Share

(7) that holds the rising sun

Chapter 07

PARE-PAREHONG NAKATINGIN sina Clyde, Dexter at Miguel kay Nathaniel na nakaupo habang nilalantak ang hawak na malaking blue na piatos at kasama nila sa may open field. Nasa malayo ang tingin nito at mukhang naglalakbay sa outer space ang kamalayan. Hindi nila tuloy mapagwari kung paano pa nito nagagawang lumamon habang nakatulala. Talent nga talaga siguro nitong kumain ng hindi tumataba.

Pagkatapos ay sa kabilang bahagi ng sementadong lamesa na nasa gitna naman sila mapapatingin kung saan ay nakaupo si Satsuto na nasa malayo rin ang tingin at may lollipop na namang sinusupsop ang bibig. Muli silang mapapatingin kay Nathaniel nang bumuntong hininga ito, at mapapatingin din sila kay Satsuto ng bumuntong hininga rin ito.

Maingat na kumikilos ang tatlo at para bang kapag nawala sa pokus ang dalawa sa pagtulala ay manganganib na ang buhay nila. Napatingin sa isa’t isa ang tatlo at pare-parehong nagtataka ang itsura nila sa dalawang kasama nila sa bilog na lamesa. Oo nga at kasama nila ang mga pisikal na katawan ng mga ito pero wala sa mga sarili nila ang kanilang kamalayan.

“Should we just leave?” bulong ni Clyde sa dalawa.

“My college life...” malalim na buntong hininga ni Nathaniel habang nginunguya ang piatos na sunod-sunod niyang isinasalpak sa bibig niya.

“By the way Captain, anong nangyari sa pisngi mo?” tanong ni Dexter na mukhang kanina pa kating kati mag salita ng malakas.

“Oh? Nandyan pala kayo.”

Halos malaglag ang panga ng tatlo dahil hindi pala nito napansin ang prisensya nila.

“You looked troubled, Cap,” pansin ni Clyde.

“Yeah, it’s because of this crazy filthy rich punk. I get on his bad side and I don’t know why. I really don’t know why. Actually, I think I’m dead.” Nagtutubig na ang mga mata nito at parang gusto na naman niyang umiyak. “I didn’t even know what did I do wrong. Bakit sa ‘kin nangyayari ‘to?”

“Gago, depress nga si Captain. Nag-eenglish siya kapag depress,” bulong ni Clyde.

“Yeah, at sa tingin ko ako ang may kasalanan nito. Dapat sumipot na lang ako para hindi na siya nakapunta pa sa room at hindi na sila pa nagkita,” pagsisisi ni Miguel.

“Hu? Anong ibig mong sabihin?” sabay na tanong nina Clyde at Dexter.

“Lagi siyang sinasapak noong kaklase ko kapag nakikita siya. Wala namang magawa si Nathaniel dahil hindi niya nga makausap ng ayos ito. Bigla na lang siyang sasapakin tapos tatakbo. Ayaw naman sabihin sa ‘kin ni Dino kung bakit at noong nalaman niyang malapit ako kay Nathaniel, sinimulan na rin niya akong iwasan.”

“Dino? As in ‘yung Dino Maulit na 2nd year college na basketball player sa university na ito?” tanong ni Clyde. Napapikit naman si Miguel at tumango tango.

“Ghaaad. That’s worse.” Naaawang tinignan ni Clyde si Nathaniel.

“What should I do? Should I just quit college para hindi na kami magkita? Should I just wear box on my head para hindi niya ko makilala? Ang lakas ng sapak niya at sobrang sakit.” Napahalumbaba si Nathaniel at sinupsop ang hintuturo at hinlalaki na may natirang powder ng kinakain niya kaninang piatos.

“How about kissing him? He will surely gross out and avoid you. For sure.”

Napatingin ang apat kay Satsuto na bigla na lamang nagsalita at mukhang nakikinig pala sa usapan nila kanina.

“Oh, Satsuto narito ka rin pala,” bati ni Nathaniel. Napaawang ulit ang bibig nina Clyde, Dexter at Miguel.

‘Gaano ka kalutang para hindi siya mapansin kanina pa?’ pare-parehong naisip ng tatlo.

“But that’s a good suggestion. Kung sa ‘kin gagawin ‘yon, iiwas talaga ko. Hinding hindi mo na ko makikita pa. Ever,” pag sang-ayon ni Dexter.

“Yeah, but he’s a dude,” natatawang sabi ni Nathaniel.

“Iyon nga ‘yon e. Lalaki siya, mandidiri ‘yon panigurado,” pagpipilit ni Dexter. Hindi na lamang sila pinansin ni Nathaniel habang napapailing dahil puro kalokohan na lang ang naiisip ng mga kasama niya.

Pero napag isip-isip niya rin na kung bigla siyang halikan nga ng lalaking kinaaayawan niya ay paniguradong bubugbogin niya ito at iiwasan sa pandidiri. Pero hindi niya magagawa kay Dino iyon. Hindi siya handa sa mga susunod na mga mangyayari. Halos ma-deform na ang mukha niya sa sapak pa lamang nito, paano pa kaya kapag binugbog siya? Nangingilabot siya sa takot habang iniisip ang magiging itsura niya. May masama siyang kutob kaya naman makalipas ang ilang araw ay hindi niya sinunod ang sinuggest ni Satsuto at ang kapalit naman noon ay halos araw-araw hinahalikan ng kamao ni Dino ang pisngi niya.

Tila ba pinagsasalubong talaga ng tadhana ang landas nila para bangasan ang mukha niya. Hindi niya maalala na madalas pala sila magkasalubong nito, ngayon niya lang napansin na pagala-gala rin pala ito sa university kasama ang ibang mga ka-team niya. Kaya siya na mismo ang nagtago. Umiwas. Hindi na tuloy siya nag gagala tuwing break time at halos ayaw na niyang umalis pa sa may court o classroom para lamang hindi na niya makasalubong pa si Dino.

***

DALA-DALA ang kanyang pencil case at sketch pad ay binabaybay ni Satsuto ang hallway ng halos wala sa sarili. Hindi na niya namalayan ang layo ng kanyang nilakad papunta sa arts club room na nasa kabilang dako pa ng university nila magmula sa kanilang room.

Martes ngayon at tuwing araw ng martes ay may oras sila para sa kanilang club activities bago mag-uwian. Required na sumali ang bawat estudyanteng high school sa mga club, senior man o junior.

Hindi man halata ay medyo may galing sa arts si Satsuto. Gusto niya sana sa poetry club sumali, ang kaso lamang ay may hindi magandang ala-ala si Satsuto sa mga tula kaya pinili na lamang niya ang pag guhit.

Nang makarating na siya sa club room ay may tatlong estudyante ng naroon at nagsisimula ng iguhit ang mga bagay na dala-dala o maibigan nila.

Ang babaeng nakaupo malapit sa bintana ay iginuguhit ang mga naglalaro sa open field na para sa soccer team. Ang lalaki namang nakaupo malapit sa pintuan ay iginuguhit ang dala niyang mga sampaguita na nasa harapan niya at nakapatong sa may upuan. Ang mga sampaguita ay nakatali ng parang kuwintas na mabibili madalas paglalabas ng simbahang katoliko. Ang huling estudyante namang nasa silid na iyon ay ang hindi inaasahang taong makikita ni Satsuto roon.

Nakapanguwatrong nakaupo siya sa may sulok, nasa may hita ang sketchpad na marahan niyang ginuguhitan habang pokus na nakatingin sa isang ulo ng estatwang nasa club room. Nang itunghay ni Snow ang ulo ay napansin niya rin si Satsuto na nakatayo hindi malayo sa kanya. Saglit silang nagkatitigan saka muling ibinalik ni Snow ang atensyon sa ginagawa niya kanina na para bang walang bagong dumating.

“Narito ka na pala Fuentes. Wala raw tayong adviser ngayon. Lumipat na si Ma’am Chloe last week pero siguro next week meron na ulit. Sinabi ko lang kasi ikaw ang president ng club. At oo nga pala, may bagong sumali. Nasa kanya pa ‘yung form niya, itago mo na lang muna tapos ibigay sa new adviser next time,” mahabang salaysay ng lalaking malapit sa may pinto. Siya si Harold Esteban, ang vice-president ng arts club. Hindi kagaya ng iba ay maliit lang ang arts club. Ang iba ay kunwaring kasali sa arts club pero ang totoo ay sa record lang nila iyon at nagbubulakbol sa oras ng club activities. Wala namang kaso iyon sa arts club dahil mas gusto nila na konti lang ang tao sa maliit na classroom na iyon at ayaw nila ng maingay sa tuwing ginagawa nila ang mga club activities nila. Puwede silang hindi umattend basta huwag lang silang mang gugulo sa club.

Naglakad papalapit si Satsuto kay Snow. Inihanda naman ni Snow ang form niya upang i-abot kay Satsuto. Kinuha niya ang form kasabay ng pag-upo niya sa tabi ni Snow na mabilis namang ikinilos ang upuan papalayo sa puwesto ni Satsuto.

Halos matawa si Satsuto sa naging reaksyon ni Snow. Gusto niya lang sanang asarin ito ng kaunti pero malakas ang pandama ni Snow at nakalayo agad ito sa kanya. Umiling na lamang si Satsuto at inayos ang upuan niya paharap kay Snow. Naisip niyang iguhit din ang ulo ng estatwang nasa harapan niya pero mas may maganda siyang bagay na gustong iguhit at isama sa mga obra niya sa sariling sketchpad.

Kinagat niya ang ibabang labi upang pigilan ang pag ngiti at nagsimulang gumuhit sa kanyang malinis na papel.

***

HINDI mapakali si Snow dahil kanina niya pa napapansin ang mga matang nakatingin sa kanya. Hindi siya tuloy makapag pokus sa bagay na iginuguhit niya. Hindi siya sanay na may nakatingin sa kanya habang may ginagawa siya.

Napaisip tuloy siya kung may iginuguhit ba talaga si Satsuto na nasa harapan niya kung kanina pa ito lingon nang lingon sa puwesto niya. Hindi siya sanay na pinakatititigan siya, lalo na at lalaki pa na nakaupo malapit sa kanya. Kahit kailan ay hindi niya mabasa ang lalaking nasa harapan niya, si Satsuto Fuentes. Matagal na niyang napapansin na lagi itong nakatingin sa kanya kaya naman hindi niya mapigilang hindi rin mapatingin sa puwesto nito.

Napalunok siya at muli na lamang ibinalik ang sarili sa pag guguhit.

Mayamaya’y tumayo si Satsuto at inilapag ang sketchpad sa kinauupuan, tila ba nagmamadali ito at ihing ihi na base sa lakad niya. Nang tuluyan ng makalabas ng club room si Satsuto ay napatingin si Snow sa sketchpad na nasa upuang abot ng kamay niya.

Inaamin nitong magaling ang class president nila sa sports pero hindi niya akalain na president din pala ito sa arts club. Bigla tuloy siyang na-curious sa mga iginuguhit nito.

Tumingin sa dalawa pa niyang kasama sa room si Snow. Parehong abala ang mga ito at hindi siya pansin sa puwesto niya. Tumingin naman siya sa may pinto at sinilip kung padating na ba si Satsuto at nang hindi pa nito ito matanaw ay mabilis niyang kinuha ang sketchbook na inaakit siya kanina pa na tignan.

May naka kawang na lapis sa gitna noon kaya iyon ang una niyang binuksan at sa gulat niya ay napaawang ang labi niya, tila ba kinakapos siya ng hininga habang pinagmamasdan ang obra nito. Hindi siya makapaniwala sa sobrang detalye ng drawing na nasa sketchbook na hawak niya. Parang hindi lamang sketch ang tinitignan niya.

Saglit na lang niyang natignan ang iba pang iginuhit ni Satsuto dahil natanaw niyang pabalik na ito.

Ibinalik niya ang sketchpad sa dati nitong puwesto at pakunwaring pokus pa rin siya sa ulo ng estatwang iginuguhit niya. Pero kahit anong pokus ang gawin niya ay hindi niya magawa. Ngayon niya lang namalayan ang kanina pang mabilis na pagtibok ng puso niya at ang tiyan niyang hindi niya malaman kung anong laman.

Napayuko siya at naupo patalikod kay Satsuto. Tila ba hindi niya kayang harapin ngayon ang binata. Naguguluhan siya sa nararamdaman at ayaw niyang ipakita ito rito dahil baka mapansin na pinakealaman niya ang sketchpad nito. Mabilis pa namang makita sa mukha niya kapag nagsisinungaling siya.

Isinapo ni Snow ang magkabilang palad sa mukha at ramdam niya ang pang-iinit ng tainga at pisngi niya. Kinagat niya ang ibabang labi at napapikit. Hindi pa rin siya makapaniwala sa obrang hanggang ngayon ay ginagawa pa rin ni Satsuto. Kala niya ay galit si Satsuto sa kanya.

That dumbass. He’s sketching me.

-

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status