Share

Chapter 3

Ada’s Point of View

Flashback

Nakatanggap ako ng tawag mula sa matalik kong kaibigang si Jane. Pinaalalahanan ako ni Jane sa kaarawan niya na sa susunod na araw gaganapin at sa bahay niya pagdarausan kaya ako tinawagan. Nakapagpaalam na ako kay Papa at pinayagan naman niya ako subalit dahil sa nalaman kahapon ay bigla akong nawalan ng gana hanggang ngayon para lumabas ng bahay o makisaya kasama ang mga kaibigan.

“Ano? Ipinagkasundo ka ng Papa mo kung kaninong mayaman na lalake?” hindi makapaniwalang sabi ni Jane nang maekwento ko ang nangyari kahapon.

“Oo at hindi ko nagawang tumanggi dahil sa takot ko kay Papa,” malungkot na tugon ko.

“Sana tumanggi ka? Ipinaglaban mo ang karapantan mo!” Mataas na ang boses ni Jane at halatang hindi rin gusto ang naging desisyon ni Papa para sa akin.

“H-hindi ko kaya.”

“Iyan ang problema sa’yo! Pagdating diyan sa Papa at Ate Anastasia-mangkukulam ay hindi mo kayang lumaban! Matandan ka na, Ada, kaya dapat ipaglaban mo ang karapatan mo!” mariing sabi ni Jane sa akin.

“Ayokong ma-disappoint sa akin si Papa.”

“Paano ka naman? Ang nararamdaman mo? Ang buhay na pinangarap mo?” sunod-sunod na tanong niya sa akin.

“Hindi ko alam. Wala na rin naman akong magagawa dahil pinag-usapan na nila kung kailan gaganapin ang kasal namin ng lalaking iyon. Wala na ngang engagement party, kasal na kaagad kahit simple lang daw muna dahil masiyado raw abala ang lalaking iyon kaya minamadali,” tugon ko kay Jane.

“Grabe naman,” malungkot na tugon ni Jane at napabuntonghininga.

Hindi ko nagawang magsalita at damang-dama ang lungkot dito sa puso ko na sa tingin ko ay matatagalang mawala lalo na kapag ikinasal na ako sa taong hindi ko naman kilala.

“Mas mabuting pumunta ka sa party ko bukas at magwalwalan tayo lalo pa at malungkot ka dahil sa kasunduan na iyon,” suhestiyon ni Jane sa kaniya. “Matapos ang party ko ay magplano rin tayo na maggala sa malayong lugar para kahit paano ay sumaya ka at makapag-isip-isip ng tamang gawin mo sa buhay.”

“Sige. Salamat, Jane.”

“Kita tayo bukas, “ paalala niya sa akin.

“Oo.”

Pareho na naming ibinaba ang telepono at muli ay napabuntonghininga ako habang nakaupo sa kama ko. Nagulat pa ako nang bumukas ang pinto at ang kapatid ko na namang si Anastasia at walang pakundangang nagbukas ng pintong iyon.

“Tama nang kadadrama mo riyan, weak! Bumaba ka na nga at sumabay ka na sa tanghalian!” inis na utos niya sa akin.

“Kumain na kayo na wala ako. Wala akong gana,” tugon ko.

Inis na nilapitan ako ni Anastasia at nagulat ako nang hilahin niya ang mahaba kong buhok saka hinila ako palabas ng kwarto.

“Aray ko! Ate, bitawan mo ang buhok ko!” reklamo ko.

“Kung ayaw mong mas masaktan ay bumaba ka na! Ayokong lagi akong inuutusan ni Papa para lang puntahan ka at ayaing kumain o papuntahin kung saan dahil nabibwiset ako sa pagmumukha mo!” gigil na sigaw sa akin ni Ate.

“Bakit ba galit na galit ka sa akin? Sana inutusan mo ang mga Yaya natin para puntahan ako rito kung ayaw mo naman pala akong makita,” tugon ko.

Malakas na binitawan ni Ate ang buhok ko kaya natumba ako at sumampa ang pang-upo ko sa sahig. Mabuti na lang na may makapal na carpet kaya hindi masakit ang pagkakabagsak ko.

“Dahil ayokong nakikita ang pagmumukha mo! Nakakasuka na naging kapatid kita at lumaki akong kasama ka!” galit na sigaw ni Ate sa akin.

Nagulat ako sa sinabi niya. Alam ko naman na hindi ako gusto ni Ate Anastasia noon pa man pero hindi ko inakala na umabot na sa nasusuka siyang maging kapatid ako at lumaking kasama ako.

“Ate, wala naman akong ginawang masama sa’yo noon pa man para maging ganiyan ka na lang kagalit sa akin?”

“Alam mo kung anong nagawa mong masama sa akin?” tanong ni Ate na may poot ang mga mata habang nakatingin sa akin.

“A-ano?”

“Na ipinanganak ka sa pamilyang ito at naging kapatid ko! Iyon ang masama mong nagawa sa akin!” galit na tugon niya sa akin saka iniwan ako.

Hindi ako makapaniwala sa sinabi ni Ate at naguguluhan kung saan ba nanggagaling ang galit niyang sa akin samantalang alam ko naman na naging mabuti akong kapatid sa kaniya at sa abot ng aking makakaya ay kumikilos ako na naayon din sa gusto ng kapatid ko.

Tumayo na ako sa pagkakaupo sa sahig at naglakad na upang pumunta ng hapag kainan at naabutan ko si Papa at Ate Anastasia, na nag-uumpisa nang kumain. Tumingin sa akin si Papa pero ipinagpatuloy lang niya ang pagkain hanggang sa nakaupo ako sa upuan kaharap ni Papa saka naglagay ng pagkain sa pinggan ko.

“Asikasuhin mo na ang gown na susuutin mo sa kasal. Hahayaan na kitang mamili ng gown pangkasal pero ang lahat ng requirements mo sa kasal ay ipapaasikaso ko sa tauhan ko. Ang sabi ng Ate mo kanina ay may kilala siyang gumagawa ng de-kalibreng gown pangkasal. Magpatulong ka na lang sa Ate mo para sa pangkasal mo,” sabi ni Papa sa akin.

“Opo, Papa,” tipid na tugon ko.

Tumingin ako kay Ate at inirapan lang niya ako.

Alam ko naman na pakitang-tao lang ang pagpayag ni Ate na tulungan ako sa pangkasal ko kaya hindi na ako aasa lalo na sa sinabi at ginawa niya sa akin kanina. Aasikasuhin ko na lang ang damit pangkasal ko at magpapatulong na lang ako kay Jane, sigiuradong iyon pang kaibigan kong iyon ay walang alinlangan na tutulong kahit alam ko na kahit siya ay tutol na maikasal ako sa taong hindi ko naman kilala.

Kinabukasan ay maagang nagpunta ako sa bahay ni Jane pero marami na ring bisita pagdating ko doon ay halos lahat ng kaibigan at dati naming kaklase ay nandoon na kaya niyaya ako nila kasama si Jane sa hardin at nandoon na ang lahat ng handa sa kaarawan ng kaibigan ko.

May iba’t-ibang uri ng alak na nandoon na pinuntahan nilang magkaibigan at kumuha ng alak para inumin. Marunong naman akong uminom dahil hindi naman maiwasan iyon sa mga party na dinadaluhan  ko pero hindi ako ganoong kalakas uminom at alam ko na babagsak ako sa oras na naparami ang inom ko ng alak.

Tiwala naman akong hindi pababayaan ng mga kaibigan ko kahit pa bumagsak ako sa kalasingan at gusto ko rin talagang magpakalasing lalo pa at may problema ako ngayon at dumagdag pa ang kapatid ko na galit na galit pala talaga sa akin sa hindi ko malaman ang dahilan.

“Mukhang napaparami na ng inom mo, Ada. Baka malasing ka niyan?” sita sa akin ng isa kong kaklase dati noong College na nagngangalang Trevor.

Ngumiti ako kay Trevor.

“Party ito, hindi ba? Kaya dapat magsaya at magpakalasing,” tugon ko.

Natawa naman si Trevor sa sinabi ko at nagulat ako nang akbayan niya ako.

“Tama ka. Magpakalasing tayo,” nakangiting tugon niya at napakalapit ng mukha sa mukha ko dahilan para mailang ako.

Inalis ko ang pagkakaakbay sa akin ni Trevor at tumingin sa iba pa naming kaklase at kaibigan na kasama sa mesa saka itinaas ang hawak na baso na may alak.

“Happy birthday, Jane!” masayang sigaw ko.

“Happy birthday!” sabay-sabay na sigaw na rin nila saka kami uminom ng alak.

Dahil sa dami ng nainom ko ay nakisabay na rin ako sa pakikipagsayawan sa maindak na tugtugin sa hallway ng malaking bahay ni Jane sa mga kaklase at kaibigan ko at palagi namang nakasunod sa akin si Trevor na napapansin kong panay din ang dikit at hawak sa bewang ko. Ilang beses ko na siyang nilayuan at iniwasan pero kung saan ako pumunta ay nandoon din siya kaya sobra na talaga akong nakakaramdam ng ilang dahil sa kaniya.

Nahihilo na ako sa at mukhang umi-epekto na ang alak kaya naglakad ako patungo sa swimming pool para magpahangin subalit kapapasok ko pa lang doon ay bigla akong bumuwal at mabuti na lang ay may sumalo sa katawan ko na malakas na bisig.

“Lasing na lasing ka na,” sabi ng sumalo sa katawan ko at dama ko ang pagkakahawak niya sa bewang ko.

Lumingon ako kaagad sa lalaking gumawa niyon at walang iba iyon kundi si Trevor na mukhang sinundan na naman ako. Wala pa naman katao-tao ngayon  sa swimming pool at sobrang nanghihina na ako dahil sa kalasingan.

“B-bitiwan mo ako.”

“Napapansin ko parang kanina mo pa ako iniiwasan? May nagawa ba ako para gawin mo iyon?” tanong niya sa akin.

“W-wala. Ayoko lang talagang nakikipaglapit sa mga lalake,” pagsisinungaling ko.

Ngumiti si Trevor at kinabahan ako sa ngiti niyang iyon na parang may masamang balak sa akin.

“Alam mo bang noon pa man ay gusto na kita, Ada. Liligawan sana kita kaya lang bali-balit kasi sa school natin na hindi ka raw nagpapaligaw lalo na sa kagaya ko na hindi naman kasingyaman mo,” amin ni Trevor sa akin.

“Hindi totoo iyan. Hindi talaga ako nagpapaligaw noon dahil tutok ako sa pag-aaral saka hindi pa talaga ako handa makipagrelasyon  kahit ngayon. Ayoko na muna.”

“Maganda siguro ang pagkakataon na ito para pagbigyan mo ako. Siguro kapag ginawa ko ang nasa isip ko ay baka hindi mo na ako aaayawan ganoon din  ang Papa mo,” nakangising tugon niya sa akin.

Nakadama ako ng matinding kaba at tinulak si Trevor pero mas malakas siya sa akin at kahit gusto kong sumigaw ay hindi ko na magawa dahil tinakpan na niya ang bibig ko at dinala ako sa isang sulok ng bahagi ng swimming pool. Hahalikan na niya sana ako kaya lang ay nagpapalag ako kahit nanghihina at nagulat ako nang malakas siyang napahiwalay sa akin at may isang lalake na humila kay Trevor saka malakas na sinuntok.

Humiga sa sahig si Trevor na duguan ang labi at halos hindij makatayo habang ang lalaking humila kay Trevor ay nag-aalalang tumingin sa akin.

“Are you okay?” tanong niya sa akin.

Natulala akong napatingin sa gwapong mukha ng lalaking nagligtas sa akin at kahanga-hanga pati ang maganda nitong katawan na bakat na bakat sa suot nitong polo.

“Lasing lang ba ako o talagang ang gandang lalake nang nakikita ko?” tanong ko sa sarili.

Nag-aalaang lumapit sa kaniya ang lalake saka hinawakan ang balikat ko at inalog ako ng marahan.

“Miss? Ayos ka lang ba?” tanong niya muli sa akin.

“O-oo. S-salamat sa pagliligtas mo,” tugon ko.

Muli ay umikot na naman ang paningin ko saka nanghina ang mga tuhod, mabuti na lang ay nasalo ako ng kaharap na lalake.

“Nahihilo ako,” sabi ko sa kaniya. “G-gusto ko nang magpahinga.”

“You need to go home,” tugon niya saka umangat ang katawan ko.

Napapikit ako dahil sa hilo pero amoy na amoy ko ang mabangong pabango ng lalaking ngayon ay buhat-buhat na ako at hindi alam kung saan ako dadalhin. Nawalan na ako ng malay dahil sa hilong nadarama at hindi ko na alam kung anong sunod na nangyari.

Nagising na lang ako ngayong umaga na nasa kwarto ko na at maayos ang kalagayan. Walang ginawang masama sa akin ang lalaking nagligtas sa akin kahapon kay Trevor at inuwi pa ako ng ligtas dito sa bahay naming kaya masaya akong napangiti.

Mukhang humanga ako sa kabaitan at pagiging gentleman ng lalaking iyon kaya ganito na lang ang tuwa na nadarama ko para sa kaniya at naiisip kung gaano siya kaguwapo sa alaala ko.

Dama ko pa ang hang-over dala ng pagkakalasing ko kahapon pero tumayo na ako para maligo at magpalit ng damit saka kinuha ko ang cell phone ko upang tawagan si Jane na sumagot din naman kaagad.

“Saan ka ba nagpunta kagabi? Bakit bigla ka na lang umalis nang walang paalam?” tanong ni Jane sa akin at halatang naiinis pa.

“Sa sobrang kalasingan ko kagabi ay nahilo at nanghina ako at pinagtangkaan ako ng masama ni Trevor kagabi. Mabuti na lang na may gwapong lalaking nagligtas sa akin at inuwi rin ako ng ligtas sa bahay,” tugon ko.

“Ano? Pinagtangkaan ka ng Trevor na iyon ng masama?” gulat na tanong ni Jane sa akin.

“Oo!”

“Walang-hiya siya! Sa bahay ko pa talaga niya gagawin iyon at sa araw ng party ko tapos sa matalik ko pang kaibigan? Wala siyang takot! Isusumbong ko siya kay Kuya para maparusahan siya!” galit na sabi ni Jane.

“Huwag na, Jane—“

“Anong huwag na?” mataas ang boses na tanong ni Jane sa akin. “Pinagtanggkaan ka niya ng masama kaya dapat maparusahan siya! Mabuti na lang talaga may nagligtas sa’yo at sabi mo gwapong lalake. Sino kaya iyon?”

“Hindi ko alam pero gwapo talaga siya. Nakasuot ng polo na kulay gray at pants na kulay black—“

“Kilala ko iyon!” sigaw ni Jane at muntikan pa akong mabingi sa pagsigaw niya. “Kaibigan ni Kuya Loki iyon. Tatanungin ko nga si Kuya para makilala mo dahil mukhang crush mo siya, eh.”

Nag-init ang buong mukha ko dahil sa sinabi ni Jane. Mukhang nahalata kaagad ni Jane na humahanga ako sa lalaking nagligtas sa akin kagabi at interasado siya na makilala iyon. Kahit naman ako ay interesadong makilala ang lalaking iyon dahil gusto ko rin na makapagpasalamat sa pagliligtas niya sa akin sa masamang balak sa akin ni Trevor.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status