Share

Chapter 3

Inis kong tinampal ang noo ko. Ano na naman bang kagagahan 'tong ginawa ko?

Hindi lang basta kasal ang nasira ko, kasal ng isang artista at businessman. Artista at businessman yun!

Bakit ba kasi padalos-dalos ang naging  desisyon ko?

Malakas akong nagbuntong-hininga at nagpangalumbaba. Nakuwento ni Mama na ibinalita kagabi sa TV ang hindi pagsipot ni Dylan sa kasal niya. Pero tikom daw ang bibig nito at hindi nagbigay ng pahayag kung bakit hindi siya nakasipot sa mismong kasal. Dito naman sa buong Barangay ay kalat na kalat ang usaping ‘kinidnap’ ko ito.

Hinimas ko ang rehas na bakal na nasa harapan ko. Mag-iisang araw na ako dito sa loob ng presinto mamayang hapon pero hindi pa rin ako nakakalabas dahil kulang pa ang pera na pang piyansa para sa akin. Kaonti na lang at tropa ko na ang mga nasa loob rito.

“Ate!” Mabilis kong inangat ang tingin ko. Nakita ko si Fatima naglalakad paakyat sa hagdan kasunod si Tisoy.

“Si Mama?” tanong ko agad nang makalapit siya.

“Nasa baba,” turo niya. “Kasama niya si Ate Angel, inaayos na yung paglabas mo."

Malakas akong napabuntong hininga. Si Angel na naman. May utang pa akong hindi nababayaran sa kaniya noong mga nakaraang buwan dahil na-dengue si Irish. Mahina ang bentahan ng mga isda non dahil bumagsak ang presyo ng baboy kaya sa kaniya ako humiram ng pera pang pa-hospital. Maging ang ginamit ko rin sa pag-renew ng permit sa pwesto ko sa palengke ay mula kay Angel. Ang sabi niya ay bayaran ko na lamang daw kapag nakaluwag na kami, pero hanggang ngayon ay heto at gipit pa rin kami kaya hindi ko pa siya nababayaran.

“Ate, sorry,” sinseryong sabi ni Fatima.

“Hayaan mo na,” ngumiti ako para ipakitang ayos lang ako. Kahapon pa siya walang tigil sa paghingi ng tawad. “Okay lang naman ako, oh." Dalawang buwan na siyang buntis at makakasama sa kaniya kapag maraming iisipin. “Makakalabas na rin naman ako ngayon.”

Hindi naman niya kasalanan lahat. Marso pa ang huli niyang balita sa boyfriend niya na magpapakasal ito, yun na rin ang huling usap nila. Hindi niya naman alam na nag-iba pala ito ng simbahan na gaganapan ng kasal kaya hindi niya alam.

Nang sabihin niya raw ang tungkol sa pagbubuntis niya ay gusto nitong ipaglaglag agad ang bata dahil hindi siya nito kayang panindigan, bukod pa roon ay sinabi nitong may mahal itong iba. Hindi ko siya sinisisi pero hanggang ngayon ay dismayado pa rin ako maging si Mama sa nagawa niya. 

“At hindi nga ako nagkamali,” boses yun ni Angel, nakatayo siya sa likuran ni Fatima at naka-pamewang pa habang nakatingin sa akin. Nasa tabi niya si Mama may hawak na pamaypay. 

Gusto kong matawa nang maalala ang sinabi niya noong isang araw, na susunod ay baka dito na niya ako sunduin.

“Mauna na kami sa labas, Angel. Masyadong mainit rito,” paalam ni Mama. Masama kasi sa kaniya ang mainitan. Sumunod sa kaniya si Fatima at Tisoy. 

“Oh, ano? saan naman kita susunduin bukas o kaya sa makawala?” biro ni Angel habang binubuksan ng isang pulis na kasama niya ang selda kung nasaan ako.

“Wala na,” natatawang sagot ko nang makalabas. “Tama na ‘to!"

“Mabuti naman,” pagtataray niya. “Pagkatapos mo gumawa ng eksena sa palengke, nangidnap ka naman ng artista."

Hindi ko mapigilan ang hindi matawa.

“Hinaan mo nga yang boses mo,” hila ko sa laylayan ng damit niya. Ang ingay-ingay niya kasi, pinagtitinginan tuloy kami. 

“Wow, nahihiya ka?” tumawa siya. “Sabagay nakakahiya talaga yun,” at tumawa na naman.

“Salamat,” sinseryong sabi ko at binigyan siya ng isang yakap. “Babayaran ko agad,”

Sa sobrang dami na niyang naitulong sa amin hindi lang sa pinansyal ay hindi ko na alam kung paano pa ako babawi sa kaniya.

“Asus!” niyakap niya ako pabalik. “Para saan pa at naging kaibigan mo 'ko kung hindi kita tutulungan kapag kailangan?” ngumiti siya at inakbayan ako. Nasa elementarya palang kami ay ganito na talaga siya. “Tara na! Gusto ko humigop ng luto mong sinabawan. Kanina pa ako gutom,” reklamo niya.

Paglabas namin ng presinto ay naroon na naka-abang si kuya Notnot, nakatayo siya sa tabi ng van. Nang makita niya ako ay mahina siyang natawa at ganoon rin ako. Buti na lamang at hindi na sila idinamay pa.

“Pasalamat ka pa rin at hindi na nagsampa ng kaso si Dylan sayo kaya tapos na.” sabi ni Angel habang pasakay kami ng van. 

Napahinto ako at hinarap siya. 

“Hindi na nagsampa ng kaso?”

Tumango siya.

“Yun ang sabi ni Chief!"

“Totoo?”

“Oo nga. 'Diba tita?” tanong niya kay Mama.

Tumango naman si Mama. Nakahinga ako nang maluwag at gustong sumigaw sa tuwa dahil sa narinig.

Umupo ako sa tabi ni Tisoy, si Angel naman ay nasa unahan, katabi ni kuya Notnot.

“Sinabi ba nila, Ma, kung bakit hindi na magsasampa ng kaso?” 

“Ang sabi raw ng abugado sa kampo nila Dylan ay babalik sila kagabi para sampahan ka ng kaso,” si Mama.

“Tapos anong nangyari? Bakit biglang inurong?” 

Nakakapagtaka naman kasi yun. Galit na galit siya kahapon nang umalis, kulang nalang ay siya mismo ang humila sa akin papunta sa presinto.

“Tapos kaninang umaga nakatanggap sila ng text. Galing raw yun mismo kay Dylan na hindi na sila magsasampa ng kaso laban sayo," sagot ni Angel habang sinasara ang pinto sa tabi niya.

Napalunok ako. Ano na lang kaya ang mangyayari kina Mama kung natuloy ako sampahan ng kaso at nakulong ng tuluyan?

“Hindi lang pala guwapo at magaling na artista, mabait rin!" Puri ni Mama. “Kung ibang tao yun walang urong-urong ng kaso yun.”

Baka naisip ni Dylan na hindi ko naman talaga sinasadya yun kaya hindi na siya nagsampa ng kaso pa?

“True, tita!” sang-ayon ni Angel. “Muntik na nga ‘ko himatayin kahapon.”

“Bakit ka naman hihimatayin?” tanong ko, isinandal ko ang likod ko at pumikit. Hindi ako nakatulog kagabi kaiisip sa nangyari. Sobrang laking gulo at iskandalo ang nagawa ko. 

“Diba galing kaming Sta. Monica?” Nasabi niya nga  ito sa akin nong isang araw na pupunta sila ron para bisitahin ang Lolo niya. Akala ko naman ay magtatagal sila.

Hinintay ko ang kadugtong ng sinasabi niya at nanatiling nakapikit.

“Nong malapit na kami sa plaza biglang na-flat yung gulong ni Papa,” kuwento niya. “Since malapit na rin naman, sabi ko maglalakad na lang ako. Saktong paglabas ko ng sasakyan nakita ko siya!” pumadyak-padyak pa siya, kinikilig. “Laglag panty talaga nong nilapita’t kinausap niya ako para itanong kung saan ang presinto.”

“Sayo siya nagtanong kung saan ang presinto?!” gulat kong tanong, napamulat pa. 

“Ahuh!” proud pang sagot niya. “Aba, malay ko ba na ikaw pala ang ipapa-pulis niya.” nagtawanan silang lahat.

Kaya pala familiar si Dylan sa akin dahil noong minsang umuwi ako hapon palang galing palengke ay naabutan ko sina Mama na nanunuod ng teleserye niya na kawawakas lang nong nakaraang linggo. Araw-araw ay gabi na ako kung umuuwi at sa hapon ang teleserye niyang iyon kaya hindi ko naaabutan. Kaya hindi ko talaga matandaan at masabi kung saan ko siya nakita nang makita ko siya kahapon.

Nang makarating kami sa bahay ay kaagad kong inutusan si Irish na kumuha ng alugbati at lagikway sa likod-bahay namin. Ipinagluto ko si Angel ng sinabawan. Kahit man lang sa maliit na paraan ay makabawi ako sa kaniya.

“Salamat,” sabi ko ulit. Sa ngayon kasi yun pa lang ang kaya ko ibayad sa kaniya. “Hayaan mo, babayaran agad kita—”

“Hindi naman kita sinisingil agad,” nginitian niya ako. “Sabi ko naman sayo 'diba saka mo nalang ako bayaran.”

“Kahit pa. Sobra-sobra na ‘tong ginagawa mo,” 

Nakakahiya rin kasi kay Mayor, sobrang lapit ni Angel sa Papa niya hindi malabo na may makuwento siya rito. Ayoko naman isipin niya na sinasamantala ko yung kabaitan ni Angel sa amin. Kapatid ang turing ko kay Angel. Alam kong ganoon rin siya sa akin. Ayoko lang mabigyan ng ibang kahulugan ang mga ginagawa niya sa amin.

“Ano ka ba, wag mo na masyado isipin yun,” tumayo siya at nagsandok pa ulit ng kanin sa kaldero. Halatang gutom na gutom talaga. “Ang mahalaga nakalabas ka na.” Hindi na ako muling nagsalita pa at napatitig nalang sa kaniya.

“Ate! Ate!”

Sabay kami napatingin ni Angel kay Irish na tumakbo papunta rito sa kusina, dala-dala niya ang remote at unan.

“Bakit?”

“Si Dylan!"

“Si Dylan?” hindi ko nakuha ang nais niyang sabihin. “Ano si Dylan?”

“Nasa balita!”

Nanlaki ang mga mata ko at awtomatikong binitawan ang hawak na kutsara saka tumakbo papunta sa sala. Sumunod sa akin si Angel na bitbit ang plato niya. 

Nasa flash report si Dylan. Nakasuot siya ng shades at sombrero, pinoprotektahan siya ng mga body guards habang maraming reporter ang nakapalibot sa kaniya at pinagkaka-guluhan siya. Sa tingin ko’y inabangan talaga siya ng mga reporter na ito dahil nasa parking sila.

“Kailan niyo na balak ituloy ang kasal?” tanong ng isang babaeng reporter sa kaniya.

Matagal bago sumagot si Dylan. Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan habang hinihintay ang sasabihin niya. Hindi ko magawang kumurap man lang.

“I'm sorry to say this... especially to our fans. Pero wala ng kasal na magaganap."

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status