Share

Kabanata 5

Sa maluwang na mansyon ng Campoverde ay abala ang mga taga-pagluto at kasambahay. Lahat ay nagmamadali habang pinagbubutihan din ang kanilang ginagawa. Mahigpit ang bilin ni Don Ismael sa mga ito na hindi dapat sila makagawa ng pagkakamali. Dahil ito ay napakaimportanteng panauhin para sa kanya.

"Ayusin ninyo ang trabaho."

"Bilisan ang kilos."

"Ang mga kubyertos ay iayos na sa tabi ng mga plato."

Ang pamilya naman ng Campoverde ay abala rin sa kanilang pag-aayos.

"Narinig mo naman ang mga bilin ko Catalina. 'Wag mong kalimutang umayos. Kilala mo ako, alam mo kung anong kaya kong gawin kapag hindi ka sumunod."

Hindi na umimik pa si Catalina sa kanyang ina. Para sa kanya ay magiging mahaba ang araw na ito kaya ayaw niyang pagurin ang sarili niya sa pakikipagtalo.

Sa kabilang silid naman ay tinatapos ni Tajana ang kanyang kailangang gawin para sa negosyo nila. Nang mapatingin siya sa orasan ay minabuti na niyang ayusin ang mga gamit niya sa mesa.

Isinuot na nila ang kani-kanilang mga nakahandang damit.

Matapos maging handa ni Tajana ay lumabas na siya ng kanyang silid at dumiretso sa kanilang teresa.

"Don Ismael!" narinig niyang tawag ng isang trabahador. Agad na nilapitan ito ni Tajana.

"Anong problema?" tanong niya ng makita ang hinihingal na lalaki.

"Si Mang Ramon po ay inatake." Namilog ang mga mata ni Tajana.

"Ano?! Tara na. Ako na ang pupunta."

Kitang-kita ang pag-aalala sa mga mata niya. Minabuti na muna niyang 'wag sabihin sa kanyang lolo ang sinabi ng trabahador dahil sa may bisita pa itong darating.

"Nasaan si Tajana?" tanong ni Don Ismael sa kanyang pamilya.

"Hindi ko pa po siya nakikita papa." sagot naman ni Jaime.

"Baka naman umalis pa siya. May panauhin ngayon." imik naman ni Eloisa.

Lumingon ang matanda kay Catalina.

"Wala bang sinabi sayo si Tajana? Tiningnan na siya ng kasambahay sa kwarto pero wala siya doon."

Nagulat si Catalina sa narinig niya. Hindi nahuhuli si Tajana kapag may panauhin na darating dahil alam niyang magagalit ang kanilang lolo.

"Wala po siyang sinabi." sagot niya habang napapaisip.

"Pero baka po nasa plantasyon 'yon. Alam niyo naman po siya kapag nagkaproblema lang ng kaunti ay pinupuntahan niya agad." dagdag pa ni Catalina. Napaiwas na siya ng tingin ng maramdaman niya ang pagkainis ng kanyang ina dahil sa sinabi niya.

"Ngayon pa talaga ito nangyari. Malapit ng dumating ang Vallejos."

Agad na silang napahinto sa pag-uusap nang matanaw na ang pagpasok ng isang magandang kotse sa kanilang gate.

Nanatili sila sa kanilang kinatatayuan at hinintay ang paghinto ng kotse malapit sa hagdan.

Kumaway agad ang nakangiting si Simon ng makababa siya sa kotse. Naglakad na ito paakyat sa hagdan. May dalawang kotse na magkasunod din ang dumating matapos makaalis ng kotse kung saan bumaba si Simon.

"Magandang tanghali Don Ismael." bati nito.

"Magandang tanghali Simon."

Masayang binati ng Campoverde ito.

Nang bumukas na ang dalawang kotse ay bumaba naman ang dalawang makikisig na lalaki.

Ang isang lalaki ay mukhang maamo ang mukha pero halatang hindi ito pala-ngiti. Samantalang ang isa naman ay nakangiti na agad ng makalapit kila Don Ismael.

"Magandang tanghali po."

"Good afternoon."

Bumati rin pabalik ang pamilya ng Campoverde at naglakad na sila papunta sa hapag-kainan.

"Nakakatuwa naman ang iyong mga anak Simon. Pareho silang makikisig at guwapo pa." masayang puri ni Don Ismael.

Tumawa si Simon sa papuri ng matanda.

"Syempre ay kanino pa po ba magmamana." pabirong sagot nito.

Nagtawanan sila.

Si Tajana naman ay pumasok na sa loob ng kwarto ni Mang Ramon sa ospital matapos makausap ang doktor. Wala itong pamilya kaya sobra din silang mag-alala kapag bigla na lang itong inaatake.

Maayos naman na ang kalagayan ni Mang Ramon. Sinabi lang ng doktor na magpahinga muna ito para maobserbahan na rin nila ng mabuti.

"Franco, 'wag mo munang iiwan si Mang Ramon ah." bilin ni Tajana sa binata. Ito ang madalas kasa-kasama ng matanda.

Tumango ito sa sinabi ng dalaga. Mahimbing pa ang tulog nito.

Nang maasikaso na ni Tajana ang lahat ng kailangan ni Mang Ramon sa ospital ay minabuti na niyang umuwi muna. Dahil sa alam niyang hindi rin siya nakapagpaalam sa kanyang lolo.

Habang abala naman sa pag-uusap ngayon ang pamilya ng Campoverde at Vallejos ay sinamantala ni Eloisa ang pagkakataon na lapitan ang bunsong anak ni Simon.

"Ito nga pala si Catalina. Pwede kayong maging magkaibigan. Kaisa-isa ko lang siyang anak." imik nito sa isa sa mga binatang bisita na nakikinig sa pinag-uusapan nila Don Ismael.

"Ah gano'n po ba." Bumaling ang tingin ng binata sa dalaga.

"Hello Catalina." nakangiti nitong bati.

"Hello." sagot naman ni Catalina sa medyo mahinang boses at tipid na ngumiti. Saglit lang siyang tumingin sa binata. Halatang hindi siya interesadong makipag-usap.

Mahigpit na hinawakan ni Eloisa si Catalina para ayusin nito ang kanyang ginagawang pakikipag-usap sa bisita.

"Mabuti pa at ilibot ka ni Catalina sa labas ng mansyon. May hardin rin kami dito at maganda doon."

"Salamat po... Ah..." Nagdadalawang-isip ang binata sa itatawag niya kay Eloisa. Nahalata naman niya iyon agad.

"Tiya na lang o Tita ang itawag mo sa'kin. Pero kung mama ay okey lang din." pabirong sabi ng ina.

"Hahahaha. Kayo po talaga tita palabiro din tulad ni Don Ismael."

Kahit na hindi gusto ni Catalina ang sumunod sa gusto ng ina ay sinamahan niya pa rin ang binata upang ilibot sa labas ng mansyon.

Inayos ni Tajana ang ilang hibla ng buhok na humaharang sa kanyang mukha. Naglakad na siya ngayon papasok ng mansyon.

Narinig na agad niya ang tawa galing sa kanyang lolo at sa ilang mga tao pang kausap nito.

Nang makarating siya sa sala ay lumipat agad ang tingin ni Don Ismael.

"Tajana! Sa wakas ay dumating ka na rin apo. Saan ka ba nanggaling?" tanong nito.

Lumapit si Tajana sa kanyang lolo.

"May kinailangan lang po akong puntahan."

"Kasama ko ang dalawa kong anak hija." Tumingin agad si Simon sa pwesto ng kanyang mga anak pero wala na ang mga ito doon.

"Magkasama si Catalina at ang bunso mo. Mukhang nagkakasundo sila sa pag-uusap." imik naman ni Eloisa.

"Gano'n ba?"

Nabaling naman ang atensyon nila sa panganay ni Simon na mukhang kakatapos lang makipag-usap sa tawag sa kanyang cellphone.

"Iyan ang panganay ko."

Napatingin si Tajana sa binatang naglalakad na ngayon palapit sa kanila.

Halos matulala na siya ng makitang iyon ang lalaking nakita niyang sumagip sa tupa.

Ang lalaking may malambing na mukha na parang napakabait at talino.

"Ito si Tajana. Isa din sa mga apo ni Don Ismael."

"Magandang tanghali sayo." bati ng binata sa kanya.

"Calvin." pagpapakilala nito sabay inilahad ang kamay.

Pinilit ni Tajana na hindi mahalata ang paghanga niya sa binata.

"Tajana."

"Nice to meet you."

Nagkatinginan sa mata ang dalawa. Hindi mabasa ni Tajana sa mga tingin ng binata kung naaalala ba siya nito.

"Kumusta ang paglilibot niyo?" tanong naman ni Eloisa sa pagbalik ni Catalina kasama ang isa pang binata.

"Maayos naman po tita. Ang ganda po sa garden niyo."

"Mabuti naman at nag-enjoy ka."

Ang atensyon ng lahat ay nasa dalawang dumating galing sa labas ng mansyon. Samantalang si Calvin naman ay tinititigan ng mabuti si Tajana dahil sa hindi pa sila nagbibitaw ng kamay.

"Kilala mo ba ako?" tanong ng binata dahil sa nakatingin pa rin si Tajana sa kanya.

Binitawan na niya ang kamay ng binata bago sinagot ang tanong nito.

"Oo. Hindi mo ako naaalala? Iyong sa plantasyon. Malapit doon ay may sinagip kang maliit na tupa."

"Ahh. Pasensya na. Hindi kita nakilala agad. Ikaw 'yong anak mayamang babae." tipid na ngumiti ito.

Hindi inasahan ni Tajana na gano'n ang sasabihin ng binata dahil madalas na sinasabi ng lahat tuwing makikita siya ay isa siyang magandang binibini.

Lumapad lalo ang ngisi ni Tajana ng maalala siya nito. Ngumiti lang naman din si Calvin sa kanya.

Muli silang napansin ng kanilang pamilya kaya naman tinawag ni Simon si Tajana.

"Hija, ito pala ang isa ko pang anak." Bumaling ang tingin ni Simon sa bunso niyang anak at sinabing lumapit ito sa kanya. Kaya naman gano'n ang ginawa ng binata.

Si Tajana naman ay hindi pa rin maiwasan na hindi mapatingin kay Calvin na ngayon ay nasa kapatid na ang atensyon.

"Hello."

Tumingin ang dalaga sa bumati sa kanya. Naglahad ito ng kamay sa harap niya. Halos hindi niya agad naikilos ang kanyang kamay para batiin ito ng mapagmasdan niya ang mukha.

Imposible. Siya?!

Halos mawala ang lahat ng iniisip ni Tajana ng makita ang binata. Paulit-ulit na tinitingnan ng kanyang mga mata ang buong mukha nito.

"Terrence."

Mas lalong hindi nakagalaw si Tajana at mas natigilan ito ng magkatitigan na silang dalawa.

Hindi.

Hindi ito maaari!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status