Share

Kabanata 2

Kabanata 2: Pighati sa gitna ng kawalan

[Ga-eul's P.O.V]

Aking ipinahid ang dugong nangaling mula sa pumutok kong labi. Gawa ito nang hambog na pulubi at mga tinamo kong pasa dulot ng ginawang pangbubugbog ng kapwa ko mga sugarol.

Ilang minuto na ang nakararaan ng aking lisanin ang lugar. Halos ipagtabuyan ako ng may-ari ng sugalan sa kadahilanan na ako raw ay lapitin ng gulo at sa tuwing napaparoon ako ay marami ang napeperwisyo. Nakakapinsala na raw ako.

"Hay," pagbuntong-hinga ko habang mariing ipinikit ang aking mga mata.

Hindi ko maiwasang paglaruan ang dalawang ‘yang’ na aking hawak. Ito ang dalawang baryang inihagis sa akin ng pulubi kanina, malaking halaga na ito para makakain kami ng aking kapatid sa dalawang araw.

"Ga-eul, nasaan ang iyong kahalangdon (dignidad)?" matiim kong pagdaramdam.

Maaaring mali nga ang aking ginawa kanina dahil kung hindi ako pinigilan ng taong ‘yon—wala akong magiging pakialam kung ang matandang hukluban na iyon ay malulong sa sugal. Kilalá ang matandang iyon na isang lasenggero at bastos na matanda sa mga bahay-aliwan. Kulang pa sa kaniya ang matanggalan ng kayamanan. Ngunit bakit kailangan na ako pa ang makatanggap ng kaparusahan na nararapat sa kaniya? Ginawa ko lamang ang alam kong makatutulong sa amin ng kapatid ko at sa mga gisaeng ng bahay-aliwan na kaniyang pinupuntahan.

"Kapatid ko! Kanina ka pa ba nariyan? Halika na’t pumasok sa loob, lumalamig na ang hangin dahil palubog na ang araw. Ako ay nagkapagpabaga na ng uling para sa ating lulutuin," nakangiting sabi ng aking kapatid na babae habang ako ay sinasalubong sa harap ng aming maliit na tahanan.

Nang tuluyan akong maaninagan ay napahawak na lamang siya sa kaniyang bibig.

"Ano ang nangyari sa iyo’t napakarami mong pasa sa katawan? Nakipag away ka ba sa iyong trabaho? Kayo ba ay nahuli ng mga kawal ng palasyo?" sunod-sunod niyang tanong na puno ng pag-aalala habang iginigiya ako papasok sa aming munting tahanan.

Pagkapasok sa loob ay agad niya akong pinaupo sa papag upang gamutin ang mga natamo kong sugat.

"Sayang ang damit na ating hiniram sa matandang taga-bayan, nagkapunit-punit na. Paano natin ‘yan mababayaran? Ano ba talaga ang nangyari?" muling tanong niya habang nilalapatan ng gamot ang aking mga sugat.

"Aww—masakit," pagdaing ko.

Lalayo na sana ako nang kabigin niya ako palapit sa kaniya’t muling nagsalita, "Sabi ko naman kasi sa iyo kuya, huwag ka ng sumama sa mga sugarol sa tuwing aayain ka nila. Basta alukin ka lang kasi na sagot na nila ang iyong taya ay umaarangkada ka na rin. Hindi lamang ito ang unang beses na umuwi kang ganiyan. Ako’y nag-aalala na. Baka sa susunod n’yan makatagpo ka ng katapat na may dalang patalim o armas na ikapapahamak mo. Sa susunod, mag iingat ka."

Tinitigan ko siya ng mabuti. Ang kapatid kong ito, kamukhang kamukha ng ina at kasing bait rin ng ina...

"Choon-Hee, patawad at hindi ako makahanap ng isang marangal na hanapbuhay simula nang mamatay sina ina..." nakayuko kong sabi habang hawak ko ang balikat ng aking kapatid.

Itinaas niya ang aking mukha at binigyan ako ng isang magandang ngiti. "Kuya, ipangako mo na hindi ka muna mawawala sa tabi ko hanggat hindi mo pa nakakadaupang palad ang Prinsipe ng Hanyang. Usap-usapan na ang kakisigan nito ay makalaglag panga at hindi mo maililihim sa akin na ikaw ay may pusong babae," malambing niyang sabi at panandaliang inihinto ang paglalagay sa akin ng gamot.

"Paano ko naman makakadaupang-palad ang Prinsipe? Napaka imposible niyon, Choon-Hee. Kahit na siya ang pumalit sa trono hindi ko pa rin siya makikita." Hindi ko mapigilang tumawa habang sinasabi iyon.

"Kuya, ang sakit ng kamay ko. Mamaya ko na itutuloy ang paglalagay ng gamot sa iyo," sabi nito at pumunta sa lutuan.

Pinanood ko siya habang hinahalo ang kaniyang niluluto.

"Kuya, gusto ko rin makadaupang-palad ang pinsan ng Prinsipe. Ang anak ng Paanyoon ng Hanyang (Mayor of Seoul). Kapag nakadaupang-palad ko na ang ginoong iyon—maaari na akong bawian ng buhay," sabi nito na may mga ngiti sa labi na animo'y nangangarap ng gising.

Napawi ang ngiti nito sa labi at napangiwi bago pa man matikman ang pinakukuluang sabaw. Nabitawan nito ang pansalok dahilan upang matapon ang mainit na sabaw, tumingin ito sa akin na may mga matang malamlam na tila papapikit na.

"K-kuya—" usal niya. Bago pa man mahulog ang katawan nito sa sahig ay nasalo ko na si Choon-Hee.

"Choon-Hee. Choon-Hee! CHOON-HEE!" Unti unting lumalakas ang tapik ko sa magkabilang pisngi nito ngunit para itong walang malay tao. Nanlalamig ang buong katawan niya at tila nanlalata.

"KAPATID KO! Gumising ka!" Mangiyak-ngiyak kong sambit bago ko siya buhatin at ilabas ng bahay.

Mahigpit ko siyang niyayakap habang kinakarga. Hindi na ako nag-atubili na magdala ng kahit ano. Gusto ko lamang makahingi ng tulong.

Marami akong nadaanang bahay-tuluyan ngunit hindi nila ako pinagbubuksan.

Kasabay ng pag-ulan ng nyebe ang pagragasa ng luha sa aking pisngi.

Kapatid ko... huwag mong iiwan ang Kuya. Hindi ko na makakaya pang mawalan ng isang pamilya. Ikaw na lamang ang mayroon ako.

Habang mahigpit na yakap-yakap ang aking kapatid, tinakbo ko ang daan papunta sa pinakamalapit na bahay-aliwan. Kinalampag ko ang kanilang pintuan kahit na sila ay hindi pa nagbubukas.

"Sino ba ang nambubulabog ng ganitong oras?" sigaw ng may-ari ngunit tila nawala ang pagkagalit nito ng makita akong lumuluha habang karga ang walang-malay kong kapatid.

"Lady Cho!" Malakas kong iyak habang nakaluhod matapos niyang kuhanin sa akin ang nanlalatang katawan ni Choon-Hee.

"Ano ang nangyari? Siya ay humihinga pa ngunit mahina at wala siyang malay-tao," sabi nito habang pinapakiramdaman ang pulso at hininga ni Choon-Hee.

Umiling ako at pumalahaw ng iyak. "Hindi ko alam ang dahilan, Lady Cho!"

Hindi ko na mapigilan ang ragasa ng aking luha kahit pahid na ako ng pahid rito.

"Sa paanong paraan kita matutulungan, Ga-eul?" maharang tanong nito habang mahigpit na hinahawakan ang dalawang kamay ng aking kapatid.

"Handa kong ialay sa iyo at sa bahay aliwan na ito ang aking pagkatao... mabuhay lamang ang aking kapatid," umiiyak kong sambit.

Tumango ng isang beses si Lady Cho, siya ang ginang na may-ari ng bahay-aliwan na ito.

Kinuha niya ang kanyang balabal na gawa sa Seda. Binuhat niya si Choon-Hee at tinanguan ako upang kami na ay magpatuloy sa pagpunta sa pagamutan.

Malayo-layo rin ang aming nilakad at alam kong lamig na lamig na ang aking kapatid. Hindi siya sanay sa malamig na panahon. Nagkakasipon siya sa tuwing umuulan ng nyebe.

Sinalubong ng isang mangagamot si Lady Cho at may binulong.

Pinainitan muna saglit ang aking kapatid ng mabawasan ang panlalamig ng kanyang katawan. Matapos ang ilang minuto nag simulang tignan ng manggagamot ang aking kapatid...

"Ano ang problem sa kanyang pangangatawan, Doktor?" may kuryosidad na tanong ni Lady Cho.

Tinignan ako ng doktor at bumuntong hininga.

Nag umpisa na namang mamasa ang aking mga mata, palatandaan na ang aking mga luha ay nagbabadya na namang bumagsak.

"Bakit sa ngayong oras mo lamang dinala ang iyong kapatid sa isang pagamutan?" malungkot na sabi ng doktor.

"Bakit po? Ano ang nangyayari sa kanya? May malala ba siyang karamdaman?" Nagsimula na namang tumulo ang luha ko habang nagsasalita.

"Kung hindi maagapan at hindi niyo naidala ang dalaga... maaari siyang maputulan ng kamay o hindi kaya ay kanyang ikamatay," seryosong sabi ng doktor.

"Ang dalaga ay may tumor at umabot na ito sa kanyang buto na naging dahilan ng kanyang malubhang karamdaman. Maaari niyang ikamatay ito dahil ang kanyang mga buto ay unti-unting rumurupok dahil sa tumor na nagsimula sa kanyang kamay," paliwanag ng doktor habang tininuro ang payat na kamay ng aking kapatid.

"Hindi kita ng normal na mata ng tao ang ganitong klaseng tumor ngunit ang ganitong klaseng tumor ay madalas na nararamdaman ng may sakit. Makirot ito lalo sa tuwing may malamig na panahon," dagdag pa nito.

Naisip ko na kaya ba palagiang sumasakit ang kamay at katawan ni Choon-Hee sa tuwing taglamig? Maari bang ito ang dahilan?

"Magiging matagal ang gamutan ng ganitong klaseng karamdaman. Sa itsura ng inyong kasuotan ay tila hindi kayo tulad ng mga maharlika na kayang bayaran ang bayad sa mahabang gamutan." Nakatingin ito sa akin habang sinasabi.

Lumuhod ako sa sahig at yumukod sa kanyang harapan habang nagsusumamo. "Parang awa na ninyo doktor. Gamutin niyo ang karamdaman ng aking kapatid. Siya na lamang ang natitirang pamilyamg mayroon ako. Gagawin ko ang lahat para sa kanya. Heto paunang bayad. Iyan lamang ang salaping mayroon ako. Dalawang yang. Alam kong kakarampot ang halagang iyan ngunit sana ay inyo pong tanggapin." Hindi pa rin ako nag tataas ng aking ulo habang nagsasalita.

Narinig ko ang buntong hininga niya. "Buwanan ang kanyang gamutan. Tatagal ito ng Limang taon. Isang daang yang ang halaga ng gamutan niya kada buwan. Ang gamot para sa karamdaman na ito ay hindi madaling kuhain. Iniaangkat pa ito papunta rito. Ngunit para sa unang buwan sapat na ang bayad mong dalawang yang. Nag kakaintindihan tayo?" Klarong sabi ng doktor at saka ako nito hinawakan sa dalawang balikat upang patayuin.

"Maraming salamat po, doktor." Hagulgol kong yakap sa aking kapatid na hangang ngayon ay wala pa ring malay-tao.

Umalis na ang doktor at idinala si Choon-Hee papasok sa isang silid. Doon ata inilalagak ang mga pangmatagalan na pasyente.

"Ang Isang Daang yang kada buwan ay isang malaking salapi... saan mo kukuhain ang gano’n kalaking pera sa loob ng limang taon?" tanong ni Lady Cho habang nakaupo ng maayos sa isang mababang unan na inuupuan ng mga bisita ng pagamutan.

"Gaano kalaki ang salaping nakukuha sa pagiging isang gisaeng?" Seryosong tanong ko habang nakatingin sa labas ng pagamutan.

"Limang yang kada araw," tipid na sabi ni Lady Cho at tumingin sa bagay na aking kinusulyapan.

"Isang daang yang sa dalawampung araw na pag tatrabaho bilang gisaeng, maaari ba akong maging isang gisaeng sa iyong bahay aliwan, Lady Cho?" nakatulala kong sambit sa hangin.

"Ano ang iyong tinuran?" gulat na gulat na sabi ni Lady Cho.

"Maaari ba akong maging isang gisaeng?" pag-uulit ko ng tanong.

"Nahihibang ka na," panunuya niyang sambit.

"Kanina't bago natin dalhin sa pagamutang ito ang aking kapatid... tinanong mo ako kung ano ang maitutulong mo." Nilingon ko siya at tinitigan ng matagal. "Sinagot kita ng handa kong ialay sa iyo at sa bahay aliwan ang aking pagkatao..." dagdag ko sa aking sinasabi habang may seryosong tono.

Sumama ang itsura nang magandang mukha niya. "Nahihibang ka na ba?! Hindi maaaring maging gisaeng ang isang lalaki!" bulyaw niya sa akin.

"Hindi kita ipapahiya at hindi kita bibigyan ng sakit ng ulo. Walang makakaalam na ako ay isang lalaki," sabi ko habang hawak ang kamay ni Lady Cho.

Marahas niyang tinanggal ang pagkakahawak ko sa dalawang kamay niya.

"Sa isang kondisyon. Dapat mong ibigay sa akin lahat ng ibinibigay sa iyong pasobrang bayad ng mga mayayaman mong makakasama," sabi niya at matiim akong tinitigan.

Tumango ako at ngumiti pagkaraan ay tumulo na naman ang luhang hindi ko alam kung may katapusan pa ba.

➪➪➪➪➪☝︎︎☝︎︎ʀᴇᴀᴅ|ᴇɴᴊᴏʏ|ғʟʟᴏᴡ|ʟɪ☝︎︎☝︎︎➪➪➪➪➪

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status