Share

CHAPTER 8: PANANDALIANG KASIYAHAN

Matinding sikat ng araw mula sa bintana ang bumungad sa aking umaga.

“Teka anong oras na ba?” tanong ko sabay tumingin sa aking mga kaibigan.

 “Maaraw na pero tulog pa rin sila. Mamaya ko na nga lang sila gigisingin. Bababa muna ako sa kusina para tulungan sila Aling Marita.”

Lahat sila ay mahimbing pang natutulog samantalang ako ay bumaba na sa kusina upang tumulong sa pag-aayos ng makakain.

“Magandang umaga po Mang Serio at Aling Marita.”

Sumunod na bumangon si Mercury nang mapansin niyang wala na ako sa kama.

“Mac nasa baba ka na ba?” ani niya habang nakadungaw sa pinto ng kwarto.

“Oo dre. Pumunta ka na rin dito para matulungan mo kami,” tugon ko sa kaniya kaya naghanda na siya para makababa.

Pahikabhikab itong naglakad sa hagdan.

“Haayyy. Inaantok pa rin ako dre sobrang nakakapagod kahapon.”

Habang nagkekwentuhan, napahinto kami ng maamoy namin ang mabangong niluluto ni Aling Marita.

“Wow ang bango naman ng niluluto nyo aling Marita. Gigisingin ko na rin pala ‘yong iba para makakain na rin sila.”

Dali-dali akong umakyat upang ayain na silang mag-almusal. Nang makumpleto, masaya kaming kumain. Para bang ayaw ko ng matapos ang mga sandali na ito. Pero alam ko na ang bawat kaligayahan ay may katapusan.

Nagpatuloy ang aming usapan kaya naman naisipan na rin naming gumawa ng plano para sa sa mga susunod na araw. Hanggang ngayon kasi ay wala pa rin akong mensahe na natatanggap mula sa Diyosa. Kaya naman plinano muna namin kung paano pa namin hahasain ang aming mga mahika.

“’Diba may tinatawag sila ditong Grimoire?  Sabi nila madaming salamangka raw ‘yong pwede nating matutunan sa mga libro na ‘yon. Tutal madami naman tayong pera, bakit hindi nalang kaya tayo bumili para sa ating lahat?”

Sumang-ayon kami sa sinabi ni Dane dahil magandang pagkakataon na rin ito para malaman ko kung ano talaga ang tunay na nangyari sa akin no’ng isang gabi. Hindi ko pa rin kasi alam o maintindihan kung ano ang naging sanhi ng pagbabago ng aking anyo.

Naghanap ulit kami ng isang tindahan kung saan kami maaring bumili ng Grimoire. Nakita muli namin ang tindahan ng libro na aming pinuntahan bago tumungo sa gubat. Nagbakasakali kami na sana’y hindi naalala no’ng nagbabantay ang aming mga mukha.

Dahan-dahan kaming pumasok sa loob. Naalarma kami ng biglang kaming harangin ng nagbabantay. Natanaw nya na pala kami mula sa malayo kaya alam na niya na papunta kami sa kaniyang tindahan. Hindi naman ito nagalit sa amin at sa halip ay nagpasalamat pa ito.

“Salamat nga pala no’ng nakaraang araw. Buti nalang kinuha nyo ‘yong libro tungkol sa puting mahika, kung hindi baka nakakulong na ako ngayon. Pasensya na kung hinabol ko kayo. Kukuhanin ko kasi sana sainyo ‘yong libro. Baka kasi kapag may nakakita sa inyo sa labas na hawak niyo ‘yon tapos dito kayo nanggaling, baka isipin nila ako ‘yong nagbigay sainyo no’n. Tinatawag pala ‘yon na Puting Libro dahil nandoon karamihan ng mga paraan sa paggamit ng puting mahika.”

Isinalaysay nya ang lahat ng detalye sa aming magkakaibigan.

Ang mga awtoridad pala sa bayan ng Siana ay palaging nagsasagawa ng inspeksyon upang makita kung may mga illegal na bagay o gamit ang itinitinda sa bawat tindahan. Ang librong aming nakuha ay hindi naman illegal, ngunit hindi lamang pwedeng ibenta sa publiko. Dahil ang pag-aaral ng puting mahika ay ipinagbabawal.

Makakapag-aral ka lamang ng puting mahika sa mga paaralan na pinayagan na magturo nito. May masamang epekto din kasi ang puting mahika kung hindi mo ito magagamit ng tama. Kahit ang puting mahika ay ginagamit upang manggamot, kung ang gumagamit ay hindi bihasa pag dating dito, maari nitong mabago ang selula ng isang tao na pwedeng magdulot ng mas matinding karamdaman.

Naging maliwanag na sa amin ang lahat.

“Ah ganoon po ba, buti na lang pala manong hindi kayo nagalit sa amin. Oo nga pala, ang pakay talaga namin kaya kami nagpunta rito ay para bumili ng Grimoire. Balita kasi namin marami raw kaming pwedeng matutunan na salamangka sa mga libro na ‘yon.”

Pagkasabi ko nito, itinuro niya sa amin ang isang nakahiwalay na istante. May takip ito na gawa sa salamin.

“Ako nga pala si Jun. Ito ‘yong mga Grimoire na ibinebenta ko. Madaming salamangkang pwede niyong mapag-aralan sa mga Grimoire na ‘yan, pero nagkakahalaga ‘yan ng malaking salapi.”

No’ng una ay hindi naman kami nangamba sa gastusin, subali’t ng biglang sinabi ni Mang Jun ang presyo ng isang Grimoire ay nasopresa kami sa mahal nito.

“Bawat isa ay nagkakahalaga ng 20 ginto. Matitibay ang mga ‘yan dahil bawat isa ay nilagyan ko ng proteksyon gamit ang aking mahika. Kahit anong uri ng mahika o kahit ang pinakamatalim na espada sa buong mundo ay hindi kayang sirain ang mga ‘yan,” sambit ni Mang Jun.

“20 ginto?!”

Ganito pala kamahal ang mga Grimoire ngunit wala kaming nagawa kung hindi bumili.

“Ang mahal naman manong. Pero sige kukuha kami ng apat. Gusto po namin ‘yong mas madali naming maiintindihan na grimoire,” wika ni Set.

“Sige. Anong bang mahika ang taglay niyo?” tanong ni Mang Jun habang kinukuha ang mga Grimoire na nasa ibaba ng istante.

“Mahika po ng hangin, mahika ng tubig, mahika ng apoy at mahika ng lupa. Ayon po mga mahika na meron kami Mang Jun,” banggit ni Set.

“Ahhh. Teka sandali lang. Kuhanin ko lang ‘yong mga grimoire.”

Tumayo si Mang Jun bitbit ang apat na libro. Iniabot niya ito sa amin bago kuhanin ang aming bayad.

Si Nads, Dane, Set at Mercury lang ang nakabili dahil ang mga Grimoire na para sa itim at puting mahika ay hindi mabibili sa mga pampublikong bilihan.

Pinaalala sa amin ni Mang Jun na hindi madaling matutunan ang salamangka kahit mayroon kang Grimoire. Bawal din daw naming gamitin ang salamangka upang manakit ng ibang tao ng walang kadahilanan dahil madaming guwardiya ang umiikot sa bayan. At kapag ginawa namin ito, tiyak na dadakipin nila kami.

Bago kami umalis, binigyan kami ng kaunting impormasyon ni Mang Jun patungkol sa puti at itim na mahika.

“Bukas ngayon ang mga paaralan na nagtuturo ng puting mahika at kapag nakitaan nila kayo ng potensyal, maari kayong makapag-aral doon ng libre. Pero pagdating naman sa itim na mahika, wala akong alam kung saan ka makakahanap ng libro o magtuturo sa’yo kung paano ‘yan gamitin. Kinakatakutan kasi ‘yan ng karamihan dahil naniniwala sila na ang itim na mahika ay nagmumula sa mga demonyo. Kaya huwag mo gaanong ipapaalam sa ibang tao na nagtataglay ka niyan.”

Nangamba ako sa sinabi ni Mang Jun dahil hindi naman ito nabanggit sa amin ni Mang Serio.

Pagkatapos magbayad, tuluyan na kaming umalis upang mapag-aralan na ang mga nabili naming Grimoire.

Kahit sinabi ni Mang Jun na mahirap matutunan ang mga salamangka sa Grimoire, hindi naman ito naging problema sa amin. Dahil sa taas ng aming potensyal pagdating sa mahika, kahit unang beses pa lamang namin itong gamitin ay tiyak na gagana na agad ito.

“Nice! Ayos ‘to! Ang daming salamangka na pupwede nating gamitin. Kaso nga lang ang hahaba ng mga salita tapos mayroon na lang tayong 20 ginto na natitira,” sambit ni Mercury.

Agad niyang binuksan ang Grimoire at binasa ang unang salamangka na kaniyang nakita.

“Ulap, puno at bulkan. Lahat kayong nasa aking harapan, lumuhod kayo at humingi ng kapatawaran.”

Bumigat bigla ang palagid. Tila hinihila kami ng sahig at lahat kami ay napaluhod. Isang malakas na puwersa ang humatak sa aming katawan. Pilitin man naming tumayo, hindi sapat ang aming lakas upang labanan ito.

“Grabe ang lakas nga ng salamangka. Hahaha! Feeling ko sobrang lakas ko na ngayon.”

Masayang puri ni Mercury sa kaniyang sarili.

“Tama na Mercury okay na! Nasubukan mo na kaya ihinto mo na.”

Nagmamakaawang sambit namin sa kaniya kaya naman agad niya na itong inihinto.

Dahil sa tindi ng aming mga mahika, napagkasunduan namin na hindi namin ito susubukan sa isa’t-isa.

Bumalik kami sa panuluyan nila Mang Serio. Inabutan namin silang nag-aayos at nagluluto ng maraming putahe. Tinanong namin siya kung anong mayroon at nagluluto sila ng maraming pagkain.

Ang araw pala na iyon ay ang araw kung kailan naitatag ang bayan ng Siana. Kaya pala marami kaming nadaan kaninang mga nag-aayos ng paninda. Mamayang gabi ay mayroon daw gaganaping malaking pagdiriwang. Matatagpuan sa gitna ng bayan ang maraming bilihan ng pagkain at iba’t-ibang mga gamit.

Natuwa kami dahil matagal-tagal na rin kaming hindi nakakapunta sa mga gantiong okasyon. Naghanda kami at panandaliang tumulong kila Mang Serio. Marami din kasi silang suki mula sa ibang bayan na dumadalo sa pagdiriwang at nagpapalipas ng gabi sa kanilang panuluyan.

Pagsapit ng ala-sais, maririnig ang malalakas na tunog ng mga instrumento sa bayan. May mga tindahan ng samo’t-saring pagkain at maraming palaruan. Maihahalintulad mo ito sa isang perya sa ating mundo.

Hindi na namin pinalagpas ang pagkakataon na ito upang masulit ang gabi.

“Buti na lang ay mura lang mga paninda rito. Kasya na siguro isang ginto para mabili natin lahat ng gusto natin,” pahayag ko sa kanila.

“Oo nga. Tara mag-ikot na tayo habang maaga pa,” tugon ni Dane sabay hatak sa kamay ni Nads.

Naglibot na kami sa bayan para humanap nang mabibili. Sa ‘di kalayuan, natanaw ko si Jas sa isang palaruan.

Isang lalaki sa bandang gilid ng isang malaking gusali ang nagpapalaro kung saan kailangan mong matamaan ang mga nakasabit na bola. Papatamaan mo ito gamit ang isang laruan na pana. Ang premyo ay isang kwintas na may kumikinang na perlas sa gitna.

Napukaw ang atensyon ni Jas sa ganda ng perlas, kaya napahinto siya sa tapat nito. Ako lang ang nakapansin sa kaniya dahil ang iba ay abala sa paglalaro sa ibang palaruan.

Lumapit ako sa kaniya dahil napansin ko na gusto niya ang kwintas.

“Jas ang ganda ng kwintas na ‘to noh? Gusto mo ba ‘tong makuha?”

Tumingin siya sa aking mga mata. Kumikislap ang mga ito. Para bang ipinapahiwatig na gusto niya talagang makuha ang kwintas kaya naman sinubukan ko siyang tulungan.

“Magwish ka sa akin na makuha mo sana ang kwintas. Baka sakaling matupad ko na.”

Ipinikit niya ang kaniyang mga mata, huminga ng malalim at nagwika.

“Please kahit ‘yong kwintas lang na ‘yon Mac. Ang ganda kasi, ngayon palang ako nakakakita ng ganyan kaganda na kwintas.”

Naramdaman kong muli ang isang mainit na liwanag mula sa aking puso. Lumabas ito at muling pumasok sa katawan ni Jas. Ako lang ang nakakita sa paglipat nito sa katawan ni Jas. Agad ko siyang sinabihan na subukan nang patamaan lahat ng bola.

Nagbayad siya sa nagbabantay at dinampot ang pana. Mayroong 10 bola ang kailangan niyang matamaan kapalit ang kwintas. Ngunit mayroon lang na 5 palaso na ibinigay sa kaniya.

Nagulat siya ng mag-isang gumalaw ang kaniyang mga kamay. Kakaibang klase ng paghawak ng pana ang aking nasaksihan. Dahil imbis na nakatapat ito sa bola ay tinapat ng kaniyang mga kamay ang pana sa pader. Dahil gawa lang din sa laruan ang palaso, mayroon itong goma sa dulo upang hindi ito makasakit.

Pinana ni Jas ang pader at may kakaibang enerhiya ang nagpatalbog sa palaso patungo sa nakapilang mga bola. Sa isang tira ay natamaan agad niya ang 10 bola.

Nabilib ang lalaking nagbabantay ng palaruan sa ipinamalas ni Jas. Mabilis naming kinuha ang kwintas at umalis dahil baka magduda pa sa amin ang lalaki.

Nang makalayo, panandalian kaming nagpahinga at umupo sa isang kahoy na bangko.

Tumingin siya sa akin at ngumiti.

“Uy Mac. Tutal ikaw naman dahilan kung bakit ko ‘to nakuha, ikaw na rin magkabit nito sa akin.”

Kinakabahan man, masaya akong pumayag sa kaniyang sinabi. Tumalikod siya at inihawi ang buhok papunta sa harapan. Nanginginig kong ikinabit ang kwintas sa kaniyang makinis na leeg. Ito na siguro ang pinakamasayang pangyayari na naganap sa buhay ko.

Nakita kami nila Set kaya naman nagtatawanan nila kaming inasar.

“Teka nga. Baka may naiistorbo tayo dito. tara doon nalang tayo sa kabila maglaro.”

Tinawanan nalang namin sila ni Jas at sumunod na rin dahil baka magkahiwa-hiwalay pa kami.

Dito ko napatunayan na gumagana pa rin pala ang kakayahan kong tumupad ng kahilingan, pero hindi talaga nito kaya tumupad ng imposibleng bagay.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status