Share

Sandoval Series 4: Glimpse of the Fading Sun
Sandoval Series 4: Glimpse of the Fading Sun
Author: LadyAva16

Prologue

"Gising na ba yang palamunin mo, Rosita?"

Napaigtad ako sa lakas ng boses mula sa labas ng silid ko. Galit ang boses ni Tiyo Lando sabay kalampag ng aking pintuan. Mabilis akong bumangon at sumilip sa labas ng bintana. Madilim pa. Hindi ko alam kung anong oras, may orasan sa silid ko pero hindi ako marunong bumasa. 

"Wag kang maingay Lando, natutulog pa ang bata." Saway ni Tiya sa kanya pero lalo lang kinalampag ni Tiyo ang pintuan. Sa lakas ng pagkakalampag niya sigurado akong magigising pati ang mga pinsan ko. At kapag nagising ang mga ito, tiyak mamaya ako na naman ang pagbubuntunan nila ng galit. 

"Lintek naman, Rosita! Ako pa ang mag-a-adjust! Pamamahay ko rin 'to baka nakakalimutan mo! Bat ka pa kasi nagdagdag ng palamunin dito!? Alam mo namang mahirap ang panahon ngayon. May tatlo ka pang anak na pinapaaral,  nagdagdag ka pa. Bakit di mo nalang ibalik ang batang yan sa DSWD?"

Nagtatalo na naman silang dalawa. Araw-araw ko na itong narinig mula sa kanila. Ramdam ko naman na una palang ayaw sa akin ni Tiyo Lando pero si Tiya ang namilit na dito ako titira sa kanila.  

 Si Tiya Rosing, nag-iisang kapatid ni Mama, siya ang tinawagan ng DSWD para kunin ako sa shelter. Wala na akong ibang mapuntahan dahil wala na akong mga magulang. 

"Hindi pwede, Lando.  Alam mo naman na ako lang ang nag-iisang kamag-anak ni Margarette. Anong gusto mong gawin ko sa kanya? Tsaka pwede ba hinaaan mo yang boses mo? Baka may makarinig sa yong ibang tao at e-report tayo."

"Wala akong pakialam, Rosita! Mag-isip ka kung ano ang pwede mong gawin dyan sa palamunin mo! Ano habang buhay mo nang responsibilad ang batang yan? Alam mo naman na sapat lang sa mga anak ko ang kinikita ko. Ngayon may makikihati pa?" Narinig ko ang malakas na kalabog mula sa labas ng pintuan. " Tatlo! Tatlo Rosita ang mga anak mo! Ayokong marinig na yung parte nila ay ibibigay mo dyan sa pamangkin mo!"

"Diba nag-usap na tayo? Hanggang ngayon hindi mo pa rin ba nakukuha ang punto ko. Ilang buwan lang ang hinihingi ko sayo. Maghintay ka lang, mapapakinabangan din natin ang batang yan."

May bahay naman sana kami, malaki pero hindi ko na pwedeng balikan dahil hindi na pinayagan ng mga pulis na makapasok doon. Kung pwede lang mas gugustuhin ko pang bumalik doon kahit mag-isa ako. Kaya ko naman ang sarili ko. Sanay naman akong mag-isa, kaso bawal na daw akong bumalik doon.

"Paano ka nakakasiguro dyan sa sinasabi mo? Nakahingi ka ba ng tulong sa mga magulang nyan nung buhay pa? Diba hindi!"

"Anong hindi! Baka nakalimutan mong ikaw din ang dahilan kaya hindi na ako nakaulit! Nakalimutan mo na bang pinatalo mo sa sugal ang pera na hiniram ko sa kapatid ko? Tapos ngayon ako ang sisisihin mo! Wag ka ngang atat Lando!"

"Ilang buwan na ang lumipas ni Rosita hanggang ngayon wala pa rin. Alam mong baon na tayo sa utang! Ngayon, kung palpak yang sinasabi mo lalo tayong magkanda-letse-letse dito! Habang buhay mong kargo ang batang yan! At wag mong sabihin sa akin na pag-aaralin mo pa yan! Kung di mo sana kinuha yan sa DSWD, wala tayong problema ngayon."

"Anong gusto mong gawin ko? Alam mo naman na hindi pa tapos ang imbestigasyon. Pasalamat ka nga at ako ang tinawagan. May mahihita tayo. Alam mo ikaw hindi ka nag-iisip. Ako lang ang nag-iisang kamag-anak ni Margarette at yan lang ang nag-iisang anak ng ate ko. Nagi-gets mo ba ang punto ko? Ako lang ba ang nag-iisip sa bahay na 'to Lando? Mag-isip ka nga!"

"Siguraduhin mo lang na mangyayari yang mga sinasabi mo dahil kung hindi, sa ayaw mo't sa gusto ibabalik ko sa DSWD ang batang yan. Ngayon, kung ayaw mo namang magka-problema tayo habang naghihintay dyan sa sinasabi mong pera, gisingin mo yang palamunin mo at pagtrabahuin dito."

Muli akong napaigtad dahil muling kinalampag ni Tiyo ang pintuan ko. "Hoy Margarette! Gumising ka na! Anong oras na!" 

Gusto ko nang lumabas pero natatakot ako. Kung alam ko lang na ganito ang magiging turing nila sa akin sana pala nakiusap nalang ako doon sa shelter na wag na akong ibigay sa kanila. 

"Ano ba Lando, ke aga-aga tumigil ka nga!" 

"Gisingin mo yang pamangkin mo! Wala syang yaya dito na mag-aasikaso sa kanya. Gawin niya ang trabaho nya para wala tayong problema. Wala na ngang ambag, nagbuhay reyna pa. Mga anak ko lang ang pwedeng magbuhay reyna dito sa pamamahay ko Rosita. Tandaan mo yan!"

Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Hindi naman ako nagbubuhay reyna dito sa pamamahay nila. Buhay reyna ba ang tawag sa akin kung halos lahat naman ng gawaing bahay nila ako ang gumagawa? Mga mabibigat na gawing bahay na hindi ko naranasan nung buhay pa ang mga magulang ko. Nagbubuhat ako ng mga mabibigat na timba, halos lahat ng mga gawain na sana tinuro niya sa mga anak nila ako ang gumagawa. Buhay reyna pa rin ba yun? 

Sa ilang buwan kong pananatili dito sa bahay nila hindi naman ako naging pabigat. Ako ang gumagawa sa halos lahat ng mga gawaing bahay nila. Ako ang naghuhugas na pinggan, ako ang nagsasaing, ako naglilinis ng buong bahay at ako pa ang naglalaba. 

Pitong taong gulang pa lang ako pero lahat ng trabaho na hindi ko naranasan noon, naranasan ko dito sa kanila. 

Wala akong reklamo dahil hindi naman ako pwedeng magreklamo. Bawal ang magreklamo dito sa kanila dahil hindi lang gutom ang palo ang aabutin ko kundi magugutom din ako.  Sanay naman na akong magtiis simula nang mawala sina Mama.  Pero sana wala akong maririnig na masasakit na salita mula sa kanila. 

Itong mga ginagawa ko, ito yung ginagawa ng kasambahay namin noon. Mas daig ko pa nga ang trabaho ng mga yaya ko noon dahil ngayon kahit ang paglilinis ng sasakyan ni Tiyo ako pa. Kahit ang pagpapakain ng mga alaga nyang manok ako din. Ilang daan din yung mga manok pansabong nya. Kung tutuusin wala na akong pahinga.

Ano lang ba ang lakas ko? Kahit pa siguro malaki na ako, kung ako lang din ang magtatrabaho lahat, mapapagod din ako. Pero kahit ang mapagod ay bawal din sa akin. Dahil kapag nakikita ako ni Tiyo na walang ginagawa nagagalit sya sa akin. Kung ano-anong masasakit na salita ang sinasabi nya sa akin. 

Daig ko pa ang ibang tao kung ituring nila ako. Kung tutuusin parang hindi naman kamag-anak ang turing nila sa akin, para akong batang kinuha lang sa kung saan, pinakain at binihisan. Pero kahit yun binibilang pa.

Pero hindi din pala, kasi hindi naman nila ako pinapakain ng maayos. Nakakakain nga ako pero yung kung ano lang ang tira nila. Minsan nga wala pa. Pinagkakasya ko lang ang kung anong pwede ko pang kainin. Kung may isda, ulo o di kaya buntot na wala nang laman. Kung di talaga sinwerte edi yung mga bunga nalang ng bayabas sa labas ng bahay nila. Yun nalang ang pantawid gutom ko pero minsan mahapdi na rin sa tiyan.

Sa totoo lang mas masarap pa ang pagkain ng aso nila. Kasi ang aso mamahaling dog food pa. Pero hindi ako pwedeng magreklamo. Kung ano lang ang meron yun lang, kesa naman sa magutom ako at mas malala pa kung parusahan ako ulit ni Tiyo. 

Ayoko nang maparusahan. 

Ayoko nang matulog ulit— sa kulungan ng aso. 

"Margarette, my water! I'm so thirsty!"

Napaigtad ako dahil sa boses ni Ate Maria. Siya ang panganay na anak ni Tiyo Lando at Tiya Rosing. Fifteen years old sya at nasa high school na. Sa kanilang tatlo sya ang pinaka palautos.

Tatlo silang magkakapatid. Si Ate Maria, si Ate Leonora at si Ate Teresa. Mga pinsan ko kung tutuusin pero daig ko pa ang yaya nila sa turing nila sa akin.

"What's wrong with you Margarette? Why are you so slow? You're like a turtle! I need my water now!" Ganito sya palagi mag-utos sa akin. Walang pakiusap, pasigaw at palaging nagmamadali.

Wala naman syang ginagawa sa sala kundi ang humilata lang. Pangiti-ngiti habang hawak ang cellphone nya. Samantalang ako dito sa kusina hindi na alam kung alin ang uunahin ko. Katatapos ko lang maghugas ng plato na pinagkainan nila, hindi ko pa nga nalinisan ang mesa na basta nalang din nila iniwan. Pagkatapos nito magwawalis at magma-mop pa akong sahig. Hindi pa nga ako tapos sa isang utos pero heto inuutusan niya na naman ako.

"What the hell I'm dying Margarette!"

Naghugas muna ako ng kamay bago kumuha ng baso at nilagyan ng kaunting yelo. Hanggang kalahating baso lang dapat ang yelo, bago ko lagyan ng tubig. Ganun dapat ang aking gagawin dahil ayaw ni Ate Maria uminom ng hindi malamig. Dapat may straw din dahil ayaw niyang nadidikit sa baso ang labi nya, eww daw. Kumuha din ako ng tray, bawal kung bitbitin ng basta nalang ang anumang pagkain o inumin na ibibigay ko sa kanya. Ganun kaselan si Ate Maria.

"Margarette!" Dumagundong na ang boses nya sa buong bahay.

Nagkukumahog na ako pero hindi ako makalakad ng diritso dahil may naapakan akong bubog kanina habang nagpapakain ako ng mga manok ni Tiyo. Wala kasi akong suot na tsinelas dahil yung tsinelas na binigay ni Tiya sa akin ay naputol sa sobrang kalumaan nito.

"Ano ba, Margarette! Isusumbong na talaga kita kay Daddy!"

"Heto na po, Ate. Saglit lang."

Dahan-dahan ako sa paglakad, hindi pwedeng may matapong tubig sa tray dahil ayaw ni Ate Maria ng dugyot. Dugyot daw tingnan kapag may natapong tubig at kapag ganun hindi niya iniinom. Minsan binubuhos nya pa sa akin.

"What did you just call me, Ate?" Tanong agad nito pagkalapit ko sa kanya. Tiningnan nya ang tray na hawak ko kung may natapon bang tubig doon at nang makitang wala saka nya pa kinuha ang baso.

"I told you not to call me Ate. Baka masanay ka! Isipin pa ng mga makakarinig na kapatid kita. Look at yourself, you're so dugyot. Yuck!" Aniya sabay nandidiring tingin sa akin mula ulo hanggang paa.

Nagbaba ako ng tingin. Nanliliit ako sa aking sarili pero totoo naman ang sinabi nya. Mukha talaga akong dugyot dahil hindi pa ako nakapagpalit ng damit mula kanina. Hindi pa akong nakapagpahinga. Masama na nga ang pakiramdam ko, para na ako akong nahihilo. Pakiramdam ko lalagnatin ako.

Pagkagising ko kaninang umaga diritso ako pakain sa mga alagang manok ni Tiyo. May nag-aalaga naman sa mga manok nya pero pinapatulong niya pa rin ako. Para naman daw magkaroon ako ng silbi.

Pagkatapos ko namang magpakain ng manok, nagwalis ako sa labas at namulot ng mga tuyong dahon. Kung di pa ako tinawag ni Kuya Mackoy, ang bantay sa manokan nila, hindi pa ako makakakain, alas nwuebe na ng umaga.

Gutom na gutom ako nang pumunta sa hapag pero ang natirang ulam para sa akin ay mga ulo ng isda. Hindi man lang nila ako tinirhan ng itlog o kahit nung tortang talong sana. Pero hindi na ako nagreklamo, laman tyan na din yun kesa hilaw na bayabas na naman ang kakainin ko.

Mabuti nalang at may naipuslit na sardinas si Kuya Mackoy, yun ang pinaulam nya sa akin. Pero madalian ko lang din inubos dahil bawal makita ni Tiyo na sardinas ang ulam ko at tiyak mapapagalitan si Kuya Mackoy.

Pagkatapos ko namang mag almusal diritso na ako sa paglalaba. Mabilis ko lang natapos ang mga de color dahil diritso ko lang naman sa washing machine pero yung mga puti at uniporme ng mga pinsan ko kelangan ko pang kusutin isa-isa. At dahil maliit ang kamay ko, matagal akong natapos. Yung sugat ko sa kamay sa paglalaba ko nung isang araw ay muli na namang nadagdagan. Hindi ko naman pwedeng e-brush ang mga damit at baka masira ang tela, lalo nila akong mapapagalitan.

"Oh Margarette, andito ka pala. Kanina pa kita hinahanap kasi kelangan papalinisan ko itong black shoes ko. Palagyan ng kiwi at pa-brush na din." Inabot nya sa akin ang sapatos niya pero hindi ko pa natanggap binitawan niya na ito kaya nahulog ito sa tiles.

"Aww, sorry Margarette." Labas sa ilong nitong sabi sabay tingin kay Ate Maria. Kita ko pa ang pag-angat ng kilay niya sa akin.

Siya naman si Ate Leonora. Sya ang pangalawa. Thirteen years old, anim na taon ang tanda nito sa akin. Palutos din ito pero hindi katulad ni Ate Maria, hindi ito maselan. Yun nga lang burara naman ito sa mga gamit niya. Kung saan-saan niya lang iniiwan ang mga pinaghubaran nya. Ang mga sapatos niya nakakalat lang kung saan, pati ang mga medyas.

Itong itim na sapatos na sinasabi niya ngayon ay kanina ko pa nahanap dahil hindi niya naman maalala kung saan niya ito huling hinubad. Para syang ahas na nagpapalit ng balat, kung saan maisipan maghubad ng mga gamit doon lang din iiwan. Akala ko nga nalinisan niya na ito dahil tinanggalan ko naman na ito ng mga putik kanina.

"Nga pala Margarette, pagkatapos mong linisan yang sapatos ko, paki tupi nalang din ng mga damit ko sa closet. Naghahanap kasi ako ng masusuot para sa gala namin ng mga kaibigan ko, hindi ako makadecide kaya ayun, slight kong nagulo yung mga tinupi mo."

Hindi na ako nagsalita pa dahil magagalit lang sya sa akin. Alam ko naman na kasi na yung slight na sinasabi niya ibig sabihin parang binagyo na naman ang silid nito. Hindi ko nga alam kung normal pa ba ito sa tuwing naghahanap sya ng susuotin, minsan kasi feeling ko sinasadya nilang guluhin ang mga gamit nila para parusahan ako.

"Make sure your hands are clean ha? Ayokong mangamoy tuyo ang mga gamit ko. Or better maligo ka muna bago pumasok sa silid ko. I don't want my room smell bad."

Kung tutuusin mas mabango at malinis pa ang silid ko kesa sa mga silid nila. Yun ay kung matatawag nga na silid ang dating bodega.

Kalahati pala ng silid ko ay tambakan ng mga lumang gamit nila. Nilagyan lang ng plywood ni Kuya Mackoy sa gitna at nilagyan ko ng kurtina para magmukha itong silid.

Wala na rin kasi akong ibang silid na matutulugan. Apat lang ang silid sa bahay nila at ayaw naman nila akong makatabi. Lahat okupada nila, tatlo sa mga anak ni Tiya at yung master's bedroom ay para sa mag-asawa. Ang silid ko ay extension lamang na pinagawa para sa mga lumang gamit nila.

Pero ayos lang naman, nilinis ko naman na ito at nagmukha namang silid. May maliit din akong kama, wala nga lang foam pero ayos na din.

"Ano pang tinatayo-tayo mo dyan? Go!"

Hindi ko namalayan na nakatulala na pala ako. Tiningnan ko silang dalawa parehas nakaangat ang mga kilay nila sa akin.

"What! Ayaw mong linisan ang sapatos ko?" Wala akong sinabi pero galit na agad sila sa akin. "Nagmamalaki ka na? Gusto mo isumbong kita kay Daddy?"

Wala akong sinabing ayaw ko, pero kahit ayaw ko man o gusto wala din naman akong choice kundi linisan ang sapatos niya.

"Leave!"

Natahimik lang ako dahil pakiramdam ko nahihilo ako, pakiramdam ko umiikot ang paligid.

"Ano ayaw mo talaga?"

Hindi pa nga ako nakasagot hinablot na ni Ate Leonora ang sapatos sa akin at bago pa ako makapagsalita pinukpok niya na ang sapatos sa ulo ko. 

"Aray Ate."

Hindi lang isang besess kundi marami. Parang lahat ng galit niya ay sa akin niya ibinuhos. Galit na hindi ko naman alam kung anong dahilan. 

"Tamad ka! Wala kang utang na loob! Pinapakain ka na nga namin hindi ka pa marunong tumulong!"

Sinasangga ko ang kamay niya pero hindi ko kaya, mas malakas at mas malaki sya kesa sa akin. Umiiyak na ako at nagmamakaawa pero ayaw niya pa ring tumigil. Galit na galit niya akong pinaghahampas kahit na nakaupo na ako sa sahig.

Hindi pa sya nakuntento tinadyakan nya pa ako ng ilang beses. Pati ang paa kong nasugatan ng bubog ay inapakan nya pa kaya napahiyaw na ako sa sakit.

Nagmakaawa ako kay Ate Maria na tulungan ako, nakita kong tumayo ito. Akala ko sasawayin niya si Ate Leonora pero yun pala ay tumayo sya para tulungan ang kapatid niya. Malakas niya rin akong sinipa, natamaan ang likod ko. Pagkatapos malakas niyang hinila ang buhok. Sinubukan kong kalasin ang kamay niya at sa ginawa kong yun nakalmot ko ang braso niya dahilan para lalo syang magalit sa akin.

Dalawa na sila ngayon ang nanakit sa akin. Hampas, sabunot, tadyak. Hindi pa nakuntento si Ate Maria, binuhusan niya pa ako nang tubig.

Malakas na ang mga iyak ko. Tinatawag ko si Tiya para awatin ang mga anak nya dahil hindi ko na kaya. Para na akong naghihina. Nalalasahan ko na rin ang dugo sa labi ko. Pero bago pa ako marinig ni Tiya nauna nang dumating si Teresa, ang bunso nila.

"Oh my gosh! What's happening here?"

"Isara mo ang pintuan, Teresa dali!" Utos ni Ate Maria. Mahigpit niyang hawak ang kumpol na buhok ko. Halos matanggal na ito sa aking anit.

Tumakbo si Maria pero nadulas ito sa tubig na binuhos ni Ate Maria. Pagtingin ko sa kanya may sugat at duguan ang nguso nito.

Malakas itong umiyak tinatawag si Tiya at Tiyo. Nagpanic si Ate Maria at Leonora, sa sobrang pagkapanic nila hindi nila namalayan na nasagi na nila ang vase na pinakaaalagaan ni Tiya Rosa. Ang vase na alam kong mahal ang halaga.

Sakto namang pagpasok ni Tyang at yun ang nakita nya. Imbes na unahin ang anak niyang duguan ang nguso mas nauna pa nitong lapitan ang vase na nagkalat sa sahig.

"Sinong bumasag—"

"Si Margarette, Mommy!" sabay nilang turo dalawa sa akin.

Yun ang nadatnang tagpo ni Tiyo. Walang tanong-tanong, tinanggal nito ang sinturon na suot niya. Daig ko pa ang hayop sa paghataw niya ng sinturon sa akin. Kung saang parte ako ng katawan natamaan.

Masakit. 

Sobrang sakit. 

Namimilipit ako. 

Bawat hampas ng sinturon sa katawan ko nag-iiwan ng marka. Kahit anong iyak at pagmamakaawa ko wala silang narinig. Daig ko pa ang hayop sa ginawa nila sa akin.

Unti-unting nandilim ang paningin ko. Pikit mata kong tinanggap ang bawat palo ni Tiyo hanggang sa mawalan ako ng malay.

Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin pagkatapos nila akong parusahan. Nagising nalang ako kalagitnaan ng gabi dahil sa malamig na hangin at malakas na buhos ng ulan. Gusto kong sumilong. Gusto kong sumigaw, gusto kong humingi ng tulong pero ni pagbukas na aking bibig ay di ko magawa.

Pagtingin ko sa labas, madilim, nakakatakot. Sinubukan kong igalaw ang katawan ko pero hindi ako makagalaw. Hindi ako makagalaw sa sobrang sikip ng kinalalagyan ko.

Ang mga luha ko ay naghalo sa malakas na buhos ng ulam. Ang boses ko ay nilamon na rin ng kadiliman. Nanginginig na ako sa ginaw. Wala na akong lakas.

Ano ba ang naging kasalanan ko at kailangan ko maparusahan ng ganito?

Awang -awa ako sa aking sarili. Para akong hayop na basta nalang ibandona, basta nalang iniwan nang nakakandado sa loob ng maliit na kulungan. 

Ang lumang kulungan ng aso nila.

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Melba Ritos
grabe nman Ang pghihirap mo margaret.mga salbahe nman yang mga pinsan mo
goodnovel comment avatar
Laysa
ang tanga tanga naman nitong bida umpisa palang maka highblood na sa subrang katangahan
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status