Share

Chapter 2

"Maraming salamat nga pala sa paghatid mo sa akin, Jonas." Nakangiti kong sabi kay Jonas nang nasa tapat na kami ng bahay namin.

Ngumiti rin naman siya sa akin. "Wala 'yon, Mirae saka araw-araw na rin kitang ihahatid dito sa inyo para ligtas ka palaging makauwi. Gabi na tayo nagsasara ng Bakery at delikado na mag-isa ka lang umuuwi." Sabi naman niya.

Pigil na pigil ang kilig ko. Kanina nga ay siya na ang nagbike at ako ang umangkas sa likuran niya. I cherish our moments dahil iyon ang unang beses na hinatid niya ako dito sa amin.

"S-Salamat talaga, ha? Oh paano, umuwi ka na at baka kailangan na ng Inay mo na may magbantay sa ospital."

Tumango naman si Jonas at parang may gusto itong sabihin pero nahihiya lang dahil panay ang kamot nito sa batok niya.

"Ahm, Mirae. Itatanong ko lang sana kung.."

"Itatanong kung?" Dugtong ko sa balak niyang sabihin.

"Ano.. kung may boyfriend ka na?" Tila nahihiya pa niyang sabi saka nito ginulo ang buhok niya.

Umiling naman ako. "Wala akong boyfriend, Jonas. Bakit mo naman natanong 'yan?"

Namula na naman ang buong mukha niya at napahilamos ito sa mukha niya gamit ang kanyang mga palad.

"Ano kasi, pwede ba akong manligaw sa'yo?" Seryoso niyang sabi na ikinalaki ng mata ko.

"Kung pwede lang naman e, saka ito ang unang beses na manliligaw ako dahil wala pa akong nagiging girlfriend. Ayon ay kung okay lang sa'yo. Hindi naman kita pinipilit, Mirae." Sabi niya dahilan para mas lalo pa akong matulala sa kanya.

Hindi ako makapaniwala na liligawan ako ni Jonas. Parang kanina lang ay sinabi niyang gusto niya akong protektahan kay Ysmael ngayon naman ay manliligaw na siya sa akin. Sa sinabi niya ay mas lalo lang bumilis ang tibok ng puso ko at pag-init ng buong mukha ko.

"Pwede naman." Napayuko ako nang sinabi ko iyon.

Bigla ay niyakap ako ni Jonas na ikinagulat ko. "Maraming salamat sa chance na ibinigay mo sa akin, Mirae." Iniharap niya ako sa kanya at nakikita ko kung gaano siya kasaya ngayon.

"Paano mo ba ako nagustuhan?" Tanong ko at napakagat-labi.

Ngumiti naman siya at hinawakan ang isang kamay ko. "Sa totoo lang ay matagal na kitang gusto. Hindi lang ako makalapit sa'yo dahil masyado akong busy sa pagtatrabaho para sa pamilya namin. Ako ang panganay sa magkakapatid kaya umaasa sila sa akin."

Natuwa ako sa sinabi ni Jonas. Hindi ko alam na matagal na pala niya akong gusto. Pareho kami ng nararamdaman at parang hindi ako makapaniwala na ngayon ay liligawan na niya ako.

"Ako rin, Jonas. Matagal na kitang gusto." Sabi ko na ikinagulat niya.

"T-Talaga? Ang swerte ko nga naman dahil nagkagusto ang isang Miraela Albañez sa akin. Totoo ba talaga 'to o panaginip lang?" Nangingiting sabi ni Jonas at tinapik pa nito ang pisngi niya kung totoo nga bang nananaginip siya o hindi.

Hinawakan ko naman ang pisngi ni Jonas. "Totoo kaya 'to." Sabi ko.

Hinalikan naman ako ni Jonas sa noo. "Dahil manliligaw na ako sa'yo, sisiguraduhin kong mapoprotektahan kita kay Ysmael. Palagi na kitang babantayan at hinding-hindi ako makakapayag na may masamang mangyari sa'yo, Mirae."

Tumango ako sa sinabi niya.

"Anak, nandito ka na pala at kasama mo pa si Jonas."

Napalingon kami kay Nanay na kakalabas lang mula sa bahay namin at naabutan kami ni Jonas.

"Magandang gabi po, Aling Cely." Magalang na pagbati ni Jonas kay Nanay.

"Magandang gabi rin, Jonas. Naghapunan ka na ba? Kumain ka muna dito sa amin." Nakangiting paanyaya ni Nanay.

Tumango si Jonas. "Sige po at may sasabihin rin ako sa inyo."

Pumasok na kami nila Nanay at Jonas sa bahay at nagpunta sa maliit naming dining area. May nakahanda na doong adobong manok na paborito ko at isang mangkok ng munggo. Biyernes nga pala ngayon at kapag Biyernes ay nagluluto talaga si Nanay ng munggo.

Naupo na kaming lahat sa hapag. Wala pa si Tatay dahil panigurado ay nag-overtime na naman itong magtrabaho sa talyer na pagmamay-ari rin nila Mayor Buenavista.

"Mas lalo ka yatang gumagwapo, Jonas. Magkamukha talaga kayo ng Itay mo noong kabataan niya." Magiliw na sabi ni Nanay kay Jonas na nginitian lang siya.

"Maraming salamat po."

"Mabuti nalang pala at magkatrabaho kayo nitong dalaga ko kaya panatag ang loob kong walang magtatangka ng masama sa kanya." Hinagod naman ni Nanay ang balikat ko.

"Kaya po pala ako nandito ay dahil gusto ko pong sabihin sa inyo na nililigawan ko na po si Mirae." Sabi ni Jonas at halata sa mukha ni Nanay ang pagkabigla dahil sa sinabi niya.

Tanggap kaya ni Nanay si Jonas bilang manliligaw ko? Marami nang nagtangkang manligaw sa akin pero wala pa ni isa ang sinagot ko sa mga iyon at pinagtuunan ng pansin. Itong kay Jonas ang naiiba dahil alam ko sa sarili ko na gusto ko siya.

"Talaga? Aba, Jonas wala akong problema sa'yo kung nililigawan mo na itong dalaga ko. Gusto kita para kay Miraela dahil alam kong isa kang mapagmahal at mabuting binata sa mga magulang mo." Nakangiting sabi ni Nanay dahilan para mapanatag ang loob ni Jonas.

"Ipapangako ko pong aalagaan at babantayan ko po palagi si Mirae. Kakausapin ko rin po si Tiyo Macario para hingin ang permiso niyang ligawan ko si Mirae." Seryosong sabi ni Jonas.

Tumango naman si Inay. "Makakaasa ako sa'yo, hijo."

Pagkatapos nilang mag-usap ay kumain na rin kami ng hapunan. Nag-uusap lamang sina Nanay at Jonas habang nakikinig ako sa kanila. Mabuti nalang at kakilala ng mga magulang ko ang pamilya nila Jonas kaya panatag ang loob ni Nanay na ligawan ako nito.

Pagkatapos naming kumain at magligpit ng mga pinagkainan ay pumasok na sa loob ng kwarto si Nanay dahil sumasakit daw ang kasu-kasuan nito at magpapahinga na habang inihatid ko naman si Jonas mula sa labas ng bahay.

"Mirae, maraming salamat nga pala sa pagtanggap mo sa akin bilang isang manliligaw mo. Bukas ay ako na ang maghahatid-sundo sa'yo papunta sa trabaho natin." Sabi niya.

Tumango ako. "Wala 'yon, Jonas. Alam mo naman nang gusto kita kaya gawin mo ang best mo para makuha mo ang matamis kong oo." Nakangiti ko pang sabi.

Nahihiya nman siyang ngumiti at namumula na ulit ang mukha niya. "Oo naman. Papakawalan pa ba kita e, swerte na nga ako sa'yo? Siya nga pala, pwede ko bang mahingi ang cellphone number mo?" Tanong niya.

Tumango naman ako. Iniabot niya sa akin ang cellphone niyang Nokia 3310 at doon ay iniligay ko ang number ko. Pagkatapos ay iniabot ko ulit iyon sa kanya saka siya nagpasalamat.

"Sige, Mirae. Aalis na ako. Abangan mo ako dito sa inyo bukas ng umaga, ha?" Sabi niya.

Tumango ako at kumaway sa kanya hanggang sa makaalis na siya.

Napatalon nalang ako sa sobrang kilig at naglulukso- lukso pang pumasok ulit sa bahay.

Ngayon ay nakahiga na ako sa kama kong gawa sa kahoy at katext ko ngayon si Jonas.

From: Future BF

Huwag ka nang magpupuyat, ha? Maaga kitang susunduin dyan sa inyo bukas.

Nagtipa naman ako ng irereply.

To: Future BF

Yes, boss! Ikaw rin. Bantayan mo ng maigi sa ospital si Inay mo at si Baby Jepoy.

Ilang segundo lang ay nagreply kaagad si Jonas.

From: Future BF

Opo, Misis este nililigawan ko. Sige, Goodnight na sa pinakamaganda kong si Mirae.

Hindi ko mapigilang hindi kiligin kay Jonas. Pero ngayon ay alam kong gusto ko siya at bibigyan ko siya ng tsansa para mapatunayan ang sarili niya sa akin.

To: Future BF

Goodnight rin, Jonas.

From: Future BF

Mahal na mahal kita, Mirae.

Napatakip nalang ako sa unan ko sa matinding kilig at hindi na nakapagreply pa kay Jonas. Ngayon lang ako sumaya ng ganito sa ibang tao bukod sa pamilya ko.

Talaga ngang mahal na ako ni Jonas at alam ko rin sa sarili ko na mahal ko na siya.

Kinabukasan ay maaga akong kinatok ni Nanay mula sa kwarto ko. Ang sabi niya ay bumaba na raw ako at may naghihintay na bisita sa akin. Inaasahan ko nang si Jonas iyon dahil ang sabi niya ay maaga niya akong susunduin dito sa bahay.

Naligo at nagbihis na kaagad ako bago lumabas mula sa kwarto ko. Nang matapos na ako ay kaagad akong nagpunta sa maliit naming living area pero ang akala kong si Jonas na madadatnan ko ay hindi pala.

Nakaupo na parang hari mula sa sofa namin si Ysmael habang nililibot ng tingin ang buong bahay namin. Nakita ko pa ang pagkadisgusto ng mukha niya sa itsura ng bahay namin. Nang lumapit ako sa kanya ay inabutan siya ni Nanay ng isang basong juice. Hindi tinanggap ni Ysmael iyon.

Napatingin naman si Ysmael sa akin at nginitian ako.

"Good morning, Mirae." Nakangiting sabi niya.

"Anong ginagawa mo dito?" Nakakunot-noo kong tanong.

"Anak, sinabi na pala ni Ysmael sa akin na liligawan ka niya." Napatingin naman ako kay Nanay na parang hindi makapaniwala.

Saka ko lang napansin na puno ng tsokolate at bouquet ng roses ang lamesa namin.

"Nay? Ano 'to? Hindi ba't nagpaalam na si Jonas sa'yo na liligawan niya ako? Bakit niyo pa pinapasok si Ysmael dito?" Sabi ko saka muling sinulyapan si Ysmael na tinaasan lang ako ng kilay.

Hinawakan naman ni Nanay ang magkabilang kamay ko. "Anak, Nangako si Ysmael sa atin na mas patataasin niya ang posisyon ng Tatay mo sa talyer kapag pinayagan mo siyang ligawan ka niya. Tutulungan niya rin daw tayong mabawi ang sinangla naming lupa ng Tatay mo at ibibili pa niya tayo ng bagong sasakyan." Masayang sabi ni Nanay.

Napakuyom ako ng kamao dahil sa inis. Mukhang sinusuhulan pa ni Ysmael ang mga magulang ko para magawa niya ang gusto niya sa akin.

"Nay, iwanan niyo po muna kami ni Ysmael. Mag-uusap lang kami." Seryoso kong sabi kay Nanay na magsasalita pa sana.

Sa huli ay bumuntong-hininga lang si Nanay at iniwan na nga kami.

"Ano 'tong ginagawa mo?" Madiin kong sabi kay Ysmael na nginisian lang ako.

"You should be honored na liligawan kita at tutulungan ko pa ang pamilya mo kahit mahirap lang kayo." Nagyayabang niyang sabi.

Sa inis ko ay kinuha ko ang bouquet ng roses sa lamesa at inihampas iyon sa kanya na ikinagulat niya.

"The fuck are you doing? Nag-iinarte ka pa eh nililigawan ka na nga?" Galit niyang sabi.

Umismid ako. "Sinabi ko bang ligawan mo ako? Hindi mo ba narinig ang sinabi ko kanina? Nililigawan na ako ni Jonas kaya kung gusto mo akong pagtripan pwes sa ibang babae nalang na patay na patay sa'yo kahit asal hayup ka pa!" Singhal ko.

Naubos na ang pasensya ko. Matagal akong nanahimik sa panghaharass niya sa akin at ngayon ay wala na akong pakialam kung anak pa siya ng Mayor dito sa lugar namin. Hindi ako makakapayag na maliitin lang kami ni Ysmael at suhulan dahil sa mahirap lang kami.

Tumawa siya. "Kung sa bagay, mahirap kayo kaya dapat lang na pinatulan mo rin ang isang mahirap na katulad ni Jonas pero Mirae, I can give everything you want at ayaw mo nun? Kahit papaano ay aahon na kayo sa hirap-" Hinampas ko naman sa kanya ang mga kahon na puno ng tsokolate habang umiiwas-iwas siya.

"Wala akong pakialam sa yaman niyo at kahit na kailan ay hindi ako magpapaligaw sa'yo!" Sigaw ko sa mukha niya.

Doon na siya tuluyang nagalit hanggang sa hinila niya ako at ibinagsak sa sofa ng sobrang lakas.

"Ang tapang mo, ha? Hindi ka natatakot sa akin? Pwes, matitikman mo kung paano ako magalit!" Galit na galit niyang sabi hanggang sa pumaibabaw siya sa akin at pilit kong hinahalikan.

Napaiyak na ako sa ginagawa ni Ysmael at naisigaw nalang ang pangalan ni Jonas sa sobrang takot hanggang sa namalayan ko nalang na bumagsak si Ysmael sa sahig.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita si Jonas na sinuntok si Ysmael kaya napaupo ito sa sahig. Kaagad naman akong itinayo ni Jonas sa sofa at niyakap. Nanginginig ako sa takot ngayon.

Salamat, salamat at dumating si Jonas.

"Anong nangyayari dito?"

Sabi ni Nanay na mukhang kakalabas lang galing sa bakuran at nagulat nalang ito nang makita si Ysmael na nakaupo sa sahig habang nagdudugo ang gilid ng labi.

Kaagad niyang inalalayan si Ysmael na tumayo. Sobrang sama naman ng titig nito kay Jonas na kayakap ko.

"Hindi pa tayo tapos, peste ka! May kalalagyan ka rin." Pagbabanta ni Ysmael kay Jonas na sobrang sama ng tingin at inis itong umalis mula sa pagkakahawak sa kanya ni Nanay saka ito padabog na lumabas mula sa bahay namin.

Hinahagod-hagod naman ni Jonas ang likod ko para matigil na ako sa pag-iyak habang si Nanay naman ay napailing nalang at muling umalis papuntang bakuran.

"Nandito na ako. Hindi ko hahayaang may masama ulit na mangyari sa'yo."

Tumango nalang ako sa sinabi ni Jonas at ramdam ko ang kaligtasan habang nakayakap lang ako sa kanya.

Salamat, Jonas.

-Ajai_Kim

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status