Share

Chapter 4

Hindi lamang pagpapagamot ni nanay ang sinagot ni Sir Arman maging ang mga gastusin namin sa mga araw na hindi ako makakapagtrabaho ay inako niya. 

"Sir, ipinapabigay po ni nanay. Maraming salamat po talaga."

Ipinagluto ni nanay ng adobong pusit si Sir Arman bago siya pumunta sa ospital. 

Ngumiti siya at malugod na kinuha ang paper bag na naglalaman ng tupperware kung nasaan ang pagkain. 

"Hindi na dapat kayo nag-abala pa."

Sa ilang linggo ko siyang nakilala ay masasabi kong napakabait niya. Nasabi niya rin sa amin na marami talaga siyang tinutulungan na tao kaya huwag dapat kaming mahiya sa tulong na ibinibigay niya.

"Naku Sir, kulang na kulang pa nga po iyan sa dami ng itinulong ninyo sa amin. Tingnan n'yo nga po pati itong bahay ay mula rin sainyo."

Nang makita niya ang sitwasyon namin sa squatter's area ay hindi na siya nagdalawang-isip pa'ng bigyan kami ng mas maayos na tahanan. Tinanggap ko na dahil mas malapit ito sa ospital. Kung may hindi magandang mangyari kay nanay ay mabilis ko siyang maisusugod. Maliit lamang iyon katulad ng hiniling ko.

"Sapat na sa akin na hindi mo na ako tatawaging 'sir'. Bawi ka na kapag Arman na lang ang itinawag mo sa akin."

Nawala ang ngiti sa aking labi dahil sa kan'yang sinabi. Hindi ba't mukhang nakakawalang galang naman kung pangalan na lamang ang itatawag ko sa kan'ya?

Malaki ang agwat ng aming mga edad kaya nararapat lamang na magbigay galang pa din ako sa kan'ya.

Sa huli ay tinawag ko siya sa kan'yang pangalan katulad ng gusto niya.

Nang gumaling na ang aking paa ay nagsimula na akong manilbihan sa hacienda ni Arman. Nais niyang pag-aralin ako, tinanggap ko iyon kapalit nang pagtatrabaho ko sa hacienda.

Hindi ngayon ang panahon para tumanggi ako sa grasya. Alam kong masyado ko nang inaabuso ang kabaitan niya kaya nga naghahanap ako ng paraan upang makabawi sa mga tulong na ibinibigay niya kahit sa maliit na paraan.

"Sandra I have maids to do the chores. Samahan mo na lang ako sa opisina." 

Ang natatangi ko na lamang na problema ay hindi niya ako pinapayagan na gumawa ng mga gawain sa hacienda. Palagi niya akong isinasama sa maliit niyang opisina. Ayos lang sana kung mayroon akong ginagawa doon subalit wala. 

Labis na nga akong nangunguna sa lecture ng professor namin sa kolehiyo dahil wala akong ibang ginagawa sa kan'yang opisina kun'di ang mag-aral.

Ganoon lumipas ang mga araw ko. Lubos kong nakilala si Arman. Totoong mabait siya hindi lamang sa akin, maging sa mga empleyado niya.

"Ano 'to?" tanong ko nang inabutan niya ako ng isang paper bag pagkapasok ko sa magara niyang kotse.

Hatid at sundo niya ako sa bahay at paaralan. Si nanay naman ay ipinapasundo niya sa kan'yang driver kapag magpupunta ito sa ospital.

"Open it." Kaswal niyang sabi.

Binuksan ko ito at ganoon na lamang ang pagtataka ko nang makita ang isang box na naglalaman ng isang mamahaling cellphone.

Tiningnan ko siya. Malaki ang ngiti niya sa kan'yang labi tila natutuwa sa bagay na hawak ko.

"Para kanino ito?"

Mahina siyang tumawa kahit wala naman nakakatawa sa aking tanong. 

Kinurot niya ang aking ilong at sinabing, "I love your innocence. That's yours."

Nang mga nakaraang araw ay nagiging clingy na siya sa akin at kung ano-ano ng mga regalo ang ibinibigay niya. Hindi lamang basta-bastang mga regalo kun'di mga mamahaling bagay.

Katulad ngayon ay palagi ko itong tinatanggihan subalit bumubusangot siya o 'di kaya'y magagalit kaya wala akong pagpipilian kun'di ang tanggapin ito.

"Attorney, saan po ba tayo pupunta?" Kasama ko ngayon si Attorney Sheldon, ang kaibigan at abogado ni Arman. Sinundo niya ako sa eskwelahan at kanina pa siya tila alangan sa akin.

"Sandra, may gusto ka ba kay Arman?" Muntik na akong masamid sa sariling laway dahil sa kan'yang tanong. Kailanman ay hindi ko nakikita si Arman sa romantikong paraan. Bukod sa bata pa ako at wala iyon sa aking bokabularyo ay hindi ang kagaya niya ang tipo ko.

"Wala. Parang kuya na ang turing ko sa kan'ya katulad mo attorney. Bakit mo naitanong?"

Marahas siyang bumuntong hininga bago nag-park sa tapat ng isang kilalang restaurant.

"Nasa loob si Arman hinihintay ka." Pinasadahan kong muli nang tingin ang restaurant. Glass wall ang paligid nito kung kaya't kitang-kita ko si Arman sa gitna. Nakaupo siya sa pandalawahang lamesa. Gabi na kaya napakagandang tingnan ng ilaw mula sa loob. Walang ibang tao dito kun'di siya. Malakas ang kutob kong binayaran niya ang buong restaurant para sa gabing ito.

"Just be honest around him Sandra. Huwag ka sanang masilaw sa yaman," huling sabi sa akin ni Attorney Sheldon bago ako lumabas ng kotse.

Hindi ko alam pero bigla akong nakaramdam ng kaba habang papalapit ako sa lamesa kung nasaan si Arman.

Nakasuot siya ng three-piece suit at pormal na nakahagod ang buhok. Tumayo siya at inalalayan akong makaupo sa kan'yang harapan. Inabutan niya ako ng isang pulonpon ng bulaklak.

In-order niya ang halos lahat ng pagkain na gusto ko subalit wala akong ganang kumain. Kinakabahan ako sa paraan ng pagtrato niya sa akin ngayon. Madalas na siyang sweet pero hindi ko iyon binibigyan ng kahit anumang malisya.

Ang gabing ito ay naiiba. Sa mga sinabi sa akin ni Attorney Sheldon kanina ay tila nagkakaroon na ako ng ideya kung bakit ako inimbitahan ni Arman sa isang romantikong dinner ngayong gabi.

"Sandra, I know that we're eighteen years apart, pero naniniwala akong when it comes to love, age never matters at all."

Hinawakan niya ang aking kamay at dinala sa kan'yang mga labi bago masuyong hinagkan.

"I like you Cassandra." 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status