Share

Chapter 6

Kapag mahirap ka, wala ng halaga ang salitang 'pride'. 

Nakapagsayaw na ako sa club suot ang seksing damit. Marami na ang nakakita ng aking balat malapit sa maselan na bahagi ng katawan at nahaplos na din ako ng ilang kalalakihan. Para saan pa ang hiyang nararamdaman ko ngayong kaharap ko si Arman.

Ganoon naman talaga kapag walang-wala ka na, hindi ba? Mapipilitan kang kapalan ang iyong mukha para makakuha ng tulong mula sa iba.

"Angie! Hindi ba't sabi ko 'wag kang magpapapasok ng kahit sino?" Napangiwi ang sekretarya ni Arman dahil sa pagsita nito.

Mariin akong hinawakan ni Angie upang palabasin sa opisina, subalit katulad kanina ay nagmatigas ako.

Kailangan ko siyang pakiusapan na ipagpatuloy ang pagpapagamot kay nanay, kahit iyon man lang.

"Arman, ang sabi ng doktor ay itinigil na raw ang pagpapagamot ng nanay, bakit? 'Di ba nangako ka na sasagutin mo ang gastusin sa gamot ng aking ina?" Alam kong iniisip ni Angie na napakawalang-hiya ko naman upang isumbat iyon sa kan'yang amo, pero katulad ng sabi ko, wala akong mapagpipilian.

Pinalabas ni Arman si Angie bago ako hinarap. Nakasandal ang kan'yang likod sa lamesa at ang braso ay nakakrus sa ibabaw ng dibdib nito.

Malamig ang kan'yang mga tingin sa akin katulad ng huli naming pagkikita. Tila ba isang malaking kasalanan ang ginawa ko sa kan'ya.

"Obligasyon ko ba na ipagamot ang nanay mo?" 

Hindi. Pero kung hindi siya ang tutulong sa akin ay walang sinuman ang may kakayanan na tulungan kami bagkus ay siya.

"Alam kong wala kang obligasyon sa akin o kahit kay nanay, pero nandito ako para magmakaawa sa'yo. Handa akong magtrabaho dito sa hacienda kapalit ng buong gastusin sa gamot ni nanay. Kaya kong maging katulong, kaya kong matutunan ang magtanim sa hacienda. Lahat ng ipapagawa mo ay gagawin ko." 

Alam kong napakababa ng ginagawa kong pagmamakaawa ngayon, ngunit sa katulad kong walang kapangyarihan ng pera ay ito na lamang ang tanging paraan upang maipagamot ang ina.

"Be my girlfriend. Love me as much as I love you. Kaya mo ba?" 

Sa lahat ng naiisip kong ipapagawa niya ay hindi ko inaasahang iyon ang lalabas mula sa kan'yang bibig.

Matamis ang salitang 'love' para sa akin, subalit nang binanggit ito ni Arman ay tila ba nawalan ito ng tamis sa aking pandinig.

Mahal niya ako? Kung oo ay bakit niya ako natitiis na makitang magmakaawa ng ganito sa kan'ya? 

Hindi ba't ang pagmamahal ay walang hinihintay na kahit anumang kapalit?

Iba ba ang pag-ibig na napapanood ko sa telebisyon kumpara sa tunay na buhay?

O baka ganito magmahal ang isang katulad ni Arman. 

Pagmamahal na mayroong kapalit.

Pagmamahal na ipinipilit.

Dahil kung oo ang sagot ay mas lalo ko itong hindi kayang tanggapin.

"Hindi mo kaya? Pwes magtiis ka sa hirap! Tandaan mo ito Cassandra, hindi ang isang katulad ko ang maghahabol sa'yo. Makikita mo, isang araw babalik ka dito at magmamakaawang mahalin ko."

Iyon ang huli naming pag-uusap ni Arman makalipas ang isang buwan.

"Happy Birthday anak!" pambungad na bati sa akin ni nanay, pagmulat ng aking mga mata.

Sa totoo lang ay kanina pa ako gising subalit hindi ko magawang idilat ang aking mga mata. Nasasaktan akong makita ang pagbabago sa itsura ni nanay.

Mas mabilis siyang nagmukhang may sakit ngayon. Hindi na siya nakakapunta pa sa ospital at naghihirap sa paglalabada upang may maipangtustos sa aming pang-araw-araw na pangangailangan.

Ngayong buwan na rin ang huling sem ko sa kolehiyo. Nakakalungkot dahil nagsisimula pa nga lang ako ay titigil na. Kahapon ay nawalan pa ako ng trabaho sa isang karinderia dahil nalaman nitong peke ang edad na sinabi ko.

"Salamat po 'nay." Kung maaari ko lang pabilisin ang takbo ng oras upang tumuntong na ako sa legal na edad at makapagtrabaho na ay gagawin ko.

Tulala kong iniwan si nanay sa aming munting barong-barong. Nahihilo raw siya kung kaya't hindi ko na siya pinayagan pang maghanap ng magpapalaba.

Hawak ang wala nang laman na botelya ng gamot ni nanay ay nagtungo ako sa botika. 

"Kahit isang tableta lang po." Kung mayroon lamang salamin sa aking harapan ay baka pati ako ay naawa na sa aking itsura ngayon.

Alam kong bakas na sa aking mukha ang pagkabalisa. Nawawalan na ako ng pag-asa. Sa araw ng aking kapanganakan ay narito ako nagmamakaawa para bigyan ng isang tabletang gamot.

Nasasaktan akong makita si nanay na nagtitiis sa sakit. Kung bakit ba kasi sa dami ng mayaman sa mundong ito ay kami pa'ng mahirap ang binigyan ng ganitong klaseng pagsubok?

"Kailangan nga ng bagong reseta nito 'neng. Baka naman mamaya ay sa iba mo ito gagamitin."

Bigo akong umalis sa tapat ng ikalimang botika na nilapitan ko. Pare-pareho silang humihingi ng bagong reseta. Wala kaming pambayad sa doktor para doon.

Makasarili ba ako? 

Isang mayamang lalaki na ang nag-aalok sa akin ng pag-ibig kapalit ng pagpapagamot ni nanay pero tinanggihan ko. Mabuti sana kung ako lamang ang nahihirapan ngayon ngunit hindi. Higit na nahihirapan ang aking ina sa ginawa kong desisyon.

"Sandra! Mabuti naman bumalik ka na. Isinugod namin ang iyong ina sa ospital, naabutan namin siyang walang malay kanina."

Tila ako binuhusan ng malamig na tubig sa balitang sumalubong sa akin. Subalit imbes na sa ospital dumiretso ay sa hacienda ako nagtungo.

Naabutan ko ang lalaking aking pakay sa isang kubo sa taniman ng mga cacao. Pinagmamasdan niya ang malawak na taniman at sa wari ko'y kahit nakatalikod siya sa akin ay nararamdaman niya ang presensya ko.

Matikas ang kan'yang pagkakatayo at isang tingin pa lang alam mo nang siya ang nagmamay-ari ng buong lupain. 

Ang sabi nila 'pag wala na sa kalendaryo ang edad ng isang lalaki ay siguradong magseseryoso na ito sa babae, subalit wala yata ito sa isipan ni Arman. Para humingi siya ng isang romantikong relasyon sa isang menor de edad na kagaya ko, alam kong naglalaro lamang siya.

Bata pa ako, pero mulat na ang aking isipan sa nais mangyari ni Arman. 

Hindi niya ako totoong mahal. Siguro'y katulad lamang siya ng mga lalaki sa club, katawan ko ang gusto niya. At nais niya itong makuha sa tamang paraan kung kaya't kailangan niyang magkaroon ng relasyon sa akin.

Marahil ay ito ang tunay na Arman.

At gustuhin ko man na panindigan ang pagkadisgusto ko sa kan'ya ay hindi ko magagawa.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status