Share

Runaway From The CEO
Runaway From The CEO
Author: Pordanabella

Simula

Marahan kong binuhat ang malaking braso na dumadagan sa aking tyan. Malalim na ang paghinga ni Caius kaya dahan-dahan akong bumangon. Pumapasok ang liwanag ng bilog na buwan mula sa nakabukas na pinto ng veranda.

Tiningnan ko ang mukha niya. Binabantayan ko ang paghinga niya sa bawat paggalaw ko. Kung sakaling magising man siya, makakabalik ulit ako sa paghiga at magkukunwaring tulog.

Pigil hininga kong binuhat ang binti niyang nakadantay sa hita ko. Halos pumutok ang ugat ko sa leeg dahil sa bigat niya. Napabuga ako ng hangin nang maialis ko. Saglit lang na humiwalay sakin ang katawan niya pero nananabik na kaagad ako sa init ng kaniyang balat. Napaghandaan ko na ito pero hindi ko inaasahan na magiging ganito kalungkot.

Huminga ako nang malalim. Mahimbing na ang tulog niya kaya gagamitin ko na rin ang oras na ito para pagmasdan siya.

Napangiti ako sa kung gaano siya kaamo kapag tulog. Ang mahahabang pilikmata niya ang siyang nagpapaganda sa nakakatakot niyang mga mata. Maganda ang makapal niyang kilay kapag hindi nagsasalubong. Nawala ang ngiti ko nang manlabo ang mga mata. Maingat kong dinala ang aking hintuturo sa linya ng kaniyang ilong. Matangos at perpekto. Natutuwa ako sa tuwing tumutusok iyon sa aking pisngi kapag hinahalikan niya ako. Pinaglandas ko ang aking daliri pababa sa kaniyang malambot na labi. Manipis ang itaas pero makapal naman ang ibaba. 

Hindi ko inakalang magiging masakit pala ang pagmasdan siya.

Binawi ko ang kamay at pinalis na lamang ang luha. Kinagat ko ang labi. Kung ipinanganak lang sana ako sa mundo niya... baka pwede kaming dalawa. Baka hindi ganito kabigat ang problema.

Hinawi ko ang kumot at bumaba na sa kama. Agad gumapang pataas sa aking katawan ang lamig ng sahig. Lumunok ako. Gusto ko mang bumalik sa tabi ni Caius at damhin ang init ng kaniyang katawan, hindi na pwede. Una pa lang, alam ko nang hindi ito pangmatagalan. Niloloko ko lang ang sarili ko na mag-iiba rin ang tingin ng lahat sa akin.

Isa-isa kong pinulot ang mga damit ko sa sahig. Hindi ko alam kung ligtas pa rin ba ang makipagtalik kapag buntis. Hindi pa ako nakakapagpakunsulta pero sa pagkakaalam ko, hindi naman iyon pinagbabawal ng doktor. Depende lang siguro sa kundisyon ng pagbubuntis. Normal naman siguro ang sa akin.

Mabilis kong sinuot ang mga damit. Nang matapos, pinagmasdan ko muna si Caius habang nakatayo rito sa paanan niya. Ito na ang huli naming pagkikita... Sa ilang buwan naming pagsasama, tanggap ko na hanggang dito lang ako. Kahit anong pilit ko na sana may bukas pa para sa aming dalawa, pinipigilan na ng tadhana.

Pinahiran ko ang mga luha. Sinulyapan ko ang mga damit niyang nakahandusay sa sahig at isa-isang pinulot. Isinampay ko iyon sa sandalan ng single sofa para wala na siyang liligpitin paggising niya.

"Hello Argen. Umalis na tayo. Baka mahuli pa tayo sa flight," marahang sinabi ko sa kaibigan pagkalabas ko sa penthouse ni Caius.

Kinumpirma naman niya ang pag-alis namin bago ko ibinaba ang tawag. Sasama ako sa kaniya sa US. Nakakahiya man pero wala akong mapupuntahan dito. Kahit pa magtago ako sa mga liblib na lugar, mahahanap pa rin ako ni Caius. Kung sa ibang bansa, mahihirapan pa siya.

Kasama si Mama at Argen, tumulak na kami sa airport. Pagbaba namin ng sasakyan, lamig ng simoy ng hangin sa madaling araw ang yumakap sa akin.

"Ingat kayo!" huling sinabi ng kaibigan ni Argen na siyang naghatid sa amin dito.

Kinapitan ako ni Mama habang papasok kami sa airport. Pinigilan ko ang sariling huwag maiyak dahil nakakahiya. Ang isiping lalayo ako at hindi na hahalo pa sa mundo ni Caius, hindi ko matanggap. Gusto kong ihinto ang mga paa sa pagpasok sa airport pero para saan pa? Ang buhay na mayroon siya, napakalayo sa kung anong mayroon ako.

Huminga ako nang malalim. Balang araw, makakalimutan ko rin ang sakit ng pangyayaring ito.

"Ayos ka lang ba, anak?" nag-aalalang tanong ni Mama.

Pinilit kong ngumiti nang napakatamis sa kaniya. "Oo naman po!" Pineke ko ang sigla.

Kapag nakarating na kami sa US, saka ko na lang sasabihin sa kaniyang buntis ako. Doon na rin niya malalaman ang tunay niyang kalagayan. Alam kong hindi siya sasama sa akin kung sasabihin ko ang totoo.

Dalawang oras pa ang departure time namin kaya naupo muna kami sa waiting area. Nag-uusap kaming tatlo nang mag-ring ang bagong cell phone ko. Agad akong tumayo nang makitang si Sheena ang tumatawag.

"CR muna ako," paalam ko sa kanila.

Habang papunta ako sa CR, sinagot ko na ang tawag.

"Darcy!" sigaw niya. "Nakaalis ka na ba?"

Kumunot ang noo ko. Ang aga naman niyang magising ngayon. Mamayang alas otso pa naman ang pasok niya. Alas tres pa lang ng madaling araw ngayon.

"Hindi pa, bakit?"

"Pumunta si Sir Caius dito sa apartment ko! Galit, bes! Hinahanap ka sakin! Binulabog ang tulog ko at tinakot pa akong ipapakulong ako kung malaman niyang nagsisinungaling ako!" impit na sigaw niya.

Napapikit ako at bumuntong-hininga.

Nagising siya. Akala ko dire-diretso na ang tulog niya hanggang sa mag-umaga. Naramdaman siguro niyang wala na ako sa tabi niya.

Kumalabog na naman ulit ang puso ko. Kahit ano pang malaman ko tungkol sa lalaking iyon, aalis pa rin ako.

"Lintik, hindi ako makasigaw. Baka nandito pa siya sa paligid. O baka naglagay siya ng camera dito? Audio? Nasaan kaya dito?"

Naging maingay sa background niya.

Napasandal ako sa pader katapat lang ng pintuan ng CR. Hindi ko akalaing hahanapin ako ni Caius. Umiling-iling ako. Hindi naman siya obsessed sa akin kaya hindi siya aabot sa puntong lalagyan niya ng hidden camera si Sheena para i-monitor. Hindi siya ganoon kadisperado.

"Nawala 'yung antok ko sa lakas ng katok! Kulang na lang tibagin niya ang pinto ko! Baka nga hindi kamay ang ginamit niya pangkatok kanina. Mukhang sinisipa na niya, bes!"

Bumuntong-hininga ulit ako.

"Pasensya ka na, Sheen. Nadamay ka pa."

"At ano 'tong sinasabi niyang kumuha ka ng 20 million sa bangko niya? Totoo 'yon?"

Mariin akong napapikit. Humigpit ang hawak ko sa maliit na keypad phone. Kanina ko lang t-in-rasfer ang perang iyon sa account ko. Ang bilis naman nalaman ni Caius!

"Ano kasi, Sheen. Ah... b-buntis ako." pag-aalangan kong umamin.

Pero hindi dahil buntis ako kaya nagawa kong kumuha ng pera sa bangko ni Caius!

Tumahimik siya saglit. "T-Totoo?" garalgal ang boses niya.

Kinagat ko ang ibabang labi at napayuko.Alam kong masaya siya pero nalulungkot din dahil ganito ang naging sitwasyon. 

"Buntis ka talaga?" pagkumpirma niya. 

"Magpapa-check up ako pagdating sa US. Gumamit lang ako ng pregnancy test noong isang araw," sagot ko. 

"So totoong kumuha ka ng ganoon kalaking pera kay sir? Bes, baka ipakulong ka! Jusko, 20 million? Talagang ginawa mo 'yon?" 

Bumuntong-hininga ulit ako. Wala na yata akong ibang alam gawin kundi ang bumuga ng hangin.

"Lintik ka! Naririnig ko 'yang hininga mo. So totoo nga?!" Para siyang malalagutan ng hininga.

"Sheen. Alam mo ang kalagayan ng mama ko." 

"Pero beh 20 million 'yon. Pwede mo namang sabihin sa kaniya ang problema mo para matulungan... Hays." Nagbuga siya ng hininga, hirap na pagsabihan pa ako. "Huwag ka na lang kaya umalis? Mukhang mahal na mahal ka naman ni Sir Caius. Nakakatakot kasi 'yong galit niya kanina. Kung nagtagal pa siya dito baka tumawag na ng barangay yung kapitbahay ko!" 

Napasapo ako sa noo at pagod na pumikit. "Sorry talaga, Sheen." 

"Itatakbo mo ba talaga yung pera? Baka kapag nalaman 'yan ni tuklaw, ipakulong ka."

Hindi ako nakasagot. Ipapakulong ba talaga ako ng nanay ni Caius?

"Basta, bes..." naging malungkot na ang boses niya. "Ingat ka doon sa ibang bansa, ah. Mag-update ka sakin. Gumawa ka ng dummy account sa F*. Mahal ang roaming. Di ko afford."

"Hmm." 

"Huwag kang pakampante diyan! Nanganganib ang buhay ko rito. Mukhang bantay-sarado ako sa boyfriend mo! Ayaw kong makulong kapag nabuko akong tinatago kita sa kaniya!"

Boyfriend... Hindi ako nakipag-break pero siguro naman iko-consider na niyang break na kami sa ginawa kong 'to.

Tumunog ang annoucement system ng airport. Lumapag na raw ang eroplanong US bound kaya napaaga ang departure namin. 

"Kailangan ko nang umalis, Sheen."

"Jusko, Darcy! Oh sige. Mag-ingat kayo, ha. Lalo ka na! Yung baby mo! Mag-ingat ka kay Argen! May gusto sa'yo 'yang hinayup*k na 'yan kaya baka gapangin ka niyan sa gabi!"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status