sa college. Ayaw mo nun nari-review ka kahit walang exam. Ganoon naman talaga dapat, 'di ba? Mag-aral."

"Okay lang naman sa akin iyong mag-review. Pero iyong stress na binibigay niya sa amin ang hindi okay. Isipin mo imbes na magpahinga ka pag-uwi kasi pagod, need mo pa mag-review kahit hindi mo naman sigurado kung may quiz ba talaga. Magpupuyat ka sa pag-aaral tapos kinabukasan kabado ka kasi baka biglang magpa-quiz o worst recitation. Imagine nagpuyat ka pagri-review tapos hindi ka nakasagot."

"Sabagay, may punto ka nga naman." Tumango-tango ako. 

"Kumakain ka ba ng street foods?"

"Oo naman."

"Tara libre kita."

Hindi na ko nakaimik pa nang hatakin na ako nito papunta roon. Sa nakalipas na isang linggo ay mas naging malapit kaming dalawa. Unti-unti na rin naming nakikilala ang isa't isa. Tahimik siya sa iba at hindi masyadong palakaibigan pero pagdating sa akin ay nagiging madaldal din siya. Siguro kasi bago pa lang siya rito at nag-a-adjust pa lang sa buhay niya rito sa syudad.

Mahirap malayo sa pamilya. Grabe rin iyong homesick na mararanasan mo sa mga unang araw lalo na sa unang linggo. Ganoon ako noong bagong salta ako rito upang mag-aral ng Senior High. Nandoon iyong feeling na gustong-gusto mo ng umuwi pero hindi pwede kasi kailangan mong mag-aral. Hindi madali pero kinakaya para sa pangarap na nais magkaroon ng katuparan. 

"Baka malunod ka." 

"H-Huh?"

"Masyado kasing malalim ang iniisip mo. Oh ito mag-fishball ka muna." Inabutan ako nito ng paper cup na may lamang fish ball at kikiam. "Naku sorry spicy nailagay kong sauce. Kumakain ka ba ng mapahang," alalang tanong nito.

Sinubo ko ang fishball na nasa stick at ininom ang sawsawang maraming sili at paminta. 

"Kahit contest pa tayo sa pagkain ng sili."

"Wow, gusto ko iyan. Sige next time contest tayo. Basta walang iyakan ah."

"Don't worry hindi kita paiiyakin."

Natawa ito sa sinabi ko. Nasa kalagitnaan kami ng pagkain nang may estudyanteng biglang nag-abot sa amin ng flyer. 

"Club tss."

"Sali ka d'yan. About sa pagkanta iyan, hindi ba? Makatutulong din naman sa 'yo iyan para mas mahasa pa talent mo."

"Huwag na. Focus na lang ako sa acads ko."

"Dre, alam mo kasi, you can still enjoy your life pa rin naman kahit college ka na. Pero nasa iyo pa rin naman ang desisyon. Hindi ba at gusto mo ang pagkanta? Try lang."

"Baka malaman ni Mama."

"Malalaman niya lang kapag sinabi mo." 

"Anong ibig mong sabihin?" kunot noo nitong tanong.

"Hindi naman natin ipapaalam. Kinuha mo na naman iyong kursong gusto niya, hindi ba? I think it's time na para kuhain mo naman ang gusto mo. Consider that club as your extra-curricular activities na rin. May plus grade din iyan, dre. Para naman habang nag-aaral ka ng course na hindi mo gusto, at least nagagawa mo pa rin passion mo. Oh baka isipin mo bad influence ako ah. Gusto lang naman kitang tulungan."

"Hmm... sabagay may punto ka nga naman. Pero paano kapag hindi ako nakapasa?"

Hinampas ko siya sa balikat. "Sus! Ito naman wala pa nga iniisip mo na kaagad iyan. Huwag ka ngang nega. Papasa ka, okay? Iyon lang ang isipin mo."

"Eh paano nga kung hindi?" tanong nito habang naglalakad kami palabas ng school, kain-kain pa rin ang fish ball.

"Hindi natin malalaman kung hindi mo susubukan. Kailan ba raw ang pa-audition ng club?" 

"Friday ang schedule na nakalagay rito. Bukas na iyon." Bumuntong hininga siya.

"Kaya 'yan, ano ka ba? Wala ka ba tiwala sa sarili mo?" 

"Syempre mayroon."

"Iyon naman pala. Bukas, pagkatapos ng klase, mag-audition ka na. Sayang din iyan. Wala namang mawawala kung susubukan mo. Ako nga planong sumali sa Theater Club ng School."

"Mahilig ka umarte?" nagugulat na tanong nito sa akin.

"Sakto lang. Marami rin naman akong drama sa buhay kaya ita-theatro ko na lang. At least doon may additional points."

"Kailan pa-audition? Sasamahan kita."

"Sa Monday pa. Kaya sa Linggo tulungan mo ako sa linya ko. Magpa-practice ako."

"Wala namang sampalang magaganap d'yan, 'di ba?" 

"Hmm... titingnan natin." 

Umakyat na ako sa jeep at sumunod naman siya sa akin. Siksikan na pero pinatos na namin para makauwi na. Wala kami parehong work kapag ganitong Wednesday kaya diretso bahay na kami. Ayos na rin iyon para makapagpahinga na pag-uwi. 

—Kheious' POV—

Kabado akong nakapila ngayon para maglista ng pangalan sa Auditioner List. Huminga muna ako habang hawak ang ballpen bago isinulat ang pangalan doon. Naupo ako pagkatapos at hinintay na lang na tawagin ang pangalan ko. Hindi ko nga alam kung paano ako napapayag ng babaeng iyon na mag-audition dito. 

Nag-umpisa na ang audition at mas lumalakas ang kaba ko habang tumatagal. Nakikita ko kasi kung gaano kagagaling ang mga nagpi-perform. Alam ko naman sa sarili ko na magaling ako pero ang tanong sapat ba iyon para makapasa rito? Luminga-linga ako sa paligid. Nasaan na ba ang babaeng iyon? Ang sabi sasamahan niya ako pero bakit wala siya? 

Tinawag na ang pangalan ko pero maski anino ng babaeng iyon hindi ko pa nakikita. Kabado akong umakyat ng entablado dala ang aking gitara. Sanay na naman ako sa pagpi-perform pero hindi kagaya nito na ako lang mag-isa. Nasanay ako na may kasamang kagrupo sa itaas ng entablado sa tuwing magpi-perform. 

Mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko nang makita kung gaano karami ang taong nanunuod. Isang pagkakamali ko lang at siguradong mapapahiya ako sa harap ng mahigit isang daang estudyante. Pumikit ako saglit at pinilig ang ulo upang iwaksi ang isipin na iyon. Hindi ako dapat mag-isip ng mga negatibo. Pero nasaan na ba kasi si Anaia? 

"Introduce yourself first," sabi ng isa sa mga judges ng audition na may hawak ng microphone.

Huminga muna ako bago inilapit sa mikropono ang bibig. 

"Good Day po. I'm Kheious Seith Alkarez, from Nursing Deparment, First Year student."

Nang magsimula akong mag-strum ng gitara ay tumahimik na ang buong paligid. Sinubukan ko pang hanapin ito bago ako mag-umpisang kumanta pero hindi ko talaga siya makita. Nag-focus na lang ako sa performance ko. Okay na sana ngunit nang nasa kalagitnaan ako ng pagkanta ay bigla ko na lamang nakalimutan ang lyrics dahil sa sobrang kaba.

Natahimik ako bigla dahil sa nangyari. Pilit kong inalala ang kasunod pero hindi ko talaga maisip. Nagsimula na ring magbulungan ang mga nanunuod. Unti-unti na akong nilalamon ng hiya at gusto na lang bumaba ng entablado. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko dahilan kung bakit mas lalong hindi ko mahanap ang kasunod na salita sa dulo ng aking dila.

"Go Kheious!" sigaw isang babaeng nasa gitna ng crowd at may hawak na banner. 

—Azureriel

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status