Share

I Belong With You

I BELONG WITH YOU

[General Fiction/Romance]

[CHAPTER 6]

[Athena’s POV]

Araw ng Linggo, wala akong pasok. Wala rin akong lakad at tila wala rin sa mood ang mga kaibigan kong guluhin ang tahimik kong buhay. Mabuti naman at makapagpapahinga ako.

Pasalampak akong naupo sa sofa bago ko dinampot ang sketch pad ko. Inspired akong mag-drawing ng mga sandaling iyon. Naisip kong ipinta ‘yong mukha ni Levi. Kasalukuyang nasa parte na ako ng labi nito nang marinig kong may nag-doorbell. Inilapag ko ‘yong sketch pad ko sa center table bago ako tumayo mula sa pagkakaupo.

“Hi.” Nakangiting bati ni Levi sa akin.

“A-Anong ginagawa mo rito?” Gulat kong tanong sa kanya. Napatingin pa ako sa isang bouquet ng red roses na dala niya at isang box ng Ferrero chocolate.

“Manliligaw.”

“Manliligaw?” Kunot-noo kong tanong sa kanya bago ako sumulyap sa relo ko. Alas-dies pa lang ng umaga. “Levi, ang aga pa. May lahi ka bang Chinese?”

Tumawa siya. “Daig ng maagap ang masikap, ‘ika nga nila. At saka, mahirap ng maunahan. Mabuti na ang maaga.”

“Maunahan ka diyan. Eh, ikaw lang naman ‘yong nanliligaw sa akin.” Natatawa kong sabi bago ko siya pinapasok sa loob ng bahay.

“Ibig sabihin kung sakali pa lang sagutin mo ako, ako ang first boyfriend mo?”

“Malamang.”

“Ang suwerte ko pala.” Nakangisi n’yang sabi.

“Kung sasagutin kita. Eh, sa tingin ko’y mapapagod ka lang kasi hindi naman kita magugustuhan.”

“Feeling ko mai-in love ka sa akin.” Sabi n’yang nakatingin sa picture frame kung saa’y naroroon ang larawan ko no’ng first time kong maglaro ng soccer. “Soccer player ka?”

“Dati.” Tugon ko nang lingunin niya ako.

“Wow!” He looked amaze. “Actually, naisip ko ‘yon, eh, no’ng nagkita tayo galing Batangas. Sa convenience store, no’ng sinipa mo ‘yong empty bottle.”

“Ah, nakita mo pala ‘yon.” Turan kong tinalikuran siya. Pagkuwa’y inayos ko ‘yong sofa. “Actually, nagkalaro na tayo dati. Magka-team nga tayo, eh.”

“Totoo?” Tila hindi makapaniwalang tanong niya nang lumapit siya sa likuran ko. “Hindi ko maalala.”

“Siguro kasi Senior ka no’n tapos Junior ako kaya hindi mo ako napansin at saka, suplado ka kasi dati, eh, kaya hindi ka namamansin talaga.” Nangingiti kong sabi.

“Hindi ah. Mahiyain lang talaga ako dati at saka tahimik. Hindi ako tulad ni Dylan na friendly. Pero kapag may lumalapit sa akin para kausapin ako’y nakikipag-usap naman ako.”

“Huwag ka ng magpaliwanag. Suplado ka lang talaga, Sabino.”

“Hindi kaya.” Natatawa n’yang sabi nang maupo siya sa sofa. “Kung nilapitan mo ako noon at kinausap, tiyak na naging magkaibigan na tayo noon pa.”

“Hindi rin.” Turan kong inirapan siya. “Ilang beses kaya kitang tinangkang kausapin noon, pero dead-ma ka.”

“Nagi-imbento ka ng kuwento, ano?” Tumatawang sabi niya habang nakatingin siya sa akin. Natawa rin ako.

“Sira! Bakit naman ako magi-imbento? Eh, ‘yon naman talaga ng totoo.” Giit ko. “Juice, coffee? Water, Beer? Anong gusto mo?”

“Uhm, huwag ka ng mag-abala pa. Dito ka na lang sa tabi ko maupo, mag-kuwentuhan tayo.” Nakangiting turan niya. Nakatayo lang kasi ako sa harapan niya.

“Mamaya na tayo magkuwentuhan. Ikukuha muna kita ng maiinom. Baka manuyo ‘yang lalamunan mo, eh.” Turan kong tinalikuran siya. Narinig ko ang pagtawa niya nang pumasok ako sa kusina.

Nang bumalik ako sa sala’y may dala na akong isang basong mango juice at egg sandwich.

“Ako ba ‘to?” Nakangiting tanong ni Levi habang hawak niya ang sketch pad ko. Anak ng tipaklong! Nakalimutan ko pa lang iligpit.

“Hindi, ah.” Pagsisinungaling ko. Dali-dali kong inilapag sa mesa ang hawak kong tray bago ko tinangkang agawin sa kanya ‘yong sketch pad ko pero hindi niya ito ibinigay. “Levi!”

“Ako ‘to, ‘diba?”

“Hindi nga.”

“Anong hindi? Kamukha ko, eh.” Turan n’yang muli itong tiningnan bago niya ibinalik ang tingin sa akin. Ngumisi siya. Pakiramdam ko’y biglang namula ‘yong pisngi ko.

“Akin na kasi!” Naiinis kong sabi bago ko ito muling inagaw sa kanya, pero ang loko, itinago niya ito sa loob ng polo shirt n’yang suot kaya natigilan ako.

“Get it.” Tila nakakaloko n’yang sabi habang nakangisi. Bahagya pa s’yang sumandal sa sofa. Iritable akong tumingin sa kanya. “Wala. Mahina pala ‘to si Faith, eh.” May halong paghahamon sa tinig niya kaya lalo lamang akong nairita.

“Mahina pala ha?” Nanggigigil kong sabi bago ako lumapit sa kanya. Itinukod ko ‘yong magkabila kong palad sa kinasasandalan niya bago ko inilapit ‘yong mukha ko sa mukha niya. Ako pa ang hahamunin niya? Well, wala yata sa vocabulary ko ang magpatalo lang ng basta-basta.

Napansin kong lumunok siya habang nakatitig siya sa mga mata ko. Lalo s’yang napalunok at napasinghap nang ipatong ko sa hita niya ang kanang palad ko. Dahan-dahan kong pinalakad ‘yong mga daliri ko pataas ng pataas at nang malapit na ako sa pagkalalaki niya’y nagulat ako nang bigla n’yang hawakan ‘yong kamay ko para pigilan ito.

“W-What are you going to do?” Hindi magkandatutong tanong niya.

“I’m going to get my sketch pad.” I held his gaze at gusto ko nang matawa ng maging malikot ‘yong mga mata niya. “’Diba ito ‘yong gusto mo?”

“Not this way.” Natatawa n’yang sabi.

“Eh, sa paanong paraan mo gusto?” I teasingly asked as I bit my lower lip. ‘Yong kaliwang kamay ko naman ‘yong ipinatong ko sa hita niya at bago pa man ito makakilos ay agad na niya itong hinawakan.

“Ilalabas ko na.” Turan n’yang binitiwan ‘yong mga kamay ko bago niya dali-daling inilabas ‘yong sketch pad ko. Hindi ko napigilan ‘yong sarili ko, napahagalpak ako ng tawa.

“Wala pala ‘to si Sabino, eh. Mahina pala ‘to.” Pang-iinis ko sa kanya habang hawak ko na ‘yong naturang sketch pad.

“May araw ka rin sa akin, Faith.” Turan n’yang tumayo mula sa pagkakaupo.

“Ikaw ang naunang mang-inis diyan ha, hindi ako.” Turan ko nang ako naman ang maupo.

“P’wedeng makigamit ng banyo?” Tanong niya.

“Bakit?” Pigil ang tawang tanong ko.

“Pakiramdam ko’y naiihi ako sa ginawa mo.” Natatawa n’yang sabi kaya hindi ko na napigilan ‘yong sarili ko. Natawa na rin ako.

Halos maghapong nasa bahay si Levi nang araw na iyon. Inaya niya akong lumabas, pero dahil tinatamad ako at hindi ko naman hilig ang lumabas kaya nag-stay na lang kami sa bahay. Naglaro kami ng mga board games. Nanuod kami ng mga lumang movies. At nalaman ko rin nang araw na iyon na ang sarap n’yang magluto ng sinigang na baboy na may gabi. As in, kuhang-kuha niya ‘yong gusto kong lasa. Ang dami ko tuloy nakain. Aware naman ako na marunong talaga s’yang magluto dahil naiku-kuwento siya sa aming magkakaibigan ni Keera no’ng sila pa.

“Salamat sa time. Next time ulit.” Nakangiting sabi niya nang magpaalam na siya. Pasado alas-siyete na yata ng gabi.

“Okay. Salamat din sa masarap na sinigang.” Nakangiti ring sabi ko.

“Walang anuman. Ipagluluto ulit kita sa susunod, kung anong gusto mo.”

“Sige. P’wedeng sinigang na hipon naman?”

“Sure. Basta ikaw.”

“Thank you.”

“Good night, Faith.” Turan n’yang binuksan na ‘yong pintuan ng kotse niya.

“Good night, Sabino. Ingat sa pag-uwi.”

“I will. Thank you.” Nakangiti n’yang sabi. Bahagya pa s’yang kumaway sa akin.

“Bye.” Turan ko. Hinintay ko munang makalayo ang kotse niya bago ako nangingiting bumalik sa loob ng bahay.

-----

“Parang mali ho ‘yong kabit ng window.” Turan ko sa foreman namin habang parehas kaming nakatingin sa isa sa mga villas sa resort ni Mr. Chua. Kasalukuyan naming proyekto. “Paki-check ho nang mabuti ‘yong ibinigay kong plano sa inyo.”

“Sige ho, Architect. Ipapaayos ko ho ito sa mga tao ko.”

“Sige ho, Mang Ricky, please. Sana ho’y maayos na bago pa makita ni Mr. Chua. Nakakahiya ho kasi.”

“Makakaasa ho kayo, Architect.” Magalang nitong tugon bago ito umalis.

Bahagya pa akong lumapit sa unit para i-check ang pagkakapintura nito. Mahigpit si Mr. Chua at gusto nito’y bawat detalye ng isa sa mga villas ay kailangang pulido. From raw materials up to finishing.

Kasalukuyang sinasalat ko ‘yong pader nang mag-ring ang phone ko. Agad akong napangiti nang pangalan ni Levi ang rumehistro sa screen nito.

“Hey, Batman Lover.” Agad n’yang bati sa kabilang linya.

“Hi.”

“Lunch time na po. Huwag magpapagutom.”

“Tumawag ka ba para sabihin lang ‘yan?” Nangingiti kong tanong. Sumulyap ako sa relo ko, three minutes before twelve noon.

“Yup. Kasi alam kong hindi ka kumakain sa tamang oras, eh.” Tugon niya. “So, baka sakaling makunsensiya ka kapag nalaman mong may isang taong nag-aalala rito kapag hindi ka kumakain.”

Natawa ako sa tinuran niya. “Ang dami mong alam, Sabino.”

“Gano’n talaga. Mahal kita, eh.” Lalo lamang akong natawa. “Anong nakakatawa?”

“Ang korni mo, eh.” I bit my lower lip kasi pakiramdam ko’y kinikilig ako. Shit! Tao rin ako at may damdamin kahit pa sabihing boyish ako.

“Korni na kung korni, basta mahal na talaga kita.” Seryosong tugon niya sa kabilang linya. “Kumain ka ha.”

“Yes, boss.”

“Nasaan ka ba?”

“Nandito ako sa Batangas. Nagi-inspect lang.”

“Okay. Mamaya nandiyan din ako sa Batangas.”

“Talaga?” Bigla akong na-excite, ewan ko kung bakit.

“Oo. Diyan gaganapin ‘yong board meeting namin, eh. Sa isa sa mga resort diyan.”

“I see.”

“Magkita tayo mamaya. Sabay na tayo umuwi. Convoy na lang.”

“Sige. Kaya lang baka naman matagal matapos ‘yong board meeting n’yo.”

“What time ba uwi mo?”

“Five or six.”

“Gano’n din matatapos ‘yong meeting namin, eh. Sakto lang. Hintayin mo na ako.”

“Okay. Kain tayo ng Bulalo ha. Ililibre kita.” Nakangiti kong sabi na tila ba nakikita ko ‘yong kausap ko.

“Sige ba. Saan?” Halata ang excitement sa tinig niya.

“Dito sa Batangas. May sikat na Bulaluhan dito, eh.”

“Sige. Ako na ang manlilibre sa’yo.”

“Ako na.” Giit ko. “Ako ang nag-aya, eh.”

“Palagi kang ganyan, Faith. Nakakainis ka.”

“Nakakainis ka rin.”

“Basta ako ang manlilibre. Ako ang lalaki, eh.”

“Bakit? Hindi ba p’wedeng manlibre ang babae?”

“Hay naku, Athena Faith. Hindi ka talaga papatalo.”

“Hindi talaga. At hinding-hindi ka mananalo sa akin.”

“Ako ang manlilibre, tapos ang usapan.”

“Hindi kita aantayin.” Pananakot ko.

“Sige na. Ikaw na ang manlilibre.”

“Okay. Usapan natin ‘yan ha.” Natatawa kong sabi.

“Oo na po. Basta, kumain ka na ngayon ha. Utang na loob. Usapan din natin ‘yan.”

“Oo na. Kakain na nga.”

“Very good.”

Mag-a-alas-siete na ng gabi pero hindi pa rin tapos ‘yong board meeting nina Levi kaya tinext ko na lang siya na mauuna na ako kasi baka matagalan pa sila. May kailangan pa kasi akong daanan sa office.

Hindi ko na hinintay pa ‘yong reply niya. Umalis na ako. Kasalukuyan akong nagmamaneho nang makaramdam ako ng gutom kaya naisipan kong tumungo sa bulaluhan, pero sa katabing kainan nito ako pumunta. May masarap kasing lugaw dito.

“Hi, Athena.” Bati sa akin ng isa sa may-ari pagkapasok ko sa naturang kainan. Suki na kasi nila ako kaya nama’y nakagaanan ko na sila ng loob.

“Hello, Aling Meng.” Nakangiting bati ko rito. “Isang lugaw special po.”

“Sige. Maupo ka na. Ipapa-serve ko na lang sa’yo.” Nakangiti ring turan nito.

“Salamat po.”

Naupo ako malapit sa may pintuan. Mag-isa lang akong customer ng araw na iyon. Maya-maya’y nai-serve na ‘yong lugaw sa akin. Kasalukuyan akong kumakain nang may pumasok na tatlong lalaki sa loob. Malalaki ang katawan ng mga ito.

“Tatlong lugaw nga, special.” Turan ng isang lalaki na lumapit kay Aling Meng. Ang dalawa nama’y naupo na malapit sa puwesto ko. “Utang ha. Pakilista na lang.”

“Hi, Miss.” Nakangising bati no’ng isa sa akin. Kinindatan pa ako nito, pero hindi ko ito pinansin. “Suplada.”

“Ini-snob ka, pare.” Tumatawang turan no’ng katabi nito.

Nang matapos na akong kumain ay muli akong lumapit kay Aling Meng para magbayad.

“Athena, mag-iingat ka ha.” Pabulong na turan nito sa akin. “Mga adik ang mga iyan kaya hindi na lang namin pinapansin. Dire-diretso ka lang paglabas mo, huwag mo na lang ding pansinin.”

“Sige po. Salamat.” Bahagya pa akong tumango rito bago ko sinunod ang sinabi nito. Narinig kong sinipulan ako no’ng tatlong lalaki, halos gusto kong balikan ang mga ito para pagsasapakin, pero hinayaan ko na lang. Siguro’y sadyang may mga taong ipinanganak na walang modo.

Ilang kilometro na rin ang natatakbo ko nang mapansin ko sa pamamagitan ng rearview mirror ang isang kotseng itim na nakasunod sa akin. At nang makalapit ito sa likuran ko’y sinadya nitong banggain ang bumper ng kotse ko.

“Anak ng tipaklong!” Asar kong sabi bago ako bahagyang lumingon at nang muli kong ibalik ang tingin ko sa harapa’y halos masubsob ako sa manibela sa biglang pag-preno ko nang makita kong may humarang na motorsiklo sa daraanan ko.

Napalunok ako nang makita kong bumaba ang lalaking nakasakay sa motorsiklo, humakbang ito palapit sa akin. Hinubad nito ang suot na helmet. Ito ang lalaking bumati sa akin kanina sa kainan. Napaigtad pa ako nang katukin nito ng malakas ang bintana sa tapat ko.

Matapang ako at palaban. Hindi ako basta-basta umuurong kahit lalaki pa ang makatapat ko, subalit ng mga sandaling iyon ay tila ba binalot ako ng kaba lalo pa nang makita kong bumaba mula sa kotseng itim ang dalawa pang lalaki na kasama no’ng lalaking bumati sa akin. Naglakad sila palapit sa passenger’s seat at walang sabi-sabing hinataw nila ang bintana nito gamit ang isang matigas na bagay dahilan upang mabasag ito.

"Hi, Miss." Nakangising bati no'ng isang lalaki sa akin bago nito hinablot ang aking buhok.

-----

To be continued.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status