Share

Chapter 5

Nalaman na nina Nanay at Tatay na girlfriend na ako ni Jonas dahil kagabi ay inihatid ako ni Jonas sa bahay at kaagad rin niyang sinabi iyon sa mga magulang ko. Hindi naman tumutol pa si Tatay do'n dahil kung ano daw ang naisin ng puso ko ay susuportahan niya ako habang si Nanay naman ay walang imik nung malaman iyon. Hindi ko alam kung tanggap ba niya ang relasyon namin ni Jonas o hindi pero sa nakikita ko naman ay okay lang iyon sa kanya. Hindi ko na rin muna inaalala pa ang pagtatalo nila ni Tatay nung isang araw dahil masaya naman ako ngayon. Sinabi na rin namin na natanggal na kami mula sa Bakery at naiintindihan na nila kung bakit.

Alam na ng Inay, Itay at mga kapatid ni Jonas na girlfriend na niya ako. Pagkatapos makalabas mula sa ospital sina Inay Rosie at Baby Jepoy ay kaagad pinaalam iyon ni Jonas sa pamilya niya. Hindi rin sila tumutol sa relasyon namin at botong-boto daw talaga sila sa akin noon pa para kay Jonas kahit hindi pa ako nito nililigawan. Alam na daw kasi kaagad nila na may gusto sa akin si Jonas dahil palagi pala nitong sinasabi iyon sa pamilya niya.

Ito ang unang beses na nagkaboyfriend ako at masaya ako na si Jonas rin ang first kiss ko. Hindi ko pa rin talaga mapigilang hindi kiligin kapag naaalala kong hinalikan niya ako.

Nagpabango at nagpaganda ako ngayon dahil ang sabi ni Jonas ay magdi-date daw kami sa mall. Sinuot ko pa ang pinakamagandang dress na nabili ko last year sa ukay-ukay na hindi ko pa nagagamit at doll shoes naman na nabili ko sa tiangge nung magsale ito. Nilugay ko lang ang natural kong malamais na kulay na buhok habang naglagay ako ng kaunting liptint sa labi na ibinigay sa akin ni Nanay. Pagkatapos nun ay nakahanda na ako.

Ganito pala ang pakiramdam ng isang in love. Para akong lumulutang sa ere dahil sa saya at gaan ng nararamdaman ko.

"Aba, ang ganda-ganda naman ng anak ko ngayon."

Napalingon ako sa nagsalita at nakita kong nakangiti si Tatay sa akin habang naglalakad ito papunta sa pwesto ko.

Napangiti naman ako sa sinabi ni Tatay. "May date po kami ngayon ni Jonas, e." Sabi ko.

Tumango ito sa sinabi ko at kaagad na naupo sa maliit naming sofa.

"Nakikita ko naman na napakabuting bata ang anak ni Rosie at bagay na bagay rin kayo dahil talagang napakakisig nun at masipag pa. Kung sinuman ang magustuhan mo, anak ay nandito lang kami palagi para sa'yo." Seryosong sabi ni Tatay.

"Salamat po, Tay." Nakangiting sabi ko.

"Anak, pasensya ka na kung may hindi man nasabing maganda ang Nanay mo. Gusto lang naman niyang umahon tayo sa kahirapan kaya naiisip niyang ipagkasundo ka kay Ysmael pero hindi ako makakapayag doon. Makakahanap pa rin ako ng ibang trabaho kahit pinatanggal na niya ako sa talyer. Ang mahalaga ay masaya ka ngayon sa lalakeng totoo mong iniibig."

Sa sinabi ni Tatay ay may kung anong humaplos sa puso ko.

Talagang mahal na mahal niya ako bilang anak niya at sinusuportahan niya ako sa lahat ng gusto ko. Lumapit ako kay Tatay at niyakap siya.

"Maraming salamat po, Tay. Ipapangako ko pong magiging masaya kami ni Jonas." Hinaplos naman ni Tatay ang balikat ko.

"Itong magandang anak ko talaga. Oh siya't mag-ayos ka na dahil baka malate pa kayo ni Jonas sa date niyo. Ako ay magpupunta na sa bayan para maghanap doon ng trabaho." Kaagad naman akong inilayo ni Tatay sa kanya na ikinatawa ko nalang.

"Sige, Tay. Bye na po!" Masaya ko pang sabi at kinawayan nalang si Tatay na natawa sa ginawa ko hanggang sa lumabas na ako mula sa bahay at hihintayin si Jonas mula dito.

Ilang minuto lang ay nakarating na rin siya hanggang sa mapatulala nalang ako sa ayos niya. Nakasuot ito ng isang plain black polo long sleeves, jeans at puting rubber shoes. Medyo magulo pa nga ang buhok nito at basa pa, halatang kakaligo lang. Kahit simple lang kung manamit si Jonas ay nakaw atensyon pa rin siya. Talagang napakagwapo niya ngayon.

"A-ang ganda mo, Mirae..." Nakangiti niyang sabi saka nito hinawakan ang isang kamay ko at pinagsalop ito. Nakatitig pa siya sa akin habang nakangiti.

"Ikaw. Ang gwapo mo rin ngayon, Jonas." Nahihiyang sabi ko naman.

"Hays, sigurado akong pagtitinginan ka na naman ng mga lalake mamaya pero sorry nalang sila dahil may ubod ng gwapo kang kasama ngayon na lalabanan sila kapag inagaw ka nila sa akin." Pagbibiro pa ni Jonas na ikinatawa ko.

"Sige, ikaw na ang gwapo! Tara na nga at umalis na tayo." Natatawa kong sabi at nauna nang maglakad.

Nakangiti nalang siyang sumunod sa akin hanggang sa naglakad na kami papuntang paradahan ng tricycle. Mahigit sampung minuto rin ang biyahe ng tricycle papuntang mall bago kami makarating doon.

Nang makarating na kami sa loob ng mall ay ramdam na ramdam ko talagang pinagtitinginan kami ni Jonas. Mapababae man o lalake ay napapasulyap sa amin sa tuwing naglalakad kami. Hindi nalang namin pinapansin iyon at nagfocus nalang sa unang pagdi-date namin. Kumain lang kami sa Jollibee, nanood ng isang palabas sa sinehan at pagkatapos nun ay nagkwentuhan.

Tinanong ko pa siya kung saan niya nakuha ang pangdate namin at sinabi naman nitong sa ipon daw niya at huwag ko nang isipin pa iyon. Gusto ko sanang maghati kami sa gastos ng date namin pero ayaw niya dahil duty niya raw na gastusan ako. Sa mapilit siya ay hinayaan ko nalang at inenjoy nalang ang date naming dalawa.

Mahigit na apat na oras rin kaming nasa mall ni Jonas hanggang sa napagdesisyunan namin na lumabas na sa loob at magtungo sa parke na malapit lang rin dito.

Masaya ako dahil kasama ko ang lalakeng pinakamamahal ko. Ini-imagine ko na nga ang future namin kapag kasama ko na siya at nakatira na kami sa iisang bubong.

Pakiramdam ko kasi ay si Jonas na talaga ang para sa akin hanggang sa huli.

Nakaupo kami ni Jonas sa isang bench dito sa parke habang pinagmamasdan namin ang paligid. Walang masyadong tao pero may mga tao pa rin na naglalakad at namamasyal dito.

Nakahawak pa rin siya sa isang kamay ko at hanggang ngayon ay hindi pa niya ito binibitawan. Siyempre, masaya naman akong ginagawa ni Jonas iyon at kinikilig pa rin dahil kasama ko siya.

"Mirae, alam mo bang gusto kong maging isang sikat at hinahangaan na Engineer balang araw?" Nakangiting banggit ni Jonas habang pinagmamasdan ang mga tao sa paligid.

"Hmm.. Mechanical Engineering ang tinapos mong Kurso sa kabilang bayan, 'di ba?" Tanong ko naman.

Tumango siya at humarap sa akin habang nakangiti. "Gusto kong maging isang successful Engineer para kahit papaano ay maiangat ko mula sa kahirapan ang pamilya ko. Marami na kaming magkakapatid at hindi na rin kaya nina Inay at Itay ang itaguyod kami dahil sa lumalaki na rin ang mga kapatid ko." Sabi naman niya.

Talagang mahal na mahal ni Jonas ang pamilya niya. Palagi niya kasi itong inaalala at isinasama sa mga pangarap niya.

"Alam ko namang kaya mo 'yan, Jonas. Ikaw pa ba?" Sabi ko na proud pa.

Napangiti ito sa sinabi ko at naramdaman ko nalang na mas lalo pang humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko.

"Gusto kong pati ikaw ay kasama rin sa mga pangarap ko, Mirae. Hindi ko hahayaan na aangat ako nang wala ka. Alam mo bang ikaw na ang gusto kong mapangasawa?"

Sa biglang sinabi niya ay kaagad namang namula ang buong mukha ko do'n. Humarap siya sa akin na may seryosong tingin at tinitigan ako mula sa mga mata ko.

"Promise ko sa'yo, kapag naging isang Engineer na ako ay papakasalan na kita at magkakaroon tayo ng maraming anak." Mas lalo pa yatang dumoble ang pamumula ng mukha ko sa sinabi niya.

"Marami? Gaano karami?" Nahihiya ko namang tanong.

Kunwari pa itong nag-isip bago muling nagsalita. "Hmm, bumuo tayo ng isang basketball team!"

Natawa naman ako. "Aba! Parang ikaw ang manganganak sa ating dalawa kung makapagdemand ka, ah? Ang hirap kayang manganak!"

Si Jonas naman ang natawa sa sinabi ko. "Oh sige, basta kung ano nalang ang ipagkaloob ng Diyos ay iyon nalang ang tatanggapin natin."

"Haha! Okay po, Mister!" Sabi ko na ikinabigla ni Jonas.

Natawag ko pala siyang Mister?

Nakakahiya!

Bago pa ako nakapag-react sa huling sinabi ko ay bigla akong kinabig ni Jonas at hinapit sa bewang ko. Ipinatong rin niya ang ulo ko sa balikat niya.

"Mahal na mahal kita."

Ang sarap sa pakiramdam na marinig ang mga salitang iyon mula kay Jonas. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal niya sa akin.

"Mahal na mahal rin kita." Sagot ko naman na ikinangiti niya.

Hinaplos-haplos naman nito ang buhok ko.

"Alam mo ba, noong bata palang ako ay may sinabi sa akin noon si Inay na tumatak na sa isip ko." Sabi niya.

"Ano naman 'yon?" Nakalabi kong tanong habang pigil ang kilig.

"Ang sabi niya ay makakalimot daw ang isipan pero ang puso ay hindi. Maaaring mabura ang alaala pero ang alaala na dulot ng saya at pagmamahal ay hinding-hindi mabubura sa puso mo. Kaya kung sakaling mawala man ang alaala nating dalawa ay alam kong gagawa ang tadhana ng paraan para muli tayong magtagpo sa pamamagitan ng puso natin." Sabi nito.

Namangha naman ako sa sinabi ni Jonas at may punto siya do'n.

"Tama ka naman pero bakit mo naman nabanggit 'yan, Jonas? Iiwan mo na ba ako kaagad at kakalimutan?" Nagtatampo kong tanong kunwari.

Natawa naman siya at pinisil ang ilong ko. "Hindi ah. Nabanggit ko lang 'yon in case of emergency pero papayag ba akong magkahiwalay tayo at hindi na maalala ang isa't-isa? Hangga't kasama mo ako ay tayo pa rin hanggang sa huli. Bumubuo na nga ako ng pangarap para sa ating dalawa, e."

Napakaswerte ko kay Jonas. Ako rin, gusto kong bumuo ng mga pangarap ko kasama siya.

"Ako rin, Jonas. Gusto kong bumuo ng pangarap ko kasama ka. Walang iwanan ah?" Humarap ako sa kanya at nag-akmang magpo-promise finger.

Ngumiti siya at tinanggap ang promise finger ko.

"Oo, Mirae. Walang iwanan. Tayo pa rin hanggang sa huli."

Jonas, hinding-hindi kita iiwan. Sa'yo lang ang puso at isipan ko.

-Ajai_Kim

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status