Share

Chapter 5: Chances and Constraints

Lunes na at wala pa ring siguradong desisyon si Ian kung sasali siya sa peer lecture. Kahit na ganoon ay ipagpapatuloy ko pa rin ang pag-aapply. Maaga akong nagising at nagawa pang magjogging sa bakuran namin.  Tumigil lamang ako nang sinabi ni Papa na tinatawag ako ni Ian mula sa telepono.

"Ano?" sabi ko at inaasahan nang sasabihin niyang ako na lang mag-isa ang aapply.

"Sasali na ako sa peer lecture," desidido niyang tugon.

"Talaga? Baka napilitan ka lang?" paninigurado ko.

"Totoo, napilitan nga ako. Pero paano kung matanggap ka at maassign sa Class A? Sasali lang ako para maprotektahan ka mula sa kanila," seryoso niyang pahayag kaya napangiti ako.

"Kaya ko man ang sarili ko ay natuwa ako sa sinabi mo. Sabi na nga bang hindi mo ako matitiis!" sabi ko at humalakhak.

"At saka syempre, gusto ko rin ng 3k allowance. Hindi ko hahayaang ikaw lang mag-isa ang nagbubunyi na may pera. Ayaw kong magmukhang alipin sa tabi mo," dagdag niya kaya mas lalo akong tumawa.

"Saka na ang pera. Kailangan muna nating maresolba ang kaso ng Class A, okay?" tanong ko kaya pumayag siya. "Kita tayo mamaya sa school."

Matapos ang morning class ay pumunta kami ni Ian sa registrar upang kumuha ng kopya ng report card namin.

"Para saan niyo ito gagamitin, Amber?" tanong ni Ma'am Felicity. "Mag-apply ba kayo ng scholarship? May scholarship program ang Eran Foundation."

"Talaga po?" tanong ni Ian na mas lalong sumigla nang tumango si Ma'am Felicity.

Tumingin ako kay Ian habang hinihintay ang dagdag niyang sasabihin.

"Oo, sandali lang. Kukunin ko ang papel mula mismo sa kanila," kinuha ni Ma'am Felicity sa drawer niya ang scholarship forms ng Eran Foundation. "Makatutulong 'to sa inyo. Make sure lang na makuha niyo ang mga requirements at mapasa 'to."

"Gusto po rin sana naming mag-apply para sa peer-lecture," sabi ko nang napansing nahumaling si Ian sa scholarship flyer.

"Mabuti rin yan. Alam niyo bang may 3k allowance kayo every month kapag peer lecturer na kayo?" tanong niya habang may ini-encode sa computer.

"Opo, sinabihan kami ng senior namin," tugon ko kay Ma'am Felicity. "Pwede po bang tig-dalawang copies ang hihingin namin? For scholarship at peer lecture po," pakiusap ko rin sa kaniya.

Ngumiti naman si Ma'am Felicity at binigyan kami ng copy matapos pumirma sa request form. Masaya akong tumingin sa cards namin ni Ian bago ito isinilid sa envelope. Abala pa rin sa pagbabasa si Ian kaya nilagay ko na sa envelope ang card namin. Habang naglalakad kami sa hallway ay nakita namin ang seniors sa basketball team. Tumakbo kami ni Ian papunta sa kanila.

"Kuya Mav!" bati ko at nakipag-fist bump sa kaniya.

"Ba't may dala kayong envelope?" tanong ni Kuya Mav matapos guluhin ang buhok ko.

"Para sa peer lecture at scholarship," sagot ni Ian. "Gusto kasi ni Amber na sumali sa peer lecture. Gusto niyang ma-assign sa Class A."

"Our little Amber is looking for trouble, ei?" sabi ni Kuya Mav at inakbayan ako. "As your senior, advice ko sa inyo na huwag niyong nang piliin ang Class A. Para rin sa ikabubuti niyo ang hindi magpeer-lecture sa kanila."

"Ang Peer Lecture Committee na ang bahala kay Amber, Kuya Mav," sabi ni Ian at huminga nang malalim. "Ipapasa na po namin ang requirements."

Matapos magpaalam kina Kuya Mav ay dumiretso na kami sa student council. Nagkataong nandoon ang adviser ng Peer Lecture Committee na si Sir Kenneth. Ibinigay namin kay Sir Kenneth ang mga requirements at nakinig nang maigi sa instructions niya.

"Huwag kayong mag-aalala sa ituturo niya dahil ibibigay naman sa inyo ang framework isang linggo bago ang lecture. Kailangan niyong pagbutihin ang pag-aaral nito upang mapaliwanag sa kanila nang maigi. Pwede kayong tumuro sa underclassmen. May isang klase lang ang hindi pwedeng masali sa peer lecture dahil sa ugali nila," pahayag ni Sir Kenneth. "Ang Class A ng batch ninyo."

"Ano?" bulong ko habang nakatitig kay Sir Kenneth. Ang Class A nga mismo ang target ko kaya ako sumali sa Peer Lecture Committee.

"Ganoon na nga. Inalis na sila sa Advanced Peer Learning Program dahil sa ginawa nila sa isang guro at sa mga members ng Peer Lecture Committee." Nakamamangha mang pakinggan si Sir Kenneth dahil kalmado niyang pagsasalita ay nakaramdam ako ng kaunting pagkadismaya. Parang nasayang na rin ang paghihirap namin ni Ian na makakuha ng requirements. "Dumaan na sa investigation board ang nangyari at nagkaroon ng demerit sa mga estudyanteng gumawa ng hindi kaaya-aya sa guro at schoolmates nila."

"Sir, kahit po ba galing kami sa Class B ay pwede pa rin kaming mag-peer lecture sa mismong section namin?" tanong ni Ian upang matigil na ang pag-uusap tungkol sa Class A.

"Pwede kung ang isa sa kasama niyo ay hindi galing sa Class B," sagot ni Sir Kenneth. "May nag-apply din noong Biyernes para maging isang peer lecturer. Hindi ko pa nasabi sa kaniya kung sino ang makakasama niya. Naisipan kong kayong tatlo na ang aking ipagsasama. Total, tatlohan naman ang members sa isang team ng peer lecturers."

"Talaga? Sino po?" tanong ni Ian.

"Si Yuhan Go," ngumiti si Sir Kenneth sa amin.

Kumunot ang noo ko at lumingon kay Ian. Kahit si Ian ay nakatingin din sa akin habang nagtataka.

"Pero Class A student po siya, hindi ba?" tanong ni Ian.

"Oo, pero magiling si Yuhan at matalino rin siyang bata. Kung kasali siya sa mga peer lecturers ay tiyak na marami siyang matutulungang schoolmates ninyo. Isa pa, napatunayang inosente si Yuhan sa nangyaring insidente kaya pinayagan siyang maging bahagi ng Peer Lecture Committee."

"Pwede po ba naming malaman kung paano napatunayan?" tanong ko kay Sir Kenneth. Hindi ako mapapalagay nito kung hindi masagot ang mga tanong ko tungkol kay Yuhan.

"Absent si Yuhan nang nangyari yung hindi kaaya-ayang ginawa ng Class A sa guro nila sa Economics," sagot ni Sir Kenneth.

Nahihirapan akong maniwala na naturingan kaagad na inosente si Yuhan dahil lamang absent siya. Paano yung mga panahon na nagturo ang basketball seniors sa kanila? Paano nalusotan ni Yuhan yun? Imposibleng absent din siya noong mga panahong iyon. Gusto ko pa sanang magtanong ngunit pinigilan na ako ni Ian.

"Maraming salamat po, Sir Kenneth," sabi ni Ian at tumayo sabay hila sa akin. "Alis na po kami. Magla-lunch pa po kami. Salamat po ulit," dagdag pa niya. Yumuko kaming dalawa at umalis na sa office. Tumingin sa akin si Ian habang nakayapos ang mga braso. "Paano ba yan? Napatunayan nang wala siyang ginawa sa Economics Teacher at sa peer lecturers. Tama nang pagiging concern kay Yuhan."

"Hindi naman sa may concern ako sa kaniya," sagot ko at hinablot ang braso ni Ian. "Nadismaya lang ako kasi akala ko naiiba siya sa classmates niya. Nadismaya rin ako kasi siya rin pala ang nagdulot ng peligro sa buhay niya. Mabuti pa siguro ay kinausap ko yung football guys."

"Don't drag me to such trouble," sabi ni Ian pero hindi naman inaalis ang braso niya sa pagkakahawak ko. 

"Ian, sige na. Hayaan mo na ako," pagmamakaawa ko at sumandal sa braso niya.

"Ganito na lang. Huwag mo na lang kausapin ang football guys," masigla niyang suhestiyon habang nakangiti at ginagalaw ang mga balikat niya. Alam ko ang ganitong kilos niya. Isa itong malaking pag-uuyam laban sa akin. "Tanungin mo na lang ang seniors. Sa tingin ko kasi ay may mas malalim pang dahilan kung bakit ginawa ng football guys yun kay Yuhan at iyon ay isang bagay na hinding hindi mo kailangan malaman. Kung gusto mo talaga na maging malinis na ang pangalan ni Yuhan upang hindi ka magsisi na nagustuhan mo siya, ang basketball seniors lang ang pwede mong tanungin tungkol sa nangyari."

Sa hinaba-haba ng sinabi ni Ian ay isa lang ang nakuha ko. Tinutukso niya ako na may gusto raw ako kay Yuhan!

"Wala akong gusto sa kaniya," paglilinaw ko. "Ayaw ko lang makipagkaibigan sa maaangas na estudyante ng Class A. Kung excemption man si Yuhan, edi mabuti. Ipagpapatuloy ko ang pakikipagkaibigan sa kaniya kasi gusto ko."

"So wala kang gusto sa kaniya?" patanong na pag-uuyam ni Ian. "Gusto mo lang siyang maging kaibigan na umabot tayo sa ganito --na naging members na tayo ng Peer Lecture Committee. Oo nga naman wala kang gusto sa kaniya," dagdag pa niya habang patango-tangong lumilibot sa akin. Inakbayan na naman niya ako. "Gusto mo lang siyang maging kaibigan, tama?"

"Gusto ko maging tropa natin siya," sabi ko habang nakapout ang lips.

"Sige na nga," sabi niya. "Sa ngalan ng tropa ay ililigtas natin ang potensyal na kaibigan mo mula sa mabigat mong espikulasyon laban sa kaniya."

"Ikaw din naman ang nagsabi sa akin tungkol sa kanila ah?" paalala ko.

"Pero hindi ko pinaghinalaan ng masama si Yuhan. Sinabi ko lang ang posibleng dahilan kung bakit yun ginawa ng football guys. Hindi ko rin sinasabi na ginawa nga niya yun laban sa peer lecturers," paglilinaw niya. "Sa totoo lang ay hindi ko rin alam kung may kinalaman nga ba siya. Ang sigurado lang ako ay Class A student siya at ikaw, kinakaibigan mo siya."

"Kakampi ba talaga kita?" I reacted with a sullen face. 

"Pinagsasabi mo?" natatawa niyang sagot habang hinahabol ako. "I have always been by your side. Malamang kakampi mo ako," dagdag niya. Muntik na akong mapangiti pero may dinagdag pa talaga siya. "Maliban na lang kung hindi tayo pareho ng koponan. Siyempre, sisiguraduhin ko talaga na mananalo team ko." Ayaw niya talagang magpatalo lalo na kung basketball ang pag-uusapan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status