Share

Chapter 4 Sweet and sour

"Freyja, kamusta na pala nanay mo?" pag-uusisa ng kaibigan niya habang inaayos niya ang mga sabang inutang.

"Medyo umaayos na rin siya kahit papaano," ngiting sagot niya, "salamat dito George, pakisabi pala sa nanay mo sa makalawa ko na to babayaran," saad niya sa kababata.

"Wag mo iyon alalahanin, akong nang bahala doon," ngiting tugon nito sa kanya na namumungay pa ang mga mata sa kanya.

Ganoon na lang tuloy ang pagyuko niya rito upang umiwas ng tingin. "Salamat ulit" nahihiyang balik niya na lang sa lalake.

"Tulungan na kita diyan," alok nito pakatapos itali ang bungkos ng mga saging na kanyang dadalhin.

"Ateng, ateng!" alingawngaw ng isang matinis na boses.

Napalingon na lang sila sa tumatakbong si Clifford.

"Bakit?" pigil niya dito nang muntik na siyang lagpasan ng kaibigan.

"Iyong nanay mo!" taranta nitong saad na halos nagtatatalon na.

Bigla na lang siyang nabalot ng pag-aalala dahil sa hitsura ng kaibigan. "A...anong nangyari kay nanay?" balisa niyang saad dito.

"Bilis" hinatak na lang siya nito bigla kaya wala siyang nagawa kung hindi ang sabayan ito sa pagtakbo.

"George, sandali lang ha!" habol niyang paalam habang nakakaladkad na papalayo.

"Hintayin niyo ako, sasama ako" agad na saad nito habang sinisenyasan ang isa sa mga kasama.

Pagkatapos noon ay dali-dali na rin itong tumakbo ang lalake pahabol sa kanila, hindi na niya napansin pa ang binata dahil natuon na ang pansin niya sa kanilang dinaraanan.

Naroon ang lalong paglakas ng kabog sa kanyang dibdib nang makita ang kumpulan ng mga tao sa palengke, nagkakagulo ang mga ito habang nagsisiksikan sa isang gilid.

"Tabi! Tabi!" tili ni Clifford sa mga taong humaharang sa kanilang daan.

Nanlaki na lang ang mata niya nang makitang nakikipagsabunutan ang nanay niya sa isang babae, hindi ito bumibitaw kahit na anong hatak ng ninang niya at ng ilan pang mga naroon, kaya naman dali-dali na lang siyang napatakbo palapit dito.

"Nay, tama na po!" hatak niya na rin sa nanay niya.

"Walang hiya ka, sinira mong pamilya namin!" nanggagalaiting sampal ng nanay niya sa babae nang magawa nila maihiwalay ito.

"Pweh! Tang ina mong gurang ka! palibhasa losyang ka na, kaya ka iniwan ng asawa mo!" bira nito kaagad nang makahuma mula sa pagkakabuno.

"Hayop ka!" mangiyak-ngiyak pa rin itong inaabot ng kanyang ina kahit na hinahatak na nila palayo.

"Nay, tama na po" pagpapakalma niya rito.

Naroon ang tindi ng pag-aalala niya dahil sa kalagayan ng ina, dahil na rin sa kasalukuyan na kalusugan nito, kaya naman hindi na niya nagawa pang pansinin ang naturang babae.

"Freyja dali, tulungan mo na akong ilayo ang nanay mo," pakiusap ng ninang niya na hirap na hirap na sa paghila dito.

"Magsama-sama kayong mga amoy lupa!" habol ng babaeng kaaway ng kanyang ina habang naglalakad ito papalayo.

Nanlaki na lang ang mata ni Clifford sabay angat ng damit sa braso nito. "Aba't sumusobra na itong..."

Agad niya na lang hinatak ang kaibigan nang akmang hahabulin nito ang kaaway nila. "Clifford wag na," nagmamakaawa niyang saad sa kinakapatid.

Batid niya naman ang nais nitong gawin subalit mas kailangan nila ang tulong nito ngayon sa kanyang ina.

"Eh sumusobra na iyong putaching na yan eh!" nanggigigil nitong sambit, kuyom na kuyom ang kamao nito at nanginginig na rin sa galit.

"Pabayaan mo na, tulungan mo na lang kami," pakiusap niya rito habang hinahaplos ang likod ng kanyang ina dahil sa hindi pa rin ito tumitigil sa paghagulgol ng mga sandaling iyon.

Inirapan na lang ito ng kanyang kinakapatid bago sila tulungan sa pagbubuhat, ayaw kasing umalis ng kanyang mama sa kinalalagyan at naglulupasay lang doon.

Napayuko na lang tuloy siya habang inaalalayan ito papaalis doon, hindi niya maitago ang kanyang hiya dahil sa nakapalibot na mga taong nagbubulungan at nagtatawanan na sa kanila, pinipigilan niya na lang ang kanyang mga luha na kumawala dahil sa matinding sama ng loob sa mga ito.

Laking pasalamat na lang niya nang makita ang kababatang si George na agad na rin umalalay sa kanila upang mabuhat ang kanyang ina hanggang sa tricykelan. Isinakay na lang muna nila ang kanyang mama at ninang bago bumalik sa palengke upang kunin ang mga panindang naiwan. Dahil na rin sa mga nangyari ay inihatid na sila ng kaibigan sa tinutuluyan.

"Freyja, ayos ka lang ba?" pansin na lang sa kanya ni George nang maibaba na nito ang tumpok ng saging..

Napangiti na lang siya sa kaibigan. "Wag mo ako alalahanin George, okay lang ako, salamat pala sa paghatid," turan niya na lang habang iniaayos ang mga pinamalengke.

"Oo nga papa George, thank you so much," singit ni Clifford sa kanila kaya naman napapigil na lang sila ng tawa.

"Siya nga pala, kung wala pa kayong malilipatan, pwede muna kayong tumuloy doon sa may bakanteng kubo sa may bahay, pinaalam ko nanaman iyon kay nanay," magiliw nitong saad.

Namula na lang siya sa hiya sa binanggit nito. "Salamat George, pero doon na kami kina ninang pansamantalang tutuloy" agad niyang pagpapaalam.

Tila bigla na lang naging malungkot ang mukha ng lalake, kaya dali-dali siyang nag-isip ng pambawi dahil na rin sa hiya mula sa kabutihan nito.

"Isa pa, sobra-sobra na iyong tulong mo sa amin, nakakahiya na," pasubali na lang niya.

Naroon man ang pagnanais niya na tanggapin ang alok ng lalake pero sadyang hindi kaya ng kanyang konsensya ang dagdagan pa ang utang ng loob dito.

"Walang ano man iyon, basta kung kailangan niyo ng tulong, huwag kang mahihiyang lumapit sa akin," malambing nitong saad na may kasama pang matamis na ngiti.

Mas lalo lang tuloy nadagdagan ang kanyang hiya kaya napangiti na lang rin siya sa binata sabay lihis ng tingin dito dahil sa nadama niyang pag-iinit ng kanyang pisngi.

Kahit papaano ay napalitan na ng malapad na ngiti ang expression sa mukha nito, kaya naman hindi na siya nag-atubili pang magsalita.

"Sige, mauuna na ako, baka hinahanap na ako ni nanay," paalam niya rito.

“Sige, kita na lang tayo ulit,” magiliw nitong saad habang papasakay na ito sa tricycle.

"Salamat ulit George" masaya niyang paalam kahit hindi niya pa rin ito magawang tingnan ng tuwid.

"Ingat ka papa George!" kaway naman ng kinakapatid niya rito.

Hinintay muna nilang tuluyan makalayo ang naturang sasakyan nito bago isa-isang buhatin ang mga pinamili upang dalhin na sa loob ng bahay.

"Ateng, pansin ko iyong panay iwas mo ng tingin ha!" tudyo ni Cliffor sa kanya habang naglalakad sila.

Hindi natuloy nawala ang init sa kanyang mukha dahil na rin sa pagkakapansin ng kinakapatid.

"Heh, tumigil ka nga!" pigil tawang palo niya na lang sa balikat nito.

Agad naman itong umiwas sa ginawa niya ngunit kitang-kita sa mukha ni Clifford ang nakakalokong at nang aasar na ngiti.

"Kung tutuusin, ang lagkit nga naman ng tingin sa iyo ni papa George, ayeee!" Nag-akto pa itong nanginginig sa kilig habang inaasar siya, kaya naman napatawa na lang siya ng todo sa inaasal nito.

"Tigilan mo nga ako!" humahagikgik niyang suway habang papasok na sila sa bahay.

Ngunit mabilis rin naman nabura ang saya sa kanya nang makita niya ang nakakaawang kalagayan ng ina, muling nanumbalik ang lungkot at pighati sa kanyang puso dahil na rin sa nangyayari rito.

Maingat itong pinupunasan ng kanyang ninang ng maligamgam na tubig, walang tigil pa rin ito sa paghagulgol ng mga sandaling iyon, kaya ganoon na lang ang sikip sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ito sa upuan.

Mugtong-mugto na ang mga mata nito, magulo ang buhok at pawis na pawis dahil sa walang patid na pag-iyak, tila parang nadagdagan pa ang mga guhit sa mukha nito dahil na rin sa pagkakusot ng mukha.

"Clifford, ikuha mo pa nga ako ng tubig!" daling utos ng ninang niya pakalapit nila.

Mabilis naman kinuha ng kinakapit ang planggana, habang siya naman ay dahan-dahan tumabi sa kanyang ina at tumulong sa pag-aalo rito.

"Jusko, napakawalang hiya talaga ng babaeng iyan, ang kapal ng apog. Akalain mo bang doon pa mismo bumili ng gulay sa amin. Hay, nakakainit ng dugo!" nangagalaiting sambit ng kanyang ninang habang pinupunasan ang kanyang ina.

Napapatong na lang siya sa balikat ng kanyang mama, pilit na pinapahinahon ang sarili dahil sa namumuong galit sa kanyang puso, doon niya lang na-isip na sana tinulungan niya na lang sa pananabunot ang kanyang ina kanina, kaya laking panghihinayang niya nga lang at naunahan siya ng pangamba dahil sa mga nangyayari.

"Ninang, pasensya na po, pati kayo nadadamay sa problema namin," pagpapakalma niya rito.

"Hay naku, huwag mong isipin iyon," tapik nito sa kanya. "Ang mabuti pa, kayo na muna ni Clifford ang mag bantay sa puwesto natin sa palengke bukas, hindi makakabuti sa nanay mo kapag nakita niya ulit ang babaeng iyon, baka hindi na rin ako makapag pigil sa susunod!" halos matuyo na ang hawak nitong bimpo sa sobrang pagpiga nito, pansin na mainit pa rin ang ulo nito sa naturang babae.

"Sige po ninang." Napangiti na lang siya dahil sa kaunting gaan ng loob sa kaalaman namayroon pa rin silang karamay, kahit pinabayaan na sila ng kanyang ama.

Kinabukasan ay naiwan na muna ang kanyang ninang sa bahay upang bantayan ang kanyang mama, habang sila naman ng kanyang kinakapatid ang nagbantay sa pwesto nito sa palengke.

"Jusko ateng, nananalangin lang ako na hindi mag-krus ang landas namin ng babaitang iyon, kung hindi, lintik lang ang walang ganti!" saad ni Clifford habang iwinawasiwas pa ang isang malaking upo.

"Ay sister, himagsikan na ba itech, sali akey!" singit naman ni Porsya na kaibigan nila.

Walang habas naman ang pagduro nito ng tindang isda na akala mo ay espada. Napapigil na lang tuloy siya ng tawa dahil sa ginagawa ng mga ito.

"Tama na nga iyan, nalalamog na iyong mga paninda natin," suway niya sa mga ito habang hinahalo ang niluluto niyang bananacue.

"Imbyerna talaga ang mga babaeng ganoon, bakit ba nagkaroon pa ng mga katulad nila, ang kakapal!" nagngingitngit na napamaywang na si Clifford pakasabi noon.

"Ay tama ka, kalahi yata ng mga tahong, grabe kumabit!" sang-ayon naman ni Porsya rito.

Biglang nagkatitigan ang dalawa pagkatapos ay sabay na tumili nang magkahawak ng kamay na tila nagbubuno dahil sa inis.

Napatawa na lang tuloy siya sa ginagawa ng mga ito. "Hoy, tumigil na nga kayo diyan, mamaya matakot na sa inyo iyong mga customer natin," biro niya sa dalawa.

"Bakit ateng Frey, hindi ka man lang ba nagagalit sa kalantari ni pader mo. I mean, ang sakit noon ah!" sita sa kanya ni Porsya.

"Yes, it's hurts you knows!" nakangusong dugtong naman ni Clifford.

"Che, siyempre nagagalit rin ako, pero ano pa bang magagawa namin. Isa pa, ginusto iyon ni tatay, kaya kahit patayin pa natin iyong babae niya, sigurado ko makakahanap rin ng panibago iyon." Napahinga na lang siya ng malalim sa naturang katotohanan.

Ibinuhos niya na lang ang galit at sama ng loob na nadadama sa pagtuhog ng ilang mga lutong saging.

"Ay korak ka diyan!" Tapik ni porsya sa balikat niya.

"Trulalu! sabi nga nila, ang malilibog na lalake parang may buni, kamot ng kamot," bigla naman singit ni Clifford.

Muling naghawak ng kamay ang dalawa sabay tili ng "Ay, ang kati!" habang tumatalon talon.

Napahawak na lang tuloy siya sa bibig para pigilan ang bungisngis dahil sa kinikilos ng mga ito, kahit papaano ay hindi na ganoon kabigat ang nadarama niya ng mga sandaling iyon dahil na rin sa kakulitan ng mga ito.

"Tse, magsitigil na nga kayo diyan!" Bugaw niya ng bimpo sa dalawa, ngunit tawa lang ng tawa ang mga ito habang umiiwas.

Minabuti niya na lang na magsimulang mag-ayos ng mga nilutong saging kaysa ang pansinin pa ang pangungulit ng dalawa.

"Ay, speaking of lalake, ito iyong gusto kong kamutin!" sambit ni Clifford na napapakagat labi pa.

"Ay ateng," tapik kaagad sa kanya ni Porsya.

Napalingon na lang tuloy siya sa tinitingnan ng dalawa at ganoon na lang ang pamumula niya nang makita kung sino ang papalapit.

"Freyja, kamusta?" nakangiting bati ng binata.

"George, ikaw pala!" nakangiting sagot niya habang inaaayos ang ilang hibla ng buhok na humaharang sa kanyang mukha. hindi niya pa rin magawang tingnan ito ng tuwid dahil sa hiya.

Naroon ang kung anong kiliti sa kanyang dibdib ng mga sandaling iyon dahil na rin sa pagkabigla sa pagdating nito.

"Uhm, may luto na ba?" pagpapapansin ng lalake.

"Ah, may ilang piraso na rito," naiilang niyang turo sa ilang mga nagawa na.

Hindi na tuloy siya magkandamayaw dahil batid niyang sa kanya nakatuon ang mga kakatuwang tingin nito, kaya naman halos madinig niya na ang tibok ng kanyang puso sa lakas ng pagririgudon noon.

"Sige, pagbilhan mo ako ng kinse piraso," sambit nito.

Doon na siya napaangat ng tingin sa lalake dahil sa kung anong tuwa."Ah, sandali lang." Agad siyang kumuha ng plastik para paglagyan ng mga iyon.

Sa sobrang kaba ay halos nabubutas na ng mga stick noon ang pinaglalagay niya kaya naman naka ilang palit pa siya.

"Anong mayroon papa George?" bati na lang ng kinakaptid niya.

Laking pasalamat niya sa pagsingit ni Clifford, dahil kahit papaano ay nagawa niya ng maayos ang pagbabalot dahil natuon sa iba ang tingin ng binata.

"Ano kasi, may mga bisita kami sa bahay ngayon." Natatawang napakamot na lang ito sa batok.

Pansin niya ang medyo pagkautal nito, kaya naman napakagat labi na lang siya nang maisip-isip na nagpapalusot lang ito.

"Heto George," pilit kalmado niyang bigay noon.

"Sige, salamat." Abot naman nito sa bayad.

Hindi pa rin nawawala ang nakakasilaw nitong ngiti sa kanya kaya naman ganoon na lamang ang pag-iwas niya ng tingin, pero hindi niya na maialis ang sariling ngiti.

Wala na rin naman nag-imikan sa kanila matapos niyang maibigay ang sukli ng lalake, tanging ang senyasan lang nila ng tingin ang nagsilbing pamamaalam, hanggang sa makasampa ito sa motor ay naroon pa rin ang pagkatutok nila sa isa’t isa.

"Hoy ateng, ang haba ng hair mo ah!" Tusok ni Clifford sa kanyang tagiliran.

Doon siya tila nabalik sa ulira at agad na lang na napaayos ng sarili pakaiwas ng tingin sa lalake.

"Ay! naaapakan ko!" agaran naman sunod ni Porsya rito na nakahalukipkip pa.

"Tse!" natatawa niya na lang na saad sabay talikod.

Pero hindi niya magawang matanggal ang malapad na ngiti sa kanyang mukha dahil sa tuwa ng mga sandaling iyon sa biglaan pagbisita ng binata.

"Wala ka bang balak sagutin si papa George?" muling tusok ni Clifford sa tagiliran niya.

"Baliw ka ba," palo niya na lang sa daliri ng kinakapatid na hindi tumitigil.

"Bakit?" pamamaywang nito. "I mean, tingnan mo naman! braso pa lang ulam na!" Napataas na lang ito ng kamay na halatang nanggigigil.

"Ay! at nakita mo naman ang chest niya," turo naman ni Porsya sa parteng iyon.

Muli na lang tuloy siyang napatingin na lang siya sa binatang kasalukuyang nagsusuot na ng helmet .

Hindi niya tuloy naiwasang pansinin ang matipuno nitong pangangatawawan dahil sa tinuran ng dalawang kaibigan.

Halatang batak sa trabaho ang lalake dahil sa tikas ng braso at dibdib nito, nakadagdag pa roon ang suot nitong kamiseta na bumabakat sa katawan at basketball shorts na halos dikit na sa mga binti dahil sa pagkahapit.

"Malaman!" tili na lang ni Clifford at Porsya na nakatingin na ri sa binata.

Napataas na lang siya ng kilay nang marinig nanaman ang sabay na tili ng dalawa.

"Tse, tigilan niyo nga ako!" Tulak niya sa mga ito.

Napangiti na lang siya nang muling lingunin ang lalake, kumakaway na ito sa kanya, kaya naman napakaway na lang rin siya rito bago nito patakbuhin ang motor.

"Ay naku ateng, sige ka! kapag ikaw naunahan, bahala ka," tutok ni Clifford ng daliri sa kanya na wari’y mo ay nangangaral.

Natatawa niya na lang iyong hinawi. Sabay bumalik na lang kaagad sa pagtuon sa nilulutong mga saba.

"Oo nga, baka mapagod na iyan. Elementary pa lang yata tayo hinahabol ka na niyan, anong petsa na!" taas kamay naman na sambit ni Porsya.

"Tantanan niyo nga ako." Ngising-ngising taboy niya na lang sa dalawa, ngunit sadyang hindi niya maikakaila ang tuwa sa kaalaman na nagugustuhan talaga siya ng binata. "Wala pa akong panahon para sa ganyan, ang dami ko pang problema," pilit niya na lang na paliwanag.

"Ay naku ateng, malay mo, siya na ang sagot sa mga problema mo!" bara kaagad ni Clifford.

"Guwapo, masipag, matikas at higit sa lahat malaki!" kinikilig naman na singit ni Porsya.

Kaya ganoon na lang tuloy ang dulot nanaman na pag-init ng kanyang pisngi sa mga nadinig mula dito.

"Ay jackpot!" nagtititiling talon muli ng dalawa.

"Ang babastos niyo!" sita niya kaagad sa dalawa.

Kahit na pinapagalitan niya ito ay hindi niya pa rin maialis ang ngiting nakaguhit sa kanyang mukha, napaisip na lang siya habang pasimpleng tinatapunan ng tingin ang papalayo ng binata sa kalsada na tangay-tangay ng motor nito.

Naroon naman ang pagnanais niyang pansinin ito, dahil na rin sa kagustuhan na mapalapit rin dito, subalit sadyang mas nangingibabaw ang takot na nadarama niya ng mga oras na iyon sa kanyang puso, dahil na rin sa takot na magkamali at masaktan, katulad ng nangyari sa kanyang ina.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status