Share

Moonlight Warriors (Tagalog)
Moonlight Warriors (Tagalog)
Author: Chel Aguirre

Prologue

Dinig ang mabibilis na yabag at mabibigat na paghinga ni Prinsipe Joven sa madilim na pasilyo ng kanilang kastilyo. Tagaktak na ang kanyang pawis habang walang tigil sa paglingon sa kanyang likuran sa pangambang nasundan siya nang kanyang mga pinagtataguan.

Mas bumilis pa ang kanyang pagtakbo nang maulinigan ang mga boses ng mga taong humahabol sa kanya. Bumungad sa kanya ang isang mataas at paikot na hagdan nang lumusot siya sa isang lagusan patungo sa tore ng kanilang kastilyo. Mabilis subalit buong pag-iingat niyang inakyat iyon hanggang sa natagpuan niya ang isang maliit na silid. Nang makapasok ay kaagad niyang iginala ang kanyang paningin upang maghanap ng pwede niyang mapagtaguan subalit tanging ang maalikabok at malaking kama lamang ang naroroon sa loob ng silid.

Parang binayo ang kanyang dibdib nang marinig ang malakas na pagkalabog sa kanyang pinto. Halos magiba na ang pinto sa lakas ng pagkatok ng sinumang nasa likod niyon. Mabilis siyang gumapang sa ilalim ng kama at maluha-luhang tinakpan ang bibig.

"Prinsipe Joven, alam kong nariyan ka," boses ng isang babae. "Bakit mo ako pinagtataguan gayong sinabi mo noon na ibig mo akong pakasalan?"

Tuluyan nang napaiyak ang prinsipe nang kanyang makilala ang nagmamay-ari ng tinig.

(flashback)

Limang araw na ang nakararaan nang nagkaroon ng sayawan sa kaharian nina Prinsipe Joven. Halos lahat ng mga mariwasang pamilya sa kanilang kaharian ay inimbitahan ng kanyang ama para sa natatanging okasyon na iyon.

Nakatuon ang atensyon ni Prinsipe Joven sa alak na iniinom habang nakaupo sa kanyang trono. Kahit anong pilit sa kanya ng amang Hari na pumili ng dalagang maisasayaw ay hindi niya ito sinusunod.

Habang pinanonood ang mga nagsasayawan sa gitna ng pabilyon ay napansin niya ang isang babae na nakasuot ng mahaba at itim na balabal. Nakatayo ito sa gitna at nakaharap sa kanya. Hindi niya makita ang mukha nito dahil sa malaking pandong nito. Tipid niya itong nginitian subalit bigla itong tumalikod at naglakad palayo.

Tila napukaw ang kanyang interes sa mahiwagang babae. Inayos niya ang suot na maskara at sinundan ito.

Naging mabilis ang mga hakbang ni Prinsipe Joven nang lumiko sa isang tahimik na pasilyo ang dalaga. Hindi pa man niya nakikita ang tunay na anyo nito ay tila tiyak na niyang ito ang babaeng gugustuhin niyang ipakilala sa kanyang ama na maging kabiyak.

"Binibini, sandali!"

Napahinto sa paglalakad ang babae subalit hindi ito lumingon. "Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo, mahal na Prinsipe?"

Sumilay ang isang ngiti sa mga labi ni Prinsipe Joven habang unti-unting lumalapit sa babae.

"Ikinagagalak kong malaman na kilala mo kung sino ako."

"May kailangan po ba kayo?" tanong uli ng babae habang nakatalikod pa rin sa kanya. Nakayuko lamang ito at itinatago ang mukha sa kanyang makapal na pamandong.

Pumwesto ang prinsipe sa harapan ng dalaga.

"Ano ang iyong ngalan?"

"Martha po."

Napatangu-tango si Prinsipe Joven. "Martha... Napakagandang pangalan. Kaninong angkan ka naman nagmula? "

"Isa po ako sa mga tagapagsilbi niyo rito sa kaharian."

Agad na umarko ang isang kilay ng prinsipe at pinasadahan ng tingin ang kabuuan ni Martha. Maganda ang hubog ng katawan ni Martha kung kaya't balewala sa kanya kung alipin lamang nila ito.

"Gusto kita, Martha," tahasang sabi ng Prinsipe.

"Pero mahal na Prinsipe, isa lamang akong hamak na alipin."

Lumapit si Prinsipe Joven kay Martha. "Hindi mahalaga sa akin kung ano man ang estado mo sa buhay. Bukas na bukas din ay ipapaalam ko kay Ama na magpapakasal tayo sa susunod na linggo..." Hinawakan niya ang kamay ni Martha.

Kakaibang damdamin ang umusbong sa kalooban ni Martha. Ramdam niya ang malakas na pagkabog ng kanyang dibdib at ang pag-init ng kanyang pisngi. Ito pa lamang kasi ang unang pagkakataon na may lalaking nagtapat sa kanya ng paghanga at sino ang mag-aakala na sa isang makisig na prinsipe pa niya ito matatanggap.

"Maaari bang ipakita mo ngayon sa akin ang iyong mukha. Ibig kong masilayan ang iyong kagandahan."

Nag-aalangan man, napilitang hubarin ni Martha ang kanyang talukbong. Unti-unti siyang nag-angat ng mukha at sinalubong ang mga titig ng prinsipe.

Agad na napabitaw si Prinsipe Joven nang makita ang tunay na anyo ni Martha. Tila isang bangungot para sa kanya ang kanyang nasaksihan. Kulot, mahaba at makapal ang buhok, makapal ang kilay, nangingitim ang mga ngipin, at halos mapuno ng mga butlig ang mukha ni Martha.

Puno nang pandidiring tiningnan ni Prinsipe Joven si Martha. "Ano 'yan?! Bakit ganyan ang iyong wangis? Paano magugustuhan ni Ama ang ganyang klaseng pagmumukha?!"

Tila pinagpira-piraso ang puso ni Martha sa mga narinig mula sa prinsipe. Sinubukan niyang lapitan ito subalit marahas siya nitong itinulak dahilan para matumba siya sa sahig.

Lingid sa kaalaman ni Prinsipe Joven ay isang mangkukulam si Martha. At dahil sa masasakit na salitang kanyang binitawan ay numuo ang matinding poot sa kalooban ng dalaga.

(end of flashback)

Nagulat si Prinsipe Joven nang biglang bumagsak ang pinto ng kwartong kanyang pinagtataguan. Ilang pares ng mga paa ang kanyang nakita na isa-isang pumasok sa silid.

Mariin niyang tinakpan ang kanyang bibig upang hindi makalikha ng anumang ingay.

Subalit hindi nagtagal, napagsigaw siya nang bigla na lang may humila sa kanyang paa palabas sa kanyang pinagtataguan. Bumungad sa kanya ang kanyang mga alipin na napasailalim na sa itim na mahika ni Martha.

"Narito ka lamang pala."

Halos mapatalon si Prinsipe Joven sa kanyang kinatatayuan nang biglang sumulpot sa kanyang tabi si Martha.

"Hindi ka ba natutuwang makita ako ulit, mahal kong Prinsipe?" tanong ni Martha sa nang-aakit nitong tinig.

Hindi sumagot si Prinsipe Joven. Inilibot niya ang kanyang tingin upang maghanap ng pwede niyang matakbuhan.

"Huwag ka ng mag-abala pang tumakas. Wala ka na rin namang kawala pa sa akin," nakangising wika ni Martha. "Nagpunta ako rito upang malaman kung kailan ang araw ng ating kasal," bulong nito sa kanya.

Agad na nanindig ang mga balahibo ni Prinsipe Joven nang maramdaman ang pagdampi sa kanyang balat ng mainit na hininga ni Martha. Dahil do'n ay naitulak niya ito dahilan para magpuyos ito sa galit.

Sinuyod ng tingin ni Prinsipe Joven ang kabuuang anyo ni Martha. Hindi maitago sa kanyang mukha ang labis na pandidiri. "Mas gugustuhin ko pang kitilin ang sarili kong buhay kaysa makita araw-araw ang ganyang klaseng pagmumukha!" Walang pag-aalinlangan siyang sumampa sa malaking bintana at pikit-matang tumalon.

Halos kumawala ang puso ni Prinsipe Joven sa labis na takot habang hinihintay ang kanyang pagbagsak. Subalit ilang segundo na ang lumipas, wala pa rin siyang nararamdaman na kahit ano. Nang idilat niya ang kanyang mga mata ay natagpuan niya ang kanyang sarili na nakalutang. Tumingin siya sa ibaba at nakitang ilang dangkal na lamang ang kanyang pagitan mula sa lupa.

"Akala mo ba'y hahayaan kitang mamatay na lang nang gan'yan kadali?!" Dinig niyang sabi ni Martha.

Tumingin sa bintana si Prinsipe Joven kung saan siya tumalon at nakita roon si Martha na nakatayo. Nakataas ang isang kamay nito habang matalim ang tingin sa kanya. Nang ikumpas nito ang kamay pababa ay patihaya siyang bumagsak sa lupa. Napasigaw siya nang bigla itong lumundag at sinunggaban siya.

Inilapit ni Martha ang mukha sa mukha nang nanginginig na prinsipe. Sa isang iglap ay sinakop ng kanyang bibig ang bibig nito at nagbuga ng isang itim na usok. Nang matapos siya ay tumayo na siya at nakangising tinitigan ang nakatulala na ngayong prinsipe.

"Sana'y magustuhan mo ang munti kong regalo sa iyo, Kamahalan!" humahalakhak niyang sabi.

"Ang regalong iyan ay ipamana mo nawa hanggang sa iyong kaapu-apuhan!" dugtong pa niya bago tuluyang naglaho sa karimlan.

Ilang sandali lang, biglang namilipit si Prinsipe Joven sa kanyang kinahihigaan at napadaing sa sakit na naramdaman. Pakiramdam niya ay unti-unting nababali ang lahat ng buto sa kanyang katawan. Umiiyak na napahawak siya sa kanyang mukha nang maramdamang tila kumakalas ang kanyang mga panga at tumutulis ang kanyang mga ngipin. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang kanyang braso na unti-unting tinutubuan ng puting balahibo at ang kanyang mga kuko ay unti-unti na ring humahaba na tila ba kuko ng isang mabangis na hayop. Umalingawngaw ang palahaw ng kawawang prinsipe sa buong kaharian. Palakas nang palakas ang kanyang mga sigaw hanggang sa unti-unti iyong naging isang malakas na alulong.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Rose Nicolas-aguirre
Interesting story!
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status