Share

Chapter 3

Nagising ako sa isang malambot na kama. Puti ang kulay ng apat na sulok ng kwarto kung nasaan ako. Dumako ang aking mata sa kanang paa kong nakapatong sa isang mataas na tila duyan na nakasabit sa aking paanan. Nakabenda ito at hindi ko maramdaman. Tiningnan ko ang aking kaliwang kamay na mayroong kaunting galos at naka-swero.

Nasa ospital ako.

Bumukas ang pinto ng kwarto at iniluwa ang isang pamilyar na lalaki.

Ngumiti siya nang makitang gising na ako.

"How are you feeling?" tanong niya at lumapit pa sa tabi ng aking kama.

Saka ko lamang naaalala kung saan ko siya nakita. Siya ang lalaking tumulong sa akin kagabi. Ito rin ang dahilan kung bakit nawalan ako ng trabaho.

"Kailangan ko nang umalis." Tiningan ko ang orasan at nanlumo nang makitang alas-sais na ng umaga. 

Ganoon ba ako katagal natulog?

Wala na.

Wala na talaga akong trabaho.

"But you're injured. Ang sabi ng doktor ay dito ka muna dahil kailangan ka pa'ng obserbahan."

Mas lalo akong nanlumo sa kan'yang sinabi. 

Base sa sitwasyon ng aking paa ngayon ay hindi nga ako makakaalis at makakapagtrabaho sa mga susunod na araw o baka buwan pa.

"I'm sorry. I didn't notice you last night. Tumawid ka sa maling tawiran." 

Kung gano'n ay naaksidente nga ako at siya ang may kagagawan n'on. Subalit hindi ko siya masisisi dahil tama siya. Maling tawiran ang dinaanan ko.

Muli kong tiningnan ang kabuuan ng kwarto. Sigurado akong mahal ang bayad sa ospital na ito. Unti-unting nangilid ang luha sa aking mga mata.

Nakakapanghina.

Bakit ba kasi hindi na lang ako naging mayaman? Bakit ba ang hirap ng buhay namin?

Kung sana'y ipinanganak akong may marangyang buhay ay wala ako sa sitwasyon na ito.

Sana ay nag-aaral ako sa kolehiyo sa kursong gusto ko at kapag may libreng oras ay kasama ko ang aking mga kaibigan na gumala sa kahit saang lugar at kumain sa restaurant na gusto ko.

"Are you okay? May masakit ba sa'yo?" Nag-aalala niyang inobserbahan ang aking katawan.

Umiling ako. 

"Baka po pwede na akong lumabas. Wala po kasi akong pambayad dito." 

Saglit siyang natulala sa aking luhaang mga mata. Kumuha siya ng panyo sa bulsa ng kan'yang pantalon at iniabot sa akin.

Tinanggihan ko iyon dahil mukha itong mamahalin. Bumuntong hininga siya at walang pasabing pinahiran ang luha sa aking mga mata. Nabigla ako kung kaya't hinawakan ko ang panyong idinadampi niya sa aking pisngi.

"Ako na po."

Pinagmasdan niya akong gawin iyon hanggang sa tumahan ako.

"As I have said earlier, ako ang nakabangga sa'yo. Ibig sabihin ay ako ang sasagot sa gastos dito sa ospital hanggang sa paggaling mo."

Mabilis ko siyang pinasalamatan dahil doon. Hindi ko na tatanggihan iyon dahil mukha naman siyang mayaman.

"Nasaan ba ang mga magulang mo para masabihan na nandito ka. Sigurado akong nag-aalala na sila sa'yo."

Hindi naman mag-aalala si nanay dahil ang alam niya ay sa club ako dumiretso kanina upang magtrabaho bilang waitress. Pero kung aabutin pa ako ng ilang araw dito sa ospital ay sigurado akong mag-aalala siya.

Ibinigay ko sa lalaki ang numero ng kapitbahay namin upang matawagan si nanay. 

Matapos kong makausap si nanay ay saka lamang napanatag ang aking kalooban. Makakayanan naman siguro namin ang mga susunod na araw. Ang mahalaga ay hindi malala ang aksidenteng sinapit ko. 

Mabuti na lamang ay mukhang mabait ang lalaking ito, hindi niya ako tinakbuhan.

Iniabot niya sa akin ang pagkain na bitbit niya kanina pagpasok ng kwarto. Akmang susubuan niya sana ako pero pinigilan ko siya.

Masyado siyang maginoo at mabait sa akin, pero hindi ko pa alam ang kan'yang pangalan.

"Ano po pala ang pangalan n'yo?" Sumubo ako ng isang kutsarang kanin na may ulam. Saka ko lamang naramdaman ang gutom. Hindi rin pala ako kumain kagabi bago umalis ng bahay.

"My name is Arman Solis." Kinuha niya pa ang driver's license sa kan'yang wallet at ipinakita sa akin.

Tatlumpo't-apat na taong gulang na pala siya at base sa kan'yang status ay single pa ito, walang asawa.

Nagpakilala rin ako sa kan'ya. Matagal dumating si nanay kaya marami kaming napag-usapan. Kabilang na doon ang pagtatrabaho ko sa club. Nalaman niyang may cancer ang aking ina kung kaya't napilitan akong gawin iyon.

Sinabi niyang pinamamahalaan niya ang iniwang hacienda sa kan'ya ng kan'yang ama. Hindi ko alam kung maniniwala ako o hindi dahil ngayon ko pa lang naman siya nakilala. Ang bilin kasi sa akin ni Ate Daisy at nanay ay huwag raw ako maniwala kaagad sa mga sinasabi ng mga lalaki dahil karamihan sa kanila ay gumagamit lamang ng mga mapang-akit na salita upang makuha ang loob ng mga babaeng nais nila.

Hindi naman sa sinasabi kong may gusto sa akin si Sir Arman pero nakilala niya ako bilang entertainer sa club, hindi malabong gusto niya din akong makuha kaya niya ako tinutulungan.

Kung tutuusin ay maaari niya na akong iwanan ngayon dito lalo pa't dumating na ang aking ina subalit mas pinili niyang manatili.

Sa kabilang banda, baka assuming lang ako. Ang mga katulad niyang mayaman ay hindi basta-basta kukuha ng babae sa mga cheap na club kung saan ako nanggaling. 

Mariin akong pumikit sa mga ideyang pumapasok sa aking isipan. Maling pag-isipan ko nang masama ang isang tao na purong kabutihan ang ipinapakita sa akin. Sa itsura ni Sir Arman ay mukhang hindi siya gagawa ng masama.

Umalis rin siya nang sumapit ang hapon. Nakita ko pang inabutan niya ng pera si nanay na pambili raw namin ng pagkain. Tumanggi si nanay pero mabuti na lamang ay pinilit siya ni Sir Arman.

Kailangan namin ng pera kaya kahit anong iabot ng ibang tao sa amin ay wala kaming karapatan na tumanggi.

"Si nanay po?" bungad kong tanong kay Sir Arman nang siya ang una kong makita 'pag mulat ng aking mata kinabukasan.

"She's with Dra. Tenorio, an oncologist." 

Matagal ko siyang tinitigan. Tila nahulaan niyang hindi ko maintindihan ang kan'yang sinabi kung kaya't lumapit siya at naupo sa gilid ng aking kama.

"Sasailalim ang nanay mo sa mga test para malaman kung paano magagamot ang sakit niya."

Nanlaki ang aking mga mata sa sinabi niya. Matagal ko nang gustong patingnan ulit si nanay sa isang doktor ngunit wala akong pera para gawin iyon.

"Pero wala po kaming pera."

Ngumiti siya. "Sagot ko na. Wala ka nang aalalahanin pa sa pagpapagamot ng nanay mo."

Sa isang iglap ay gusto ko siyang yakapin. Para siyang anghel na hinulog ng kalangitan.

Sana nga lang ay walang ibang kapalit ang tulong niyang ito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status