Share

Nobleman's Gisaeng
Nobleman's Gisaeng
Author: Your Wet Chinless Author

PROLOGO:

Prologo:

Sa loob ng isang bahay aliwan, madidinig ang pag susumamo ng isang dalagang nakasuot ng isang mahaba at magandang kasuotan—ito ay karaniwang sinusuot ng mga gisaeng sa lugar na iyon.

"Lady Cho, para na ninyong awa. Kailangan ng kapatid ko ang perang ibibigay niyo ngayon. Ikamamatay niya kung sakaling mahuli siya sa kanyang buwanang gamutan." Matinding iyak ang maririnig sa dalaga habang siya ay nakaluhod, nagsusumamo sa may ari ng naturang bahay aliwan.

"Ikaw nga ay tumayo riyan at tigilan ang iyong pag iyak na walang humpay! Akin bang kasalanan kung malas ang pamilyang mayroon ka? Lumayas ka! Napaka ingay mo at pinepeste mo ang bahay aliwan ko!" galit na sabi ng magandang aleng nakasuot ng isang maganda at makislap na kasuotan na dinagdagan ng malaking palamuti sa ulo, na nagsisilbing palatandaan na siya ang reyna sa naturang bahay aliwan.

Pilit na tumayo ang dalaga at pinagpag ang kanyang kasuotan. Ngumuso ito sa aleng maganda at sinabing, "Iyong pakatandaan! Kapag ang pamilya ko ay nakaraos sa kahirapan! Itong kinatatayuan ng bahay aliwan na ito ay aangkinin ko! ISINUSUMPA KO! IYONG ITAGA SA BATO!" Tinignan niya ito ng masama pagkatapos ay iniirap ang kanyang mga mata sa ale bago siya tuluyang umalis sa bahay aliwan.

"Choon-Hee, kapatid ko," humihikbing bigkas ng dalaga habang marahang naglalakad sa eksinita papalabas ng bahay aliwan.

"Ikaw na lamang ang mayroon ako. Kapatid ko kayanin mo. Pangako ko sa iyo, gagawin ni kuya ang lahat para lang mapagamot ka." Dalas dalas ang luhang tumutulo sa mukha niya kasabay ng paglalim ng gabi.

"Makakaya ni kuya mag bihis babae para sa iyo. Hindi ko man nais na may mga matatandang manyakis na umaaligid sa akin gabi gabi, gagawin ko para sa iyo. Mailabas ka lamang sa pagamutan at para sa kalusugan mo," wika nito sa kawalan habang hawak hawak ang isang pares ng tsinelas. Hindi niya alintana ang luhang pumapatak mula sa kanyang mata.

Ang tangging gusto lamang ng binatang nakasuot ng kasuotang pang gisaeng ay ang kapanatagan ng kanyang damdamin. Hindi niya nais na isisi sa mga magulang ang kinasasadlakang hirap, sapagkat nakita niya rin kung gaano katapang ang mga magulang na sinuong ang buhay para sa kanilang magkapatid.

Nakatatak sa isipan ni Ga-eul na, sila man ay naghihirap hindi naman sila katulad ng mga ministro sa palasyo—walang ibang ginawa kung hindi ang pahirapan ang taong bayan. Mga ministro na dapat ay tutulong at mag bibigay hustisya sa taong bayan, ang siya pang umaalipusta sa kagaya nilang mahihirap.

Tinataasan ang buwis, inuuna ang mayayaman kaysa sa mahihirap, hindi pantay na trato ang binibigay sa kanila ng mga taong nasa panunungkulan. Mas maigi nang maging mahirap sa isang bayan na panget ang pamamalakad, kaysa naman sa maging mayaman dahil sa pandurugas.

Mahigpit ang hawak ni Ga-eul sa maliit na sisidlan na naglalaman ng dinikdik na halamang gamot. Isa itong halamang gamot na nakakapag patulog o nakakapag paralisa ng katawan panandalian, ginagamit niya ito sa pagkakataon na siya ay tatangkaing hawakan ng mga maharlikang nagagawi sa bahay aliwan.

Kanyang pinunasan ang mga luhang nagpapalabo sa kanyang magandang mga mata. Nais niyang puntahan ulit ang pagamutan kung saan naroroon ang kanyang kapatid na babae, ngunit sa kanyang pagtayo sa kinauupuan, naramdaman niya ang isang marahan na tapik sa kanyang balikat.

Tinignan niya ang ginoong tumapik sa kanyang balikat, mula paa hangang ulo. Inihanda niya na sa kanyang isipan ang gagawing depensa kung sakaling siya ay atakihin ng ginoo ngunit biglang nagsalita ang ginoo, "Maaari ka bang makausap sa sandaling oras? Sa loob ng bahay aliwan?"

Umikot ang mata ni Ga-eul sa paligid upang tignan kung may ibang taong naroroon sa eskinita, ngunit silang dalawa lamang ng ginoo ang nanduduon. Sinamaan niya ng tingin ang binata at may nais pa sana siyang sabihin ng hilahin siya ng binata papasok sa bahay aliwan.

Gulat na gulat si Ga-eul sa paghila sa kanya ng ginoo. Gayundin, ang pagkagulat ng magandang ale sa pag litaw ulit ni Ga-eul sa loob ng bahay aliwan.

"Siya ba ay may ngalan?" mariin na tanong ng ginoo sa magandang ale.

Ang gulat na ekspresyon ng ale ay napalitan ng isang nakakapanindig balahibong ngisi. Tumingin ito kay Ga-eul at sa ginoo habang nilalaro ang isang baryang pilak sa mga daliri nito.

"Aking ipagbibigay alam sa iyo ang kanyang ngalan, ngunit ano ang iyong kayang ibigay pabalik?" mapanindig-balahibong tanong ng ginang sa ginoong hawak hawak pa rin ang kamay ni Ga-eul.

Inilatag ng ginoo ang limang bungkos ng gintong barya sa lamesitang nasa harap ng ginang. "Akin pa iyang daragdagan. Kung iyong hahayaan na makausap ko siya sa sandaling panahon," matatas na sabi ng ginoo.

Agaw-eksena ang nangyayaring iyon sa loob ng bahay aliwan. Hindi masikmura ni Ga-eul ang nakikitang kaganapan. Siya ay animo isang bagay na pinagbibili para lang sa kanyang oras at panahon. Mabuti sana kung sa kanya mismo ibabayad ng ginoo ang limang bungkos ng baryang ginto na iyon, lubhang ikagagalak niya pa.

"Ang kanyang ngalan ay A-Yeong. Isang mahinhing at hindi makabasag pinggang dalaga," nakangiting sabi ng ginang.

Tinignan ng binata si Ga-eul mula ulo hangang paa. Pinunasan nito ang kanyang mukha. Naasiwa si Ga-eul sa ginawa nitong pagpahid ng kanyang luha.

"Karagdagang bayad para sa ilang minutong kukunin ko sa pakikipag usap sa gisaeng na ito," sabi ng ginoo at ihinagis ang dalawa pa uling bungkos ng gintong barya sa lamesa.

Nagniningning ang mata ng magandang ale sa mga bungkos ng gintong barya. Kanya itong yakap yakap habang tinutungo ang silid kung saan mag uusap ang binata at si Ga-eul.

"Eto na ang inyong silid. May karagdagang bayad ang bawat hawak na iyong gagawin sa dalaga," mahinahong sabi ng ale.

Tumango ang binata atsaka marahas naisinara ang pinto ng silid. Sa loob ng silid na ito ay may isang katamtamang laki mesa, nakalagay sa mismong gitna ng silid. Ang buong silid ay pinadidekorasyonan ng mga bulaklak at mga karaniwang dekorasyon na makikita sa loob ng isang silid sa panahon ng Joseon.

"Ako ay aalis na. Wala akong oras para makipag usap sa iyo ginoo," mahinhing sabi ni Ga-eul at akmang tatayo ngunit hinila siya paupo ng ginoo.

"Isang malaking baul ng mga gintong barya, isang hectaryang sakahan, isang malawak na matitirahan. Pakasalan mo ako at ibibigay ko sa iyo ang lahat ng iyon," seryosong sabi ng ginoo habang nakatingin sa mga mata ni Ga-eul.

"Isang malaking baul na naglalaman ng mga gintong barya? Isang hektaryang sakahan? Isang malawak na tirahan? Iyong ibibigay sa akin? Pakasalan lamang kita? Ikaw ba ginoo ay nahihibang na? Ako ay isang simpleng gisaeng lamang," mahinhing sabi ni Ga-eul at umupo ng maayos sa kanyang kinauupuan.

Kung hindi siya papayag agad agad maaaring taasan pa ng ginoo ang kanyang alok. At tiyak na ikakaginhawa ng buhay nina Ga-eul ang mga bagay na ibibigay sa kanya ng ginoo.

"Magpakasal ka sa akin. Ikaw ay gagawin kong reyna sa loob ng aking pamamahay. Ikaw ang magiging manugang ng Paanyoon (Mayor) ng Hanyang (Seoul)," dagdag na sabi ng ginoo.

Nanlalaking mata na tinignan ni Ga-eul ang ginoo.

"Siya ba ay hindi nagbibiro?" tanong ni Ga-eul sa kanyang isipan.

Inihagis ng ginoo sa lamesa ang kanyang Hopae (identification tags, recording the bearer's name, place of birth, status and residence.) na mas ikinalaki ng mata ni Ga-eul. Totoo ngang siya ang anak ng pinaka mataas na namumuno sa Capital Bureau.

Tila ba may isang malaking bato ang bura sa kanyang lalamunan kaya siya ay napalunok ng laway. Kung siya ay susugal at magkahulihan, tiyak ang kanyang kamatayan. Napahawak si Ga-eul sa kanyang leeg, naisip niya na ayaw niyang mapugutan ng ulo. Hindi pa niya nakikita ang prinsepe ng kaharian na sinasabi nilang ubod ng kisig, usapan nila ng kanyang nakababatang kapatid na saka lamang siya malalagutan ng hininga kapag nakadaupang palad na niya ang prinsepe. Ang kanyang kapatid lamang ang tanging may alam ng sikreto na siya ay napapaibig sa mga kapwa binata sa Hanyang.

"Aking narinig kanina na nangangailangan ka ng pera pantustos sa buwanang gamutan ng iyong kapatid. Tanggapin mo ang alok kong kasal, aabot ang ginhawa ng iyong pamilya hangang sa ikaapat na henerasyon mula sayo," seryosong sambit ng ginoo.

Tinitigan ni Ga-eul ang binata. "Narinig niya ang sinabi ko noong ako ay nasa eskinita?" palihim na tanong ni Ga-eul sa sarili...

"Segundo bago ako pumunta sa palikuran kanina, Ika'y aking nakita na umiiyak at nagmamakaawa sa matandang gisaeng na iyon," sabi ng ginoo at hinawakan ang kanang kamay ni Ga-eul.

Pinamulahan ng mukha si Ga-eul sa isiping kakagagaling lamang ng ginoo sa palikuran ngunit kanina pa nito hinahawakan ang kanyang kamay. "Manyak!" sigaw ng isipan ni Ga-eul.

Yumuko si Ga-eul at tinanggal ang kamay ng ginoo. "Wala siyang pinagkaiba sa mga yangban (aristrocrats) na nagpupunta rito. Mga katawan lamang ng tulad ng gisaeng ang kanilang habol," inis na bulong ni Ga-eul sa sarili.

"Matagal na akong pinahahanap ni ama ng aking magiging katipan. Ngunit wala akong natitipuhan. Ikaw lang ang nakita kong kayang tanggapin ang kasunduan na aking nais," dagdag ng binata.

"Sa loob ng limang taon, maaari ka bang maging aking katipan? Pangako na sa pagtatapos ng limang taon, ang lahat ng ipinangako kong salapi at ari-arian ay sa iyo lamang mapupunta." Nanlaki pa lalo ng husto ang mata ni Ga-eul nang lumuhod sa kanyang harapan ang ginoo.

"Binabagabag ang aking kalooban na ang aking natitirang taon na pamamalagi sa Hanyang ay maging isang bangungot. Wala akong makukuhang ari arian ni isa, ako ay maghihirap habang buhay. Kilala ko ang aking ama. Kahit na ako ay may magandang katayuan bilang isang doktor, makakaya niyang sirain ang pangalan ko gamit ang kanyang impluwensya..." Nakayukom ang mga kamao ng ginoo at kitang kita sa kanyang hitsura ang umuusbong nagalit sa kanyang sistema.

Natatakot man si Ga-eul sa itsura ng ginoong nasa harap sinubukan niya itong hawakan sa magkabilang balikat.

"Kaligtasan, karangyaan at kapayapaan... Papayag ako ngunit iyong ipangako ang tatlong bagay na iyan," sabi ni Ga-eul saka tumayo at inilahad ang kamay sa harap ng binata.

Kinuha ng binata ang kamay ni Ga-eul at hinalikan ngunit isang malakas na sampal sa mukha ang natanggap ng binata. Gulat na gulat ito sa ginawa ni Ga-eul at pati na rin si Ga-eul sa kanyang ginawa.

"Sino ka para ako ay bigyan ng isang malakas na sampal sa aking mukha?" galit na tinig ng binata.

Tumikhim si Ga-eul upang mawala ang takot niya. Natakot siya dahil hindi niya sinasadya, inilahad lamang niya ang kanyang kamay upang kuhanin sana ang paunang bayad ng binata sa alok nitong kasal.

"Ako ay pagpasensyahan mo na ginoo. Ganun lamang ang ginagawa ko sa tuwing ako ay nakakakita ng lamok." Nakayukong sabi ni Ga-eul habang pinaglalaruan ang mga daliri.

"Kung ganun, ako ay aalis na. Magkita tayo bago magdapit hapon sa lugar kung saan kita natagpuan kanina. Huwag ka na rin babalik sa bahay aliwan na ito. Nagkakaintindihan ba tayo?" seryosong sabi ng ginoo at saka pinagpag ang kanyang kasuotan.

Tinaasan ng kilay ni Ga-eul ang ginoo habang ito ay nakatalikod at bubuksan ang pinto ng silid.

"Hangang saan aabot ang karangyaang mayroon ka? Kalalaki mong tao, napakaselan mo sa mga bagay bagay," palihim na sabi ni Ga-eul sa kanyang isipan.

"Hangang sa muli aking katipan," sambit ng ginoo habang nakangiti atsaka isinarado ulit ang pinto ng silid.

Napasalampak na lamang si Ga-eul sa sahig ng silid.

Tila nakipagkasundo si Ga-eul sa isang kampon ng demonyo. Binabagabag siya ng todo dahil tila hindi alam ng ginoo na si Ga-eul ay isang lalaki.

"Isang malaking baul na naglalaman ng gintong barya, Isang hektaryang sakahan at Isang malawak na tirahan... bayad para sa pagkatao ko..." Nakatulalang sabi ni Ga-eul sa dingding. "HINDI MAAARI! KULANG ANG HALAGANG IYON! NAPAKAKISIG KONG NILALANG!" Malakas na sabi ni Ga-eul bago siya makarinig ng mga kalampag sa katabing dingding ng silid.

Napatutup na lamang si Ga-eul ng bibig. Aniya kulang na kulang ang halagang iyon, dapat pala ay ginalingan niya sa pag arte kanina.

➪➪➪➪➪☝︎︎☝︎︎ʀᴇᴀᴅ|ᴇɴᴊᴏʏ|ғʟʟᴏᴡ|ʟɪ☝︎︎☝︎︎➪➪➪➪➪

DMCA.com Protection Status