Share

Chapter 6: Conditions

"YOU ARE?" tanong ng babaeng nasa mid 30's marahil ang edad, habang nakatingin sa resumè niya na hawak nito.

"Sunshine Valdez, Ma'am."

"Hmmm… you came from Hell Grill Restobar at Palacio Grande. You work there for two years? When did you stop?"

"Recently lang po, Ma'am."

"May I know why?" matiim itong nakatitig sa kaniya, para bang hinahalukay nito sa kaniyang kaibuturan ang katotohanan sa kaniyang isasagot.

"Ahm… my boss fired me." Yumuko siya pagkasabi no'n.

Narinig niyang bumuntong-hininga ang kaharap, kaya bahagya siyang kinabahan. Isang linggo na siyang naghahanap ng bagong mapapasukan, pero lahat ay wala siyang napala. Sana naman this time ay matanggap na siya. Kailangan niya ng trabaho dahil malapit nang maubos ang gamot ng kaniyang mama.

Paubos na rin ang perang nakalaan para sa pag-a-apply niya. Ayaw naman niyang galawin ang naipon niya dahil para iyon sa dialysis ng ina na matagal niyang pinag-ipunan.

"Excuse me for a while," paalam ng ginang. Lumayo ito sa kaniya nang ilang dipa at may tinawagan. Ilang sandali pa bago nito ibinaba ang telepono at muli siyang binalikan.

"To tell you honestly, gusto kitang tanggapin. Dahil ang totoo niyan, matunog ang pangalan mo hanggang dito at alam ko na magiging asset kita. Pero kasi…" Hindi nito itinuloy ang sasabihin, parang naghahagilap pa ito ng magandang salita na pwedeng bitawan.

Napayuko na siya at pinipigilan ang luhang nagbabadyang pumatak. Hindi pa man kasi sabihin ng kaharap, batid niyang negatibo naman ang sasabihin nito. Hindi siya tanggap. Jeeezzz…

"I'm sorry, Miss Valdez. I owe this resort to Mr. Luther at ayaw niyang tanggapin kita rito."

Marahas siyang napabuga ng hangin. Sinasabi na nga ba niya! Marahil ay may kinalaman din ang bugok na iyon kaya hindi siya tinatanggap sa mga resort na inaplayan niya! Tumayo siya at pilit ang ngiting hinarap ang babae.

"It's okay, Ma'am. Siguro nga wala akong magagawa. Wala nga yata akong laban dahil mukhang maimpluwensiya ang taong humaharang sa lahat ng inaplayan ko," saad niya.

"I don't know what's going on between the two of you. But if I were you, puntahan mo siya at kausapin. Mabait si Norman, baka mayroon lang misunderstanding sa inyong dalawa."

"Hindi na po kailangan, Ma'am… baka kasi mapatay ko lang siya oras na magkaharap kami," bakas ang inis sa kaniyang tinig nang sabihin iyon. Muli siyang suminghap ng hangin upang kalmahin ang sarili.

"Mauna na po ako. Maraming salamat po," mahinahon na niyang paalam.

Ramdam niyang inihatid tanaw pa siya nito hanggang sa tuluyan siyang makalabas ng opisinang iyon.

Mabigat ang loob at bagsak ang balikat na tinalunton niya ang daan palabas ng resort.

"Nakakainis kaaaa!!!" malakas niyang sigaw nang hindi na niya mapigilan ang nagpupuyos niyang kalooban.

"Ano bang problema mo? Ano bang kasalanan ko sa `yo!?"

Yumuko siya at dumampot ng maliit na bato bago iyon malakas na ipinukol sa dagat. Ilang sandali pa ay `saka na lamang niya namalayang nasa dalampasigan pala siya. Kung paano siyang napunta roon? Hindi niya alam.

Naupo siya sa buhanginan at ipinatong ang baba sa kaniyang mga tuhod.

"Bugok ka… bwiset ka…" Sumisinghot-singhot niyang usal. Marahas niyang ipinunas ang palad sa kaniyang mukha nang mag-unahan sa pagpatak ang kaniyang mga luha.

"Ang dami-dami namang babae d'yan, bakit ako pa ang nakursunadahan mo?" Muli siyang dumampot ng bato at ibinato sa tubig.

"Gano'n ba ako kadesperada sa paningin ninyo? Mukha ba talaga akong bayaran? Nakakainsulto na kayo, ah!"

Ilang sandali siyang nanatili lamang doon, nakatanaw sa payapang dagat. Sa pamamagitan ng panonood sa mabining paghampas ng alon sa dalampasigan ay nagawa rin niyang papayapain ang sarili.

'I don't know what's going on between the two of you. But if I were you, puntahan mo siya at kausapin. Mabait si Norman, baka mayroon lang misunderstanding sa inyong dalawa.'

Nagpaulit-ulit iyon sa kaniyang isip. Tinatanong niya ang sarili kung dapat pa nga ba niyang puntahan at kausapin ang lalaking iyon. Masiyadong mataas ang tingin ng bugok na `yon sa sarili, baka kapag pinuntahan niya at mag-initiate siyang makipag-usap dito ay kung ano pa ang isipin no'n! Ha!

Pero may iba pa bang paraan? Eh, halos lahat na ng resort na mayroon sa Panglao ay napuntahan na niya at mukhang lahat iyon ay nasindak ng lalaking 'yon! Bugok talaga! Peste! Bwiset!

Tumayo na siya at pinagpag ang mga buhanging kumapit sa kaniyang damit. Muli niyang kinalma ang loob na unti-unti na namang nagpupuyos sa inis.

Inayos niya ang sarili at tinahak ang daan patungo sa highway. Agad niyang pinara ang tricycle na dumaan at nagpahatid sa Palacio Grande.

Huminto ang tricycle na kaniyang sinasakyan sa tapat ng malaking gate na gawa sa bakal. Matapos niyang maiabot ang bayad sa driver ay umalis na iyon. Hindi agad siya pumasok, bagkus ay nanatili siyang nakatayo roon at pinagmasdan ang hotel na nasa kaniyang harapan.

Limang palapag lamang iyon, dahil ang istilo ng hotel ay tila palasyo. Pahaba ang istraktura at puti ang pintura. Hindi kita sa kaniyang kinatatayuan ang dagat, sapagkat nasa kabilang bahagi iyon ng hotel. Medyo malayo ang gusali buhat sa gate. Nakahilera sa magkabilang bahagi ng pathway ang iba't ibang hugis ng topiary trees, may square at circle.

Pagdating sa kalagitnaan ay nahahati ang daan sapagkat may Aquarian fountain. May gazebo rin sa magkabilang panig ng pabilog na hardin na iyon. Ang daanan ng sasakyan ay sa gilid at bahagyang elevated ang tinutuntungan mismo ng hotel. Kaya papasok ka pa lamang sa gate ay mamamangha ka na dahil sa tila nagyayabang na gusaling nakatirik sa mababang burol.

Napasinghap siya ng hangin at marahas iyong ibinuga.

"Wala ng atrasan, Shine! Kaya mo `yan! Isipin mo na lang para kay mama ang gagawin mo! Kaya ko 'to!" pangungumbinsi niya sa sarili bago pa man siya muling mag-alangan.

Malakas siyang bumuga ng hangin saka nag-umpisang pumasok sa nakabukas na gate.

"Good afternoon…" nag-aalangan niyang bati sa receptionist nang makapasok siya sa hotel at lumapit sa reception area.

"Good afternoon, Ma'am! How may I help you?" magalang na bati nito.

"Ahmmm… I was looking for the room of Mr. Norman Luther."

"Do you have an appoinment with him, Ma'am?"

"Ahhh… wala e. Pero baka pwedeng tawagan mo siya sa suite niya at pakisabing gusto ko siyang makausap? Pakisabi, Sunshine Valdez kamo."

"Okay, sige. Just wait for a while, please." Dinampot nito ang telepono at may pinindot na mga numero. Ilang sandali rin itong nakipag-usap sa kabilang linya bago siya muling binalingan.

"Sorry to keep you waiting. You can proceed to room 208, 5th floor. He's waiting for you."

"Thank you." Tinalikuran na ni Sunshine ang receptionist at tinungo ang elevator.

Pagkabukas na pagkabukas ng pintuan ng elevator sa 5th floor ay ang suite agad ang bumungad sa kaniya. Sa tingin niya presidential suite iyon dahil iyon lamang ang naroon sa palapag na iyon.

Urong-sulong pa siya sa paglapit doon. Sapo ang dibdib ay humigit siya ng malalim na hininga upang palakasin ang loob, `saka siya lumapit at nag-doorbell.

HINDI maintindihan ni Norman ang biglang excitement na naramdaman noong oras na tawagan siya ng receptionist sa ibaba upang ipagbigay alam na may nais na kumausap sa kaniya. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang ang naging reaksiyon ng kaniyang puso nang banggitin nito ang pangalan ng kaniyang hindi inaasahang bisita.

Hindi talaga niya iyon inaasahan, dahil ang totoo niyan ay nawalan na siya ng pag-asa kaninang tawagan siya ng owner ng isang beach resort at sabihing galit na galit ang babaeng iyon. O baka nga, dahil sa galit kaya ito narito ngayon.

Narinig niya ang ilang beses na pagtunog ng doorbell. Malapad ang pagkakangising lumapit siya sa pintuan at sumilip sa peephole, bago iyon dahan-dahang binuksan.

Kitang-kita niya ang pagkagulat sa magandang mukha ng kaniyang bisita pagkakita sa kaniya. Nanlalaki ang mga mata at bahagyang nakaawang ang natural na mapupula nitong mga labi.

"A-ano ba!? Baka pwedeng magbihis ka naman!" singhal ni Sunshine, kasabay ng pagtatakip nito ng kamay sa mga mata nang pagbuksan niya ito ng pinto.

Tanging asul na tuwalya lamang kasi ang tumatakip sa kalahati ng katawan ng binata, wala itong damit pang-itaas kaya naman hantad ang matipunong katawan. Mamasamasa rin ang buhok na tumutulo-tulo pa ang dulo.

Bahagya nginisihan ni Norman ang dalaga na tila ba ipinaparating rito na wala itong pakialam kung ganoon man ang ayos nito.

"Why should I? You disturbed my bath time, you know?"

"Eh, `di sana sinabi mo sa receptionist! Hindi iyong tatanggap ka ng bisita na ganiyan ang ayos mo!"

"Bisita ba kita? Sa pagkakaalam ko kasi, hindi." Tumindig siya nang maayos at nakalolokong nginisihan ang dalaga. "Oh baka naman naiilang ka sa nakikita mo?" pang-aasar pa nito.

Lalong lumaki ang pagkakangisi ni Norman nang pandilatan siya ng mga mata nito, halatang pinipilit na patigasin ng dalagang kaharap ang sarili upang hindi mapahiya sa kaniya.

"Ha! Naiilang?! B-bakit naman ako maiilang ha, Mister?" pinakalma ni Sunshine ang sarili, tuwid na tinitigan ang binata at mayamaya'y nakangising pinasadahan ito ng tingin mula sa anit, pababa sa katawan ni Norman.

"This isn't my first time to see a half naked man, Mr. Norman. I'm working at the resort, remember? So, I'm adept seeing a naked body. Kaya naman bakit ako maiilang sa katawan mong…" nakangisi niyang binitin ang sasabihin at tila nang-iinsultong muli niya itong tinignan mula sa h***d nitong abs paakyat sa mukha nito at nakangiwing tinitigan ito ng nakakaloko, "…nevermind," pigil ang ngiting usal niya.

"A-ano? Bakit hindi mo ituloy ang sinasabi mo?!"

"Hindi ko pa nga sinasabi, mukhang napipikon ka na. Paano pa kaya kapag sinabi ko na?"

Gustong matawa ni Sunshine sa hitsura ng binata, para kasing gusto na siya nitong sakalin dahil sa pagkapikon, kaya naman pilit niyang pinigil ang ngiting nais kumawala sa kaniyang mga labi at nakipagt**igan na lamang dito. Hindi katulad kanina na naiilang siya rito, ngayon ay nagagawa na niyang labanan ang mga t**i nito lalo na't nagawa na niya itong maasar.

"What brought you here?" seryosong tanong ni Norman.

"I would not talk if you don’t deal well," seryoso ring sagot ni Sunshine.

Matalim ang tinging ipinukol ng binata sa dalaga, ngunit hindi rin naman ito natinag.

"Get in." Tinalikuran niya ito at walang paalam na nagtungo sa kaniyang silid.

Nang mapag-isa si Sunshine sa maluwang na sala ay `saka lamang siya nakahinga nang maluwag. Panay ang buga niya ng hangin na akala mo ay inipon habang kaharap ang binata. Naupo siya sa single sofa at tila ignorante ng bahagya siyang lumubog dahil sa lambot niyon.

"Wow!" Hindi niya naiwasang maibulalas, dahil sa tanang buhay niya ay noon lamang siya nakaupo sa ganoong kalambot na upuan. Iginala niya ang paningin sa kabuuan ng suite na iyon at talagang namangha siya sa mga nakikita.

"Magkano kaya ang isang gabing pagtulog dito?" anas niya sa sarili.

Dahil sa laki ng Presidential suite na iyon, kahit beinte katao yata ay magkakasya roon. Napakalawak ng sala na napipinturahan ng puti, maging ang sofa na kinauupuan niya at ang iba pang sofa ay kulay puti. Ang center table na gawa sa mamahaling kahoy at hugis parisukat ay kulay tsokolate at may puting telang nakatabing sa pinakaibabaw. Ang malambot na alpombra na kaniyang tinatapakan ay gayon din ang kulay.

Nasa gawing kanan naman ang isang malaking salaming pintuan na siyang kanugnog ng terasa kung saan tanaw ang napakandang dagat, mayroon iyong kurtinang kulay abo na nakahawi sa magkabilang gilid. Ang dingding at maging ang marmol na sahig naman ay banayad na kayumanggi ang kulay. Mayroon ring mini bar na nakapwesto malapit sa pintuang salamin. Napakaaliwalas ng kabuuan ng kuwartong iyon, kahit hindi ka lumabas, doon pa lang ay mare-relax ka na.

Narinig ni Sunshine ang pagtunog ng seradura buhat sa pintuang nasa kaniyang likuran, kaya naman inayos niya ang kaniyang pagkakaupo.

"Who told you to seat there?" sarkastikong tanong ng binata, kaya naman dali-dali siyang tumayo nang hindi siya humaharap dito.

"So, what brought you here?" pag-uulit nito sa tanong kanina.

Bumuga muna siya nang malalim na paghinga bago sumagot. "Hmmm… what brought me here? Una, pinatanggal mo ako sa may-ari ng restobar na pinapasukan ko… without any valid reason. Pangalawa, all my application has been rejected, and I have this feeling na ikaw ang may pakana no–" Natigilan ang dalaga sa sasabihin nang sa pagharap niya sa binata ay para siyang natuka dahil sa lakas ng dating nito.

Simpleng polo na asul na may maliliit na snow flakes design na tinernuhan ng kulay kremang cargo pants na above the knee ang haba ang suot nito. At sa tingin niya ay mamahalin ang sandals na brown na sapin nito sa paa. Ang buhok nitong mahaba at bahagyang kulot ay mukhang dinaanan lang ng mga daliri ng binata. Nakasuksok naman sa magkabilang bulsa ang mga kamay at seryosong nakatitig sa kaniya. Simple lamang ang kabuuang ayos nito pero iyon pa yata ang nagpalakas ng appeal nito dahilan upang matigilan siya pagkakita rito.

"Ehem…"

Napapitlag pa siya sa kunwaring pag-ubo nito, kaya naman tila napapahiya siyang iniyuko ang ulo at kinalma ang sarili.

"Ano ulit iyong sinasabi mo?" naroon na naman ang nakakalokong ngiti sa mga labi ng kaharap.

"Ha? Ah…" Hindi niya malaman ang sasabihin dahil naroon pa rin ang epekto ng presensiya ng binata sa kaniya.

"What?" kumawala ang mahinang tawa sa bibig ni Norman dahil sa nakikitang pagkailang ng dalaga.

"Ah… as I was saying…"

Nagulat si Norman nang salubong ang mga kilay at seryoso nang tumingin sa kaniya ang dalaga.

"Why are you doing this to me? Ano bang kasalanan ko sa 'yo para gipitin mo ako ng ganito?"

Hindi siya nakaimik sa tanong nito, nanatili lamang siyang nakatingin dito.

"Kasi sa pagkakaalam ko, wala akong ginagawang masama sa 'yo. Sa pagkakatanda ko rin, kailan lang naman kita nakilala. Kaya bakit? Bakit mo ginagawa `to? Hindi ko kasi maintindihan, eh."

Humakbang si Norman papalapit sa dalaga, ngunit ilang hakbang na lamang ang layo niya rito nang matigilan siya pagkakita sa nangingilid na luha sa mga mata nito at halatang pinipigilan na lamang iyon ng kaharap.

"Sabihin mo nga sa `kin, ano bang kasalanan ko sa 'yo? Alam mo ba kung ano ang tinanggal mo sa buhay ko?! Palibhasa kasi mayaman ka kaya hindi mo nararamdaman at hindi mo naiintindihan ang pinagdaraanan naming mga salat sa yaman! Por que mapera ka, feeling mo kaya mo ng bilhin ang buong mundo?!"

"Ano bang pinagsasabi mo?" sa wakas ay nagawa niyang magsalita at magtanong sa dalaga.

"Bakit, totoo naman, 'di ba? Hindi lang ako pumayag sa gusto mo, kaya pinagalaw mo ang lahat ng koneksyon at impluwensiya mo para pahirapan ako!?"

"Ano ba talaga ang isinadya mo dito? Kasi, kung puro sintemyento mo lang ang maririnig ko, you may leave this room now. I don't have time for your nonsense sentiments," malumanay ngunit nandoon ang awtoridad sa kaniyang tono.

Habol ang hininga na akala mo ay galing sa pagtakbo ang nararamdaman ni Sunshine, ngunit dahil lamang iyon sa pagpipigil sa tuluyang pagsabog ng kaniyang galit. Matalim na titig ang ipinukol nito sa binata at walang paalam na lumabas sa suite nito.

Ngunit hindi pa man niya tuluyang nailalapat ang pinto pasara nang matigilan siya.

Pero paano ang mama niya? Kung magmamatigas siya, paano niya matutustusan ang mga gamot nito?

Napapikit siya nang mariin at doon ay lumitaw ang imahe ng kaniyang ina na nakangiti sa kaniya. Mapait siyang napangiti bago humugot nang malalim na buntong-hininga at muling binuksan ang pinto.

"Tatanggapin ko ang trabahong iniaalok mo. Pero may kondisyon ako."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status