Share

Chapter 3: Confession

Akuji Morte

"Wow! Ano namang tawag sa nakakamanghang bagay na iyan?" Tanong ng inosenteng babae na nag-ngangalang Akuji Morte, ngunit mas kilala siya sa pangalang Yiel. Kausap nito ang isa sa mga kaibigan niyang katulong mula sa loob ng mansion ng mga Lastra.

"Ang tawag rito ay bulaklak. Hindi ito uri ng pagkain, isa itong mahalimuyak na bagay, kung saan ibinibigay ng mga lalaki mula sa kanilang napupusuang babae."

Kumislap at nagliwanag ang mga mata ni Yiel sa kanyang nalaman mula sa kanyang babaeng kaibigan.

"Maari rin ba akong magbigay ng ganyang klase ng bulaklak para sa lalaking aking napupusuan?" Nasasabik na tanong ni Yiel sa kanyang kaibigan.

"Aba, oo naman! Nakakaganda ng araw kapag mayroong tao na nagbibigay sa iyo ng mababangong bulaklak, ano!" Nakangiting sagot ng kanyang kaibigan.

"Sandali lamang, bakit mo naman natanong? Huwag mong sabihin sa akin na may lalaki ka ng napupusuan?"

Hindi naman napigilan ni Yiel na makagat ang kanyang pang-ibabang labi at bahagyang tumango habang nakakurba ang kanyang napakagandang ngiti mula sa kanyang labi.

"Ganoon na nga," abot sa puso ang saya na naramdaman ni Yiel nang tapatin niya ang tanong ng kanyang kaibigan. Agad namang nanlaki ang mga mata ng kanyang kaibigan na babae.

"Nakakatuwa naman! Paniguradong masuwerte ang lalaking iyan, dahil bukod sa napakaganda mo na, may kakaiba ka pang kakayahan! Sino naman kaya ang maswerteng lalaki ang iyong natipuhan, ha? Iyong lalaking anak ba ng ating hardinero? Siya ba, ha? Ibahagi mo naman sa akin!" Natutuwang tanong ng babae, muli namang napangiti si Yiel nang maalala niya ang napakaamong mukha ng lalaking kanyang napupusuan.

"Ang lalaking iyon ay si . . Giovanni." Hindi maipaliwanag ang saya na kanyang nararamdaman nang sambitin nito ang pangalan ng lalaking kanyang nagugustuhan.

"Ano?! Si Don Giovanni?" Hindi makapaniwalang tanong ng kanyang kaibigan. Nagawa pa nitong tumayo at hindi makapaniwalang tinignan ang kaibigan.

"Anong pumasok sa isip mo at nagustuhan mo ang lalaking iyon?" Tila ba hindi matanggap ng kaibigan ni Yiel ang kanyang sinabi.

"Bakit? Ano namang mali kung gustuhin ko siya?"

"Ano naman ang nagustuhan mo sa lalaking iyon? Bukod sa masungit na, masama pa ang ugali! Hindi mo alam kung gaano kasamang taglay mayroon ang ugali ng lalaking iyon, Yiel!"

"Sa tingin ko nga ay hindi niya ako magugustuhan, lalo na kapag nalaman niya ang na hindi ordinaryo ang hitsura ko, dahil sa kulay ng mga mata ko. Paniguradong matatakot siya at lalayuan ako, kaya mas mabuti sigurong itago ko na lamang ito sa kanya."

"Mas mabuti nga na iyan ang gawin mo, pero tutol pa rin ako sa pagkagusto mo kay Don Giovanni, ano!" Nakasimangot na pagtutol ng kanyang kaibigan.

"Hindi naman siguro siya ganoon kasama. Ah, teka! Paparating siya!" Agad na nagkasalubong ang kilay ng babae sa sinabi ni Yiel na ngayon ay muli nang ibinabalik ang contact lense sa kanyang mga mata na kulay black, upang matabunan ang tunay na kulay ng mga mata nito.

"Sino naman?" Naguguluhang tanong nito.

"Si Giovanni, sandali! Maayos ba ang itsura ko?" Natatarantang tanong nito sa kanyang kaibigan, matapos isuot ang contact lense at nagawa pang ayusin ang kanyang buhok at kasuotan.

"Oo naman, ano ka ba! Kahit hindi ka na mag-ayos pa ay natural na ang gandang taglay na mayroon ka." Natatawang tugon nito. Sakto namang pumasok nga si Giovanni mula sa pinto ng kwarto ni Yiel.

"Kakaiba talaga ang pandinig mo," namamanghang bulong ng kanyang kaibigan bago tumayo at bahagyang yumuko sa harap ng kanyang amo na si Giovanni. At saka ito tuluyang lumabas ng silid-tulugan ni Yiel.

"Magandang umaga, Giovanni." Masayang bati ni Yiel sa matipunong lalaki na nakatayo sa kanyang harapan. Hindi na naman nito mapigilan ang kanyang labi na maikurba ang malalapad niyang ngiti, dahil muli niyang nasilayan ang maamong mukha ni Giovanni.

"Kumusta ka?" Pangungumusta sa kanya ng lalaki. Agad siyang nagulat dahil sa sinabi nito. Hindi normal ang ganitong pagbati ng lalaki sa kanya. Madalas kapag sinasabi ito ng lalaki sa kanya ay may kailangan ito sa kanya.

"Maayos naman ang kalagayan ko. Ikaw, kumusta ka? Nanggaling ka ba sa kompanya ni Don Rafael? Paniguradong masaya ang araw mo ngayon dahil nasilayan mo ang ganda ng paligid sa labas." Nakangiting saad nito.

Kahit minsan kasi ay hindi niya manlang natuklasan ang totoong itsura ng paligid. Kung palabasin man daw kasi ito ni Don Rafael ay hanggang loob lamang ng hacienda ng mga Lastra. Kaya wala rin siyang masiyadong kaibigan, kundi ay ang babaeng katulong ng mga Lastra bukod sa kanya ay wala na dahil masiyadong ilag ang mga tauhan sa loob ng hacienda mula sa kanya.

"Tama ka, maganda nga ang araw ko ngayon. Gusto mo rin bang makita ang ganda ng kalikasan?" Nakangiting tanong sa kaniya ng lalaki. Kuminang naman ang mga mata nito dahil sa pag-aaya sa kanyang lumabas ng lalaki.

"Kung sasabihin ko bang oo, ay maaari mo ba akong isama palabas ng hacienda lastra?"

"Ganoon na nga, kapag sinama kita sa labas, makikita mo ang ganda ng paligid. Hindi lang iyon, makakakilala ka rin ng bagong mga kaibigan. Gusto mo ba iyon?"

"Talaga? Oo naman! Gusto ko ang bagay na iyan! Ang kaso, mukhang malabong mangyari iyon dahil paniguradong hindi naman ako papayagan na lumabas ni Don Rafael sa ating hacienda." Malungkot na sambit ni Yiel.

Ngunit, nabigla ito nang hawakan ni Don Giovanni ang kanyang magkabilaang kamay, dahilan nang pag-iinit ng kanyang mga pisngi.

"Hindi malabong mangyari iyon, kung papayag ka sa gusto ko."

Nagkasalubong ang kilay ni Yiel dahil sa binitawang salita ng lalaki.

"Ano ang ibig mong sabihin?"

"Yiel . ." Pagtawag ng binatang lalaki sa kanyang pangalan at para namang siyang kinikiliti sa tuwa nang marinig niya iyon.

"Giovanni?"

"Gusto kita."

"Ano?"

"Gusto kita, Yiel."

Tila tumigil ang pag-ikot ng mundo ni Yiel nang marinig niya ang sinambit ng binatang lalaki sa kanyang harapan na si Giovanni.

G-gusto niya ako? Tama ba ang pagkakarinig ko?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status