Share

Kabanata 5

✖-✖-✖-✖

Dalawang araw ang lumipas simula nang mangyari ang insidente. Nalaman ni Holly na ang pamilya ni Jin ang nagmamay-ari ng coffee shop na 'yon. Hindi niya lang ito nakikita noon dahil sa kabilang University ito nag-aaral. Nakita siya nitong tumakbo sa lugar na 'yon kaya sinundan siya nito. Nalaman din niyang nasa kulungan na ang dalawang nagtangka sa kaniya. 

Nagpapasalamat siya ng sobra sa binata.

Biglang nag-ring ang cellphone niya. Sinagot niya ang tumatawag.

"Hello?"

"Hi, Holly. Good morning," sabi sa kabilang linya.

"Jin?"

Bahagyang itong tumawa. "I want to invite you over for a dinner. Hindi pa tapos magcelebrate ng anniversary ang parents ko. Masyado nilang mahal ang isa't isa." 

"Sige," nakangiti niyang sagot kahit hindi naman nakikita ng binata.

"Talaga?"

"Oo naman. Sige, see you later."

"See you later." 

Hindi niya ito matatanggihan. Bilang pasalamat na rin. 

Panay ang naririnig niyang bulong ng mga estudyante na habang naglalakad siya papunta ng kanilang school building. At kapag titingnan niya ang mga ito ay umiiwas ng tingin. Ang iba ay lalayo kapag malapit lang ang distansiya mula sa kaniya. At kahit hindi niya maintindihan ang mga sinasabi ng mga ito ay sigurado siyang siya ang pinag-uusapan ng mga ito. Ano bang problema nila? 

Tumatakbong lumapit sa kaniya si Liza. "Just don't mind them Ate Holly. Hindi totoo ang sinasabi nila."

"Huh?" Hindi niya maintindihan ang sinasabi nito. "Hindi kita maintindihan."

"Basta, h'wag mo na lang silang pansinin. Kapatid ka namin okay?" 

Pagkasabi no'n ay iniwan na siya nitong naguguluhan. Ano bang sinasabi no'n?

Hanggang sa locker room ay panay rin ang bulungan. At mukhang alam na niya kung bakit.

Sa pinto ng locker niya ay may nakasulat. 

AMPON!

Nilingon niya ang mga estudyanteng nasa loob. "Who did this?" Tiningnan niya isa-isa ang mga mukhang nandoon. Ang iba ay umiwas ng tingin, ang iba ay parang walang narinig at ang iba naman ay mahinang nagtatawanan. 

"You," turo niya sa grupong nagtatawanan.

"Y-yes?" 

"You knew who did this."

Nataranta ang babae. "H-hindi ah, nakita na lang namin y-yan." 

Siniringan niya ito at binuksan ang locker, ngunit laking gulat niya nang mag-alpasan sa mukha niya ang maliliit na bolang nasa loob nito. 

"What the hell?" 

Nagtawanan na naman ang nasa paligid. 

"I don't want to say anything but... she looks funny." 

"Biruin mo 'yon? Ampon lang pala siya." 

Nagpigil siya ng galit para hindi masugod ang mga ito. 

Bumuga siya ng hangin at malakas na isinara ang kaniyang locker. Mabibigat ang mga hakbang niyang naglakad palabas.

Mararahas ang hingang pinakakawalan niya hanggang sa makapasok sa classroom. Wala silang idea kung gaano nakaapekto sa kaniya ang salitang 'yon. Gusto niyang manapak. Walang mapaglagyan ang nararamdaman niyang galit na kung para saan ay hindi niya alam. Siguro ay dahil posible 'yon, posibleng totoo. 

Napamura siya sa isip. Naiiyak rin siya ngunit hindi naman niya alam kung bakit. Basta't purong galit ang nararamdaman niya. 

Hanggang sa dumating na ang teacher nila para sa first subject, ngunit hindi niya magawang mag-focus. 

"Miss Rewis? Are you okay?" tanong nito sa kaniya. "You look pale."

"I'm okay, Miss." 

"If you are not feeling well, I will ask Amy to accompany you to the clinic. Magbibigay din ako ng long quiz at exempted ka naman doon. P'wede kang magpahinga." 

Tumayo siya at napipilitang ngumiti. "I can go alone, Miss. Salamat po." 

Lumabas siya ng classroom at tahimik na naglakad papunta sa library. 

Umupo siya sa lapag. Hindi siya nakikita dito dahil sa mga book shelf. Kakaunti lang din ang nasa library dahil oras ng klase. 

Pinakalma niya ang sarili sa pamamagitan ng pagbuntong-hininga maya't maya.

"Are you okay?" 

Isang lalaki ang lumapit sa kaniya. "You're Holly right?" 

Nakuha nito ang atensiyon niya kaya tiningala niya ito. "Oo."

"Ayos ka lang?"

"Oo." 

"Namumutla ka." 

Malakas na naman siyang nagbuntong-hininga. Hindi talaga siya nakakaligtas sa paningin ng mga ito. Ngayon niya na-realize na  hindi rin pala madali ang maging anak ng isang big time CEO, hindi madali ang mabuhay ka sa mayamang pamilya, marami ang nakamasid at mukhang interesado palagi sa buhay mo. 

At ang lalaking 'to ay alam niyang anak ng isa sa mga kasosyo sa negosyo ng kompanya kung saan ang ama niya ang CEO. Sa palagay niya ay ahead siya dito ng isa o dalawang taon. Labing-walong taon na kasi siya at siya lang yata ang pinakamatanda sa buong fourth year.  Hindi sa bumabagsak siya, sabi ng parents niya ay nagkaroon siya ng malubhang sakit noong bata pa siya kaya hindi agad na-enroll sa School.

"I heard the issue, but I don't think so. Kamukhang kamukha mo kaya ang Papa mo." 

It's a lie. Dahil kahit saang anggulo niya tingnan ay wala siyang nakuha miski isang katangian mula sa Papa niya. That is why she doubt it. At hindi niya matanggap ang posibilidad. 

Pinilig niya ang ulo para mawala ang mga iniisip. Maybe, mayroon lang naninira sa kaniya at pinagugulo ang isip niya. Dapat hindi siya magpaapekto sa mga ito, pero talagang apektado siya.

Tahimik lang siya buong oras habang pilit na itinutuon ang atensiyon sa pagbabasa. Ang lalaki naman ay ganoon din, tahimik lang na nakaupo sa tabi niya. 

"Kailangan ko nang bumalik sa room. Thanks for the company." 

Ibinalik na niya sa bookshelf ang libro at nauna na ng lumabas. Sa rooftop siya dumiretso. Sa afternoon class na lamang siya aattend. 

Mabagal ang oras para sa kaniya. Pakiramdam niya ay bente-kwatro oras ang maghapon, napakabagal.

Hanggang sa dumating ang huling subject nila sa hapon. 

"I will group you into 5 groups. And to make it fair, kailangan niyong bumunot ng numbers. " Anunsiyo ng teacher nila sa history at inilahad nito ang maliit na open box sa kanila na may mga nakatuping papel.

Inisa-isa silang lapitan nito. 

"Now, find your groupmates." 

Nagsikilusan na ang mga kaklase niya at kaniya-kaniya nang puntahan sa mga kagrupo. Tiningnan niya ang papel na hawak... at kung minamalas ka nga naman.

"Hey, Holly? So we are groupmates?" ani Amy at inakbayan pa siya nito. 

"Yeah, at ang malas 'di ba?."

"W-what did you just say?" pigil ang inis nitong sabi at palihim siyang tiningnan ng masama.

"You heard it."

Inilapit nito ang bibig sa tainga niya. "Pasalamat ka, andito tayo sa loob."

"Bakit? Natatakot kang ilabas ang sama ng ugali mo dito?" 

"Shut up!" 

Nagsilingunan sa kanila ang mga kaklase.

"May problema ba d'yan Miss Cortez?"

"Nothing Miss," sagot naman ni Amy. 

"So what you are going to do is to research anything that happened in the history. You can use books, movies, anything na masasabi mong naging bahagi ng historya. Gagawan niyo ito ng report. Just by friday, kailangan niyo itong i-present, maliwanag ba?"

"Yes, Miss." 

Matapos ang ibinigay na assignment sa kanila ay idinismiss na sila nito.

"So big time."

Narinig ni Holly ang mapang-asar na boses ni Amy sa kaniyang likuran, nagsisimula na naman ito.

"Akalain mo nga naman, na ang isang nagmamaganda at may napakagarang kotse ay ampon lang pala." Pinakadiinan pa nito ang salitang ampon.

Nilingon niya ito at walang kabuhay-buhay na tiningnan. "Do you really think it's me?"

"What?" 

 "Ako ba ang nagmamaganda dito o ikaw?"

Umawang ang labi nito dahil sa sinabi niya. "What did you say?Ako?" 

"Oo. At h'wag mong sabihin na nagmamaganda ako dahil ang totoo, maganda talaga ako." Nginisihan niya ito at bahagyang inirapan. 

"Ang kapal naman ng mukha mo. Ampon ka lang naman!" 

"So? Hindi no'n mabubura ang katotohanang maganda ako." Itinago niya ang nararamdamang galit sa pamamagitan ng pang-aasar. Malaki talaga ang epekto sa kaniya ng salitang 'yon. Buong sistema niya ay apektado.

"Ang yabang mo," nanlalaki ang matang sabi nito.

"P'wede ba Amy, can't you just shut up and leave me alone? Masyado mo ng kina-career ang pagbubuntot sa'kin. Masyado kang interesado sa buhay ko at hindi na nakakatuwa." Nawawalan na siya ng pasensiya sa babae. At kung magsasalita pa ito ng hindi niya magugustuhan ay kusa ng lalapat sa mukha nito ang nangigigil niyang palad.

"Nagmamatapang ka na ngayon ah, hindi ka na ba nadala?" 

"And what? Ipapabugbog mo ako?Napaka-isip bata mo." Siniringan niya ito at saka tinalikuran.

"Anong sabi mo?!" 

Itinaas niya ang kanang kamay at mapang-asar niyang ikinaway. At sa mga oras na ito ay nasisigurado niyang umuusok na ang ilong nito sa galit. 

"Ah! Bitch!"

Nang makapasok sa kotse ay doon pa lang niya inilabas ang galit na nararamdaman. Gusto niyang manapak. 

"Arrgghh!"

Inis niyang pinaharurot ang kotse nang makalabas na ng campus.

 Tumigil siya sa park, malapit lang sa AC. 

Pinuno niya ng hangin ang baga at malakas na ibinuga pagkatapos, paulit-ulit. Mababaliw na yata siya sa dami ng mga iniisip. At paulit-ulit ring pumapasok sa isip niya ang salitang ampon na siyang lalong nagpapabigat ng kaniyang loob.

"Ahh!" mahinang sigaw niya.  

Namumula ang mga mata niyang tumingala, paraan niya para hindi tumulo ang nagbabadyang mga luha. Una ay ang kaniyang Mama at ngayon ay siya. Hindi pa nga niya nalalaman ang katotohanan at ngayon ay pati ang sarili niya. 

Napapailing na lamang siya sa sobrang hinanakit na nararamdaman para sa Papa niya.

Nanatili lamang siya doon hanggang sa kumalma ang sarili. Inabot din siya ng ilang oras at dumidilim na rin. 

Sumakay na siyang muli sa kotse at dumiretso sa AC. 

"Vodka please." 

Hindi ba nakakatawa ang buhay niya? She almost have everything but suddenly, biglang nawala sa kaniya ang lahat. Maganda siya, may pera at may magarang kotse pero hindi siya masaya. 

Pagak siyang tumawa. 

"Here's your vodka, Ma'am" 

Kinuha niya ang baso at diretsong nilunok ang laman. "Isa pa." 

Sunod-sunod siyang nag-order. At ang barista ay walang magawa kundi bigyan lamang siya ng bigyan.

"Isa pa." 

"Pero nakakarami na kayo, Ma'am."

Sinamaan niya ng tingin ang barista. "Bar ba ito o hindi?" 

Alam niya sa sariling tinatamaan na talaga siya. Nahihilo na pero gusto pa niyang uminom. Gusto niyang mamanhid ang katawan, baka sakaling hindi niya maramdaman ang nasasaktan niyang puso.

"Ampon pala hah? Ha!" singhal niya at diretso na namang nilagok ang alak. Matapos ay tumayo siya at sumururay na hinanap ang daan papuntang cr. 

Humarap siya sa salamin at sinapo ang magkabilang pisngi nang makapasok. "Bakit ba kasi ang ganda mo, 'yan tuloy nagagalit sila sayo, hehehe."  Mahina niyang sinampal-sampal ang pisngi. "Bakit kaya galit na galit si Amy sa'yo?" 

Patuloy lamang siya sa pakikipag-usap sa sariling repleksiyon sa salamin nang may babaeng tumabi sa kaniya. 

Naghugas ito ng kamay at tumingin sa kaniya sa salamin. "May dalawang dahilan kung bakit galit sayo ang isang tao, nagawan mo ng mali o kaya'y naiinggit sayo." 

Namangha siya sa sinabi nito. "Tama ka d'yan, hehehe." 

"Maganda ka at pang-model ang katawan, kaya naman hindi imposibleng kainggitan ka," sabi pa nito at tuluyan na siyang iniwan.

Naiwan siyang nakanganga habang nakatingin sa sumaradong pinto. "Ang cool niya." 

Nang matapos gumamit ng banyo ay lumabas na rin siya. Habang tumatagal ay mas tumatalab na ang tama ng alak sa kaniyang katawan, kaya naman mas sumuray pa ang paglalakad niya. 

May nasagi siyang tao. 

"Ano ba!" sigaw ng babae. 

Nahihilo niya itong tiningnan at inaninaw ng maigi. Nakapulupot ang mga braso nito sa lalaki at dikit na dikit ang mga katawan. May ginagawa sigurong kababalaghan ang mga ito kaya naman laking galit nito sa kaniya dahil naudlot nang matabig niya. 

Matabang siyang ngumiti. "S-sorry ha? Madilim kasi kaya hindi ko kayo napansin, hehehe." 

Kita niya ang pag-irap nito sa kaniya, pagkatapos ay bumalik na sa pakikipaghalikan.

Nailing na lamang siya at parang baliw na sumigaw, "let's party!"

Sumasayaw-sayaw siya habang papalapit sa dance floor. Umiikot-ikot kahit nahihilo. "Ang saya--opps!"

May nabangga siya at tumapon ang alak dito. Kita niya ang matalas nitong tingin sa kaniya. At naaamoy na niya ang away.

"P'wede bang tumingin ka naman sa paligid mo?!" sigaw nito sa kaniya habang pinapagpag ang manipis na suot na damit na natapunan ng alak. 

"Masyado akong masaya kaya hindi kita napansin," sagot naman niya.

Mas tumalim pa ang tingin nito sa kaniya. "You're Holly right?"

"K-kilala mo ako?"

"Hindi ko makakalimutan ang mukha ng babaeng umagaw sa boyfriend ko." 

Namilog ang mata niya at tatawa-tawang nagsalita, "anong umagaw? Baliw ka ba? Hindi nga kita kilala eh."

"Shut up!" Humalukipkip ito at inilapit pa ang mukha sa kaniya. "Jin and I broke up, and that's because of you!"

"W-what? Ano bang sinasabi mo? Wala akong kinalaman sa inyo. K-kaya p'wede ba? Tumabi ka. Gusto kong sumayaw." Bigla siyang nakaramdam ng inis sa babae. Ayaw niyang pinagbibintangan. Inaano ba niya si Jin? Tss...

"H'wag mo akong tinatalikuran, hindi pa ako tapos." Hinila siya nito sa braso at nasaktan siya sa paraan nito ng paghila. Medyo bumaon ang mahahaba nitong mga kuko sa balat niya.

"Bitiwan mo nga ako!" Hinila niya ang brasong nasaktan. "P'wede ba? Wala akong inaagaw sa'yo. Jin is a friend, naiintindihan mo?" Inirapan niya ito at tinalikuran. Ngunit bago pa siya makahakbang ay hinila na nito ang buhok niya. At sa sobrang lakas ay napaupo siya sa sahig.

Naghurumintado ang loob niya. Hindi na yata matatapos ang araw niya nang hindi nakikipag-away.

Pilit siyang tumayo kahit nahihilo. "Ano bang problema mo? Sinabi ko na nga sa'yo na kaibigan ko lang s'ya? H'wag mong ibintang sa'kin ang hindi ko naman ginagawa!"

Pak!

Sinampal siya nito.

"Nakakadalawa ka na ah!" sigaw niya at malakas itong itinulak. At katulad niya kanina ay napaupo rin ito sa sahig. 

"How dare you?!" sigaw din nito sa kaniya.

"How dare me? How dare you!" Sinunggaban niya ito at sinabunutan. Ang mga tao naman sa paligid nila ay animong nanonood ng sabong. Malakas pang naghihiyawan. Pinalilibutan sila ng mga ito kaya naman walang lumalapit sa kanilang bouncer para umawat. Malakas din ang tugtog kaya hindi mo malalamang may nagsisigawan.

"Bitiwan mo ako!" 

At dahil siya si Holly ay binitawan nga niya ito. "Ang lakas ng loob mong maghanap ng away, makikiusap ka rin naman pala, " mayabang na sabi niya.

Nagsigawan ang mga nanonood na parang may nanalo na sa mga manok.

"Ha! Ang yabang mo!" Tumayo ito at akmang susugurin din siya nang may pumagitna sa kanilang bouncer.

Siniringan niya ang mga ito at nakipagsiksikan na sa mga tao palabas. Nagbayad lang siya ng bill at lumabas na ng bar na 'yon. 

"Ha ha ha!" parang baliw niyang tawa na napalitan din ng iyak maya-maya. 

Masyado ng masakit ang puso niya at bawat araw ay nadadagdagan pa. Aakusahan siya ng bagay na hindi naman niya ginagawa. Nagpapatawa ba ang mundo sa kaniya?

Pinahid niya ang nabasang pisngi at kinuha ang cellphone sa pouch niya nang mag-vibrate ito. 

"H-hello?" bungad niya.

"Holly?" 

Tiningnan niya ang number sa screen. "Sino ba 'to?"

"Holly, where are you? It's me, Jin." 

"Ah, ikaw pala, hehehe."

"Lasing ka ba?" 

Naglakad siya papalapit sa kotse. "H-hindi no, bakit ka napatawag?"

Dinig niya ang pagbuntong-hininga nito sa kabilang linya. 

"I invited you over for a dinner right? Pumunta ako sa inyo kanina pero ang sabi ay hindi ka pa umuuwi. Are you okay?" 

Inimbitahan nga pala siya nito. Hindi niya naalala. Masyadong okupado ang isip niya ng ibang bagay. "Ah, s-sorry ha---" 

Naputol ang sasabihin niya nang maramdamang parang may mabilis na dumaan sa likuran niya.  

                           ✖-✖-✖-✖

Mula sa madilim na parte ng lugar hindi kalayuan sa kinatatayuan ni Holly, binalingan ni Khalil ang nakatumbang si Tyron.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Angel
oh! he's really strange!
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status