Share

Chapter 4

#Let's Divorce

“Nagkita pala kayo kanina ng ex mo sa ospital?” 

Nang makapasok ako sa bahay at habang nagtatanggal na rin ako ng sapatos, hindi ko agad napansin na nasa mahabang upuan pala si Mike habang mag-isa siyang umiinom ng alak doon. Most of the time kasi ay mas nauuna ako sa kanya na umuwi since madalas siyang ginagabi sa school sa rami ng mga papel ng mga estudyante niyang kailangang tapusin.

“Si Morgan ba?” natatawa kong tugon. Hanggang ngayon pa rin pala ay iniisip ni Mike na ex-boyfriend ko si Morgan. “Kaibigan ko nga lang ‘yong si Morgan. Tiyaka nagkataon lang din na nagkita kami kanina sa ospital since dinalaw niya ‘yong lola niya. Inatake nga raw sa puso.”

“Nasa ibang bansa siya, ‘di ba?” Hindi pa rin nakikipag-eye-contact sa akin si Mike. Sa baso ng alak lang nakapako ang mga mata niya. “Babalik ba siya ulit doon? Gaano katagal naman siya magse-stay rito sa Pinas?”

“Hindi ko naitanong ‘yong tungkol d’yan kanina-”

“Halos isang oras kayong magkausap kanina sa cafeteria, ni hindi mo man lang naitanong sa kanya ‘yong tungkol d’yan? Bakit? Ano bang pinag-usapan n’yong dalawa?” Ngayon ay nanghahamon ang mga mata niya na pumalag ako sa kanya at magsabi ng totoo. “Asawa mo ako kaya curious lang ako. Nakikipagbalikan ba siya sa iyo?”

“Ano bang pinagsasasabi mo, Mike?!” Hindi ko na na-control pa ang boses ko na magtaas dala ng inis ko sa asawa ko. Hinihiling ko sanang nanonood ng movie sa kwarto niya si Gian para hindi niya kami marinig dito. “Sana naririnig mo pa ‘yang mga sinasabi mo ngayon. Kasi hindi ko na alam kung hanggang kailan ko ba kailangang ulitin sa iyo na wala ngang something sa amin ni Morgan simula noon, at mas lalong imposible namang magkaroon ngayon!” mariing sambit ko. 

Mababaw lang ang luha ko kaya kaunting pintig lang sa puso at nararamdaman ko, magiging emosyonal na ako. Hindi ko kasi kinakaya ‘yong mga nagiging pangdududa ni Mike sa akin. Sa lahat ng tao, ako pa talaga ‘yong paghihinalaan niya na nangangaliwa sa aming dalawa?

“Ikaw naman ang tatanungin ko ngayon.” Hinablot ko sa kamay niya ang baso na may alam na sana ay iinumin niya na. Just to gain his attention, wala munang alak. “Sino ‘yong babae? Anong relasyon mo sa kanya?”

“Sino?” Magkasalubong ang kilay niya na nagtanong. “Ako naman ang gagawan mo ng kwento para maging masama ako? Andrea, gusto mo na naman bang mayroon tayong pag-awayan-”

“Hindi ako gumagawa ng kwento. Hindi pagdadahilan ito para makalusot ako, Mike. Kasi kitang-kita ng mga mata ko mula sa second floor ng ospital na mayroon kang babae, na mas bata ang mukha sa akin, na inihatid sa kotse niya. Hinalikan ka pa nga niya sa pisngi, ‘di ba?” Hinuli ko ang mga mata niyang pilit umiilag mula sa akin. “Sino ‘yon, Mike?”

“What are you talking about? Hindi ko alam ‘yang sinasabi mo, Andrea. Bakit ba gustong-gusto mong isipin na nangangaliwa ako? Gumagawa na lang yata ng imaginary scene ‘yang utak mo para lang mapatunayang nambababae ako kahit na hindi naman, e!”

“Kilala ko ‘yong babae. At sure ako na hindi imahinasyon ko lang ang nakita ko kanina, Mike,” may diin na sambit ko. “Naging pasyente ko kanina ang babaeng ‘yon. Takot na takot siya. Alam mo kung bakit?”

Hindi siya nagsalita. Kinuha niya na lang muli ang baso na nakapatong sa lamesa at sinalinan iyon ng alak, tiyaka niya ito diretsyong tinungga nang isang tauban lang.

“Natatakot siyang malaman na buntis siya. Kasi ang mas ikinakatakot pa ng dalagita na ‘yon, ayaw niyang malaman ng mga magulang niya na nabuntis siya ng isang lalaking pamilyado na pala.” 

Ang sabi ko kay Kath kanina ay gusto kong maniwala sa pinaninindigan ko, na baka walang malisya ang mga nakita ko at gusto kong pakinggan muna si Mike kung paano niya ipagtatanggol ang sarili niya sa akin. Pero sa nangyayaring eksena ngayon, mas lalo niya lang pinatutunayan sa akin na tama ang mga suspetsya ko. Na ang maging desisyon ko ngayon ay manatiling pagdudahan siya. Kasi ni hindi man lang niya magawang tingnan ako sa mga mata, e. Kanina pa ilag ang mga tingin niya sa akin. Sa tuwing kinukwestyon ko siya tungkol doon sa babae, ang palagi niya lang sagot sa akin ay gumagawa ako ng kwento. Na gumagawa ako ng dahilan para mag-away kami at sumama ang loob ko sa kanya.

“Kaya ako agad ang naisip mo-”

“Hindi lang naman ‘yon ang tinitingnan kong dahilan, Mike! Paulit-ulit na lang ba tayo rito?” Gigil na gigil na ang boses ko kasi para bang nahihirapan siya na intindihin ang point ko. “Let’s say hindi kita nakita na kasama mo ang babaeng ‘yon at hinalikan ka pa niya sa pisngi, hindi naman ako magdududa na baka may something sa inyo. Kaso nakita nga ng dalawang mata ko, Mike! Nakita ko kayo! Kaya mas lalong tumibay ‘yong pundasyon ng pagdududa ko kasi hindi ko malaman kung anong dahilan bakit kayo nagkakilalang dalawa? Kung paano? Kung ano ba ang relasyon mo sa kanya? O baka naman ikaw rin ‘yong tatay ng anak no’n?”

Bahang-baha na ng luha ang pisngi ko. Hindi ko kayang tanggapin kung ngayong gabi man na ito ay aminin sa akin ni Mike na lahat ng suspetsya ko sa kanya ay totoo. Feeling ko… hindi ko kakayanin. Baka mag-collapsed ako.

“Andeng-”

“Totoo ba ang mga pagdududa ko sa iyo?” Hinampas ko palayo ang mga kamay niya sa akin nang tangkain niya akong hawakan. “Kasi kung totoo lahat… mabuti na rin sigurong mag-divorce na rin tayong dalawa.” 

Wala nang patumpik-tumpik, kailangan kong dumiretsyo na sa punto hangga’t maaari. Alam kong hindi ito ang unang beses na hinamon ko ng hiwalayan si Mike, pero this time… hindi ko na talaga kaya. Ayoko namang manatili nga ang relasyon naming dalawa bilang mag-asawa habang siya ay mayroong baby na pinananagutan sa ibang babae. Hindi ako nag-asawa para lang magkaroon ng kahati.

“Tell me you’re not serious about this, Andrea.”

“Bakit hindi?” Nagngangalit sa galit na tinapunan ko si Mike ng tingin. “Hindi mo lang alam pero matagal na akong pagod sa relasyon nating dalawa. Hindi ko pinangarap na maikasal para lang ibuno ang sarili ko na magduda kung may babae ka ba o wala. Hindi ko deserve ito, Mike… kasi all along, naging honest ako sa iyo!” 

Marahas na pinahid ko ang panibagong batch ng luha na tumulo. “Kaya ayoko na. Hindi ko na kaya pang magbigay ng another chance. Mag-divorce na lang tayo, Mike.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status