Share

Chapter 5

"Saan ka ba nanggaling? Kanina pa kami alalang-alala sa'yo." Hindi maiwasang magpakita nang pag-aalala ng inang si Florida para sa kaniyang anak na si Karadine.

Pasado alas nuwebe na kasi ng gabi nang makauwi sila ng mansyon kasama ang kaniyang ama. Subalit ang kaniyang mga nalaman ay pinili na muna niyang ikubli sa kaniyang isipan.

Magsasalita na sana siya nang unahan siyang magsalita ng kaniyang ama, "Magkasama kami ng anak mo, Florida, buong maghapon kaya wala kang dapat na ipag-alala."

Napanatag naman na si Florida sa isinagot ng asawa habang nagpapahinga ito sa may sofa. Samantalang siya naman ay dumiretso na sa kaniyang silid habang laman pa rin ng kaniyang isip ang mga nangyari. Tila hindi pa rin mag-sink in sa utak niya kung gaano kabilis ang mga pangyayari, at kung paano niya tinanggap nang walang pag-aalinlangan ang trabahong inalok ng kaniyang ama.

Subalit dahil sa lalim ng kaniyang iniisip ay hindi niya namalayang nakatayo sa tapat ng kaniyang silid sina Tamara, Margaret at Isabel katumbas ng kaniyang hindi inaasahang paghihintay din nito sa kaniyang pagdating.

"Well, kung sino pa itong mahilig pumuna sa mga maling ginagawa namin ni Tamara ay siya rin pala itong nasa loob ang kulo," ani Margaret na may pagtaas pa ng kilay na karaniwan nitong ginagawa sa harap niya.

Tiningnan niya isa-isa ang kaniyang tatlong nakatatandang kapatid, subalit tanging si Isabel lamang ang makikitaan nang pag-aalala sa kaniya.

Kaya naman sa halip na patulan ang mga sinabi ni Margaret ay pinili niya na lamang na lampasan ang mga ito mula sa kinatatayuan. Saka sinabi, "Hindi n'yo ba naiintindihang pagod ako at kailangan ko ng pahinga? Hindi ko kailangan nang pang-iinsulto n'yo." Matapos niyang sabihin 'yon ay naramdaman pa niya ang pagkapit sa kaniyang braso ni Isabel subalit binalewala niya lamang iyon.

Sa kabila no'n ay nabuhay ang pagdududa ni Karadine na si Margaret ang nasabing katalik ni Philip ng gabing nagkaroon ng ingkwentro sa bayan ng San Miguel, kung saan ay napatay si Philip. Ngunit malalim na ang gabi kung kaya't mas pinili niya lang munang magpahinga.

Samantala'y hindi naman naiwasang magtalo ng mag-asawang Florida at Renato sa kanilang silid.

"At bakit mo naman pagtatrabahuhin si Karadine sa pabrika? E, si Karadine na ang katuwang ko minsan sa ating tindahan. Saka hindi pa sanay ang anak natin sa pagbabanat ng buto. Ano bang pumasok sa isip mo, Renato?"

"Mas mabuti nang matuto ang anak natin sa mga bagay na hindi niya nakasanayan," makahulugang sagot ni Renato matapos nitong iladlad ang kumot na siyang babalot sa nanlalamig nitong katawan.

Saka naman sumunod dito si Florida at hindi pa rin nagpatalong nangatwiran. "Pero hindi lang naman si Karadine ang anak mo, Renato, nand'yan pa sina Isabel, Tamara at Margaret."

Doon lamang sinentro ng tingin ni Renato ang asawa at sa pagkakataon na 'yon ay mas kalmado na ito. "Maniwala ka, Florida, tanging si Karadine lamang ang bukod tangi sa mga anak ko na kakayaning magtrabaho sa pabrika. Kaya wala ka nang magagawa sa desisyon kong ito."

Hindi maiwasang mapabuntong hininga ni Florida sa desididong asawa. "Hay, e, ano bang sabi ng anak mo? Pumapayag daw ba talaga siya?" alalang wika ni Florida, lalo na't ang nasa isip nito tungkol sa pabrika ay hindi birong trabaho, gayunma'y wala rin itong kaalam-alam sa tunay na kalakalan sa nasabing pabrika.

Kaya naman lumipas ang gabing salungat pa rin ito sa kagustuhan ng asawang magtrabaho si Karadine sa pabrika.

Hindi naman naiwasang pagkumpulan ng katanungan si Karadine sa harap ng hapagkainan kinaumagahan. Gayong salu-salo sila sa hapagkainan ng kaniyang ama't ina kasama ang kaniyang tatlong nakatatandang kapatid, mula sa masarap na pagkaing nakahain sa lamesa na pinagtulungan pang lutuin nina Isabela, Maria at Tanya.

"So, hindi mo naman sinabing ikaw ang number one s****p kay papa, Karadine," sarkastikong wika ni Tamara.

Saka naman ito agad na siniko ni Isabel na nasa gawing kaliwa nito habang nasa kanan naman nito si Margaret. "Ate," mahinahong pagsaway dito ni Isabel.

Subalit sadyang hindi pa rin ito nagpapigil. "Ay, oo nga pala, muntikan ko nang makalimutan na siya lang pala ang may karapatang s******p sa yaman ng pamilya natin, dahil hindi naman siya anak sa labas katulad natin."

"Tamara! Tumigil ka na!" malakas na pagsaway ni Renato sa anak, dahilan para matameme si Tamara. Gayong hindi pa rin magpaawat ang masamang tingin nito kay Karadine, sa kabila nang matinding inggit na nararamdaman para rito.

"O, well, itatama ko lang ang sinabi ni Ate Tamara, papa, hindi naman kami mga anak sa labas, 'di ba?" wika ni Margaret na bahagyang nakapagpakunot ng noo ng lahat lalo na sa ama nitong si Renato. "Kasi, in the first place, pinatira mo kami rito sa mansyon at binigyan ng karapatan sa lahat, especially sa yaman. Am I right, papa and Tita Florida?"

Tila hindi magawang magsalita nang nakaawang na bibig ni Florida habang mas pinili na lamang paburan ni Renato ang anak na si Margaret kahit na nagpi-feeling lang ito na maging tagapagmana. Kaya naman mas lumakas ang pag-apila ni Margaret sa paniniwalang porque mga bastarda lamang sila nina Tamara at Isabel ay wala na silang karapatan sa yaman ng mga Monteza.

At mas lumakas pa 'yon nang magawang magsalita ni Maria na kaniyang ina. "Mawalang galang na, Renato, pero mukhang panahon na para ipaalam mo sa'yong mga bastardang anak na may karapatan din sila sa manang makukuha ni Karadine kapag wala na kayo," may tonong pag-aasam ni Maria.

"E, bakit parang mas gusto mo yata na mawala kami agad, Maria?" katwiran agad ni Florida sa batid niya'y karibal niya pa rin hanggang ngayon sa atensyon ng asawang si Renato.

"O, wala akong sinasabi, masama bang ihalimbawa ko lang ang mga posibilidad, Florida?" ganting sagot nito na nagbigay naman ng dahilan para mas tumaas ang tensyon sa harap ng hapagkainan.

Iyon ay nang magawang hampasin ni Renato ang lamesa. "Tama na! Maria, Tanya at Isabela, makakaalis na muna kayo. At ikaw, Florida, hindi mo kailangang patulan ang walang saysay na mga usapin!"

Dahil dito ay piniling manahimik ng lahat, lalo na ang apat na magkakapatid. Hanggang sa matapos na lamang silang kumain nang walang imikan.

Pagkatapos kumain ay palihim siyang kinausap ng ama na ngayon ang araw ng training niya sa trabaho. Bagama't may pagsalungat pa rin siya sa trabahong pinasok ng kaniyang ama ay mas pinili niya na lamang na sundin ang sinasabi nito.

Paakyat na sana siya ng k'warto nang humahangos na lumapit sa kaniya si Aleng Francia kasama si Rosanna. "Paumanhin, Madam Karadine, ngunit ayaw talagang magpapigil ng 'yong kaibigan para makita't makausap ka. E, sinabi ko na nga sa kaniyang busy ka at kailangan mong sumabay na umalis kasama si Sir Renato."

Tipid siyang napangiti sa mahabang sinabi ni Aleng Francia bago pa man sentruhin ng tingin si Rosanna na makikita ang pag-aalala sa kaniya. "Sige na, manang, maiwan mo na po muna kami." Wala namang nagawa si Aleng Francia sa desisyon niya.

At doo'y nagpasya siyang patuluyin si Rosanna hanggang sa kaniyang silid. Pagkarating doon ay hindi na nito napigilan ang yakapin siya nang mahigpit, bagay na na-appreciate naman niya. "Hay, kung alam mo lang na labis kaming nag-alala sa'yo ni Isabel kahapon."

Tipid siyang napangiti subalit may kaunting lungkot dahil hindi pa muli sila nagkakausap ni Isabel, matapos niya itong talikuran kagabi. "Ganoon ba?" maluha-luha niyang wika. At kahit may taglay siyang tapang, pagdating kina Rosanna at Isabel ay hindi niya maiwasang maluha.

"Oo. Pero saan ka nga ba talaga nanggaling? Ang sabi ni Aleng Francia, sabay daw kayong umuwi kagabi ni Tito Renato, totoo ba 'yon?"

Bahagya siyang napangiti, subalit nagkukubling kaba gayong katumbas ng mga nalaman niya ay ang panibagong pagsubok na kailangan niyang harapin. "Oo, Rosanna, nagpasya kasi ang ama na magtrabaho na ako sa kaniyang pabrika."

"Ano? E, 'di ba? Heredera ka at hindi ka p'wedeng magtrabaho para sa pamilya? Maliban na lang kung mahina na ang mga magulang mo--"

"Pero may magagawa pa ba ako para tumanggi kung para rin naman sa magulang ko ang gagawin kong ito? At saka, ayoko naman baliin ang tiwalang ibinigay sa akin ni papa."

Hindi maiwasang mapabuntong hininga ni Rosanna sa katotohanang magiging madalang na silang magkita. "Pero paano 'yan? Magiging madalang na tayong magkita. Mami-miss kita! Isa pa ay malapit na ang pasukan, kaya mo bang pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral?"

Tipid siyang napangiti bago pa man itanday sa balikat nito ang kaniyang ulo. "Mami-miss din kita, Rosanna. At saka, 'wag kang mag-alala, kakayanin kong pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral. Malakas yata ang best friend mo."

Doo'y hindi na maiwasang sumilay ng tawa ni Rosanna habang binabalot ng kalungkutan. "E, basta, kapag day off mo, gagala tayo, hah?"

"Oo naman. At ililibre kita. Kaya punasan mo na ang 'yong luha at alisin mo na ang lungkot. Kasi kayang-kaya ko ang sarili ko," nakangiti niyang sabi. Kaya naman hindi na rin nagdalawang isip pa si Rosanna na tuluyang ngumiti.

Pagkatapos ay sinamahan na rin siya nitong magbihis. Subalit pagkalabas na pagkalabas lamang nila ng kaniyang silid ay hindi nila inaasahan na bubungad sa kanila si Margaret.

"Rosanna, hintayin mo na lang ako sa baba." Nag-aalangan ma'y sinunod na lamang ni Rosanna ang bilin niya at nang sila na lamang dalawa ni Margaret ang naroon ay hindi na siya nagdalawang isip na komprontahin ito.

"Bakit, Margaret? Gusto mo akong makausap? Oo nga pala, kagabi pa kita gustong kausapin nang masinsinan kung hindi lang ako pagod."

Tipid itong napangisi na siya ring ikinairap nito sa kawalan. "Talaga? E, hindi mo na nga ako iginalang bilang ate, tapos ikaw pa itong nagyayabang sa harapan ko?"

"Ikaw lang ang nag-iisip niyan." Sinentro niya ito ng tingin at doo'y hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa sa kaniyang mga nais sabihin. "Pero maiba tayo, umamin ka nga sa akin, totoo bang nagkaroon kayo ng relasyon ng Philip Baltazar na 'yon?" Nakita niya ang pandidilat ng mga mata nito.

"S-saan mo naman nakuha ang balitang 'yan?"

"Hindi na mahalaga, Ate Margaret." Pinagdiinan pa niya ang pekeng paggalang dito, lalo na't noon pa lang ay puno na siya sa pang-iinsulto at pagtataray nito sa kaniya. Aniya'y dapat lamang na hindi ito galangin pa kung mas matured naman siya ritong mag-isip.

Nakita niya ang tipid nitong pagngisi. "E, ano namang pakialam mo kung naging nobyo ko nga si Philip Baltazar? E, hindi naman maitatangging g'wapo siya at matipuno--"

"Kaya ba may nangyari sa inyo?" Biglang naitanong niya sa kawalan, dahilan nang muling pagtaas ng kilay nito.

"Anong sinasabi mo? Wala ka naman no'ng gabing iyon para pag-isipan mo ako ng ganiyan! Saka ikaw din naman, 'di ba? Wala ka rito kahapon kaya imposibleng hindi ka lumandi!" Doon niya ito nasampal. 'Yung tipong hindi nito malilimutan ang bakas ng kaniyang palad dahil sa lutong niyon. Bagama't nakikita niya ang pag-ingit nito sa sakit ay nagtataka pa rin ito sa mga nalalaman niya. "E, teka, saan mo naman nakuha ang impormasyon na 'yan? Pina-iimbestigahan mo ba ako?"

Bahagya siyang napailing. "Hindi ako magsasayang ng oras para lang sa'yo, Ate Margaret. Isa pa, kahit hindi ko gawin 'yon ay lalabas at lalabas pa rin ang katotohanan. Kaya kung ako sa'yo, kabahan ka na, kapag nagbunga ang ginawa n'yong kababuyan." Matapos niyang sabihin iyon ay halos sampalin pa niya ng ilang ulit si Margaret sa katotohanang iyon. Susubukan pa sana siya nitong kumbinsihin na manahimik at 'wag ipagsabi sa kahit na sinong tao sa mansyon ang kaniyang nalalaman ngunit bigla naman dumating ang kanilang ama. At doo'y natuwa naman siyang hinintay talaga siya ni Rosanna sa may salas.

Pagkatapos ay nagpaalam na rin sila sa isa't isa ni Rosanna bago pa man siya sumakay sa may kalesa na siyang maghahatid sa kaniya patungo sa pabrika ng mga baril. Nais pa nga sanang sumama ni Rosanna subalit tumanggi siya lalo na't ayaw niyang madamay pa ito sa kasong p'wedeng isampa sa mga Mochizet pagdating ng araw.

Buong akala niya at didiretso sila sa may pabrika, subalit laking pagtataka niya nang ibaba siya sa isang kapatagan. Kung saan ay nakita niyang may nakatayong isang lalaki na sa tingin niya ay nasa middle forty's.

Nakita niyang nakipagkamay pa rito ang kaniyang ama at kinalaunan ay pinakilala siya nito sa sa isang magaling na martial artist na si Ken Zue Greco, isang half pinoy Italian na kilala sa kaniyang angking galing sa martial arts. Ito rin ang nagsilbing trainor ng kaniyang ama noong nag-aral din ito ng martial arts noong bata pa siya. Kaya pala pamilyar ito sa kaniya.

"Malaki ang tiwala ko sa aking anak, Ken, isa pa ay malaki ang maitutulong nito sa kaniya pagdating ng araw na kinakailangan na siyang isabak sa laban," wika ng kaniyang ama habang pinapasadahan siya ng tingin ni Ken.

"Mukhang hindi mo nga pagsisisihan ang 'yong desisyon, Renato," wika ni Ken bago pa man magtawanan ang dalawa.

Hanggang sa pakitaan na siya ni Ken ng ilang technique sa martial arts, bagay na hindi maiwasang magbigay ng interes sa kaniya. Sinunod niya naman ang bawat itinuturo sa kaniya ni Ken. Hanggang sa unti-unti niya na iyong natututuhan.

At dahil sa kaniyang taglay na mahabang buhok ay hindi maiwasang humarang iyon sa kaniyang mukha sa tuwing susubok na makipaglaban. Kaya naman nagawa niya iyong ipusod. Pero dahil suot niya ang kaniyang sports bra at leggings ay hindi maiwasang makita ang korte ng kaniyang katawan na hindi naman maiwasang matitigan ni Yvo.

"Baka matunaw niyan si Madam Karadine, Yvo," pahapyaw na biro ni Renzo sa kaibigan.

Bagay na ikinailing naman ni Yvo, gayunma'y itinatago lamang nito ang paghangang nararamdaman para kay Karadine lalo na't ito lamang ang kauna-unahang babaeng nagpakita sa kaniya ng angas at tapang.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status