Share

Kabanata 1

Kabanata 1: Sugal ng Buhay

[Shin Jee Hong's P.O.V.]

"If you look into your heart, and you find nothing wrong there. What is there to worry? What is there to fear?"

Marahan kong isinusulat sa isang pirasong papel na nagmula sa aking tukador, ang paborito kong kasabihan galing kay Confucius. Aking itinaas ang naturang papel habang nagniningning ang aking mga mata, ngunit ilang segundo lamang ay napawi ang aking mga ngiti nang maalala kong ako ay may limitasyon sa pagsunod ng nilalaman ng aking damdamin.

"Kung makakaya ko lamang na suwayin ang kagustuhan ni ama... matagal ko na sanang sinunod ang ninanais ng aking puso. Wala akong nakikitang masama sa kagustuhan kong umibig..." bulong kong sambit sa kawalan habang hinihipan ang papel na aking pinagsulatan.

"Isa lamang ang hiling ng aking puso... ito ay ang makalaya sa pamilyang hindi makakayang tanggapin na, ang kanilang tagapagmana ay nagkakagusto lamang sa kapwa nito lalaki. Hindi ko sila kayang bigyan ng apo, ayon sa kagustuhan nila," malungkot kong sambit habang nililigpit ang mga kagamitan ko sa pagsulat ng literatura.

Matapos kong salansanin ang aking mga kagamitan sa isang lugar, ako ay tumayo sa aking pagkakaupo. Nais kong magliwaliw sa labas ng aming tahanan. Gusto kong lumanghap ng sariwang hangin at madama ang kapayapaang aking nais.

Inanyayahan ko ang aking taga silbi na samahan ako sa aking pagliliwaliw sa bayan. Hindi masaya ang paglalakbay sa kabayanan kung wala kang kasamang taga-agapay, sila ang magsisilbing gabay mo o hindi kaya ay taga-pagturo sa kung ano ang mga bagay na nasa kabayanan. Madalas ang mga kagaya kong yangban ay nakasentro lamang ang buhay at panahon sa pag-aaral at hindi sa pagtuklas ng mga bagay sa labas ng palasyo.

"Ginoong Jee Hong, ikaw ba ay nakasisigurong ang nais mong puntahan natin ay ang pasugalan?" kinakabahang tanong ng aking tagasilbi.

Akin siyang nginitian at sinabing, "Wala kang dapat na ikatakot dahil hindi nila malalaman na ako ay isang yangban. Mariin mong pinagbabawal sa akin na sabihin ko ang aking pagkakakilanlan dahil ayon sa iyo, delikado ang ganitong mga lugar sa Hanyang."

Napabuga ng malakas na hangin ang aking taga pagsilbi at saka ako tinignan mula ulo hanggang paa. Ngumiwi siya habang ako ay tinitigan ng mabuti.

"Marahil ang iyong suot ay hindi nababagay sa lugar na ating pupuntahan. Ang kasuotang iyong napili ginoo, ay mas mukha pang mas mahirap kumpara sa mga taong sugarol o manlalaro sa lugar. Takot man ako, ngunit mukhang agaw pansin ang iyong kasuotan kung magkataon," nakayukong sabi nito sa akin at itinuro ang aking kasuotan.

Humanap ako ng puwesto na may ibenebentang salamin sa bawat tolda na aming nadadaanan rito sa pamilihan. Nang makakita ay agad akong humarap rito at tinitigan ang sariling repleksyon—gusot na damit na may bahid ng grasa at magulo ang aking buhok. Bubuka pa lamang ang aking bibig upang tanungin siya kung bakit ganito ang aking ayos nang may isang baldeng tubig ang biglang bumuhos sa akin.

"Dumasig-dasig ka palayo sa aking tindahan! Maaari ninyong dungisan ang aking mga paninda! Doon ka pulubi. Doon!" bulyaw ng lalaki na may puting buhok at balbas habang tinutulak kami palayo.

Sa halip na umalis ay sinamaan ko siya ng tingin.

"Ang matandang ito! Ano ang kaniyang sinabi? Na ako ay isang pulubi? Ha!" halos hindi ko makapaniwalang bulong sa aking taga-silbi.

"Ginoo, huwag mo ng bigyang pansin ang ginawa niyang... kalapastanganan." sabi ng aking taga pagsilbi habang hinihila ang mangas ng aking kasuotan. "Hindi mo siya maaaring sisihin dahil ang kasuotang suot mo ay mukhang pangpulubi..." mangiyakngiyak na dugtong niya at nagmamakaawang lisanin na namin...

Tinapunan ko ng masamang tingin ang matanda nang linasin namin ang lugar.

"Ginoo, narito na tayo sa bahay-sugalan. Alam ko ito ang unang beses na makarating tayo sa ganitong uri ng lugar," sabi niya na may ningning sa mga mata.

"Areum... Hindi ba't masyado naman yata nilang winawaldas ang kanilang mga salapi at sinusunog ang kanilang baga dahil sa paninigarilyo at pag-inom ng alak?" pagbibigay komento ko habang iniikot ang aking paningin sa loob ng pasugalan. Kung saan nakikita ang mga taong nagsusunog ng baga habang may hinahawakang baraha.

Pagpasok pa lang namin ay namayani na ang pinaghalong amoy na nanggagaling sa alak, usok ng sigarilyo at pawis... Kung gaano kapayapa ang labas ng pasugalan, ganoon naman kaingay at magulo ang loob nito. May mga nag-aaway dahil sa pusta, may mga natutuwa naman dahil sa kanilang pagkapanalo at mayroon ding sinusundo na ng kani-kanilang mga asawa.

"Karaniwan na lamang po iyan sa loob ng isang pasugalan. Madalas pa nga rito ay mga nakukulong o pinupugutan ng ulo, kung sakaling mahuli at maibalita sa palasyo ang kaguluhang naganap," walang pag aalinlangan na pagkukwento ni Areum habang tumitingkayad habang  naghahanap ng magandang puwesto.

"Ginoo, halika at sumama ka sa akin papunta sa gawing iyon. Hindi gaanong matao at hindi gaanong malalaki ang katawan ng mga manlalaro. Maiiwasan natin ang gulo," dagdag niya na may ngiti sa labi habang itinuturo ang pinakadulong kaliwang bahagi ng lugar.

Sa bahagi ng pasugalan na iyon ay tahimik ang mga tao at may mga hawak silang maninipis na patpat.

Lumakad kami papalapit ni Areum sa kinaroroonan ng mga manlalaro.

"Ang tawag sa kanilang nilalaro ay Tujeon. Isang klase ng larong baraha. Mga pinakapal na papel ang kanilang mga hawak. May iba't ibang disenyo ang nakaukit sa mga papel. Sa larong iyon, kung sino ang may hawak ng barahang heneral ang siyang panalo," paliwanag niya habang nanunuod sa mga naglalaro.

"Inakala ko na ang kanilang mga tangay tangay ay maninipis na patpat," kumento ko habang sinusuri ang mga pamamaraan na ginagawa ng mga manlalaro sa larong iyon.

"Madalas ang larong iyan ay nilalaro ng mga jungin (white-collar workers in Joseon) at sangmin (middle class and working class in Joseon), ngunit sa mga tagong lugar lamang. Kaya pangkaraniwan na lamang ang mawalan ng lupa't ari-arian ang mga taong naglalaro ng Tujeon. Mas importante sa kanila ang manalo kumpara sa mga salapi at sa mga ari-ariang kanilang itinataya." Ang aking atensyon ay napunta kay Areum matapos niya itong ihayag.

"Lubha palang nakalululong ang Tujeon sa mga pang karaniwang tao dito sa Hanyang," hindi makapaniwala kong sambit. Mayroon pa sana akong nais na itanong sa aking taga pagsilbi, ngunit natigil iyon nang may sumigaw.

"Aking itataya ang talaan ng pala/angkanan ng aking pamilya, iyo pang isama ang aking malawak na tahanan at sariling lupang sakahan. Nakasisiguro na akong, nalalapit na sa akin ang swerte!" malakas at tuwang tuwang na sambit ng isang matandang manlalaro ng Tujeon.

"Areum, kapag ba siya ang natalo... mag uumpisa siyang maghirap?" mahinahon kong tanong sa aking taga pagsilbi habang mariing pinagmamasdan ang mga kasamang manlalaro ng mansusugal na itinaya ang lahat, kahit ang kanyang angkan.

"Tama ang iyong tinuran Ginoo. Siya ay maghihirap... habang buhay," ngatal na sambit niya.

Aking ibinato ang suot kong sapin sa paa, sa kanilang kinaroroonan.

"Sinong lapastangan ang gumawa noon! Ang pagkapanalo ko ay nalalapit na! Sinira mo!" gigil na sabi sa akin ng matanda. Tinitigan ko ito ng pagkasama sama atsaka dumuro sa mukha ng isa sa kanyang mga kalaro.

"Ikaw, ginoo," mariin kong sambit.

"Iyong handang dayain ang matandang walang utak na ito—naultimo ang kanyang angkan ay handang ipagkanulo, upang makuha lamang ang pagkapanalong kanyang inaasam—na kanina mo pang dinadaya?" Pagalit kong hinampas ang mesa—kung saan nakalatag ang kanilang mga pusta.

"Ano ba ang iyong tinuturan? Maaari mong madumihan ang aking kasuotan. Lumayo-layo ka nga riyan—kung ang sikmura mo ay kumakalam, ikaw na lamang ay aking babalatuhan na kung sakali man na ako ay manalo—ngunit, tigilan mo lamang ang kahibangang iyong sinasabi at inaakusa sa akin. na ako ay isang mandaraya," mayabang na sagot sa akin ng manlalarong sa unang tingin ay mahahalata mong mas mabata kumpara sa kanyang mga kalaro. Inismiran niya ako at bumulong sa hangin, "May lakas ng loob ang isang ito upang ako ay banggain, isa lang namang hamak na pulubi."

Hindi na maitsurahan ang mga pagmumukha ng mga manlalaro sa lamesang iyon. Ang kanilang mga mata ay nagagalit na sa binatang ginoo ngunit mas nagmamayagpag ang galit nilang mga titig sa akin.

Ako ba ay kinamumuhian nila dahil sa aking pangingielam? O dahil ako ay nakasuot ng pangpulubing kasuotan?

"Mandaraya ka! Ikaw ay gigilitan ko ng buhay Ga-eul!" sigaw ng isang kasamahang manlalaro ng matanda.

"Ikaw pala ay isang mandaraya ayon sa pulubing ito! Siguro magkasabwat kayo!" galit na sabi ng matandang manlalaro.

"Isang kalapastanganan. Hindi ko makakayang mandaya sa isang seryosong larong baraha. Mga ginoo bakit ba kayo nagpapaniwala sa tinuturan ng lalaking pulubi na iyan?" giit ng binatang magsusugal—nakakatiyak ako na ang pangalan niya ay Ga-eul.

Tumayo ang ibang manlalaro ng Tujeon at pinalibutan si Ga-eul. Pinagsusuntok nila ito sa tiyan atsaka lumaglag ang iba pang mga barahang kanina pa niya tinatago.

"Sino sa atin ngayon ang sinungaling? Akong isang pulubi o ikaw na isang di hamak na mandarayang sugarol?" nakangisi kong sabi habang direktang nakatingin sa mata ng binibugbog na binata.

"Walang hiya ka! Kung sino ka man pulubi ka, magkakaroon ka rin ng araw," nanggagalaiti nitong sigaw.

"Ginoo, nangangamba ako na... Baka bukas-makalawa, ang binatang iyon ay mapugutan ng ulo. Marahil ay nagawa niya lamang ito dahil sa isang malalim na rason," binabagabag na sabi sa akin ng aking taga silbi...

"Pupugutan? Kulang pa iyan sa kanya," matabang kong tugon.

"May nakikita akong kalungkutan sa kanyang mga mata at hindi siya mukhang isang galing sa mayamang angkan ngunit nagsuot lamang ng isang maganda kasuotan," pagpapatuloy ni Areum.

Tinignan ko ito. Sa unang tingin hindi mo kakikitaan ng kahit anong bakas ng kahirapan sa binata ngunit ang aking mga mata ay dumako sa kanyang mga kamay at paa...

Maduming mga kamay at sirang sapin sa paa... Maaari kayang tama si Areum?

Akin pa sanang kakausapin si Areum ng makitang nasa tabi na siya ng mga manlalaro ng Tujeon. Kinakausap niya ang mga ito na patawarin na ang binata sa nagawa nito, kapalit ang kanyang gintong pang ipit sa buhok.

Nakatitig lamang ang binata kay Areum. Hindi ito kumikibo sa isang sulok, yakap yakap lamang ang mga tuhod. Anong klaseng tao ka? Isang mandarayang hikahos?

Umalis na ang mga ibang manlalaro ng Tujeon ng lumapit si Areum sa binata, lumapit ako kay Areum upang kuhain ang kamay nito.

"Tayo na at umuwi. Hindi nanaisin ni ama na malamang ipinagbili ng kanyang alipin ang gintong ipit na iyon," walang reaskyon kong sabi.

Masama ang tingin sa akin ni Ga-eul.

"May araw ka rin pulubing pakielamero..." galit na bulong ni Ga-eul sa hangin, ngunit sapat na iyon upang marinig ko.

Nginisian ko ang lapastangang binata, "Ikalulugod ko na makita ka ulit sa susunod na pagkakataon, ngunit sa harap ng entablado ng kamatayan." Tumawa ako ng marahan saka ihinagis ang dalawang pirasong gintong barya.

Gulat man ang mukhang mayroon siya, kinuha niya pa rin ito ng may pagkukumahog na kilos.

"S-salamat..." nauutal na sabi ni Ga-eul habang nag aalangan na bumangon sa pagkakasalampak sa sahig ng bahay sugalan.

Inismiran ko ito atsaka hinawakan sa papulsuhan ang aking tagasilbi, "Tayo na at lisanin ang lugar na ito."

Bago tuluyang makaalis sa lugar, nahagip kong tuwang tuwa ang binata habang nakatingin sa dalawang pisarong baryang hinagis ko kanina.

Mukhang tama ang agam-agam ng aking taga pagsilbi...

➪➪➪➪➪☝︎︎☝︎︎ʀᴇᴀᴅ|ᴇɴᴊᴏʏ|ғʟʟᴏᴡ|ʟɪ☝︎︎☝︎︎➪➪➪➪➪

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status