Share

Chapter 2

“Hi, I’m Levi Estrada.” pakilala nito sa akin.

Umayos naman ako sa pagtayo at alanganing bumati rito. Umiwas naman ako agad ng tingin dito. Nang gawin ko iyon ay narinig ko ang mahinang pagtawa nito.

“You looked so cute. I didn’t know that we have a janitress like you. Bukod sa maganda, mukhang masipag pa.”

I tried my best not to roll my eyeballs at him. Muntik ko na pa naman siyang maging crush, tapos malalaman kong ganito siya makipag-usap sa taong bagong kilala niya lang. Halatang playboy kaya ekis agad.

“Responsibilidad naman po naming maging masipag, Sir. Trabaho po namin ang maglinis.” sagot ko sa kaniya.

Akmang magsasalita pa sana siya nang biglang bumukas ang pinto ng elevator. Pagkababa ng mga empleyado na sakay nito ay agad akong pumasok at pinindot ang sixth floor.

“Oh, sixth floor ka rin?”

Tumango naman ako. Pumuwesto ako sa pinakalikuran ng elevator dahil alam kong may mga hahabol na empleyado sa pagsakay sa elevator. Napapahinto ang mga ito sa pagpasok kapag nakita nila si Sir Levi na nasa loob ng elevator. Magalang na bumabati ang mga ito sa kaniya. Tahimik lang akong naghihintay na dumating sa sixth floor ang elevator. Nang tumunog ito ay agad akong umayos nang tayo dahil bababa na ako. Dahil nasa dulo ako ay kinailangan ko pang makiraan sa ibang nasa harapan ko.

“Makikiraan ho.” saad ko sa mga empleyado na nagkukuwentuhan sa harapan ko/

Mukhang hindi narinig ng mga ito ang sinabi ko. Bigla akong kinabahan nang makitang papasara na ang pinto. Pero nabigla ang lahat nang biglang humarang sa pinto si Sir Levi. Mataman itong nakatingin sa dalawang empleyado na patuloy pa rin sa pagkukuwentuhan.

“Puwede bang tumabi kayong dalawa?”

Bahagyang nanlaki ang mga mata ng dalawa sa kanilang narinig.

“P-po? Bakit po, Sir?” tanong ng isang babae.

“You see, dahil pagkukuwentuhan niyo, hindi niyo na napansin na may sakay ang elevator na kailangang bumaba dito sa sixth floor.”

Sabay namang napatingin sa akin ang dalawang babae at agad na nagbigay ng daan sa akin.

“Salamat po.” saad ko saka mabilis na dumaan sa pagitan ng dalawa. Nagdire-diretso lang ako sa paglalakad at hindi na lumingon pa sa aking likuran.

Narinig ko pang muling humingi ng pasensiya kay Sir Levi ang dalawang babae.

“Miss Janitress!” narinig kong sigaw sa akin ni Sir Levi.

Nagpanggap ako na wala akong narinig at mas binilisan pa ang aking paglalakad. Nang makita ko ang CR sa hindi kalayuan ay mas binilisan ko pa.

“Levi!” dinig kong tawag sa kaniya ng isang lalaki. Hindi ko lang alam kung sino ito dahil hindi na ako lumingon pa.

Pagkapasok ko sa CR ay napahawak ako sa dibdib ko. Anong drama no’n at kailangan niya pang pagalitan iyong dalawang babaeng empleyado? Humugot ako nang malalim na hininga at agad na naglakad patungo sa kinaroroonan ng mga gamit sa paglilinis ng sahig.

Bago ako lumabas ng CR ay pinagdasal ko munang sana ay hindi na magkita ang landas namin ni Sir Levi. Kagat ko ang aking ibabang labi habang naglalakad patungo sa opisina ni Sir Leonel, ang boss ng lahat. Ilang beses pa akong umusal ng panalangin hanggang sa tumapat ako sa labas ng pinto.

Kumatok muna ako bago ko pinihit nang marahan ang doorknob. Nang makita ko si Sir Leonel na nakaupo sa kaniyang swivel chair ay agad akong bumati rito.

“Good morning, Sir!”

Sandali nitong hininto ang kaniyang ginagawa at nag-angat ng tingin sa akin. Nang makita ako nito ay ngumiti ito sa akin.

“Leah Rivera, right?”

Ngumiti ako sa kaniya at marahang tumango.

“Maglilinis po ako ulit.” tipid kong sambit.

Tumango naman ito. Magsisimula na sana ako sa paglilinis nang biglang magsalita ito.

“Mukhang ikaw yata yung tinutukoy na janitress ng anak ko na si Levi. Ikaw ba yung nakita niya kanina? Totoo bang tinakbuhan mo ang anak ko?”

Agad akong napayuko nang marinig ang tanong nito.

“Pasensiya na, Sir. Hindi ko naman po kasi alam kung paano makihalubilo sa mga mayayamang lalaki. Hindi ko lang po talaga alam kung anong gagawin ko kaya tumakbo nalang ako. May pagka-wierdo pa kasi yung anak niyo, ewan ko ba kung bakit pati janitress hinahabol niya.”

Marahan akong nag-angat nang tingin nang wala akong marinig na sagot mula kay Sir Leonel.

Sakto namang pagkaangat ko nang tingin ay nakita kong nakatingin siya sa akin at mukhang pinag-aaralan ang ekspresyon ng mukha ko. Marahan kong nakagat ang ibabang labi ko nang makitang seryoso siya. Mukhang mali yata yung nasabi ko. Ilang sandali pa ay narinig ko ang mahinang pagtawa nito.

“Tama lang yung ginawa mo, Miss Rivera. Sa dalawang anak ko, iyang si Levi ang mahilig sa mga babae.”

Nakahinga naman ako nang maluwag nang marinig ang sinabi nito. Habang naglalampaso ako ng sahig ay panay ang kuwento nito sa akin tungkol sa pagkakaiba ng kaniyang dalawang anak.

“Sayang at hindi mo naabutan iyong panganay na anak kong si Leander.”

Ngumiti lang ako kay Sir Leonel. Nang matapos ako sa aking ginagawa ay agad akong nagpaalam. May tatlong opisina pa akong kailangang linisan. Pati hallway ay kailangan ko pang lampasuhan. Kailangan ko iyong matapos bago ako mag-out mamayang 10:30 am.

“Leah!” bungad agad sa akin ng isa sa mga empleyado na nag-oopisina sa susunod na kuwartong pupuntahan ko.

“Miss Sierra.” nakangiti kong bati rito.

“Birthday ni Miss Kyla. Pinapasabi niya na kapag nakita kita, imbitahan daw kita sa opisina.”

Napaturo ako sa aking sarili.

“Ako ho? Bakit ho?”

“Birthday niya ngayon. Ikaw ang paborito no’n sa lahat ng mga janitress dito kaya espesyal ka sa kaniya.”

Tumawa ako sa sinabi nito.

“Sakto po, pupunta na rin ako para maglinis.”

Ngumiti naman ito at saka nauna nang naglakad papasok ng opisina. Humugot ako ng malalim na hininga at marahang napasandal sa sementadong dingding habang pasimpleng nagmamasid sa mga empleyadong napapadaan sa harapan ko. All of them are wearing a professional outfit. I was like that before. Isang normal na empleyado ng isang kompanya. Pero sa bandang huli ay nagsawa rin ako dahil kinukulang pa rin ang sahod ko sa mga gastusin sa bahay.

For some reason, I missed being an employee. I missed wearing skirts and slacks.

Nang ma-realize kong matagal na akong nakasandal doon ay agad akong kumilos. Gaya nang sabi ni Miss Sierra, pumunta ako sa Finance Department para doon maglinis. Pagkatapos ay niyaya ako ng mga naroon na kumain muna bago lumipat ng opisina. Ilang beses pa akong tumanggi pero hindi pumayag ang head nilang si Miss Kyla. Kaya kahit konti ay kumain na rin ako.

“Grabe, pakiramdam ko, pagod na pagod ako.” reklamo ni Felize pagkaupo nito sa maliit na sofa sa loob ng janitress’ quarter.

Pagod din akong umupo sa tabi niya. Tahimik lang akong sumandal sa backrest ng sofa.

“Alam mo, nagtataka talaga ako sa’yo, Iya. Hindi ko alam kung anong pumasok sa magulo mong utak at ginusto mong maging isang kagaya kong panay lang ang raket. Sayang naman yung tinapos mo. Marketing graduate ka pa naman sa UP at Cum Laude pa.”

Naiiling nalang siya habang nakatingin sa akin.

“Gusto ko lang na mabigyan ng maayos na buhay ang pamilya ko, Felize.”

Mahina siyang tumawa. Iyong uri ng tawa na para bang nang-aasar.

“Gusto mo ngang mabigyan ng maayos na buhay ang pamilya mo, pero ikaw naman ang halos mamatay sa pagod.”

Tumingin ako sa kaniya at ngumisi.

“Ako? Mamamatay sa pagod?” natatawang tanong ko habang nakaturo pa sa aking sarili.

Inirapan niya naman ako saka tumayo na. Nagsimula na siyang magpalit ng damit kaya naman sumunod na rin ako sa kaniya.

Pagkatapos ng trabaho namin dito sa kumpanya ay magtutungo na naman kami sa Starbucks para punuin ang 6-hour shift namin bilang isang part-time na Barista. Suwerte nga at hindi ako nahihiwalay rito kay Felize. Talagang ayaw rin siguro kaming paghiwalayin ng tadhana.

Paglabas namin ng exit door ay agad kaming tumakbo patungo sa daan para sana pumara ng jeep nang biglang may bumusina sa amin na sasakyan na mukhang papunta palang sa entrance kumpanya. Muntik tuloy akong mapatalon dahil sa gulat.

Hindi ko naiwasang mainis kaya naman ay agad akong naglakad patungo sa bintana ng sasakyan at agad na kinatok ito. Agad namang binuksan ng may-ari ang bintana.

Isang lalaki na nakakunot ang noo ang bumungad sa akin. Guwapo ito at mukhang mayaman pero wala akong pakialam. Sa dinami-rami ko nang nakitang guwapo sa buong buhay ko, hindi na uubra yung charm niya sa akin.

“What?” iritableng tanong nito sa akin.

Agad akong napahawak sa aking dibdib at natawa nalang sa labis na pagkainis.

“Anong what? Gusto mo bang what-what-in ko ‘yang mukha mo? Binusinahan mo lang naman kami ng kasama ko. Baliw ka yata eh. Payapa kaming tumatawid sa daan pero bigla kang bumubusina.”

Naihilamos ng lalaki ang kaniyang palad sa kaniyang mukha bago bumaling sa akin at tumitig sa aking mukha.

“Ang ganda sana, napakamaldita lang ng pag-uugali.” bulong pa niya, akala niya yata ay hindi ko narinig yung sinabi niya.

“May sinasabi ka?” taas-kilay kong tanong sa kaniya.

Inirapan naman ako nito. Aba’t talagang siya pa ang may ganang mag-attitude riyan.

“Mag-sorry ka!” sabi ko sa kaniya.

“Iya, hayaan mo na ‘yan. Huwag mo nang patulan, palampasin mo nalang. Male-late na tayo.” saad ni Felize sabay hila sa akin palayo sa sasakyan ng lalaking iyon.

“Pasalamat ka busy kami.” pahabol na sigaw ko pa rito bago ako tinulak ni Felize papasok ng pinara niyang jeep.

“Akala niya kung sino siyang peste siya.” saad ko dahilan para mapatingin sa akin lahat ng mga pasahero ng jeep na sinasakyan namin.

Marahan akong kinurot ni Felize sa aking tagiliran kaya umayos na ako nang upo. Marahang akong ngumiti sa mga pasahero at humingi ng pasensiya sa aking nasabi. Buong biyahe tuloy ay badtrip ako.

“Bakit mo ba naman kasi pinatulan pa iyong si pogi? Dapat pinalagpas mo nalang.”

Napasimangot ako nang marinig ang sinabi ni Felize.

“Napopogian ka pala sa ganoon? Di ko naman alam na mahilig ka sa mga ganoon.”

Hinampas niya naman ako agad sa braso.

“Eh totoo namang pogi. Bakit ikaw hindi ka ba nagkuwapuhan sa lalaking iyon?”

Pinaningkitan ko siya ng mata.

“Importante ba yung guwapo siya. Baka nakakalimutan mong ang lakas ng pagbusina niya. Pakiramdam ko ay pati natutulog na cells sa katawan ko ay nagising dahil sa ginawa niya.”

Tumawa si Felize.

“Eh ‘di dapat ay magpasalamat ka pala sa kaniya kasi nagising ang katawang lupa mo dahil sa ginawa niya.”

Inirapan ko nalang si Felize at nauna nang pumasok sa loob ng Starbucks.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status