Share

Kabanata 4

"Umayos ka Catalina." may inis na sabi ni Eloisa sa kanyang anak.

Nakasimangot si Catalina habang sinusukatan siya ng isang sikat na designer.

"Ano ba 'to ma? Hindi ko kailangan ng bagong damit. At bakit pa po ako magpapasukat?"

"Hindi ka talaga nag-iisip. Ang bisita natin ay ang mga Vallejos. Siguraduhin mong makukuha mo ang loob ng anak ni Simon. Ang importante sa'kin ay 'yong bunso niyang anak."

Lalong napasimangot si Catalina dahil sa mga sinabi ng kanyang ina. Ayaw niya sa mga gano'ng usapan. Gusto niyang siya ang magdesisyon kung sino ang nararapat para sa kanya.

"Thank you Ricky." masayang pasasalamat ni Eloisa sa designer.

"You're always welcome Madame."

"Hayaan mo at sa kasal ni Catalina. Ikaw rin ang kukunin ko."

"Thank you talaga Madame. Ako ang bahala sa wedding gown ni Catalina. I'll make sure na maganda ang design na gagawin ko."

Napailing na lang si Catalina at lumabas na sa shop. Sumunod naman ang kanyang ina.

"Ano bang problema mo?" inis na tanong ni Eloisa dahil hindi na maipinta ang mukha ng anak.

"Ayoko nito ma. Bakit po sinasabi niyong magpapakasal na ako? Hindi pa ako tapos ng pag-aaral. At isa pa, hindi ko pa po kilala ang mga Vallejos na 'yon."

"Tumigil ka nga diyan. Nakakahiya ka talaga kahit kailan, hindi ka marunong mag-isip." Napahawak si Eloisa sa kanyang ulo dahil sa pagpipigil ng inis sa kanyang anak.

Nang makapasok na sila sa sasakyan at nagsimula na itong umandar ay doon niya muling binalingan ang kanyang anak.

"Catalina, sinasabi ko sayo ah. Umayos ka. 'Wag mo kong inisin."

"Ma, sinasabi ko lang pong hindi pa ako handa."

"Magtigil ka! Kanina ka pa ah. Kaya naaagaw ni Tajana ang atensyon ni papa kasi lagi kang ganito. Hindi ka marunong sumunod."

"Hindi ako si Tajana. Wala din po siyang inaagaw sa'kin. Totoo naman pong mas magaling siya sa maraming bagay."

"Tigilan mo ako sa ganyang paniniwala mo ah. Wala kang mararating Catalina. Magtiwala ka sa'kin dahil mas matagal na akong nabubuhay kesa sayo. Dito sa mundong 'to kailangan mong maging praktikal. At tigilan mo na ang pagtatanggol diyan sa pinsan mo."

"Tama kayo ma. Sa inyo na rin po nanggaling. Pinsan ko si Tajana at hindi ko siya kakumpetensya."

Mariin na napapikit si Eloisa dahil sa mga sinasabi ng anak niya. Nang mapadilat siya ay galit na galit itong tumingin kay Catalina.

"Tumigil ka na. Ayokong maririnig ang kahit ano tungkol sa pinsan mo na 'yon. Akala mo ba at hindi ko napapansin ang pagtingin-tingin mo sa mga trabahador?"

Natahimik si Catalina sa sinabi ng kanyang ina.

"Ayokong magkaroon ka ng asawa na walang sinabi sa buhay! Isang kayod, isang tuka. Hindi mo makukuha ang mga gusto mo sa gano'ng klaseng lalaki. Kaya mag-isip ka!" sabay tulak nito sa ulo ng kanyang anak na ngayon ay nakayuko na at pinipigilan ang mga luhang malapit ng tumulo.

"This is for your future. Kaya 'wag ka ng makialam. Mas alam namin ang makakabuti sayo."

Nakaiwas ang tingin ng dalaga sa kanyang ina at tahimik lang ito hanggang sa makabalik sa kanilang tahanan.

"Mukhang nag-away na naman kayong mag-ina. Saan kayo nanggaling ni Catalina?" tanong ng matanda kay Eloisa matapos mag-mano

ni Catalina dito at agad na nagtungo sa isang silid.

"Sa shop papa, nagkasundo kasi kami ni Catalina na bumili ng bagong damit. Naalala niya po ang bilin niyo na mag-ayos para sa pagdating ng Vallejos."

"Maganda 'yan ah." Ngiting-ngiti na sabi ng matanda.

"Bakit hindi niyo man lang sinama ang apo kong si Tajana? Para naman ng sa gano'n ay nakabili rin siya ng bagong damit."

Nakaramdam ng inis si Eloisa dahil sa narinig niya. Kahit kailan talaga ay puro si Tajana ang iniisip ng matandang kaharap niya.

"Hindi namin siya nakita papa. Kaya hindi na rin po namin naalala. Wala siya sa mansyon."

"Ah oo nga pala. Baka nasa plantasyon siya ng bulak. Makakalimutin na talaga ako." tatawa-tawang sabi ni Ismael.

Sa plantasyon ng bulak ngayon ay pinagtitinginan si Tajana. Sa gandang taglay niya ay hindi maiwasan ng mga taong mapatingin sa kanya. Kahit babae ay namamangha sa ganda niya.

"Kumusta po kayo dito? May mga kagamitan ba na kailangang mapalitan?" tanong ng dalaga sa ilang mga trabahador.

Halos mabihag na ang kanilang mga puso dahil sa magandang ngiti ng dalaga.

"Maayos naman po kami dito." nakangiting sagot ng isang trabahador na abot langit na ang ngiti ng masilayan si Tajana.

"Tiningnan na namin ang mga gamit sa plantasyon, maayos pa naman ang mga iyon. Gumagana pa rin ng maganda." sagot naman ng matanda na nakangiti rin.

"Maganda naman po kung gano'n. Kapag nagkaroon po ng problema , 'wag po kayong mahihiyang magsabi. Kahit tungkol sa mga katrabaho o kahit anong problema ninyo dito sa plantasyon."

"Salamat po Binibini!"

"Maaasahan po talaga namin kayo lagi."

"Maraming salamat rin po sa magandang pagtatrabaho niyo."

Ang ilang mga babaeng napapadaan ay hindi maiwasan na mainggit kay Tajana. Pinag-uusapan nila kung gaano siya kaganda at katalino.

"Hija, ito ang inumin. Mukhang napagod ka sa paglalakad." sabay abot ni Mang Ramon ng tubig sa dalaga. Siya ang isa sa pinakamatagal ng trabahador ng Campoverde. Lubos ang pagtitiwala sa kanya ni Ismael. Para na siyang lolo ni Tajana at ng mga trabahador sa plantasyon.

"Salamat po Mang Ramon."

"Balita ngayon na dumalaw ang Vallejos sa inyong mansyon."

Uminom si Tajana ng tubig bago sumagot sa sinabi ng matanda.

"Opo. Dinalaw lang po ni Ginoong Simon si lolo."

"Mukhang gusto pa rin naman ni Simon na mapabilang sa inyong pamilya." humahalakhak nitong sabi bago umupo malapit sa upuan ni Tajana.

"Naaalala ko pa noon kung gaano niya kamahal ang iyong ina. Si Alicia ay talaga namang napakaganda at sobrang masayahin na dalaga. Napakagaling pang kumanta ng iyong ina. Kaya hindi na ako magtataka na sobra ang pagkagusto niya dito."

May kung anong naramdaman si Tajana sa kanyang puso habang naririnig niya ang kwento tungkol sa kanyang ina.

"Masayahin po talaga si mama?"

"Oo. Lahat ng nakakahalubilo ng iyong ina ay palaging gusto siyang makausap dahil magaan siyang kasama."

"Hindi ko po 'yon alam."

"Ayos lang 'yan hija. Kung may tanong ka man tungkol kay Alicia ay pwede kang magtanong sa'kin." nakangiting sabi ni Mang Ramon.

Makikita sa mukha ni Tajana ang pagkasabik sa kanyang ina. Gusto niya itong mas makilala pa. Bata pa lang siya ay lagi ng nag-aaway ang kanyang mga magulang. Madalas walang oras ang mga ito sa kanya. Sinubukan niyang mag-aral ng mabuti para mapasaya at mapansin siya ng mga ito. Pero wala ring naging epekto ang pagiging matalino niya sa eskwelahan.

Matapos ang kwentuhan ni Mang Ramon at Tajana ay nagsimula ng maglakad ang dalaga palabas ng plantasyon nila.

Habang naglalakad siya ay naiisip niya pa rin ang mga kwentong sinabi sa kanya ng matanda tungkol sa kanyang ina. Masaya siyang naglalakad habang iniisip iyon dahil may nalaman siya tungkol kay Alicia.

Sumasayaw ang naka-tirintas niyang buhok sa sariwang hangin na sumasalubong sa kanya habang bumibilis ang lakad niya ng may ngiti sa labi.

Nang makalabas siya ng plantasyon ay nakakita siya ng isang kulay puti na tupa na medyo maliit pa na nasa gitna ng kalye. Balak na niyang lapitan ito dahil nakita niya ang mabilis na sasakyang patungo kung nasaan ang tupa.

"Tigil!" sigaw niya. Pero hindi siya narinig ng nagmamaneho kahit na paulit-ulit niya iyong isinigaw.

Napatakip siya ng kanyang mata ng makitang malapit na ang sasakyan. Naaawa siya sa tupa na masasagasaan nito.

Nang makalagpas ang sasakyan ay unti-unti niyang tinanggal ang kanyang kamay sa mukha niya.

Nakita niya ang isang lalaking nakahiga sa isang gilid at yakap ang tupa.

Nagmadali siyang puntahan ito. Nakita niyang mabigat ang paghinga ng lalaki. Dala siguro ito ng kaba sa pagligtas sa tupa. Umupo ang lalaki at hinawakang mabuti ito.

"Ayos ka lang ba?" nakangiti niyang tanong sa tupa.

Hindi naiwasan ni Tajana na mapangiti ng makita niya iyon.

"Ginoo! Ayos ka lang ba?" tanong niya dito.

Lumipat ang tingin sa kanya ng lalaki.

"Ayos lang ako." sagot nito ng may tipid na ngiti.

"Mabuti na lang at nailigtas mo siya. Akala ko ay masasagasaan na." Tiningnan ni Tajana ang tupa at hinimas ito.

Tumayo na ang lalaki habang hawak pa rin ang tupa.

"Bakit ka nandito? Balak mo bang kunin ang tupa?"

"Galing ako sa plantasyon at hindi ko balak kunin ang tupa. Hindi namin siya pag-aari. Balak ko lang sanang iligtas kanina pero masyado akong malayo para maabutan siya."

Dumako ang tingin ng lalaki sa plantasyon pagkatapos ay bumalik ang tingin niya sa dalaga at tiningnan mabuti ang kasuotan nito. Mukha siyang anak ng mayaman. Abala pa rin naman si Tajana sa pagtingin sa hayop.

"Salamat sa pag-aalala sa tupa. Aalis na kami." paalam ng binata. Inayos niya ang suot niyang isang uri ng cowboy hat.

"Ah sige. Sayo ba ang tupa na 'yan?"

"Oo." nakangiting sagot ng binata sabay tingin sa tupa. "Mahilig siyang tumakas. Laging nakakagawa ng paraan."

Ang mga mata ni Tajana ay tila kumikislap habang nakatingin sa binata.

Ano kaya ang pangalan niya?

Taga-saan kaya siya?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status