Share

Chapter 4: Inevitable Intrigue

Kapag tapos na ang klase ay madalas kaming dumideretso ni Ian sa paglalaro ng basketball sa loob ng village namin. Pero gusto ko sanang kumustahin si Yuhan. Sinubukan ko siyang matingnan mula sa bintana ng classroom namin ngunit hindi ko siya mahagilap. 

"Maglalaro kami mamaya nina Thomas, sama ka?" Si Thomas ang isa sa mga kalaro namin ni Ian sa basketball. Kapitbahay lang din ni Ian si Thomas kaya madalas silang naglalaro sa basketball court malapit sa block nila. Madalas ko silang nakalalaro tuwing summer at kung wala kaming training ni Papa sa Sanda.

"Hindi muna siguro," tugon ko habang tumitingin sa mga naunang naglalakad sa amin. Baka hindi pa nakalalayo si Yuhan.

"Bakit? Wala namang nalalapit na exam at assignment ah?" Halos magtagpo na ang mga kilay ni Ian habang hinihintay ang tugon ko. "Masakit ba tiyan mo?" Pag-aalala pa niya. 

"Ayaw ko lang munang maglaro ngayon. Gusto ko munang umuwi nang maaga," sabi ko at ngumiti sa kaniya. "Sa susunod na lang na laro, okay ba?" Nagsimula na akong humakbang bago pa siya nakatugon. Pero hinawakan niya ang braso ko at kinuha ang bag mula sa akin.

"Hatid na muna kita. Hindi kita nakasabay umuwi kahapon," sabi ni Ian at isinabit ang bag sa harap niya. "May nakapagsabi sa akin na nag-usap kayo ni Yuhan kahapon," dagdag niya.

"Kasi gusto ko siyang makausap," simple kong tugon. Tumingin ako kay Ian bago nagsalita ulit. "Ian, sa tingin mo ba mahina si Yuhan?"

"Lahat tayo ay may lakas at kahinaan. Yuhan is not an exemption," tugon niya kaagad. "Ba't mo natanong?"

"I saw the football guys yesterday. They called him patpatin. I was furious. They made my resentment worse as they tried hitting his head with a soccer ball," sabi ko habang bumababa kami sa hagdan.

"Naiinggit lang sila sa kaniya. Nang napansin nilang mahina sa physical activities si Yuhan lalo na sa sports, pakiramdam nila ay nalamangan na nila si Yuhan kaya ganoon na lang ang lakas ng loob nilang tamaan siya ng bola," tugon ni Ian. 

Sa tuwing nag-uusap kami nang masinsinan ni Ian ay magaling ang mga paliwanag na nilalahad niya. Kapag pinag-uusapan namin ang isang bagay na inaalala ko o kaya ay hindi ko maintindihan, madali niya itong napapaunawa sa akin. Kalmado rin siyang tumugon kaya mahilig akong makinig sa kaniya.

"Pero hindi naman yata yun patas. Hindi naman sila ininsulto ni Yuhan sa academics. Wala naman sigurong masamang ginawa si Yuhan sa kanila, hindi ba?" Hanggang ngayon ay naiinis pa rin ako sa ginawa nila kay Yuhan. Malakas sumipa ang mga lalaking iyon. Paano kung napuruhan si Yuhan? O nahimatay? Ang school ang malalagot sa ginawa nila. Ang mas malala pa rito ay baka palilipatin sa ibang school si Yuhan. Wala nang maipagmamalaki rito sa Eran Vahriz High School kung ganoon.

"Hindi natin alam. Pero kung may kinalaman ang pagiging Class A niya, huwag ka nang magtaka kung bakit ganoon na lang kalaki ang galit nila sa mga kagaya ni Yuhan," seryosong pahayag ni Ian. 

"Ang galing mong makaisip ng lead," tugon ko at tinapik ang balikat niya. "Posible nga dahil Class A student siya," sabi ko at tumango.

Isa sa mga pangarap ni Ian ang maging detective. Kung ako man ay mahilig magtaka, siya naman ang mahilig sa pag-alam upang maresolba ang misteryong ito. Ang kakayahan niyang ito ang madalas kong nakikita sa kaniya lalo na kung kami lang ang nag-uusap. Akala ng iba ay magpapatuloy siya sa basketball career niya o kaya ay maging isang teacher. Pero ako lang at si Ma'am Sally ang nakakaalam na gusto ni Ian na maging isang detective.

"Pero ano bang nagawa ng Class A?" sambit ko habang hinihintay ang inorder naming burger. Madalas kaming pumupunta sa burger shop na nasa tapat lang ng school bago mag-uwian. Mas masarap ang usapan kapag may pagkain habang naglalakad.

"Nakalimutan mo na?" dismayadong tugon ni Ian. Pero kumalma naman siya nang mahina akong tumango at tiningnan siya sa mga mata niya. "Dahil sa katalinuhan at competitiveness ng Class A ay may ininsulto silang teacher na nagresign pagkatapos yung nangyari. Marami rin silang ininsultong mga schoolmates natin na inatasang magpeer-lecture sa kanila habang wala pang bagong guro."

Hindi ako makaimik dahil sa sinabi ni Ian. Posible kayang kasama rin si Yuhan sa mga nang-insulto?

"Kahit mga senior natin. Pinagtawanan din nila kahit nautal lang sa paglecture," dagdag ni Ian.

"Paano mo nalaman?" laking pagtataka ko.

"Ang basketball seniors natin ay inatasan ding magpeer-lecture. Pinagtawanan nila ito kasi hindi daw nag-English habang nagrereport. Tapos sinabihan pa na mukhang hindi sila handang magpeer-lecture kasi hindi kayang magbigay ng iba pang example," sa tono ni Ian ay parang nagbabackstab lang siya. Pero pinagkakatiwalaan ko si Ian. Hindi rin siya yung isang klase ng kaibigan na magsisinungaling para lang magpatuloy ang pag-uusap namin. "Sa totoo lang ay nasaktan si Kuya Maverick dahil sa sinabi nila. Hindi nga siya sumali sa paglaro namin kaya tumigil kami sa pagpractice sa time na iyon at nakinig sa kaniya. Bilang teammates, ay kaibigan na rin niya kami kaya nalaman namin ang tungkol dito."

"Bukod kay Kuya Mav, sino pa sa basketball team ang nagpeer-lecture sa Class A?" tanong ko habang nakatitig sa kalsada. Masyadong mabilis ng takbo sa isip ko at gusto ko kaagad ng sagot. Isang matalas na tingin ang binigay ko kay Ian nang hindi kaagad siya nakasagot. Binabayaran niya pa pala ang inorder namin. Bumalik siya sa pwesto namin kaya inulit ko ang tanong ko.

"Si Kuya Daryll at Kuya Ashton," sagot niya habang sinasawsaw ang fries sa ketchup.

Mas lumapit ako kay Ian habang tinititigan siya.

"Sa ginawa ng Class A, may koneksyon ba ito sa pagtransfer ni Anthony?"

Napabuntong hininga si Ian habang sumasandal sa dingding.

"Para sa akin, mas mabuti pa kung magtransfer si Anthony. Ano pa't nasa Class A ka pero lahat naman ng nasa paligid mo ay tinuturing kang kalaban?" sabi niya sabay kagat sa burger. "Tama nga lang talaga siguro ang desisyon ni Papa na male-late ako sa pag-enroll. Kasi kung maaga niya akong pina-enroll at natingnan ang grades ko, tiyak na makapapasok ako sa Class A. It will be trouble for me."

Ganoon din siguro sa akin.

"Ang dami mong nalalaman, Ian," sabi ko sabay iling.

"Kaya nga ako ang naging kaibigan mo," tugon niya at ngumiti.

Tumigil muna kami sa usapan at kumain nang maayos. Habang nginguya ko ang burger ay napatingin ako sa lalaking pumasok sa shop --si Yuhan. Ngumiti siya sa akin. Hindi ako tumugon at sinadyang bagalan ang pagnguya upang malaman niyang hindi ko sinadya na hindi ngumiti sa kaniya. Sa totoo lang ay gusto ko siyang komprontahin dahil galit ako sa nalaman ko at sa mga nangyari. Pinigilan ko na lamang ang sarili ko.

"May bagong teacher na ba kayo sa Economics, Yuhan?" Malalim na tanong ni Ian. Malapit na ba sila sa isa't isa at ganoon na lang kadali para kay Ian ang tanungin si Yuhan tungkol dito?

"Wala pa," sagot ni Yuhan. Tumingin siya ulit sa akin habang simpleng nakangiti. "Oo nga pala, Amber, yung---"

Hindi ko na siya pinatuloy sa pag-usap at hinablot ang blangkong card mula sa bulsa ko. Hinampas ko ito sa mesa kaya nagulat ang ibang costumer.

"Mukhang nakalimutan mo ito," sabi ko habang hinintay niyang kunin ang card.

"Pero---"

"Kailangan mo rin ba ang paper bag?" malamig kong tanong habang diretsong nakatingin sa kaniya. 

He gestured no --like a plea. 

"Sa iyo na ang paper bag," sabi niya at kinuha ang card. "Salamat nga pala ulit sa pagtulong sa akin."

Huminga ako nang malalim matapos uminom ng juice.

"I guess it's wrong to save someone from the trouble he made for himself," sambit ko at tumayo na. "Uwi na tayo, Ian."

"Ang pagkain… sabi ko nga, take out na lang," sabi ni Ian nang naintindihan kaagad ako. Nauna akong umalis at iniwan si Yuhan na nakatayo pa rin malapit sa table namin. Tumingin si Yuhan sa akin kaya tumalikod ako. Muli akong sumilip matapos ang ilang segundong nakaraan. Nakita ko si Ian na tinanggap ang pack pang takeout at nilagay ang burger doon. Wala na si Yuhan sa loob ng shop kaya nilibot ko ang tingin ko. Si Ian ang nakita ko na lumabas na sa shop at lumapit sa akin. 

"Galit ka ba sa kaniya dahil sa sinabi ko?" tanong ni Ian. Hindi pa man ako nakatugon ay nagsalita na siya. "Hindi pa naman kompirmado kung kasali nga ba siya sa mga nang-insulto."

"Eh bakit pang kailangan na magtransfer ni Anthony kung may kaibigan naman siya sa class katulad ni Yuhan?" panghahamon ko. "Maliban na lang kung hindi rin siya tinuring na kaibigan ni Yuhan."

"Anong gagawin mo?" tanong ni Ian.

"Sasali tayo sa peer-lecture," sabi ko na may determinasyon. "Gusto kong malaman ang mundo ng Class A nang hindi ako magkamaling kaibiganin ang mga kagaya ni Yuhan."

"Bakit ako kasali?" pagrereklamo ni Ian.

"Ikaw lang din naman ang nagsabi sa akin tungkol sa kanila, tama lang na madagdagan ang mga nalalaman mo," sabi ko at hinila siya matapos niyang subukang lumayo.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status