Share

XII

“INGAT sa pag-uwi,” ani Serenity nang makarating na sila sa tapat ng bahay nila. Gaya ng mga nakaraang araw, inihatid siya ni Oliver pauwi. Pababa na siya ng sasakyan nang may maalala. “Siya nga pala. May lakad ka ba bukas?”

“Wala naman. Bakit?”

“Wala lang,” nginitian niya ito. “Naitanong ko lang. Sige, mauna na `ko. Bye,” hinalikan niya ito sa pisngi at mabilis nang lumabas ng sasakyan.

Hindi na siya lumingon dito at mabilis nang pumasok ng gate. Nakangiti siya habang patungo sa pinto. Kailangan na niyang mag-bake ng cookies. Mukhang matutuloy ang celebration nila bukas.

Sa pagbukas niya ng pinto, nawala ang ngiti niya nang ang ama ang sumalubong sa kanya. Mukhang kararating pa lang nito at napakaseryoso ng mukha.

“P-Pa. N-nakauwi na po pala kayo.”

“Sino `yon? Sino `yong lalaking naghatid sa `yo? Boyfriend mo ba `yon?”

Biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Paano nalaman ng Papa niya ang paghatid sa kanya ni Oliver? Sumilip kaya ito sa bintana?

“Pa, mabuting tao po si-.”

“Hiwalayan mo ang lalaking `yon at huwag ka ng makipagkita ulit sa kanya.”

Ito na nga ba ang kinakatakutan niyang mangyari. Dapat kasi naging mas maingat siya.

Agad na namuo ang mga luha sa kanyang mga mata. Naikuyom naman niya ang mga kamao. “Napaka-unfair niyo naman po yata, Pa. Hindi niyo pa nga siya nakikilala.”

“Pinagsabihan na kita, Serenity. Hindi ka pa pwedeng makipag-relasyon hangga’t hindi ka pa nakakapagtapos. At para suwayin mo ang sinabi ko, nangangahulugan lang na hindi magandang impluwensiya sa `yo ang lalaking `yon.

“Magbihis ka na. Matagal rin tayong hindi nakapag-training. Bibigyan kita ng limang minuto para maghanda.”

Sa loob ng bahay nila, may isang kwarto kung saan naroon ang lahat ng equipments nila sa kanilang training. At buong buhay niya, iyon na lang yata ang ginagawa niya. Ang sumunod sa lahat ng sinasabi ng ama at mag-training.

Ngayon lang naman siya sumuway dito at wala naman siyang ginagawang masama. Nagmahal lang siya. Tsaka alam naman niya ang limitasyon niya sa relasyon nila ni Oliver.

Pero bakit gano’n? Para bang ang laki na ng pagkakamali niya. Na para bang wala siyang karapat na mag-desisyon para sa sarili niya. Ayaw man lang siya nitong bigyan ng chance na magpaliwanag.

“I’m sorry, Pa, pero hindi na `ko bata.”

Natigilan ang ama at muling napalingon sa kanya.

“Anong sinabi mo?”

Ramdam niya ang takot pero hindi siya nagpasindak sa tingin ng ama. Sinimulan niya iyon kaya dapat niyang tapusin. Baka kasi kapag nagpadaig siya sa takot, baka hindi na siya magkaroon ulit ng lakas ng loob na sabihin ang lahat ng gusto niya dito.

“Ayoko ng gawin ang mga bagay na gusto niyo lang para sa akin, Pa. Buong buhay ko, sinunod ko ang lahat ng gusto niyo. Siguro naman panahon na para pagkatiwalaan niyo `ko. May mga bagay din naman akong gustong gawin para sa sarili ko.”

“Ano, ang pagbo-boyfriend?”

“Mahal ko si Oliver, Pa.”

“Hindi mo alam ang klase ng mundong pinapasok mo, Serenity. Mapapahamak ka lang kapag itinuloy mo `yan. Hiwalayan mo siya kung ayaw mong ako mismo ang humarap sa kanya. Siguradong hindi mo `yon magugustuhan.”

“Pero, Pa.”

“Wala ng pero pero, Serenity. Sundin mo ang sinabi ko. Walang maidudulot na maganda ang relasyon mo sa kanya.”

Tuluyan na siya nitong tinalikuran. Agad naman lumapit sa kanya ang ina.

“Anak, ayos ka lang?”

Tuluyan na siyang napaiyak. “Hindi ko po talaga kasi maintindihan kung bakit ganoon na lang ka istrikto si Papa. Ang daming bawal. Nakakasakal na.”

Niyakap siya ng ina. “Kapakanan niyo lang naman ang iniisip ng Papa mo. Ayaw lang niya na mapahamak kayo.”

“Wala lang talaga siyang tiwala sa akin. Minsan nakakapagod na rin maging anak niya,” humiwalay na siya sa pagkakayakap sa ina. “Pupunta na po ako sa kwarto ko, Ma. Wala na rin akong ganang kumain. Matutulog na `ko.”

“Pero hindi ba inaantay ka ng Papa mo?”

“Goodnight, Ma.”

At seneryoso nga niya ang pagmamatigas. Hindi na siya lumabas ng kwarto. Pero sa totoo lang, habang nasa kwarto siya ay puno ng kaba ang kanyang dibdib. Paano na lang kung sugurin siya ng ama sa kwarto? Nakahinga siya ng maluwang nang hindi iyon mangyari. Narinig na kasi niyang umalis ang ama gamit ang motorbike nito.

Hindi pa naman masyadong gabi pero nawalan na siya ng ganang mag-bake ng cookies. Sana lang hindi pumalpak ang plano niya bukas dahil sa Papa niya. Sana hindi ito umuwi bukas.

NAGHAHANDA si Oliver sa kanyang misyon nang bigla siyang tawagin ni Sir Simon. May nagawa ba siyang mali? Napaka-seryoso kasi ng itsura nito.

Agad na siyang lumapit dito. “Sir.”

“May dapat tayong pag-usapan.”

“Tungkol saan, Sir?”

“Sa anak ko.”

Napakunot-noo siya. Tungkol sa anak nito?

“Okay, Sir,” iyon na lang ang naisagot niya.

“Mamaya na tayo mag-usap pagkatapos ng mga misyon natin. I will call you.”

Pagkatapos nitong sabihin `yon, tinalikuran na siya nito. Bumalik naman siya sa pwesto kung saan naroon ang mga makakasama sa misyon.

“Bakit ka ipinatawag ni Sir Simon?” tanong sa kanya ni Marigold. “Mukhang galit sa `yo.”

Iyon nga rin ang tingin niya. At ano kayang kinalaman ng anak nito sa magiging usapan nila? Ni hindi nga niya kilala ang mga anak nito.

Saka na lang niya iyon iisipin. Kailangan na muna niyang mag-focus sa misyon nila.

MAAGANG nagising si Serenity. Well, hindi naman talaga siya nakatulog nang maayos. Nagutom kasi siya pero tiniis lang niya. Kaya ayon, hindi siya nakatulog nang maigi. Hindi bale, sa condo na lang ni Oliver siya babawi. Doon siya kakain ng marami at matutulog.

Sa pagbaba niya, medyo kabado siya. Paano na lang kung maabutan niya ang Papa niya doon? Siguradong hindi ito papayag na makaalis siya. Guguho ang lahat ng plano niya.

Nakahinga siya nang maluwang nang makitang ang Mama lang niya ang naroon at naghahanda ng agahan. Agad siyang nginitian ng ina nang mapansin siya nito.

“Good morning, anak. Halika, kumain ka na. Ipinaghain kita ng mga paborito mo. Sigurado akong gutom na gutom ka na.”

Naupo na siya. “Si Dean po?”

“Gigisingin ko pa.”

At kahit hindi niya itinatanong, kusa na itong nag-kwento tungkol sa Papa niya.

“Ang Papa mo naman, hindi pa umuuwi. Nag-aalala nga ako, eh. Hindi pa kasi siya tumatawag. Ang sabi pa naman niya uuwi siya nang maaga.”

Kinabahan siya. Paano na lang kung bigla itong dumating?

Tumayo siya. “Mamaya na lang po ako kakain, Ma. Kailangan ko na palang magmadali. Dadalhin ko pa `yong order nila na cake. Saka baka hindi na po ako makakain sa party kapag nagpakabusog ako.”

“Oo nga pala, may pupuntahan kang party. Pero napakaaga naman ata niyan,” napatingin ito sa relo. “Alas sais pa lang, ah. Ano bang oras magsisimula ang party?”

“Ah, seven po, Ma.”

“Seven? Ngayon lang ata ako nakarinig ng birthday party na ganyan kaaga. Well, trip din nila `yon. Pero sayang naman kung hindi mo titikman man lang ang mga niluto ko.”

Gutom na gutom na siya at takam na takam sa luto ng Mama niya. Pero kailangan niya iyong tiisin. Kailangan na niyang makaalis bago pa man makauwi ang Papa niya.

“Sorry, Ma. Pero alam niyo naman po na mabilis akong mabusog. Pag-uwi ko na lang po mamaya. Promise, titikman ko lahat ng niluto niyo.”

Mabuti na lang at hindi na nagpumilit ang Mama niya. Kaya naman nang makaligo, agad na siyang nagtungo sa condo ni Oliver dala-dala ang cake na siya mismo ang nag-bake. Bumili na rin siya ng pagkain mula sa favorite niyang fastfood chain.

Malawak ang ngiti niya habang hinihintay si Oliver na buksan ang pinto. Ready na rin siyang kantahan ito. Pero natigilan siya at nawala ang ngiti nang isang babae ang bumukas ng pinto. Matangkad ito at sexy. Anong ginagawa ng babae na `to sa condo ni Oliver? Kamag-anak kaya ito ni Oliver? Pero akala ba niya wala itong kamag-anak sa Maynila? Isa pa, lalaki ang kapatid ni Oliver, hindi ba? Kaibigan kaya niya ito? Pero bakit may susi ito ng condo? Siya nga na girlfriend ni Oliver, walang extra key.

Tiningnan siya ng babae mula ulo hanggang paa. “Who are you?”

Maganda ang katawan niya at maganda rin siya. Pero nang oras na `yon, para bang bigla siyang naging insecure.

“Tinatanong kita. Sino ka at anong ginagawa mo dito?”

Mukha itong pure Korean pero ang galing mag-pronounce ng tagalog.

“G-girlfriend ako ni Oliver,” sagot niya. “Ikaw, sino ka? Anong ginagawa mo dito? Sa pagkakaalam ko, walang kamag-anak si Oliver dito sa Maynila.”

Pansin niya ang panlalaki ng mga mata nito sa narinig.

“What?! Girlfriend ka ng anak ko?”

Sa pagkakataong iyon, mga mata naman niya ang nanlaki. Tama ba ang pagkakarinig niya? Anak nito si Oliver? Paano naging ina ni Oliver ang babaeng `to gayong parang ilang taon lang naman ang tanda nito sa kanya?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status