Share

Chapter 7

"Anak, ano ba'ng kapalit ng mga ito?"

Tama nga sila, mabilis makaramdam ang isang ina kung mayroon man mali sa kanilang anak.

Nakatira na kami ni nanay sa mas malaki at maayos na tirahan. Wala na rin akong problema sa pag-aaral dahil bayad na ang tuition fee ko sa susunod na sem at ang tangi ko na lamang gagawin ay pumasok. Mayroon na ulit laman ang aking atm bilang panggastos namin sa pang-araw-araw.

Higit sa lahat, tuloy na tuloy na ulit ang gamutan ni nanay.

Lahat ng iyon ay dahil nobya na ako ni Arman. 

"Kapalit? Naku 'nay hindi ba pwede na matulungin lang talaga si Arman? Kapag po nakapagtapos na ako ay sa hacienda na ako magtatrabaho bilang pasasalamat natin sa kan'ya. Isa pa, hindi lang naman po tayo ang tinutulungan niya, marami pa po." 

Nilapitan ko si nanay at inakbayan. Natutuwa akong unti-unti nang bumabalik ang kan'yang lakas at sa tuwing nakikita ko siyang bumubuti ang kalagayan ay hindi na ako nagsisisi sa aking desisyon.

"Bakit ba Arman lang ang tawag mo sa kan'ya? Tawagin mo siyang sir o 'di kaya ay kuya."

Hindi ko pa sinasabi kay nanay na mayroon na kaming relasyon ni Arman. Alam kong iisipin niyang pinatulan ko ito para sa kan'yang pagpapagamot. Sigurado akong pipilitin niyang makipaghiwalay ako dito at itigil na ang pagsuporta sa amin, bagay na hindi ko gugustuhin.

"Gusto niya po kasi na parang magtropa lang ang turingan namin. Feeling young pa po kasi siya," pagbibiro ko.

Hindi ko na hinintay pa'ng sumagot si nanay. Nagkunwari akong mahuhuli na sa klase, kahit wala pa naman si Arman sa labas ng aming bahay, upang makaiwas sa usapan.

Hatid at sundo ulit ako ni Arman sa unibersidad na pinapasukan ko sa kursong Business Administration.

Tila hindi na rin mahalaga sa kan'ya na ipaalam sa aking ina ang aming relasyon, dahil nang sinabi kong itago muna namin ito kay nanay ay wala naman siyang naging pagtutol.

Higit siyang mabait, maalaga at sweet sa akin. Kahit pa naiilang ako ay wala akong magagawa kun'di tanggapin ito.

Sa tuwing wala akong pasok ay pinapapunta niya ako sa hacienda upang doon magpalipas ng oras. 

"Kapag namumula na ang kulay ng cacao ay maaari na itong pitasin." Kinuha ni Arman ang bunga ng cacao at inilagay sa sakong dala-dala ng isang trabahador.

Kung mayroon man isang bagay na natutuwa ako sa tuwing kasama ko siya, iyon ay marami akong natututunan at natutuklasan mula sa pagpapatakbo ng isang hacienda.

Ginaya ko siya sa kan'yang ginagawa. Hindi ko pinapansin ang tingin na ipinupukol sa akin ng kan'yang mga trabahador. Alam kong hinuhusgahan nila ako bilang manggagamit na babae.

Minsan ko na silang nahuling pinag-uusapan ako at ang relasyon ko kay Arman. Hindi naman kasi maikakailang mayroong namamagitan sa amin. Masyado kasi itong malambing sa akin kahit pa nasa opisina o pampublikong lugar kami.

Ayon sa kanila ay ginawa ko raw sugar daddy si Arman. Ibang-iba na kasi ang itsura ko ngayon kumpara sa unang punta ko dito. Magara at halatang mamahalin na ang pananamit ko ngayon. Panay din ang pagbili ni Arman ng mga gamit at lantaran na ibinibigay sa akin. Gustuhin ko man na tumanggi ay nagagalit siya.

Sabihin ko man sa kanila na hindi pera ang habol ko kay Arman, ay magsisinungaling lamang ako. Hindi ba't hindi naman ako pumayag na maging nobya niya dahil mahal ko siya? Sinagot ko siya dahil kailangan ko ang pera niya.

Tama sila, sugar baby ako ni Arman.

"Ano ba'ng gagawin natin dito?" tanong ko sa kan'ya nang hinila niya ako sa tagong parte ng hacienda. Magtatakip-silim na at pauwi na ang ilan sa mga trabahador kung kaya't kaunti na lamang ang tao doon.

"Kanina ko pa gustong gawin ito," aniya bago mapusok na hinalikan ang aking mga labi.

Mariin kong itinikom ang aking bibig nang maramdaman kong pilit niyang binubuksan ito.

Hindi pa ako nahalikan ng kahit sinuman kung kaya't bago ito para sa akin. Ito ang aking unang halik at hindi ko gustong sa kan'ya ito napunta.

Pilit ko siyang itinutulak palayo sa akin subalit para siyang uhaw na uhaw na mahalikan ako. Mas lalo niya pa'ng idiniin ang pagkakasandal ko sa puno ng cacao.

Naramdaman kong namamasa na ang aking mga pisngi, alam kong hindi iyon mula kay Arman bagkus ay sa akin. Lumuluha ako.

Hindi ko na napigilan pa ang paghikbi. Unti-unti kong naramdaman ang pagtigil niya sa kan'yang ginagawa. Lumayo siya sa akin at bakas sa mukha niya ang pagtataka sa aking biglaang pag-iyak. Tila ba hindi niya nararamdaman kanina ang mariin kong pagtutol.

Akala ko'y magagalit siya at bubulyawan ako pero hindi iyon ang nangyari.

"I'm sorry. Shhh I'm sorry hindi ko sinasadya." Maingat niya akong kinabig pahilig sa kan'yang dibdib.Tila siya biglang natakot sa aking luhaang mga mata.

Hinayaan ko siyang yakapin ako at haplusin ang aking buhok bilang pagpapagaan ng aking pakiramdam. Subalit hindi iyon nakatulong.

Alam kong darating ang araw na hihingi siya ng halik o mas higit pa doon mula sa akin at bilang nobya niya ay nararapat lamang na ibigay ko iyon, pero hindi pa ako handa ngayon. 

Sa tingin ko ay hindi ako magiging handa kailanman, dahil hindi siya ang taong nais kong pagbigyan ng aking sarili. Hindi siya iyon.

Simula nang pangyayaring iyon ay hindi na ako pinilit pa na halikan ni Arman. Taliwas sa naiisip ko noon na katawan ko lamang kan'yang nais ay nakontento na siya sa holding hands at mga yakap. Kung hahalikan niya man ako ay dampi lamang iyon. 

"I bought you food." Inginuso niya sa akin ang paper bag, na mayroong tatak ng isang restaurant, sa aming gitna sa loob ng sasakyan.

Wala siyang palya sa paghatid at sundo sa akin. Iniisip nga ng mga kaklase ko na kuya ko siya at hinayaan ko na lang na iyon ang paniwalaan nila.

Binuksan ko iyon at natakam ng makita ang paborito kong burger sa loob.

Kung tutuusin ay magaling mag-alaga ng babae si Arman. Sa mga ginagawa niyang ito para sa akin ay hindi imposibleng makatagpo siya ng babaeng kayang suklian ang pagmamahal na kaya niyang ibigay. Nakakalungkot lamang na kahit anong pagkondisyon na gawin ko sa aking sarili ay hindi ko siya magawang ibigin.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status