Share

Chapter 7

Pawis na pawis kami nang makarating kami sa aming classroom. Buti na lang at wala pa 'yung prof namin.

"Guys, inamag na 'ko kahihintay sa inyo kanina sa ilalim ng punong mangga. Akala ko hindi na kayo papasok kaya nauna na 'ko sa inyo rito. Ano bang nangyari at mistulang pagod na pagod kayo? Saan kayo nanggaling?" bungad ni Gela sa harapan namin habang nakapameywang pa.

Kinuha ko na muna saglit ang aking panyo sa may bulsa at saka pinunasan ang mga tumatagaktak kong pawis sa mukha't leeg. Hindi pa nga tapos ang huling klase, pagod na pagod na 'ko. Nakakahiya sa prof namin saka sa mga kaklase ko na ang dugyot kong tingnan.

"Sorry, Gela. Galing kasi kami sa gymnasium kanina. Hindi namin namalayan ni Rosanna 'yung oras kaya para kaming hinabol ng limang aso kung makatakbo patungo rito," sagot ko.

"Ops, hindi lang 'yon. Bago kami tumungo sa gym, stalker mode kami kanina kay Mr. Maskels kaso naudlot 'yung balak namin nang pagalitan kami no'ng isang prof sa hallway. Nakakahiya, para kaming mga bata na pinapangaralan," segunda naman ni Osang.

Napasapo na lamang si Gela sa kaniyang noo matapos marinig 'yon. "Naku, na-imagine ko 'yung mga itsura n'yo habang pinapagalitan..." aniya sabay pakawala ng bahagyang tawa.

"Ang laking hiya talaga namin kanina. Dulot ng disappointment dahil hindi namin nasundan si Mr. Maskels, tumungo kami sa loob ng gym. Doon nga, nakapulot kami ng panibagong kaligayahan," kuwento pa ni Osang habang nagniningning ang kaniyang mga mata.

Tila ba hindi naniniwala si Gela sa mga tinuran ni Osang pero kalaunan naniwala rin naman. "Ang sabihin n'yo, nakapulot na naman kayo ng panibagong crush. Kumusta naman 'yung mga boylet do'n?" mapang-usisa niyang tanong.

"Ay, trulala. Karamihan naman sa mga basketball player e hot at masarap. Bukod kay Mr. Maskels, fan na rin ako ni #14! Oh em, nadagdagan na naman ng rason para pumasok ako araw-araw," ani Osang. Naitakip na lamang niya ang tangan na notebook sa kaniyang mukha dulot ng kilig.

"Agree," segunda ko pa.

"Sino naman ang napulot mong panibagong inspirasyon, Juness? Hindi ako maniniwala kapag sinabi mong wala. Iba ang hilatsa ng mukha mo, e, tiyak na mayroon din," saad pa ni Gela.

Nang dahil do'n, naalala ko na naman si #22. Feeling ko, hindi akala makakapag-concentrate sa klase dahil siya na ang tumatakbo sa isipan ko. Pinaalala pa kasi ni Gela...

"Ako na ba ang magsabi kung sino?" excited na sambit Osang.

"Hinaan mo 'yung boses mo, naririnig tayo ng mga kaklase natin," pagsuway ko dahil medyo napapalakas ang kaniyang boses.

"Hindi ko naman siya crush no'ng una pero may tila ba kabayo ang tumakbo sa puso ko kaya feeling ko, crush ko na siya. Si number---" hindi ko na natapos pa ang aking sasabihin dahil dumating na ang prof namin. 

Chemistry pa naman ang last subject namin kaya nakakaantok. Samahan mo pa na papagabi na kaya mas lalo akong hindi ginaganahan. Hirap na hirap pa naman ako dahil hindi ko saulado 'yung table of contents.

Umayos na kaming tatlo upang makinig kay Ma'am Ranillo. Matandang dalaga kasi 'yung prof namin kaya medyo strikta. Hindi na muna kami nagpasaway na tatlo at mabait kaming nakinig sa itinuturo niya.

Lumaon ang oras at natapos na rin sa wakas ang klase. Hindi nagpatinag ang prof namin at talagang sinagad niya hanggang 8pm. Para kasi sa kaniya, importante ang oras kaya ho lang siya nang go sa pagtuturo. 

"Medyo sumakit ang ulo ko ro'n, ha. Feeling ko pahihirapan na naman niya tayo sa exam," ani Osang habang nag-aayos ng kaniyang gamit.

"Hindi malayo, 'yung mga long quiz nga niya sa 'tin nakakatuyot na ng utak. Paano pa kaya sa midterm exam?" saad naman ni Gela.

Syaks, ang bilis talaga ng panahon. Next week, midterm exam na. Hell week na para sa aming mga estudyante. Pukpukan ng brain cells talaga ang magiging ganap.

Sabay-sabay na kaming bumaba. Gabi na at nasa 5th floor pa kami. Wala pa namang elevator sa school kaya no choice kundi dumaan sa hagdan. Ito pa 'yung isa sa nagpadagdag pagod sa 'min kanina, ang taas ng inakyat namin habang tumatakbo. Minsan, may feeling pa na papasok pa lang kami pero mukhang pauwi na itsura namin dahil nakaka-haggard 'yung pag-akyat dito sa 5th floor. 

Pagkarating namin sa baba, agad na may ipinaalala sa 'kin si Gela. "Juness, ituloy mo na 'yung kuwento mo kanina," sambit niya habang nakangiti nang nakakaloko.

Napangiti na lamang ako nang manumbalik ang mga alaala kanina. "Heto na..." saad ko.

Ikunuwento ko 'yung mga naganap kanina sa loob ng gym. 'Yung rate namin ni Osang kina #14 at #22. 'Yung description nila para ma-imagine ni Gela 'yung mga bago naming kinahuhumalingan at marami pang iba.

"Zerudo pala ang apelyido ni Mr. #22. Nice, maganda, ah. Kung magkatuluyan man kayo, hindi ka na magiging Pilapil," komento ni Gela. Nagkatinginan pa sila ni Osang bago napabunghalit ng tawa.

Pareho ko silang nahampas sa magkabilang braso dahil inuusig na naman nila ang apelyido ko. Hindi ko naman ikinakahiya na isa akong Pilapil, proud pa ako kasi apelyido 'yon ni Papa.

"Ikaw, Osang? Kung magkatuluyan kayo ni Mr. #14, ano magiging apelyido mo?" pagsingit ni Gela.

Napaisip akong bigla... oo nga, hindi ko rin napansin 'yung apelyido niya dahil sa sobrang pagpopokus ko kay Zerudo. 

"Ay pusang gala! Hindi ko alam! Nakalimutan ko 'yung apelyido niya dahil sa jersey number nila ang ginagawa naming basehan na tawag kanina!" naghuhuramentadong sagot ni Osang.

"Pero sa pagkakatanda ko... letter Y ang simula no'n, e. Juness, naaalala mo ba?" dugtong pa niya.

"Sorry, girl, hindi ko napansin, e. Alam mo naman, todo cheer ako kay Zerudo." Bahagyang nalungkot si Rosanna nang dahil do'n.

"Cheer up, malalaman din natin 'yon. Makikita pa naman ulit natin sila sa gym sa susunod," pahayag ko pa. 

"True, mukhang sikat din sila sa campus kaya hindi tayo mahihirapan na alamin ang mga pangalan nila," ani Gela.

"Mukhang matinding research ang gagawin natin para kina Mr. #14 at Mr. #22. Hindi ko talaga palalagpasin 'to," saad ni Osang.

"Alright! Makakaya natin 'to, guys! At 'di lang 'yon, hahanapan din natin ng panibagong inspirasyon si Gela. S'yempre, hindi lang dapat tayo ang mayroon," turan ko sabay kindat sa kanila.

"Ay, bet!" segunda ni Gela at naghagikgikan kaming tatlo.

Walking distance lang mula sa school ang dorm nila Gela kaya hindi na siya mahihirapan na bumiyahe. Magkahiwalay ang daan namin ni Osang kaya magkaibang jeep ang sinakyan namin.

Habang lulan ako ng jeep, napukaw ng atensyon ko ang lalaking naka-jersey shorts sa 'di kalayuan, malapit siya kay Manong driver. Naalala ko tuloy 'yung laban ng CoA at CBA kanina. Sino kaya ang nanalo?

"Girls, ang galing talaga ni Yatco kanina. Pero magaling din naman si Zerudo, 'yon nga lang... hindi niya na-block 'yung huling shoot ni Yatco kaya natalo sila," sambit ng isang babae sa may tapat ko.

Tatlo silang magkakaibigan, base sa ID lace nila, mula sila sa College of Education. Mukhang 'yung practice game ang pinag-uusapan nila kaya nakinig ako.

"Ang intense kaya ng laban, 81-79 ang final score. Take note, practice game pa lang 'yon. Paano pa kaya kung magkatapat sila sa foundation week? Tiyak na sobrang init ng laban kapag nagkataon," ani no'ng babae sa may kanan.

"Ay basta, team CoA ako! Support lang kay Fafa Yatco," ani ng babae sa may kaliwa.

"S'yempre, sa CoA rin ako, nando'n 'yung boyfriend ko, e," sambit ng babae sa may tapat ko.

"Ang mahalaga, magkakaiba tayo ng sinusuportahan. Akin pa rin si Fafa Zerudo," saad ng babae sa may bandang kanan na tila ba kinikiliti ang kaniyang malunggay kung kiligin.

Medyo nainis lang ako sa kaniya dahil alam kong may karibal ako kay Zerudo. Pero expected naman na 'yon, maraming girls ang mahuhumaling sa kaniya. Pero nakakalungkot din, natalo pala sila kanina sa laban. Kung nandoon lang ako, baka naipanalo niya pa.

Matapos 'yon, naiba na ang kanilang usapan. Hindi na 'ko nakinig dahil hindi na 'ko interesado. Ang maganda lang, may nasagap akong magandang balita para kay Osang. Dali-dali kong kinuha ang phone ko at agad ko siyang tinext.

To: Osang

Girl, alam ko na apelyido ni Mr. #14! Ilibre mo kami ng fishball bukas, ispluk ko sa 'yo.

Pagka-send ko, ilang saglit lang ay nag-reply agad siya.

From: Osang

Kahit samahan mo pa ng kikiam! Sabihin mo na ngayon, hindi ako makakatulog kapag hindi mo sinabi!

Bahagya akong natawa nang mabasa ko ang text niya. Bilib talaga 'ko sa kaibigan kong 'to.

To: Osang

Thank you, prend! Yatco ang apelyido niya *insert heart emoji*

Wala pang isang minuto at tumunog na agad ang phone ko matapos niyang mag-reply.

From: Osang

Love you, Sis! The best ka talaga! Muwah! 

Ayan, makakatulog na nang mahimbing si Osang mamaya. Matapos 'yon, isinilid ko na ulit ang phone ko sa aking bag. Habang inililibot ko ang aking paningin dito sa loob ng jeep, napansin kong nakatingin sa 'kin si Manong sa may salamin. Ngayon ko lang napagtanto na hindi pa pala ako nagbabayad ng pamasahe. Dali-dali akong dumukot ng 8 pesos sa loob ng aking bulsa sabay abot sa aking katabi.

"Manong, bayad po," saad ko.

Nang makuha na no'ng driver ang bayad ko ay nakahinga na 'ko nang maluwag. Nakakahiya sa kaniya, baka isipin niya'y may balak pa 'kong mag-123, 'di ko naman gawain 'yon.

Pagkarating ko sa bahay, naabutan ko si Januarius na pinapagalitan ni Ate Aprilyn.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status