Share

Chapter 1: The Plan

"Kapag hindi ka pa nagbayad sa Linggo, pupudpurin ko ang bahay niyo!" sigaw ni Hugo habang diniduro ako sa noo.

Inis na tinampal ko ang kaniyang kamay. 

"Sinabi ko na ngang magbabayad ako sa katapusan, 'di ba?!" singhal ko pabalik.

Pinanlisikan ko ng mata ang isang tauhan niyang umabante papalapit sa akin. Pinalilibutan ako ng pitong lalaki ngayon sa isang madilim na bakanteng lote. Walang mga tao o sasakyan ang dumadaan sa parteng ito dahil sa matataas na damo. Kapag papatayin nila ako rito, ipapanalangin ko na lang na sana umabot ang alingasaw ng bangkay ko roon sa malayong kabahayan. 

Tumiim ang bagang ko nang biglang hinawakan ni Hugo ang aking panga. Nagpumiglas ako pero nagsilapitan ang mga tauhan niya at hinawakan ako sa magkabiglang braso. Lumubog ang daliri ng matabang lalaking ito sa aking pisngi.

"Linggo-linggo ang bayaran, hindi buwan-buwan! Tinaguaan mo pa kami noong mga nakaraang Linggo, tangina mo ka! Umaakyat ang utang mo tuwing hindi ka nakakabayad!" 

Napapapikit ako sa tuwing tumatalsik ang laway niya sa mukha ko. Ang hayop na 'to!

Binitawan niya ang  aking panga.

"Bakit? Linggo-linggo ba ang sahod ko sa club?! Bubuohin ko naman ang bayad sa katapusan!"

Muntik nang mabali ang leeg ko nang dumapo ang palad niya sa aking pisngi. Sa taba ng kamay at kinakalyo niyang palad, parang namanhid ang pisngi ko sa nakuhang sampal.

Bumilis ang paghinga ko habang nakatingin sa lupa. 

"Pwe!" pagdura ko. Masama ko siyang tiningnan. Sinulyapan ko rin ang dalawang nakahawak sa akin. Nagpumiglas ako. 

Lumapit lalo sa harap ko si Hugo at dinakot ang buhok ko sa likod saka pwersahang hinila. 

"Balak mo pang bakantehin ang kita ko kada Linggo? P*ta ka naman sa mamahaling club, bakit hindi mo galingan?!" singhal niya.

Tumiim ang bagang ko. Gusto kong tuhurin ang kinabukasan niya para makaganti sa pagsampal niya sakin pero hindi ko na lang ginawa! Kung pwede lang makadurog ang paraan ng pagtitig ko, kanina pa sana siya napudpod!

"Hoy... bobita ka." marahang aniya pero ramdam pa rin ang gigil sa kaniyang boses. "Tandaan mo 'to, hindi lang pera ang utang mo sakin, utang na loob din.  Kung hindi kita pinautang, hindi maooperahan ang lintik na inahin mo, ha. Naalala mo noong lumapit ka sakin? Halos halikan mo ang paa ko makahiram ka lang ng malaking halaga ng pera. Kaya huwag kang aangas-angas kapag ako ang kaharap mo." nanlalaki ang mga matang paalala niya sakin.

Hindi ako nakagalaw. Wala akong nagawa kundi titigan lang siya hanggang sa pabalikwas niyang binitawan ang buhok ko. 

Hindi ako nahihiya sa kung paano ako nagmakaawa sa kaniya para makautang. Kung maayos lang sana ang terms ng kontrata, maayos din akong haharap sa kanila. Isa pa, wala akong utang na loob sa kaniya. Binabayaran ko ang perang hiniram ko na may kasamang mataas na interes!

Lumakad na si Hugo pabalik sa van. Tumakbo ang isang alagad niya galing sa likod ko at pinagbuksan siya ng pinto pero huminto pa si Hugo at lumingon sa akin.

Dinuro niya ako. "Kapag walang bayad nitong Linggo, pudpod ang bahay niyo!" paalala niya bago pumasok sa loob.

Pabalikwas na binitawan ako ng dalawang humawak sa akin dahilan para matapilok ako at mapaupo sa lupa. 

"Mga gago!" sigaw ko habang pasakay sila sa sasakyan.

Tinulungan ko ang sariling makatayo kahit pa nasaktan sa pagkakatumba. Muli kong binalanse ang sarili sa suot na high heels at pinanood silang makaalis. 

"Mga bwisit!" gigil na sigaw ko pa.

Dinala nila ako rito tapos iiwanan lang! Hindi ko alam ang lugar na 'to! Mga hayop talaga! 

Nilapitan ko ang bag kong nakahandusay sa lupa hindi kalayuan sa akin. Walang street lights dito pero natatalo naman ng liwanag ng buwan ang kadiliman. Nang makalapit sa bag, pinakatitigan ko lamang iyon sa paanan ko, walang lakas para yumuko at kunin iyon.

Sa isang taon kong pagtatrabaho sa strip club, iyan lang ang bag na nabili ko. Tinawaran ko pa sa Divisoria. Simula nang mamatay si Papa, nagsunod-sunod na ang kamalasan namin. Nabaon si Mama sa utang para sa pagpapalibing ni Papa. Tapos ilang buwan lang, nasagasaan naman ng kotse si Mama dahilan para umutang ako ng malaking pera kay Hugo.

Pinalis ko ang luhang hindi ko namalayang tumulo. Tumingala ako at kumurap-kurap para pigilan ang luha. Tiningnan ko ang kalangitan na napupuno ng mga bituin. Ang sabi ni Papa noong bata pa ako, kapag namamatay raw ang tao, nagiging bituin sila. Kaya kapag nami-miss niya si Lola, pinagmamasdan niya lang ang kalangitan sa gabi. 

Ngayon, magkasama na silang dalawa sa langit.

Ako kaya... kailan?

"Hindi naman ako takot mamatay... takot lang akong iwan si Mama at si Angge, Pa," mapait kong sinabi saka bumuhos ang luhang kanina ko pa pinipigilan. 

Yumuko na ako at kinuha ang bag sa lupa. Pinagpagan ko iyon habang sumisinghot-singhot. Pagkatapos, kahit masakit ang paa ko mula sa pagkakatapilok, nilakad ko na ang daan paalis sa lugar na ito.

Nang makarating ako sa trabaho, pinuna kaagad ni George ang dalawang oras kong pagkaka-late. Sumunod siya sa akin sa dressing room para humingi ng paliwanag. 

"Inasikaso ko pa kasi si Mama. Medyo naging makulit, eh. Akala niya yata dalawa pa ang paa niya," pagdadahilan ko habang nagpapalit ng two piece. 

"How's your mom? Naka-recover na ba?"

Umiling ako. "Pero malapit na."

"I made Gail as your sub 'cause I thought aabsent ka talaga. Wag ka na lang sumayaw ngayon. Lucas is here and been looking for you. Puntahan mo na ngayon." 

Napairap ako sa kawalan. Hindi ba marunong uminom ang matandang 'yon nang wala ako? Hindi tuloy ako nakakakuha ng tip sa mga guests dahil sa kaniya!

"Good evening!" bati ko pagpasok ko sa VIP room.

Nahanap ko siyang nakasalampak sa mahabang couch at may dalawang kaakbayang escort. Nginitian ko sila. May iilan nang bote ng alak sa lamesa. Mukhang pinapainom din ni Lucas ang dalawang babae. Malikot ang disco lights dito at maingay ang nakabukas na karaoke.

Sinulyapan niya lang ako pagkatapos ay inalis ang pagkakaakbay sa kasama niya. May binulong siya sa kanila kaya umahon ang mga ito sa couch. Hinalikan pa muna siya ng mga babae bago siya iwan ng mga ito.

Ako na ngayon ang pumalit sa tabi ni Lucas. Kinuha ko ang remote ng karaoke para hinaan iyon. Tama lang kasi ang layo ko sa kaniya at hindi kami magkakarinigan kung malakas ang karaoke.

"Anong problema?" tanong ko.

Kabisado ko na siya. Mabilis ko na lang mahulaan kung tungkol ba sa successful negotiations ang ikukuwento niya o problema. Dalawa lang naman lagi ang topic niya: business o asawa. Batay sa hitsura niya ngayon, business ang problema niya.

"How are you?" hindi niya pagpansin sa tanong ko.

At gaya ng lagi kong sagot. "Ayos lang."

Inabot niya ang remote ng karaoke at tuluyan na iyong pinatay. Tumaas ang kilay ko. Mukhang seryoso ang kwento niya ngayon, ah.

Nilapit niya sa akin ang basong hawak niya na wala nang laman. Agad kong kinuha ang bote ng whiskey at nagsalin sa baso niya. Sumimsim siya pagkatapos kong mailapag ang bote. Hinayaan niyang dumaloy muna ang pait ng alak sa lalamunan bago magsalita.

"Naalala mo ang naikwento ko sa 'yong cruise line na balak kong itayo? I already launch it," panimula niya pero hindi masigla ang boses.

Tumango ako at ngumiti. "Congratulations! Matagal mo nang gusto 'yan, 'di ba!" Unti-unting nawala ang sigla sa boses ko nang mapansin ang pananamlay niya sa kabila ng masayang balita. "Oh, bakit? 'Di ba dapat masaya ka?"

Tumikhim siya. Nakatingin siya sa naka-off na screen ng karaoke. Mukhang malalim ang iniisip kahit na simple lang naman ang naging tanong ko. O nahirapan siya?

"But it's not that easy." Bumaling siya sa akin. "Kulang pa ang investors at kailangan ko ng matibay na board members at shareholders. It needs an immediate expansion to climb on top." Bumuntonghininga siya. "My goal is to be one of the top 5 cruise line companies here in our country within a year, Liana. Do you think, I can make it?"

Tumaas ang parehong kilay ko. "Uh, oo! Kaya mo 'yan! Lahat naman posible, 'di ba?" 

Ano bang alam ko sa kalakaran sa negosyo? Medyo nagkakaroon na nga ako ng konting idea dahil sa mga kwento niya pero hindi ko pa rin alam kung paano tumatakbo iyon. 

Umiling siya. "It's impossible, young lady. For a new product in the market, it's very unlikely to achieve success within a year. Kapag ba naglabas ng bagong meal ang isang sikat na fast food chain, pumapatok ba kaagad sa consumer?"

Napaisip ako. Ang pineapple at mango pie ng dalawang sikat na fast food, ang ube turon ng isang filipino fast food... hindi naman gaanong pinipili sa menu iyon.

"Ahm, hindi?" sagot ko.

Tinaas niya ang hintuturo. "Working with the branding, marketing and innovation takes time. And you know me very well, right? We've been friends for more than a year now and you're the only one I can trust so far." Tinukod niya ang parehong siko sa kaniyang tuhod. Mataman niya akong tinitigan. "You know how much I need this business to be successful."

Bumuntonghininga ako saka ngumiti nang kaunti. Ipinilig ko ang ulo. "So... iyan ang problema mo? Kung paano ma-achieve ang goal mo sa isang taon?" 

"Hindi ganiyan kaliit, Liana. Mas malaki ang problema ko sa solusyong naisip."

"Anong solusyon ba?" Kumuha ako ng kapirasong buffalo chicken strips sa lamesa.

"Alam mong ginagamit din sa negosyo ang pagpapakasal, right?"

Tumango ako habang ngumuguya. Gaya nga ng nakukwento niya, ikinasal siya sa asawa para lang sa negosyo.

"That's the solution."

Nilunok ko ang kinain. "Oh, may anak ka namang babae. Problem solved!"

Nilapit niya ulit ang basong hawak niya kaya nagsalin ulit ako. Diretsong ininom niya iyon at pabagsak na ibinaba ang baso sa crystal table. Buong katawan na hinarap niya ako at mas sumeryoso ang ekspresyon.

"Listen. The huge problem here is that Elysia is in the US, pregnant with a random bastard she hasn't introduced to us yet." Napahilamos siya ng mukha sa sobrang inis.

Namilog ang mga mata ko habang nakatingin sa kaniya. 26 years old na ang anak niya kaya okay lang naman sigurong mabuntis iyon lalo na at mayaman naman sila. Pero ramdam ko ang hinanakit ni Lucas. Unexpected kasi ang pagbubuntis ng unica hija niya at hindi pa niya kilala ang nakabuntis.

"Obviously, I couldn't wed her off now! But it's the only way, Liana. I already had an agreement with the President of Melgarejo empire before I knew Elysia's pregnancy. We agreed to arrange marriage our eldest!" problemadong sinabi niya.

Ako naman itong nadadala sa problema ng katulad niyang mayaman. Malaking problema na sa kanila iyan samantalang ako titira na sa kalsada kapag hindi nakabayad ng utang sa Linggo.

"Edi paano na 'yan? Ano nang gagawin mo?"

Natigilan siya. Hinagod niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa at pabalik sa mukha ko. Tumaas ang dalawang kilay ko saka inayos ang upo. 

"Ikaw ang Plan B," sagot niya.

Dinuro ko ang sarili. "Ako? Anong ako?"

Plan B? 'Tong matandang 'to balak pa akong idamay sa problema niya!

Umabante siya ng upo at inabot ang kamay ko. Hinawakan niya iyon. "Listen to me. Willing makipagnegosasyon sa akin ang Melgarejo Empire. Sila ang may pinakamalaking hotel chain sa bansa at nagustuhan nila ang offer ko. Gusto nilang bilhin ang 50% stock ng cruise line at magkaroon ng kapangyarihang mamahala nito. They perceive my business as a milestone in the future that's why they want to take a risk. Ipapakasal ni Encarnacion ang panganay niya para mag-merge ang Casa de Saros Hotel na pagmamay-ari nila at ang cruise line ko. Do you get it?"

Wala mang naintindihan sa sinabi niya, tumango pa rin ako. 

"Ilang beses ko nang sinabi sa 'yo na may pagkakahawig kayo ng anak ko, right?"

Namilog ang mga mata ko sa sinabi niya. Teka, huwag niyang sabihing...

"At anong balak mo?"

Bumuntong hininga siya. Piniga ng dalawang kamay niya ang kamay ko. "I want you to pretend as my daughter and marry the CEO of Casa de Saros Hotel."

Sa gulat, napasinghap ako at napatayo. Napabitaw siya sa kamay ko.

CEO... ng Casa de Saros Hotel? Balak niya akong ipakasal sa ganoon kataas na lalaki? Stripper ako! High School lang ang tinapos! Nakatira sa squatters area at lubog sa utang! Baka lang nakakalimutan niya?

"Nagmumukha kang desperado, alam mo 'yon?" hindi natutuwang sinabi ko. "Seryoso ka?"

Clown yata 'to noong past life niya.

Napapikit siya bago ako hinawakan sa magkabilang kamay at marahang hinila para mapaupo ulit. Hindi niya binitawan ang kamay ko na mukhang pamamaraan niya para kumbinsihin ako.

"Makinig ka, Liana. Isang taon lang naman ito. Malaki ang makukuha mong benefits dito! Hindi kita papabayaan sa isang taon mong buhay asawa. Akong bahala sa pamilya mo. Aalisin ko sila sa squatters area. Bibigyan ko ng scholarship ang kapatid mo hanggang college. Ikaw din, pag-aaralin kita pagkatapos mong ma-divorce--"

"Walang divorce dito sa Pilipinas!"

"Sa US ko kayo ipapakasal!"

"Paano kung mabuko? Ang hirap naman niyang naisip mo! 'Wag na 'yan, iba na lang!"

"It's between taking a risk for an offered opportunity or wait for another one, Liana! Melgarejo Empire iyon! Kahit kaibigan ng asawa ko si Encarnacion Melgarejo, wala silang connection sa negosyo! It's because the Melgarejos are once in a blue moon to be swayed by businessmen in this country. Halos mga foreigner ang shareholders nila!"

"Maghintay ka na lang ng ibang opportunity!"

"You still don't get it, don't you? I said, it's Melgarejo and they rarely take offers from businessmen here in the Philippines!"

"Eh paano nga kung mabuko?" giit ko pa rin.

"It will never happen! Trust me! Ipapabago ko lahat ng dokumento mo. I'll make sure, Elysia has no public photos on the internet. I'll talk to the manager of this club to erase all of your information!"

Binawi ko ang kamay ko at umiling. "Wala akong alam sa buhay mayaman! Paano kung tanungin nila ako tungkol sa negosyo mo? Ni hindi nga ako magaling mag-English!"

"But you know how to speak a bit. May kaunting idea ka na rin naman sa negosyo. Tutulungan naman kita. I'll teach you etiquette and let you know the information of our company. Sasanayin din kitang mag-English," pamimilit pa rin niya.

Pumikit ako. "Eh paano yung pamilya mo? Yung mga nakakakilala kay Elysia?"

Pumalantik siya. "Hindi 'yan problema. 10 years old pa lang si Elysia, nag-migrate na siya sa US. Ang huling uwi niya dito, noong 14 years old pa siya."

Natahimik ako, pinag-iisipan ang sinabi niya.

Kinuha ulit niya ang kamay ko. Talagang desidido siya sa kalokohan niyang 'to. 

"You don't have to worry about the effectiveness of this plan, Liana. I'll shoulder everything you need. I'll guarantee you a comfortable life after a year. Tutustusan ko ang pamilya mo, triple pa sa kinikita mo dito sa club. I'll open a bank account under your name and deposit on the first day of your wedding," seryosong dagdag pa niya.

Nanatiling tahimik ako habang tinititigan siya, naninimbang. Mukhang alam niyang nag-iisip ako kaya binigyan muna niya ako ng katahimikan. Nakabitiw na siya sa kamay ko ngayon at bumalik na sa pag-iinom. Pinanood ko siya. Wala nang nagtangka sa aming dalawa na basagin ang katahimikan. Nang mapansin kong halos maubos na niya ang isang bote, kumuha ako ng isang baso at binuhos na lahat ang whiskey. Agad kong nilagok iyon at pabagsak na ibinaba ang baso.

"Anong pangalan ng lalaki?" tuwid na tanong ko.

Sumagot siya nang hindi ako nililingon. "Cosimo Ariento Melgarejo."

Pinag-isipan ko buong gabi ang mga sinabi ni Lucas. Kulang pa nga ang isang gabi dahil hindi masipsip ng utak ko ang kahalagahan ng pagpapakasal para sa negosyo. Wala akong naintindihan sa mga sinabi ng matandang 'yon. Pero kinaumahan din, nagulat na lang ako nang sunduin ako ng driver ni Lucas sa bahay. Pinapatawag daw niya ako sa company building niya na siyang sinunod ko naman. Iyon pala, iyon na ang mismong araw na makikita ko ang lalaking tinutukoy niya.

Ang CEO na iyon. Kung anong ikinaguwapo ng mukha, siyang ikinapangit naman ng ugali!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status