Share

Chapter 5

"Cassandra, ipinapasabi nga pala ni Sir Arman na mayroon nang ibang titira sa bahay na tinutuluyan n'yo ngayon. Kailangan n'yo na raw umalis." 

Dalawang linggo na simula nang umamin si Arman sa tunay niyang nararamdaman para sa akin. At simula nang gabing iyon ay nag-iba na ang kan'yang pagtrato.

Mabait at malaaga siya. Sa katunayan nga ay palaging hinihiling ng mga trabahador sa hacienda na makapangasawa na siya upang mayroon nang mag-aalaga sa kan'ya. 

Alam kong hindi ako iyon.

Katulad nang sinabi ko kay Attorney Sheldon, nakakatandang kapatid lamang ang turing ko kay Arman. Siya ang nagligtas sa akin sa hindi magandang kinabukasan na naghihintay sa akin sa club. Isang bagay na dapat ang aking ama ang gumagawa.

Napatigil ako sa pagpupunas ng mga desk sa munti nilang opisina dahil sa sinabi ng sekretarya ni Arman. Hindi na kami nagkakausap dahil hindi na rin niya ako sinusundo o hinahatid patungong hacienda.

Malaki ang pagbabago sa pagtrato sa akin ni Arman. Marahil ay nasaktan siya sa ginawa kong pagtanggi sa klase ng pagmamahal na mayroon siya para sa akin. Nauunawaan ko iyon pero sana'y bumalik na sa dati ang lahat.

Mahalaga siya sa akin at ayokong masira ang pagkakaibigan na mayroon kami.

"Bakit daw?" 

"Ang bahay kasing iyon ay kasama sa mga bahay at lupain na ibibenta ni sir." 

Alam ko naman na si Arman pa din ang may karapatan sa bahay na tinutuluyan namin ni nanay ngayon, subalit hindi ko maintindihan kung bakit bigla niya na lamang kaming papaalisin doon.

Wala kaming nagawa ni nanay kun'di ang mag-empake. Hindi ko alam kung saan kami pupunta. Ayoko nang bumalik sa squatter's area kung kaya't nahihiya man ay bumalik ako sa hacienda kinabukasan upang kausapin si Arman.

"Arman, wala pa kasi kaming mapupuntahan ni nanay, maaari ba'ng doon muna kami hanggang 'di pa ako nakakahanap ng malilipatan?" Tila ako nakikiusap sa hangin dahil abala siya sa pagbabasa ng mga papeles na nasa kan'yang lamesa.

Pakiramdam ko tuloy ay isang abala ang pagpupumilit ko sa kan'yang sekretarya na papasukin ako. Dati naman ay gusto niyang parati akong nakakasama subalit ngayon ay biglang nag-iba.

Marahil ay ito ang paraan niya upang mas madaling makalimutan ang pagtingin niya para sa akin. Kung makikita at makakasama niya ako katulad ng dati ay mahihirapan siyang kalimutan iyon.

Hindi ko alam na ganito kalalim ang kan'yang nararamdaman para sa akin. Sigurado akong maraming babaeng may pinag-aralan at kasing-edad niya ang nagkakagusto sa kan'ya ngunit hindi pa rin ako makapaniwalang ako ang nagustuhan niya.

"Makapagbabayad ka ba ng dalawampung-libong piso kada buwan na renta?" Saka niya lamang ako tinapunan ng tingin para itanong iyon.

Ngumiti ako sa pag-aakalang nagbibiro siya pero seryoso ang kan'yang mukha at para ba'ng wala na doon ang pag-iingat sa kan'yang mga titig sa akin tulad noon.

Pakiramdam ko'y isa niya akong kaaway ngayon.

Galit ba siya dahil hindi ko kayang suklian ang kan'yang pag-ibig?

Umiling ako. Isang daan nga ay hirap akong kitain ngayon dahil pareho kaming walang trabaho ni nanay, dalawampung-libo pa kaya?

"Hindi ko alam kung nasabi na sa'yo ng sekretarya ko pero hindi na rin matutuloy ang pagbabayad ko ng tuition mo sa kolehiyo." Wala akong makitang ibang ekspresyon sa kan'yang mukha maliban sa pagiging seryoso nito.

"Bakit po?" Alam kong wala akong karapatan na magtanong dahil desisyon niya kung papag-aralin pa ako o hindi.

Sino ba naman ako para suportahan niya? Kung ito ang kapalit ng pam-ba-basted ko sa kan'ya ay wala akong magagawa.

Sumandal siya sa kan'yang swivel chair at pinaikot ang ballpen sa pagitan ng kan'yang mga daliri habang pinagmamasdan ako.

"Nagbibigay lamang ako ng scholarship sa mga anak ng aming mga trabahador sa hacienda. Kung maipapasok mo ang nanay mo bilang taga-tanim at taga-ani ng mga cacao, maaari kitang bigyan ng scholarship." 

Gusto ko ulit isipin na nagbibiro siya pero hindi. Pakiramdam ko'y biglang naglaho ang Arman na nakilala ko.

Kasalanan ko ba'ng hindi ko siya gusto bilang nobyo. Bata pa ako para sa bagay na iyon at hindi ko kayang suklian ang klase ng pagmamahal na nais niya.

"Pero, may sakit pa si nanay. Ako na lang." 

Ayokong masayang ang pagkakataon na makapag-aral ako. Handa naman akong magtrabaho sa hacienda kung kaya't walang problema sa akin kung pagsasabayin ko ang dalawa makapagtapos lamang.

"I don't accept partime workers." 

Sa tono ng kan'yang pananalita alam kong wala nang magagawa pa ang pagpupumilit ko. 

Wala rin naman akong karapatan na kwestyunin ang kan'yang desisyon. Humihingi lamang ako ng pabor.

Hindi ko napigilan ang aking mga luha pero mabilis ko itong pinahiran. Kitang-kita ko ang pag-awang ng mga labi ni Arman dahil doon. 

Umiwas siya ng tingin at bumalik sa ginagawa.

"Lumabas ka na." 

Malamig ang kan'yang pakikitungo at naiintindihan ko kung bakit. Tanggap kong unti-unti niya nang aalisin ang bawat bagay na itinulong niya sa amin pero sana'y hindi ang pagpapagamot ni nanay.

"Naku Mrs. Vidal, wala na po kayong schedule ngayon kay Dra. Tenorio," ani sekretarya ng doktora ni nanay.

"Pero ngayon po ang schedule ni nanay ng check-up." 

Bumalik na kami sa squatter's area at doon ay muling nanghina ang pakiramdam ng aking ina, lalo pa nang malaman niyang hanggang ngayong sem na lamang ako sa kolehiyo.

"Wala na po kasi siya sa schedule. Hanggang nakaraang buwan na lamang po ang ibinayad para sa check-up at mga gamot. Akala ko nga po ay sa iba na kayo nagpapagamot." 

Tiningnan ako ni nanay, katulad ko ay nagtataka din siya. Nagtatanong ang kan'yang mga mata at ramdam ko ang lungkot mula doon.

Hindi ko sinabi sa kan'ya ang pag-amin ni Arman sa tunay nitong nararamdaman para sa akin. Hindi rin alam ni nanay na ito ang dahilan kung bakit kinailangan namin bumalik sa squatter at hindi na ako makakapagpatuloy sa kolehiyo. Higit sa lahat alam kong ito rin ang rason kung bakit itinigil niya na ang pagsuporta sa pagpapagamot ni nanay.

Hindi kami responsibilidad ni Arman ngunit siya ang narito na handa sanang tumulong kung hindi ko lamang ito sinira.

Mali siyang gawing basehan ang pagtanggi ko sa kagustuhan niya upang itigil ang pagtulong niya. Kahit man lamang sana sa pagpapagamot ni nanay ay binigyan niya kami ng konsiderasyon.

Subalit wala akong maggagawa. Mahirap ako at mayaman siya. Sa puntong ito higit siya kumpara sa akin. Siya ang nasa taas at kagustuhan niya ang masusunod.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status